"Alam mo, masuwerte ka sa mga kamag-anak, ano?" tanong ni Kristine kay Michelle habang naglalakad sila sa loob ng isang mall.
Pagkatapos ng kanilang aksidenteng pagkikita noong nag-treat siya ng dinner kay Julius ay nagkasundo silang magkaibigan na magkita muli. Naging busy kasi ito sa bago nitong sideline mula noong pekeng kasal nila ni Diego, bilang make-up artist.
Ipinaskil nito sa social media ang before at after na ayos sa kanya. Marami na ang nag-inquire dito tungkol sa bridal at debut packages, o kaya ay make-up lang na home service.
Mas malaki ang kinikita nito ngayon sa sideline kaysa sa kinikita nito sa teatro. Pero ayaw pa rin nito iwan ang trabaho, kasi mahal talaga nito ang ginagawang pag-arte.
Masaya siya para sa kaibigan, kasi magaling naman talaga ito mag make-up at mag-ayos ng buhok na kinagigiliwan nitong gawin.
Noong aksidente silang nagkita sa mall, sumingit lang ito ng shopping para sa supplies kasi may sideline ulit ito na wedding. Buti ngayon ay may panahon na ito para makapag catch-up naman sila.
"Bakit naman?" tanong niya.
"'Di ba sabi mo may tita ka na nag-aalok ng property sa iyo?" tanong nito pagkatapos i-alis ang tingin sa display window ng isang boutique.
Ang tinutukoy ng bff#1 niya ay tungkol sa isang property na maganda ang lokasyon. Malapit iyon sa tatlong malalaking unibersidad na busy district din.
Pag-aari iyon ng tita-ninang Marlyn niya na bunsong kapatid ni mama Amanda. Tumandang dalaga pero may nakilalang foreigner na naging boyfriend nito pagkalipas ng ilang buwan. Nang ma-aprub ang fiancée petition sa tita-ninang niya ay ibinebenta na nito ang property sa pampamilyang presyo.
Nagkaroon ng reunion para despedida sa tita-ninang niya, at noon nabanggit ng mama niya na may condo unit nga siyang nabili sa isang pinsan, na ibinenta niya kailan lang.
Kung tutuusin, tumubo naman siya sa bentahan kasi maganda ang lokasyon ng lugar at nagkataon na naabutan siya sa pagtaas ng appraisal kaya mas mahal naibenta kaysa noong nabili niya.
Kaya tinanong siya ng tita-ninang Marlyn niya kung gusto ba niyang bilhin ang property nito. Baka daw maisipan niya mag negosyo balang araw kung pagod na siya mag call center agent.
"Pinag-iisipan ko pa eh. Ano'ng gagawin ko dun? Malapit nga sa universities, pero malayo pa rin sa work ko. Pauupahan ko lang din kung bilhin ko man? 'Di sana ganun na lang din iyong ginawa ko sa condo unit. Ayoko mag maintain ng paupahan, nakaka-stress din lalo na kung pasaway ang tenant mo.
"Kapag estudyante pa kinuha ko, transient lang iyon at paiba-iba. Masakit din sa ulo. Saka kapag nagdrama na wala pa silang allowance o pambayad ng renta, maaawa lang ako, baka hindi ko masingil. Malulugi lang ako," aniya.
"Tungik!" bulalas ni Kristine kaya mataray na napatingin siya sa kaibigan. "'Di ba gusto mo dati na makapunta sa iba't ibang bansa at makapag-blog tungkol sa travels mo?"
Nagtaas siya ng kilay. "Wala na ako balak maging vlogger, 'no! Batang pangarap lang iyon," aniya.
Hinawakan siya sa braso ng kabigan kaya tumigil siya sa paglalakad at hinarap ito. Seryosong nakatitig sa kanya ang kaibigan.
"Naalala mo nung high school may nabanggit ka sa akin?" tanong ni Kristine.
"Na ano? Maraming akong sinabi noon sa iyo," naiinip na tanong niya.
Gutom na kasi siya at papunta sila sa kakainan nilang restaurant. Before lunch kasi ang usapan nilang time na magkikita, eh na late ito kaya gutom na siya ngayon.
"Na gusto mo mag travel tapos mamimili ka ng mga puwedeng itinda, gaya ng mga damit at accessories. Naalala mo iyon? Para kamo hindi sayang ang pagpunta mo sa ibang bansa. Pleasure at business kamo. Bakit hindi mo tuparin ang pangarap mong iyon?" seryosong tanong ng bff niya.
Natigilan siya sa sinabi nito. Saka niya naalala na meron nga siyang sinabing ganoon sa kaibigan nung second year high school pa lang sila. May nabasa kasi siyang article sa isang magazine, tungkol sa isang babae na sa kahiligan mag-travel ay isinabay ang negosyo, RTW. Eh, pangarap nga niya ang mag travel.
"Ano'ng kinalaman noon sa property na inaalok ni tita-ninang?" tanong niya.
"Puwede ka magbukas ng online shop, o kaya ay gawin mong boutique iyong property, o kaya sabay. Online at may physical store ka rin," sagot ng kaibigan sabay taas-baba pa ng kilay.
Napangisi siya.
Habang kumakain sila ng lunch ay saka nila napag-usapan ng husto ang tungkol sa online shop. Tingin niya ay malabo pa ang boutique, kasi ay may trabaho siya.
"I-discuss ko muna kila mama at papa iyong suggestion mo. Magandang idea iyan kasi hinihintay din ni tita-ninang ang final decision ko bago niya i-alok sa iba iyong property niya. Okay lang din naman sa kanya ang hulugang bayad, basta may papasahan lang siya nung bahay," aniya.
"Buti ka nga eh naranasan mo na magkaroon ng sarili property, kahit na less than a year mo lang naging pag-aari iyong condo unit. Ako yata eh mukhang forever makikitira kay ate Chona," himutok nito.
"Eh 'di ba sa parents n'yo naman iyong bahay? So, hati kayo doon," tugon niya bago sumubo ng kinakain niyang sisig rice bowl.
Pinakbet naman ang ulam ng kanyang kaibigan, diet daw ito eh. Pero ilang piraso din ng lechon kawali ang nakapatong sa gulay. Hindi niya makita ang diet doon. Hehe!
"Oo, pero syempre iba pa rin iyong pundar mo talaga, kagaya ng ginawa mo."
Nahimigan niya ang lungkot sa tinig ng kaibigan. "Ikaw kasi, mahilig ka sa mga designer clothes, shoes, at bags, wala ka tuloy naiipon."
Tumigil ito sa pagnguya bago tumingin sa kanya. Nasapul niya yata.
"True. Iyan ang gusto ko kapag ikaw ang kausap ko eh. Wala ka rin preno, ano?"
Natawa siya sa tinuran nito. Pero kahit ganito sila mag-usap kung minsan, hindi naman sumasama ang loob nila. Bff nga eh.
"Nagsasabi lang ng totoo," aniya. "Pero kung iipunin mo ang lahat ng kinikita mo sa sideline na pag-me-make up, baka in no time ay makaka-ipon ka rin ng pambili ng property mo."
Tumango-tango ito bago ipinagpatuloy ang pagkain. Malapit na nilang maubos ang pagkain nila nang tila ay may naalala itong itanong sa kanya.
"Michie, sagutin mo ako ng totoo, ha," umpisa ni Kristine.
Naka-kunot ang noo na tinignan niya ang kaibigan. "Kailan ba hindi?" nanunuksong tanong niya.
Pinandilatan siya nito bago muling nagsalita. "May something ba sa inyo ni Julius? Nung nasa ice cream shop tayo, parang iba siya tumingin sa iyo eh."
Talagang ibinitin pa nito ang sinasabi at hinihintay ang kanyang reaksyon. Talaga naman. "Ano'ng iba?" curious na tanong niya.
"May lagkit eh," seryosong sabi nito.
Talaga? Gusto sana niya itanong iyon, pero buti na lang at napigilan niya ang sarili. "Ano'ng pinagsasabi mo? Malagkit? Ano iyon? Halaya o biko?"
Tinaasan siya nito ng isang kilay. "You know what I mean," sabi nito ng may katarayan.
"Sus! Kung anu-ano napapansin mo eh. Nagseselos ka kamo. Bff, hanggang ngayon ba naman eh crush mo pa rin si Julius?" kunwari ay dismayadong sabi niya.
"Obvious 'di ba? Nabuhayan sana ako ng loob nung nag ice cream tayo. Pero iba talaga ang pakiramdam ko sa tingin at pag aasikaso niya sa'yo eh. May pagka-dense ka nga kung hindi mo napansin."
Dumiretso siya ng upo at tinignan ang kaibigan. Napaisip tuloy siya at binalikan ang mga pagkakataon na nakasama niya si Julius. Parang hindi naman. Napa-praning na naman sa selos itong bff niya. Buhusan kaya niya ng tubig para matauhan?
"Alam mo, huwag mo lagyan ng isyu ang wala naman. Parang nakababatang kapatid lang ang tingin nun sa akin. Huwag mong bahiran ng malisya. Sadyang mabait at matulungin lang si Julius," paliwanag niya.
Nagkibit-balikat lang si Kristine at hindi na nakipagtalo sa kanya. Inubos na lang niya ang kinakain. Pero kahit ganoon ang sinabi niya ay nabahala rin siya.
Paano nga kung sakali lang… sakali lang naman, na may gusto talaga sa kanya si Julius? Magiging komplikado ang lahat para sa kanya.
Bakit? Una, baka magalit ang kuya niya. Parang bantay-salakay kasi ang dating. Ayaw niyang masira ang pagkakaibigan ng dalawa. Pangalawa, crush pa rin ng kaibigan niya si Julius hanggang ngayon. At kapag nagkagusto sa kanya si Julius, kahit hindi niya kasalanan ay masasaktan pa rin ang kanyang bff#1.
Pumitik-pitik sa tapat ng mukha niya ang kaibigan kaya napatingin siya dito. "O?"
"Napunta ka na naman sa ibang galaxy. Tinatanong kita kung may balita ka pa ba kay Diego?" sagot nito.
Bumuntunghininga siya bago dinampot ang baso niya na nangangalahati na ang red iced tea. "Wala na. Pero sana okay lang siya. Kahit naman na ganun ang ginawa niya, hindi ganoon kadali mawawala ang feelings ko para sa kanya."
Inabot ni Kristine ang kamay niya bago pinisil ng marahanl. Bahgya siyang ngumiti sa pakiki-simpatya ng kanyang kaibigan.
"Kung tutuusin ay nakakagalit talaga ang panloloko at panggagamit niya. Pero bff, at least hindi siya beki, ano? Nakakapanghinayang pa rin kung talagang beki siya," sabi nito bago siya nginitian at kinindatan.
Natawa siya. Totoo naman, it was a relief to know that Diego is really a straight guy. Pero kung makakausap pa rin niya ang lalaki balang araw, kailangan niya itanong kung totoong puwede gawing facial moisturizer ang shaving cream.
Muling pinisil ni Kristine ang kamay niya kaya napatingin siya sa kaibigan. "Kung makakatulong sa'yo na makalimutan si Diego, okay lang sa akin kung manligaw sa'yo si Julius at sagutin mo."
Diskumpiyadong tinignan niya ang kaibigan.
"Weh? 'Di nga?" nakalabing tanong niya.
Seryoso ang mukha nito bago natawa. "Charot! 'Yan ang gusto ko sa'yo eh, hindi ka madaling bolahin" anito. Nagtawanan sila.
"Pero hayaan mo, bff, wala akong gusto kay Julius. Si kuya Mike ang nakikita ko sa kanya. At hindi ganoon kadali malimutan si Diego. Sayang talaga, perfect at ideal guy na eh. Kung nagtapat lang sana siya sa akin, okay na sana kahit totoo iyong kasal."
Nanlaki ang butas ng ilong ng kaibigan niya. "Heh! Iilang buwan mo pa lang nakilala, kasal agad!"
Pinandilatan niya ito. "Kung maka-react ka, eh gusto mo na nga pikutin nung una mo pa lang makita. Saka nakikilala mo talaga ang isang tao kapag nakasama mo na sa iisang bubong," tugon niya bago nangalumbaba. Hinawakan niya muli ang baso at uminom.
Nangalumbaba rin si Kristine. "Sabagay. Naiintindihan kita bff, perfect na nga sana si Diego, kung hindi lang talaga con-artist."
May hirit pa talaga eh! Ang sarap dagukan! Napa-iling na lang siya at inubos na ng tuluyan ang red iced tea sa baso niya.