PALABAS na sila Jamie at Michelle ng unit nang biglang bumukas ang main door at lumantad doon ang ilang foreigner na mukhang mga hoodlum, at ang supervisor ng condominium na may hawak na key card.
Nasagot na kung bakit nabuksan ang pintuan. Hindi pala iyon na double lock ni Jamie nang pumasok ito na hindi rin niya nagawa pagdating niya.
Nakabawi lang si Michelle sa pagkabigla nang harangan siya ni Jamie na parang pino-protektahan siya. Kung hindi lang seryoso ang sitwasyon, gusto sana niyang kiligin na para itong hero kagaya nila Zorro o isang knight in shining armour. Ang pagharang nito ng katawan ay upang ingatan siya.
Hindi tuloy niya makita ang mga taong nasa labas ng pintuan dahil malapad ang katawan ni Jamie at matangkad ito. O, `di ba? Talagang perfect 10 at ideal guy…. Kung hindi lang sana guy din ang gusto.
"Ano'ng nangyayari? Sino sila at bakit binuksan ang pintuan ng bahay ko?" matigas pero pabulong na tanong niya.
"Thank you, kind sir. We'll take it from here," narinig niyang sabi ng isang malalim at magaspang na tinig. "For your trouble."
At kahit hindi niya nakikita ay narinig niyang panay ang pagpapasalamat ng supervisor sa kung anomang inabot dito. Malaking halaga siguro.
Hindi man niya naiintindihan ang nangyayari ay lalong tumindi ang kabang nararamdaman niya. Para bang may masamang mangyayari. Magtatanong sana siya ulit at tatabi kay Jamie nang narinig niya ang pagpasok ng mga kalalakihan sa loob ng bahay. "Sino-"
"Well, Diego, I never thought you'd be stupid enough to return to your country. You knew you're gonna get caught but still stayed? Eh? Really stupid." Tinig pa rin iyon ng nagsalita kanina.
Sumilip siya sa gitna ng katawan at bisig ni Jamie. Malaki ang pangangatawan ng nakakalbong mama na Caucasian, pero hindi pang-amerikano ang features nito.
May kakaibang punto rin ang pagsasalita nito ng Ingles. At bakit nito tinatawag si Jamie na Diego?
"Why don't you introduce the lady behind you? It's her, isn't it?"
"Don't you dare do anything to my wife. Keep her out of this, Einar," matigas na sabi ni Jamie.
Wife? Wife talaga, ha? Kung hindi lang siyang mapag-iisipang lukaret, gusto niyang mapabungisngis. Kiligin ba naman siya kahit nakakatakot na ang sitwasyon.
Hindi na nakatiis si Michelle sa naririnig. Umalis siya sa pagkaka-kubli sa likod ng lalaki.
Oo at babae siya, pero walang karapatan ang mga lalaking ito na maghari-harian sa kanyang pamamahay. Binalingan niya ang katabi.
"Bakit ka niya tinatawag na Diego? Ano ang nangyayari?" at saka siya bumaling sa grupo ng mga lalaking ibang lahi.
"Who are you, people? You can't barge into my house like this," matapang na tanong niya kahit sa totoo lang ay nanlalambot ang kanyang mga tuhod.
Bakit nakumbinsi ng mga ito ang supervisor na mabuksan ang kanyang pintuan? Hindi na yata matatapos ang kanyang mga tanong lalo na at wala naman siyang nakukuhang sagot.
"She's pretty not only in your wedding pictures, Diego, but she's also prettier in person. I thought you were that non-committal type of guy. But what can I say, I'm biased, I still favor my daughter. I have to check out that you're really married and not trying to make a fool out of me," sabi ulit ng matanda.
"That's why I was wondering why you are registered here as Jamie Santos and not Diego Capalan. It's not only fishy but foul-smelling deceit. Isn't it?"
Diego Capalan. Hindi si Jamie Santos. Kahit nalilito si Michelle, alam niyang Diego Capalan ang ginamit na pangalan ni Jamie sa kanilang pekeng marriage contract.
Halo-halo na ang nararamdaman niya ngayon at gustong sumakit ng ulo niya. Gusto niyang magising, baka isang masamang panaginip lang ang lahat ng ito.
Napaatras ng hakbang si Michelle nang dahan-dahan maglakad ang apat na goons palapit sa kanila. Sinaklot na siya ng takot ngayon. Kahit gustuhin man niyang palayasin ang mga ito para masakal niya si Jamie o si Diego, naumid na ang dila niya.
Naramdaman ni Jamie o Diego ang takot niya, kaya muling hinila siya papunta sa likod nito. Binawi niya ang brasong hinawakan nito.
"I'm sorry, Michie. Ipapaliwanag ko dapat sa`yo ang lahat sa daan. Pero sa ngayon, gagawin ko ang lahat para hindi ka mapahamak. Kapag sinabi ko, tumakbo ka agad papunta sa kuwarto mo at i-lock mo ang pintuan. Kahit ano pa ang marinig mo ay huwag na huwag kang lalabas," seryosong bilin sa kanya ni Jamie. O ni Diego. Teka nga.
"Ikaw ba talaga si Diego Capalan at hindi si Jamie Santos?" hindi niya napigilan itanong.
"Ako nga."
"Ibig sabihin, lahat ng dokumento na ipinasa mo sa akin ay peke? Talagang sinadya mo na ibahin ang pagkatao mo? Bakit? Kung tama ang intindi ko sa pinag-uusapan n`yo, pinagtataguan mo ang Einar na `to?" nanghihinang tanong niya.
"Sorry talaga, Michie. Kailangan kong magpakilala sa ibang pagkatao dahil nagtatago ako. Hindi ako masamang tao o kriminal, ayoko lang na mapikot at maikasal sa isang babae na hindi ko naman mahal at ni hindi ko ginalaw. Mahabang istorya, pasensya na kung nadamay ka sa sitwasyon na `to."
Nakita niya sa mga mata ni Diego na totoo ang isinagot nito. May mga gusto pa siyang itanong pero natigil dahil sa pagtikhim ng unwanted visitor nila.
"It's rude to talk in a language that your guests can't understand. Didn't your parents teach you that?" sabi ng matandang tinawag ni Diego na Einar.
"Kahit ano ang mangyari, huwag kang lalabas sa kuwarto mo. Hindi ka nila papakialaman dahil ako naman ang target nila. At hindi ako papayag na idamay ka nila," patuloy ni Diego kahit binantaan na sila sa pag-uusap nila sa Filipino.
Hindi nito inilalayo ang tingin sa mga foreigner at nakaharang ang kamay sa harap niya na parang sinasabi na ipagtatanggol siya.
"Pero-" Bumara ang bikig sa lalamunan ni Michie. Kahit nagagalit siya ngayon dahil sa panloloko ni Diego na hindi niya alam kung sinasadya o hindi, ayaw pa rin niyang mapahamak ang lalaki.
Oo na, may tama nga ang utak niya, mahal pa rin niya ang pamintang manloloko na `to. Pero, paminta nga ba talaga si Diego?
"Kailangan ko na `tong harapin, Michie. Pagod na ako sa kakatakbo at kakatago. Haharapin ko `to para sa'yo," sabi ni Diego na tinapunan pa siya ng tingin. It was just a moment, but she can see the truth in his eyes.
Sandali siyang nalito sa ibig nitong sabihin. Para sa kanya? Dahil ba may nararamdaman din ba ito para sa kanya? Talagang umaasa pa siya. Pero ayaw na niya maging hopia. Kahit na gusto pa niyang linawin ang ibig sabihin nito, nagsalita na ang matandang lalaki.
"Not enough time for your little chit-chat, eh? Was it a prayer or a farewell message that you're talking about?"
"It's none of your business, Einar. What I'm confused about is why you made the trouble in going here just to check on me when you've known I'm already married," matapang na sabi ni Diego na hinahawi pa siya papunta muli sa likod nito.
"You're smarter than that, Diego. Of course you half expected that I'll get you in one way or another. There's nothing more I could do to make you marry my daughter because you're already married, but I can beat the crap out of you until I'm satisfied," sabi ni Einar.
Gustong mapasinghap ni Michie. Iyon ang dahilan kung bakit siya kinumbinsi ni Jamie, este, Diego sa pekeng kasal, para tantanan ng matandang `to at hindi para sa magulang nito.
"Michie, takbo," mariing utos sa kanya ni Diego.
He turned to her and gave her a nudge. Malinaw niyang nakita ang damdamin sa mga mata ng lalaki, may pagmamahal doon pero mas halata ang takot. Nalilito na ang puso niya `no, galit pero umaasa. Hindi rin naman kasi ganoon kadali iwaksi ang pagmamahal niya para sa lalaki.
Pero hindi magawa ni Michie ikilos ang kanyang mga paa. Hindi niya kayang iwan si Diego kahit galit na galit siya dahil sa panloloko at panggagamit nito sa kanya.
Ayaw pa rin niyang may mangyaring masama sa lalaki. Hopeless case na ang puso niya, sa mental na dapat ikulong.
Humakbang muli palapit sa kanila ang grupo ng mga kalalakihan. "Tumakbo ka na, Michelle. Tawagan mo sila Julius at Kristine para humingi ng tulong. Siguradong tatawag ng pulis ang mga `yon," anas ni Diego. Halata na ang takot sa tinig ng lalaki.
Nang marinig niya ang pangalan ng abogado ay naalala niya ang kapatid. Nahimigan niya ang takot ni Diego. Naisip niya na wala naman siyang maitutulong kung mananatili siya roon.
Pero talagang hindi niya kayang iwan ang lalaki. Hinawakan ni Michelle ang kamay ni Diego at saka tumakbo papunta sa kanyang kuwarto na ilang hakbang lang naman ang layo sa kinatatayuan nila.
Alam niyang naisip ni Diego ang gusto niyang mangyari kaya paalalay na halos itulak siya nito papasok ng silid.
Pero nang lumagpas na si Michelle sa may pintuan ay naramdaman niya ang pagbitiw ni Diego sa kanyang kamay. Humarap siya sa lalaki at nakita niyang isasara na nito ang pintuan. "Jamie, este, Diego, ano'ng ginagawa mo? Halika na!"
"Hindi ako papayag na saktan ka nila. I love you, Michelle," anito sabay hila pasara sa pintuan.
Nawindang ang beauty niya. Ano raw? Mahal siya ng paminta? Pero hindi siguro ito totoong paminta dahil gusto nga nung Einar na ipakasal ito sa anak na babae.
Gusto sana niyang buksan ang pintuan para linawin ang sinabi nito nang sumigaw si Diego na i-lock na niya ang pintuan.
Naisip niyang mas mapapahamak lang silang dalawa kapag hindi siya sumunod. Pinindot niya ang lock button ng doorknob.
Nanginginig na ang mga kamay niya sa pagsara ng double lock. Naramdaman niya ang komosyon sa labas nang may sumigaw ng "Get her!"
Nag unahan sa pagpatak ang kanyang mga luha dahil alam niyang lumalaban mag-isa si Diego at hindi nito hahayaang masaktan siya.
Noon niya naalala ang bilin nito. Nabitawan pala niya ang bag na nasa paanan na niya.
Dali-dali niyang kinuha ang cellphone at ini-speed dial ang kaibigan. Garalgal ang tinig ni Michie nang sumagot ang nasa kabilang linya at tinawag niyang "Kristine….."