KAHIT nakaalis na si Julius, ramdam pa rin ni Diego ang nanunuring tingin ng lalaki. He hates it when his conscience is bugging him. Hindi rin niya gusto ang pakiramdam na buhol-buhol na ang kasinungalingang ginawa niya. Siya na rin ang nalulunod sa sarili niyang kumunoy.
Napatingin siya kay Michelle na nakamasid pala sa kanya. "Bakit?" tanong niya.
"Alam mo, kung makatingin kayo ni Julius kanina sa isa't isa, parang nagkita na kayo noon na nakalimutan n`yo lang kung kailan. Hindi pa ba kayo talaga nagkakilala dati?" nakataas ang isang kilay na tanong ni Michelle.
Heto na naman siya, kinakagat ang kanyang dila dahil magsisinungaling na naman siya. Pero puwede naman siya sumagot ng hindi nalalayo sa katotohanan para mabawasan ang kanyang kasalanan.
"Sa dami ng napuntahan kong lugar, hindi ko matatandaan ang lahat ng mga taong nakasalamuha ko. Puwedeng nagkita na nga kami, hindi ko lang matandaan."
Tumango-tango lang si Michie sa isinagot niya. "Bakit naman nagsinungaling ka tungkol sa mga kapitbahay? Baka mamaya eh magsumbong iyon kay kuya Mike? Malilintikan pa `ko. Palagay mo eh makukumbinsi mo `yon sa kuwento mo? Magaling iyon na abogado, kasama sa top five nung BAR exam niya," nag-aalalang wika ng dalaga.
"Kung hindi man convincing ang sagot ko, hayaan mo na. Bahala na ako magsabi ng totoo sa kanila kung sakaling darating tayo sa pagkakataon na iyon. We'll cross the bridge when we get there. Okay?" pag-aalo ni Diego sa nag-aalalang dalaga.
Hindi na nga ito nagtanong pa at iniba na niya ang usapan nang makatyempo siya. Masayang natapos ang kanilang tanghalian. Pero alam naman niya na hinayaan lang ni Michie na ibahin niya ang usapan subalit nag-aalala pa rin ito.
Nag Grab taxi sila pauwi, at magkatuwang nilang inayos ang kanilang mga ipinamili pagdating sa condo unit. Alam niyang nag-aalala ang dalaga na baka magsumbong si Julius sa kuya nito. Ginawa niya ang lahat para maaliw ang "misis" niya, at maalis sa isip nito ang pag-aalala.
AKALA ni Diego ay hindi na muli mag-ku-krus ang landas nila ni Julius. Ngunit isang araw na katatapos lang niya mag-gym, tinawagan siya ng receptionist ng condominium at sinabing may naghahanap sa kanya na Julius Jimenes.
Kahit na nagtataka siya kung bakit siya pinuntahan doon ng lalaki ay hindi niya maiwaksi ang kaba. Sigurado siyang hindi lang ito mangangamusta, iisang linggo pa lang ang nakakalipas nang ipakilala sila ni Michelle sa restaurant.
Nasa lobby si Julius na agad tumayo nang makita siya. Inabot ni Diego ang kamay niya at nagkamay sila. Nakangiti man ito, halata na may iniisip itong malalim. At kinukutuban na siya kung ano iyon. Dapat ay kalmado lang siya.
"Nasa work pa si Michelle, kinailangan niya mag-overtime kasi nagkaroon ng emergency iyong isa niyang kasama sa trabaho. Eh walang papalit kaya pinag-overtime muna siya nung team leader niya. Pero ang tinext niya ay baka after lunch makakauwi na siya," aniya. "Napapunta ka?"
Hindi naman nila kailangan ng pleasantries, hindi uso ang ganoon sa mga lalaki.
"You're Diego Capalan and I have proofs. Ano `tong nagpapanggap ka bilang si Jamie Santos? At si Michelle pa ang pinagloloko mo!" agad na sita sa kanya ni Julius. Dinig niya ang galit sa tinig ng kausap, at makikita rin iyon sa mga mata nito. Ngunit hanga siya sa pagpipigil nito na ilabas ang buong galit.
Pinilit niyang hindi matinag sa sinabi nito. Dapat ay kalmado lang siya. Huminga siya ng malalim.
"Diego? Sino'ng Diego? At bakit ako magpapanggap?" pagtanggi pa rin niya.
Tinitigan siya ni Juius na halatang hindi naniniwala sa kanyang sinabi. Inilapag nito ang dalang attaché case sa side table na malapit sa kanila, at ibinukas iyon. Naglabas ito ng mga papeles at itinapat iyon sa mukha niya.
Tila ay binundol ng truck ang kanyang dibdib nang maintindihan niya kung ano ang mga papel na hawak nito. At ang mga iyon ang nagpapatunay sa kanyang totoong pagkatao.
"May photocopy ako ng yearbook ng batch mo. Sigurado akong ikaw itong Diego F. Capalan na naka-alitan ni Michael dahil sa panliligaw sa isang babae. At mula sa archive ng NBI, nahalungkat ko ang kopya ng mga totoong Jamie Santos. Hindi ka kabilang sa kanila. Kaya alam kong totoo ang kutob ko nung nagkita tayo sa restaurant na ikaw si Diego."
Ini-abot ni Julius ang mga papel sa kanya at nanghihina na tinignan niya ang mga iyon. May photocopy ng yearbook ng batch niya, at malinaw ang picture niya roon at pangalan.
May print out ng pictures ng mga taong may pangalan na Jamie Santos mula sa NBI at hindi siya kasama roon. Ang huling papel ay photocopy ng totoong NBI clearance niya, at photocopy din nung pekeng NBI clearance na Jamie Santos ang nakalagay na pangalan pero kapareho ng serial number sa totoong NBI clearance niya. Lahat ng mga ito ay pruweba ng kanyang pagpapanggap.
Hindi na siya makakapag-kaila pa. Muling kinuha ni Julius ang mga papeles mula sa kanya. Sukol na siya. Muli itong nagsalita.
"Michelle can sue you with fraud, falsification of documents, and estafa. Remember, ako nag notarize ng kontrata n`yo at nakita ko ang pekeng photocopy ng NBI clearance mo. You're standing on deep waters right now, Diego.
"Magsabi ka ng totoo kung bakit mo ginagawa ang pagpapanggap na ito? Is it to get back at Mike dahil sa ginawa noon ng barkada namin sa'yo?"
Parang lumilipad ng 100 kilometers per hour ang kanyang isip. Nang maagaw niya noon ang babaeng nililigawan ni Michael Dimapalad ay rumesbak ang mga kabarkada nito. Bugbog-sarado na sana siya nang si Mike mismo ang pumigil sa mga ito.
Subalit alam niyang nagalit ng husto si Mike sa kanya nang makipaghiwalay siya sa babae. Papunta na kasi siya noong panahon na iyon sa Amerika at alam niyang hindi rin magtatagal ang kanilang LDR (long distance relationship). Masyado pa silang bata at marami pa ang mangyayari kaya nakipag-break siya.
Iyon ang alam niyang dahilan kaya nagalit ng husto sa kanya si Mike na tinanggap naman niya. Tama naman ang dahilan nito noon, kung alam naman niyang paalis na siya, sana ay hindi na lang niya niligawan ang babae.
Umiling siya. "This isn't revenge or anything. Ni hindi ko nga alam na magkakambal pala sila Mike at Michelle until it was too late. Hayaan mo na lang muna ako'ng magpanggap na Jamie Santos. May problema lang ako na inaayos ngayon at kapag nalagpasan ko na `yon ay ipagtatapat ko din kila Michie at Mike ang lahat."
Ilang saglit ang lumipas na nakatitig lamang sa kanya si Julius. Malamang ay pinag-aaralan siya nito ng husto. Hanggang sa tumango-tango si Julius. "Sabihin mo sa akin ang lahat-lahat, kailangan kong maintindihan."
At alam ni Diego na wala siyang choice kundi sabihin kay Julius ang lahat ng nangyari. Nagpunta sila sa café na malapit lang sa condo. "Alright. I will tell you everything. Pero kailangan mo muna pakinggan ang lahat. Kapag tapos na ako ay saka ka mag-react."
Nakita niya ang papalit-palit na emosyon sa mukha ni Julius habang inilalahad niya kung bakit siya nagtatago hanggang ngayon, at ang tungkol sa pekeng kasal nila ni Michelle. Muntik na siyang mapalunok nang makita ang pagkuyom ng kamay ng kausap.
Kailangan niya maging alisto at baka bigla siya nitong suntukin. Hindi naman niya masisisi ang lalaki, may karapatan naman itong magalit para kila Michelle at Michael.
Hindi lingid sa kanya na hindi nito nagustuhan ang paggamit at panloloko niya kay Michelle. At isa lang ang dapat niyang sabihin para hindi ito magalit ng tuluyan, ang totoo.
"I fell in love with her. Sa maigsing panahon na nagkasama kami ni Michelle, hindi ko napigilan ang feelings ko. Can you believe that I really love her?" pag-amin ni Diego.
Hindi nakaligtas sa paningin niya ang pagtalas ng tingin ni Julius. Nakita niya ang pagtiim-bagang nito. May mali ba sa sinabi niya na ikina-offend nito?
Then realization struck him, may gusto rin kaya ito kay Michie? Pero bago pa siya pangunahan ng selos, kailangan ay level headed muna siya ngayon, dahil siya ang nasa dehadong posisyon. Puwede naman talaga siya makulong dahil sa pagpapanggap niya eh.
"Hindi ko naman talaga pinlano ang lahat. Nagkataon lang na nahulog talaga ang loob ko kay Michelle. Hindi siya mahirap magustuhan at mahalin. If only the circumstances I'm in were different, wala sanang problema."
Hindi inaalis ni Julius ang tingin sa kanya bago ito marahang tumango. "Puwede naman talaga mangyari iyon, so I can't really blame you. Pero mali na idinawit mo sa problema mo si Michelle."
"I know. Pero pangako, aayusin ko ang lahat kapag natapos na ang problema ko. Kapag hindi ko ginawa, sige idemanda mo ako sa lahat ng kaso na naiisip mo," matapat na sabi niya.
Alam naman niyang mababasa sa kanyang mukha ang katapatan sa sinabi niya. Tumango si Julius bago inubos ang kape at saka nagpaalam sa kanya na aalis na ito. Naiwan siya sa café na malalim ang iniisip.
Kailangan na niya mapabilis ang solusyon sa kanyang mga problema bago pa mahuli ang lahat. Ngunit sa ngayon ay nagtatalo ang kanyang isip. Ano ba ang gagawin niya? Mas madali sana kung maglalaho na lang siya na parang bula, ganoon naman siya mula noong nagtatago siya kay Einar.
Ang mahirap lang sa ngayon, mahal na kasi niya si Michelle. Hindi na madali ang maglaho na parang bula. But things are getting too complicated. Ano ba ang uunahin niya, puso o isip?