Chapter 59 - Chapter Ten

HINDI malaman ni Iarah kung paano pakikiharapan si Vann Allen nang dumalaw ito sa apartment kinagabihan. Mukhang masayang-masaya ito. Hindi ito mapakali, galaw ito nang galaw. Abot hanggang mga tainga ang ngiti nito. Makinang na makinang ang mga mata nito.

Hindi niya maaatim na sirain ang magandang mood nito. Hindi niya kaya. Pero dapat niyang kayanin. May kailangan siyang gawin.

"Ang saya-saya ng recording kanina. Ganoon pala `yon. Pakiramdam ko, singer na talaga ako. Ang saya ring kasama ng ibang boys. Akala ko dati, hindi ko masasakyan ang mga trip nila kasi may mga may-kaya, eh. Kay Maken, komportable na ako kasi magkaibigan na kami dati pa. Kahit stepson siya ng isang hacendero, wala siyang ere sa katawan. Hindi nga umaastang mayaman `yon, eh. Si Enteng ang nakakatuwa. Ang bantot ng pangalan, `no? 'Paul Vincent' talaga ang pangalan niya. Talagang gusto niyang pasukin ang entertainment industry. Si Rob naman, trip-trip lang. Wala lang siyang magawa sa buhay niya, eh. Si Nick, nagrerebelde sa ama pero mukhang enjoy na siya ngayon. Swak na swak kaming lima. Magkakasundo kami sa lahat ng bagay. Pakiramdam ko nga, nagkaroon ako ng apat na kapatid na lalaki sa wakas."

Hinayaan muna niya itong magkuwento nang magkuwento. Tila ito munting bata na nakahanap ng mga bagong kalaro. Nang tapos na ito ay hinawakan niya ang kamay nito. Inilagay niya sa palad nito ang singsing na ibinigay nito sa kanya. Nagtatakang napatingin ito sa kanya.

Huminga siya nang malalim. "Hindi ako pumapayag na magpakasal sa `yo." Nagpasalamat siya nang masabi niya ang mga salitang iyon nang hindi nauutal.

"Ha? Bakit? Ano ang nangyayari sa `yo? Hindi ba napagkasunduan na natin `to?" tila naguguluhang tanong nito.

"Wala tayong pinagkasunduan, Vann. Ikaw lang itong namimilit na akuin ang responsibilidad na hindi naman sa `yo."

"Ano ang nangyayari sa `yo?"

"Naisip ko lang na ayokong matali sa isang relasyong hindi ako madaling makakawala. Paano kung balikan ako ni Daniel?" Hindi niya alam kung paano niya nagagawang magsinungaling.

Hindi na siya umaasang babalik si Daniel. At kahit bumalik pa ito, hindi na uli niya ito tatanggapin. Kahit ito pa ang totoong ama ng anak niya, ayaw niyang maging parte uli ito sa buhay niya. Kailangan lang niyang sabihin iyon upang hindi na ipaggiitan ni Vann Allen ang kasal. Baka kasi magbago ang isip niya.

Marahas na napatayo ito at tumalikod. Napapitlag siya nang sipain nito ang isang upuan malapit dito. Kahit nakatalikod ito, alam niyang nagagalit ito nang husto sa kanya. Kailangan niyang tiisin ang galit nito. Kailangan niyang manindigan.

"Umaasa ka pa na babalik ang alien na `yon?" tanong nito sa naiiritang tinig. Naikuyom nito ang mga kamay nito. Ayaw pa rin nitong humarap sa kanya. "Putsa naman, Iarah! Binibigyan kita ng solusyon. Kailan ka titigil sa pagpapakatanga sa alien na `yon?"

"Paano kung dumating ang araw na bumalik siya? Paano kung may dahilan ang pag-alis niya? Paano kung gusto niyang panagutan ang anak niya? Paa—"

"Tumahimik ka!" singhal nito.

Itinikom niya ang kanyang bibig. Bigla siyang natakot dito.

"Ano ba ang kulang sa akin? Ano pa ba ang gusto mo? Ibinibigay ko na sa `yo ang lahat. Mamahalin ko ang anak mo."

Napahikbi siya. "Walang kulang sa `yo, Vann. Huwag ka namang mag-isip ng ganyan. Alam ko ring mamahalin mo ang anak ko. Ayoko lang matali tayo sa isa't isa ngayon. Sixteen lang ako, eighteen ka lang. Ang babata pa natin para maging mag-asawa. Huwag ngayon."

"Paano ang bata? Magiging bastardo siya. Pagtatawanan ka ng lahat. Lilibakin ka nila."

"Hayaan mong harapin ko sila. Hayaan mong ako ang mamroblema niyon." Hindi tamang masali ito pati sa panlilibak ng ibang tao. Napakaliwanag ng naghihintay na bukas para dito. Hindi ito dapat na nasasama sa mga suliranin niya.

"Bahala ka na nga sa buhay mo," anito bago nito mabilis na nilisan ang apartment nila.

Napabuntong-hininga na lamang siya. Tama ang kanyang ginawa.

"Hindi ka ba nagsisisi sa naging desisyon mo?" tanong ni Peighton. Nakita niyang nakatayo ito sa hamba ng nakabukas na silid nito. Nasa mga mata nito ang simpatya.

Pinilit niyang ngumiti at tumango. "Mas mapapabuti siya kung hindi siya madadamay sa pinagdaraanan ko, Ate Peigh."

Nilapitan siya nito at niyakap. "Ang bata mo pa para danasin ang lahat ng ito."

Pinigil niya ang sariling maiyak at baka ma-stress ang batang dinadala niya. Kailangan niyang maging matatag para sa magiging anak niya. Kailangan niyang mag-mature kaagad.

"Hindi ako ang babaeng nararapat sa kanya, Ate Peigh. Makakasama ako sa career niya. Ayokong mawala ang lahat sa kanya dahil lang sa akin. I want him to soar high and shine."

"Ang suwerte-suwerte mo kay Vann. Sana, dumating ang tamang panahon para sa inyo."

"Sana nga, Ate. Sana nga."

"IBA ANG aura mo ngayon."

Napatingin si Vann Allen kay Nick. Napatingin din siya sa ibang kasama nila. Kompleto silang Lollipop Boys sa studio. Katatapos lamang ng rehearsal nila. Nakaupo sila sa sahig ng dance studio at nagpapahinga. Ang ibang kasama nila ay lumabas.

Nagpupunas siya ng pawis habang umiinom ng tubig. "Ano ang aura ko ngayon?" tanong niya.

"Para kang nakainom ng gamot mo," natatawang sabi ni Enteng.

"Kumbaga sa weather, cloudy," wika ni Rob.

"Parang kulang ang kakulitan mo ngayon," dagdag ni Maken.

Pinilit niyang tumawa. Hindi siguro sanay ang mga itong nakikita siyang tila walang gana. Palagi kasi siyang hyperactive kapag kasama niya ang mga ito. Siya raw ang pinakamakulit, pinakamagulo, at pinakamasayahing Lollipop Boy.

Wala siyang ganang mangulit, manggulo, at magpakasaya sa araw na iyon. Kung maaari lang ay ayaw niya sanang mag-rehearse. Ang tanging nais niyang gawin ay magmukmok at mag-amok. Ngunit hindi maaari. Sa susunod na linggo na ang official debut nila. Kailangang maging perpekto ang lahat. Sa isang noontime show sila unang lalabas. Pagkatapos ng performance nila ay saka sila magkakaroon ng press conference.

Kailangan niyang pag-igihan ang pagtatrabaho niya.

"Hindi ka dating ganyan," sabi ni Maken sa kanya. "Parang wala kang kagana-gana ngayon. Huwag ka ngang ganyan, nakakahawa, eh."

Nagseryoso siya. "Kahit ang pinakamasayahing tao sa mundo, nagkakaroon din ng bad mood. Nawawalan din ng gana. Tumitigil din sa pagtawa kapag nasasaktan."

"Ang lalim n'on, p're," nagbibirong sabi ni Enteng. "Why are you so serious?"

Napabuga siya ng hangin. "Guys, guwapo naman ako, `di ba? Hindi ako mukhang alien, `di ba?"

"Ayon sa isang hindi mapagkakatiwalaang survey, ikaw raw ang pinakaguwapo sa ating lima," natatawang sabi ni Rob. "Ikaw raw ang pinakamaraming fans. Medyo angat ang kasikatan mo kompara sa amin."

"Putsa, 'oo' at 'hindi' lang ang gusto kong sagot, andami mo na agad sinabi," aniya sa nagbibirong tinig. "May survey-survey ka pang nalalaman."

Natawa ang mga ito. Ang akala siguro ng mga ito ay good mood na siya. Masama pa rin ang pakiramdam niya. Pinipilit lamang niyang magbiro dahil ayaw niyang mahawa ang mga ito sa kawalan ng gana niya.

"Bakit mo ba naitanong ang tungkol sa kaguwapuhan mo?" tanong ni Nick.

Nagkibit-balikat siya. "Minsan, nawi-wish ko, sana gray ang mga mata ko."

"Wear contacts," walang anumang sabi ni Enteng.

Inihit siya ng tawa. Hindi niya alam kung bakit natatawa siya. Hindi naman nakakatawa ang sinabi nito.

"Bakit hindi ko naisip ang bagay na `yon?" aniya habang natatawa pa rin.

Tinapik siya ni Maken sa balikat. "Ano ba talaga ang problema?" tanong nito sa seryosong tinig kapagkuwan.

Nagseryoso na rin siya. "Bakit hindi ako maging sapat para sa kanya? Bakit ayaw niya sa akin? Handa naman akong gawin ang lahat para sa kanya. Nagpapakagago na ako. Handa pa akong magpa-katanga. Tinanggap ko na ang lahat. Nawalan na ako ng pride. Bakit ganoon? Bakit hindi pa rin puwede?"

Natagpuan na lamang niya ang kanyang sarili na nagkukuwento sa mga ito tungkol kay Iarah. Kahit sandali pa lamang silang magkakakilala, lubos na ang tiwala niya sa mga ito. Mula noong una niyang makilala ang mga ito, napalagay agad ang loob niya sa mga ito. Ramdam niyang mabubuting tao ang mga ito. Sigurado siya, magiging kaibigan niya ang mga ito habang-buhay.

Sinabi niya ang problema niya dahil pakiramdam niya ay sasabog na siya anumang sandali. Inis na inis siya kay Iarah. Nais niyang magalit dito ngunit hindi niya lubos na magawa. Maya't maya ay iniisip niya kung maayos ba ito. Umiiyak na naman ba ito? Kumakain ba ito nang maayos? Nakausap na ba nito ang mga magulang nito? Maayos ba ang bata sa sinapupunan nito?

Naiinis siya dahil kahit siya ang nasa tabi ni Iarah, iba ang hinahanap nito—si Daniel pa rin. Iniwan na ito at lahat, si Alien pa rin ang hinihintay nito. Hindi ba nito alam na dagok sa pagkalalaki niya ang pag-angkin ng anak ng iba? Pero binale-wala niya iyon dahil alam niyang mamahalin din niya ang bata dahil anak ito ni Iarah.

He was ready to be a good father to her unborn child. Pero ayaw ni Iarah. Baka raw bumalik si Daniel. Katangahan! Kalokohan!

"`Tindi mo, `tol," ani Maken pagtapos niyang magkuwento.

"Dude, you are too young to be a father," sabi ni Enteng.

"I agree," sabi ni Rob.

"Will you leave her alone now?" tanong ni Nick. "Give up?"

Itinatanong din niya iyon sa kanyang sarili. Bibitiwan na ba niya si Iarah? Tinanggihan na nito ang alok niyang tulong. Kalilimutan na lang ba niya ito? Titigil na ba siya sa pagsubok na pumasok sa buhay at puso nito? Tatanggapin na lang ba niyang wala siyang kuwentang nilalang para dito?

Bakit ayaw niya? Bakit ang tigas ng ulo niya? Bakit hindi niya ito malubayan? Bakit nai-imagine niya ang kanyang sariling kumakatok sa pinto ng apartment nito at may dala-dalang bouquet ng lollipops?

"If you want to be a father to that kid so badly, then be his father," payo ni Nick sa kanya.

"Bata pa siya. Ang bata-bata pa ninyo," ani Maken. "Tama rin siya, eh. Mahirap kung matatali agad kayo sa isang kasal. Ang dami pang mangyayari sa hinaharap."

"Normal din sigurong hangarin niyang bumalik `yong taong nakabuntis sa kanya," ani Enteng.

"Hindi ko na alam ang gagawin ko," wika niya.

"For now, snap out of it and be your jolly self," sabi ni Maken. "Ikaw ang battery ng grupong `to. Ayaw namin ng leader na lalamya-lamya."

Nanlaki ang kanyang mga mata. "I'm not the leader."

"Ikaw ang nasa gitna," sabi ni Nick.

"O, sige, ikaw na sa puwesto ko. Por que nasa gitna, leader na?" aniya. Nababaghan siya sa mga ito. Ayaw niyang maging leader. Kaya siya natutuwa sa gitnang puwesto ay dahil ramdam na ramdam niyang hindi siya nag-iisa. Nawawala ang stage fright niya. Kahit saan siya lumingon ay nakikita niyang kasama niya ang mga kagrupo niya. Nawawala ang inhibitions niya sa pagpe-perform.

Pero ayaw niyang maging leader ng Lollipop Boys. Hindi niya kayang balikatin ang responsibilidad ng pagiging leader.

"Handa ka ngang maging tatay, eh, ang maging leader pa kaya namin?" sabi ni Enteng.

"Ibang usapan naman `to, mga `tol. Mahiyain ako sa totoong buhay."

"Ah, basta, ikaw na ang leader," sabi ni Rob.

"Wala ka nang magagawa," dagdag ni Maken.

Kahit nagprotesta siya ay hindi siya pinakinggan ng mga ito. Ni-wrestling pa siya ng mga ito hanggang sa pumayag na rin siya.

HINDI alam ni Iarah kung paano pakikiharapan ang mga magulang niya. Kadarating lang ng mga ito nang umagang iyon kasama ang Ate Janis niya. Blangko ang mukha ng mga ito.

"`Nay, `Tay, sorry po," aniya sa gumagaralgal na tinig. Alam niyang hindi iyon sapat, ngunit iyon lamang ang kaya niyang sabihin. Habang-buhay niyang dadalhin sa konsiyensiya niya na binigo niya nang husto ang mga magulang niya. Sinira niya ang pangarap ng mga ito para sa kanya.

Bumigay ang kanyang ina. Niyakap siya nito nang mahigpit. Napaiyak na sila pareho.

"Bakit mo ito nagawa sa `min, Iya? Ano ang nangyari sa `yo?" anito sa pagitan ng pag-iyak.

"Nanay..."

"Saan kami nagkulang? Paano ka na ngayon? Ang bata-bata mo pa para maging isang ina. Ang laki kaagad ng responsibilidad mo. Ano ba itong ginawa mo sa buhay mo, anak?"

Hindi niya magawang sumagot. Hindi niya alam kung ano ang kanyang sasabihin.

"Galit na galit kami sa `yo, anak," anang ama niya sa malamig na tinig. "Gusto na kitang itakwil. Gusto kitang saktan. Pero ayaw akong tantanan ng ate mo. Kung itatakwil ka raw namin, saan ka pupunta? Ano ang mangyayari sa `yo? Paano ang apo ko? Kahit mahirap, kahit masakit, tatanggapin na lang namin ang nangyari. Hindi lang naman ikaw ang nagkaganito. Tutulungan ka naming makabangon."

Kumalas siya sa kanyang ina at sunod na niyakap ang kanyang ama. Nagpapasalamat siya sa Panginoon dahil hindi siya itinakwil ng mga magulang niya. Masuwerte pa rin siyang maituturing. Basta kasama niya ang kanyang pamilya, kakayanin niya ang lahat. Hindi niya kailangang isama sa pagharap niya ng mga suliranin niya si Vann Allen. Hindi niya ito kailangang hilahin paibaba.

Magiging maayos siya. Hindi siya pababayaan ng pamilya niya. Hindi niya pababayaan ang kanyang anak.

NATIGILAN si Iarah nang mapagbuksan niya ng pinto si Vann Allen isang araw. May tangan-tangan itong pumpon ng bulaklak at… lollipops. May munting ngiting naglalaro sa mga labi nito. Hindi niya alam kung ngingitian din niya ito.

Hindi na ba ito galit sa kanya?

Ang totoo, inaasahan niyang hindi na ito magpapa-kita pa sa kanya. Alam niyang nasaktan niya ito noong huling pagkakataong nag-usap sila.

"Hindi mo ba ako patutuluyin?" tanong nito sa kanya, nakangiti pa rin.

"T-tuloy," aniya.

Mag-isa lamang siya sa bahay. Nakapasok na sa unibersidad ang ate niya at si Peighton. Ang mga magulang niya ay umuwi na sa probinsiya nila. Pinamili siya ng mga ito kung saan niya nais manatili. Maaari naman daw siya sa probinsiya upang mas maalagaan siya ng kanyang ina. Pero mas pinili niyang manatili sa Maynila. Siguro, duwag din siya dahil ayaw niyang harapin ang panlilibak ng mga tao sa kanya . Ayaw rin niyang dumanas ng matinding kahihiyan ang mga magulang niya. Sa Maynila, kaunti lamang ang mga nakakakilala sa kanya. Sa probinsiya, halos nasubaybayan ng lahat ang paglaki niya.

Atubiling tinanggap niya ang mga iniabot nito sa kanya.

"Bati na tayo," anito na tila walang kabagay-bagay lang ang nangyari.

Lalong hindi niya alam kung ano ang kanyang sasabihin. Nakatingin lang siya sa guwapong mukha nito. Na-miss niya ito nang husto. Ilang araw din niya itong hindi nakita. Maraming beses niya itong hinanap-hanap. Parang ang ngiti nito ang tanging nagbibigay-liwanag sa madilim na mundo niya.

Masuyong niyakap siya nito. Naipikit niya ang kanyang mga mata. Masarap sa pakiramdam na nasa mga bisig siya nito. Nakadarama siya ng kapanatagan ng loob, ng seguridad.

"Hindi kita pipilitin. Kung ayaw mo, di hindi na. Huwag na lang tayong magpakasal. Hahayaan kita sa gusto mo. Pero sana, hayaan mo ako sa tabi mo. Gusto ko rito, eh. Gusto kitang tulungan at damayan."

"Ang tanga-tanga-tanga mo," aniya habang gumaganti ng yakap. "Hindi dapat ganyan ang lalaki. Masyado kang mabait. Masyado kang malambot. Masyado kang mar—tanga."

Natawa ito. "Alien din ako. Gustung-gusto mo naman sa alien, `di ba?"

Natawa na rin siya. Siguro, alien din siya. Paano niya nagawang pakawalan ang isang katulad nito? Paano niya nagagawang saktan ito?

"Kuwentuhan mo ako," anito nang kumakalas na sa kanya. "Kumusta na si Baby Enzo?"

Umupo sila sa sofa. "Talagang ipipilit mo ang 'Lorenzo Allan' na pangalan?" natatawang tanong niya. Sigurado siya, "Lorenzo Allan" ang ipapangalan niya sa magiging anak niya kapag naging lalaki iyon.

"Maganda naman, `di ba? Iyon na lang ang ipangalan mo kay baby, ha?"

"Kapag naging lalaki, sige," pagpayag niya. "Ikaw na lang ang magkuwento. Kumusta ang Lollipop Boys?"

Masiglang nagkuwento ito nang nagkuwento. Ang daming kuwento nito tungkol sa mga kagrupo nito. Natatawa siya sa mga kulitan ng mga ito. Natutuwa siyang makita ang kinang sa mga mata nito habang nagkukuwento.

"Sana makilala ko rin sila," aniya.

"Hayaan mo, isa sa mga araw na ito, ipapakilala kita sa kanila."