Chapter 2 - 1

Sunog

Maaga akong gumising dahil sa potpot na tunog mula sa bisikletang sinasakyan ng tindero ng pandesal. Narinig ko ang pagtawag ni Mama sa nagtitinda. Paborito naming kainin sa umaga iyon kaya hindi siya nakakaligta na bumili.

Tiniklop ko ang kumot at sinalansan ang unan ko ng maayos. Umunat ako bago lumabas.

Si Papa ay nagtitimpla ng kape sa paborito nitong tasa. Ang aroma ng kape ay hinahalina ako. Naghila ako ng upuan saka umupo dito.

"Ayan mag almusal na kayo" sabi ni Mama. Nang hawakan ko ang supot ng pandesal ay mainit-init pa iyon.

"Paborito mong kape" aniya Papa ng maghila ng upuan sa tabi ko. Alam niyang gusto ko ng kapeng hinaluan ng gatas o kaya coffee mate.

Madalas kaming ganito sa umaga lalo na at wala akong pasok. Tanging pandesal lang ang almusal namin. Pero kung minsan ay nakain din naman kaming kanin kapag walang magtitinapay na dumaan.

"Anak, sasabay ka ba sa akin? Mamalengke ako ngayong umaga"

Sabado nga pala ngayon. Ang araw ng pamamalengke ng aking ina. Bukod doon ay wala na kaming ulam sa refrigerator kung hindi sitaw para tanghalian.

Half day lang naman ako kila Ate Charlotte dahil konti na lang ang ituturo ko kay Chander. Si Papa naman ay walang pasok ngayon pero maaga pa rin gumising dahil may ilan siyang bagay na kailangan kumpunihin. Tulad na lang ng yero namin na kailangan ng palitan. Pag umuulan ay tumutulo ang tubig mula doon. Mahirap dahil kapag malakas ang ulan ay binabaha ang kusina.

"Hindi na po, Inay. Maglilinis muna ako ng bahay. Saka mukhang paalis na rin kayo"

Naka berdeng bestida na kasi si Inay na ang disenyo ay bulaklakan. Nakagayak na rin ang bayong niya sa mesa. Mukhang nakaligo na rin siya dahil basa ang kulot nitong buhok.

"O, siya, sige. Hindi na kita hi-hintayin. Pupunta na kong palengke" paalam niya matapos kumain ng ilan pang pandesal.

May binilin sa kanya si Papa na bilhin bago niya tuluyang pinihit ang seradura ng pinto.

Dumiretso ako ng kwarto para kumuha ng tuwalya. Isang oras din akong naligo dahil sa init ng tubig na pinawawala ang lamig na hatid ng umaga.

"Ang ganda-ganda mo talaga!" bati ko sa aking sarili. Nakaharap ako sa salamin habang nilalaro ang bula sa aking buhok. Naging hobby ko na yata itong gawain ko sa umaga na kausapin ang sarili ko.

"Mana ka sa akin anak!" si Papa iyon na kanina pang naghihintay sa paglabas ko.

"Yes, Pa. That's right!" nagpakendeng-kendeng pa ko dahil sa malakas na tugtugan ng kapit-bahay. Mas mabuting malakas na tugtog ang marinig ko kaysa bangayan.

Ilang buhos pa bago ako natapos. Huminga si Papa ng malalim. Tila ba pasko ang kanyang inintay bago ako lumabas.

Nag simpleng puting shirt lang ako saka maong na kupas. Binagayan ko rin ng sapatos para simple tignan. Hindi naman ako rarampa kaya ganitong suot ang pinili ko.

Naglinis ako ng bahay bago umalis. Walis at punas lang naman ang ginawa ko. Si Mama na ang bahala sa ibang bagay.

"Pa! Aalis na ko!" hiyaw ko matapos kong bitbitin ang pasalubong para sa batang tinuturuan ko. Binili ko ang paboritang ito sa kanto kahapon nung hinatid ko si Jez sa sakayan ng jeep.

"Mag-ingat ka anak! Nandyan ang baon mo sa mesa!" sabi nito mula sa banyo.

Hindi ko na sana tatanggapin iyon pero inisip kong baka kulang ang pamasahe ko. Wala rin akong umagahan kaya baka maglugaw ako sa kanto pagdating ko doon.

Hindi naman ako nagkamali ng bumaba ako sa jeep. Agad kasing tumunog ang tiyan ko. Nakailang plato ako ng lugaw na may itlog. Paano ba naman ang sarap dahil sa bawang na dinikdik tapos may calamansi.

Akala ko ay ako lang kumakain ngayon dito. Sanay kasi akong kada umaga ako lang ang customer.

Isang lalaki ang kumakain mula sa hindi malayong mesa. Maganda ang pangangatawan nito. Depinado ang ilong niya dahil side view. Talagang mapapa-pakshet ka. Lalo pa ng umalon ang Adam's apple nito dahil sa paglunok niya sa kinakain.

Umayos ako ng pagkakaupo ng mapansin niyang nakatingin ako sa kanya.

"Manang! Bayad ko nga pala! Keep the change!"

Nagmadali akong uminom ng tubig saka kumuha ng tissue pangpunas sa tagiliran ng labi ko.

"Keep the change ka pa! Eh piso na lang yung sukli!" sigaw ni Manang.

Pahiyain ba naman ako!

"At least may sukli pa rin! Be thankful, Manang. Biyaya iyan!" sabi ko.

Sa ilang oras kong pagtuturo kay Chander ay sumakit ang ulo ko. Kung hindi pa dumating ang nanay niya galing sa kapit-bahay para makipagchismisan ay hindi pa sa akin makikinig.

Madali kasing ma-distract dahil bata pa. Okay sana dahil madali niya namang nauunawaan ang tinituro ko pero sadyang mainipin siya at madaling magsawa. Panay kasi kamot sa ulo ang ginagawa niya habang tinuturuan ko, o hindi kaya naman ay biglang kukunin ang mga laruan niyang robot para libangin ang sarili.

"Salamat, Kaoree. Mabuti nga't pinagtiyagaan mo ang anak ko" natatawa nitong sinabi saka inabot sa akin ang bayad na pinaghirapan ko ng isang buwan.

"Wala po iyon!" ngumiti ako. Dagdag ito sa ipon ko para sa pagpasok ko ng kolehiyo sa darating na pasukan.

Dahil sa pagod nakatulog ako sa jeep. Kung hindi pa ko gisingin ng katabi ko na ginawa ko palang sandalan ay hindi pa ko magigising.

"Ay! Sorry po!"

Salubong ang kilay niya. "Nako! Makikisandal na nga lang tulo pa ang laway!"

"Buti nga po na lawayan kayo ng maganda!" tinawanan ko siya kaya mas lalong nagsalubong ang kilay niya.

Taka naman ako ng pagkababa ko ay maitim ang kalangitan hindi dahil sa uulan kung hindi dahil sa usok.

Sa ilang minuto kong paglalakad nakita ko ang mga nagkakagulong kapit-bahay namin. Maingay ang mga bumbero at puro hagulgol ang paligid.

"Sina Mama! Nasaan po sila!?" tanong ko sa isa sa mga barangay tanod.

"Wag kang mag alala. Ni re-rescue sila!"

Kinabahan akong bigla lalo ng makitang unti-unting kinakain ng apoy ang bahay namin.

Idagdag pang nandoon ang mga magulang ko sa loob.

"Gusto ko pong tumulong!" sabi ko pero pinigilan nila ako. Sampung minuto bago maapula ang apoy wala pa rin sina Mama at Papa.

Nagsimula ng mamuo ang luha ko.

"Please po! Parang away niyo na. Nasaan ang mga magulang ko!" sabi ko sa tanod. Pero ang mga mata niya ay naging malungkot. Sinundan ko kung saan siya nakatingin.

"Pa! Ma!" humagulgol ako ng makitang sila iyon. Hiniga sila kahanay ng ilan pang mga namatay dahil sa sunog.

Kahit na hindi makilala ang bangkay nila. Alam ko sila ito. Sa wedding ring plang na suot ng dalawa pati sa tsinelas na bigay ko noong nakaraang pasko ay sapat na upang malaman na sila ito.

Niyaka ko silang pareho. "Ma! Pa!"

Gusto kong ma-manhid ang katawan ko dahil sa bigat at sakit na nararamdaman ko. Sana sinama na lang nila ko.