Chereads / (FILIPINO) Belle Feliz's Lollipop Boys / Chapter 64 - Chapter Fifteen

Chapter 64 - Chapter Fifteen

NAOPERAHAN si Enzo. Nagpapasalamat si Iarah kay Vann Allen dahil hindi ito umalis sa tabi niya habang isinasagawa ng mga doktor ang operasyon sa kanyang anak. Muli itong nagpanggap na babae upang hindi ito makilala ng mga tao.

Nitong mga nakaraang araw ay napakainit ng pangalan nito. Kumalat ang balitang may anak ito. Natatakot siyang baka madamay ang anak niya sa isyu. Baka masira din ang career nito. Naging tahimik naman ang lahat nang magsalita ito. Sinabi nito na wala pa itong nabubuntis at lalong wala itong anak.

May napakaliit na parte sa puso niya na dismayado ngunit nakakalamang ang relief na nadama niya. Hindi niya kakayanin kung masisira ito nang dahil sa kanya.

Naging matagumpay ang operasyon sa labis na katuwaan niya. Maaari nang mamuhay nang normal ang anak niya. Gayunman, habang-buhay nitong kailangang regular na magpa-check up upang mapanatili ang kalusugan ng puso nito.

Nang mga sumunod na araw ay naging abala siya sa pagmo-monitor ng recovery ng kanyang anak. Si Vann Allen ay naging abala na rin sa trabaho nito. Dinadalaw pa rin nito si Enzo tuwing libre ito. Ang anak niya ay tila sabik na sabik sa tuwina. Spoiled na spoiled ito kay Vann Allen. Napakarami nitong mga damit at laruan. Hindi na nga siya bumibili ng gamit ng anak niya, ito na ang nagbibigay. Tuwing tumatanggi siya ay sinasabi nitong masaya ito sa ginagawa nito.

Habang lumilipas ang mga araw ay lalong lumulusog ang anak niya. Mula nang maoperahan ang puso nito, hindi na ito nangasul. Malaki na rin ang itinaba nito. Sa bawat araw na lumilipas ay lalo itong nagiging masayahin.

Naniniwala siyang nag-uumpisa na ang suwerte niya. Alam niyang makakaraos din sila. Magiging maganda rin ang buhay ng pamilya niya. Magsisikap siya nang husto.

Isang hapon, napatakbo siya sa kanyang anak nang bigla itong umiyak. Iniwan niya ito sa crib nito sa sala habang nakasindi ang telebisyon. May kinuha lang siya sandali sa kusina.

Nakahinga siya nang maluwag nang makitang hindi naman ito nahulog sa crib. Nilapitan niya ito. "Bakit umiiyak ang baby ko? Gutom na ikaw? Basa na ang diaper mo?"

Natigilan siya nang ituro nito ang screen ng telebisyon. Si Vann Allen ang nasa screen. Isang show nito ang palabas. May kahalikan ito. Kilala niya ang kapareha nito, si Princess Margarette. Sikat na sikat ang tambalan ng dalawa ngayon. They were the hottest couple in the entertainment industry. Marami ang naghahangad na sana ay magkaroon din ng relasyon ang dalawa offscreen.

Binuhat niya ang kanyang anak at isinayaw-sayaw ito. Tumahan ito nang mapalitan na ang eksena.

"Hay, ang anak ko," tanging nasambit niya.

Hindi natin puwedeng pangarapin si Vann Allen, anak. Hindi siya para sa `tin. May mas nararapat na magmay-ari sa kanya. Magpasalamat na lang tayo sa kabutihan niya. Huwag na tayong humiling nang sobra.

Pakiramdam niya ay palayo na nang palayo si Vann Allen sa kanya. Hindi na niya itong kayang abutin. Ni pangarapin ang isang katulad nito ay nahihiya siyang gawin. Mamahalin na lamang niya ito sa paraang alam niya: Palihim.

Dahil mahal niya ito, hindi niya ito hihilahin pababa. Hahayaan niya itong magmahal ng iba. Ng isang babaeng mas karapat-dapat para dito.

UNANG kaarawan ni Lorenzo Allan. Nagpilit si Vann Allen na sa bahay na lang ng mga Lollipop Boys ganapin ang selebrasyon. Sa dami ng utang-na-loob ni Iarah dito, hindi na siya nakatanggi. Gusto raw kasi nitong makasama ang baby niya nang hindi ito nagsusuot ng disguise. Pati ang ibang Lollipop Boys ay nais makasama si Enzo. Tila lahat ay giliw na giliw sa anak niya.

Napakaraming handa ng anak niya. Kakaunti lang ang naiambag niya roon dahil sinagot lahat ni Jhoy ang gastos. Pero parang kay Vann Allen pa rin galing ang pera dahil si Jhoy ang humahawak ng pera ng binata. Ito ang nag-i-invest ng pera sa iba't ibang mga negosyo upang lumago ang pera ni Vann Allen. Ang alam niya ay nakapagpatayo na ito ng maliit na kompanya.

Hindi tuluyang kinuha ni Vann Allen ang lupa nila. Doon pa rin nakatira ang mga magulang niya. Ang inaani ng mga ito ay hindi rin nito kinukuha. Parang kinuha lamang nito ang titulo upang tanggapin na niya ang tulong nito.

Habang karga-karga ni Vann Allen si Enzo, inilibot niya ang kanyang mga mata sa paligid. Baka may kulang na pagkain o inumin. Kakaunti lang naman ang mga imbitado. Mga malalapit lamang sa kanila—pamilya niya, si Peighton, ang buong pamilya Balboa, ang ibang Lollipop Boys, at ang manager ng mga ito na si Angie.

"`Oy, Vann, pakarga din," ani Frecy sa kapatid nito.

Inilayo ni Vann Allen ang anak niya sa kapatid. "`Yoko nga. Ngayon ko nga lang `to nakakarga nang matagal, eh." Tumingin ito sa baby niya. "Ayaw mo kay Tita Frecy, ano? Si Tatay ang gusto mo, `di ba?"

Hagikgik ang naging sagot ng anak niya. "Ta-ta," anito.

Umingos si Frecy. "`Damot."

Halos maibagsak niya ang hawak niyang baso. Tumingin siya sa paligid niya. Tila hindi naman nagulat ang mga ito. Tila ordinaryo na lamang sa mga ito na marinig iyon mula kay Vann Allen. Siguro, nasanay na ang mga ito sa pang-aangkin nito sa anak niya.

Nilapitan siya ni Jhoy. Medyo kinabahan siya. Mabait naman ito sa kanya, lalo sa anak niya. Minsan lang, masyado itong nagiging pormal sa kanya. Hindi rin mawaglit sa isip niya ang naging usapan nila noon.

"Ate," bati niya rito, alanganin ang ngiti.

"Kumusta ka na?" pormal na tanong nito.

"Maayos lang. Maayos na si Enzo. Salamat sa lahat ng tulong."

"Napakaraming beses mo nang nagpasalamat. Okay lang. Basta maayos ang bata."

Napatingin siya kay Vann Allen nang lapitan ito ng Ate Janis niya. Sinuutan ng kapatid niya si Vann Allen ng pink party hat. Nagtawanan ang mga ito pagkatapos. Pati si Enzo ay ngingiti-ngiti na tila alam nito ang nangyayari.

"Magtatapos na ang ate mo, hindi ba?" tanong ni Jhoy.

Ibinalik niya ang tingin niya rito. "Opo. Magte-take kaagad siya ng board exam pagka-graduate niya. Alam kong maipapasa niya iyon."

"Ikaw, wala ka bang balak na bumalik sa pag-aaral?"

"Mayroon po. Hindi pa siguro sa ngayon. Kung mas malaki-laki na siguro si Enzo. Sa ngayon po, maghahanap muna ako ng trabaho. Mag-iipon muna."

Tumangu-tango ito. "Good." Dumako ang mga mata nito sa kapatid nito at sa kapatid niya. "I really like your sister for my brother. She's a strong woman. She's a fun person. Hindi kailanman malulungkot ang kapatid ko kung si Janis ang kasama niya. Hindi niya ipapapasan ang lahat sa balikat ng kapatid ko."

"Ate!" saway ni Frecy na hindi niya namalayang nasa malapit.

Nagkibit-balikat lamang si Jhoy bago sila nito iniwan.

Nginitian siya ni Frecy. "Huwag mong masyadong pansinin ang ate, ha? Minsan, basag talaga ang trip n'on."

Pinilit niyang ngumiti rito. "Okay lang `yon. Totoo naman ang mga sinabi niya."

"Huwag mong masyadong dibdibin, ha?"

"Okay lang." Huminga siya nang malalim upang maibsan ang paninikip ng dibdib niya. Tama ang sinabi ni Jhoy. Ang kailangan ni Vann Allen ay isang taong katulad ng ate niya. Iyong mapapasaya ito. Iyong hindi mahina, at hindi ito ang papasan ng lahat ng problema. Iyong walang sabit. Iyong malinis.

Ayaw niyang magselos sa ate niya. Ayaw niyang maghinanakit sa ate ni Vann Allen. Ganoon lang talaga kasakit ang katotohanan minsan.

HINDI komportbale si Vann Allen habang kausap niya ang isang international agent sa isang tahimik na restaurant. The agent was talking about him conquering the international stage. Hindi niya kinakaya ang mga sinasabi nito. Napapaisip na siya na baka nakatira ito ng bawal na gamot. Alam ba nito ang mga pinagsasasabi nito?

"You are too good to be here, Vann Allen," sabi pa ni Patrick Robinson. He was a typical American—tall, blue-eyed, and blonde.

"Are you for real?" hindi niya napigilang itanong dito. Si Tita Angie ang nag-set up ng meeting na iyon. Ang sabi nito ay kaibigan nito ang naturang ahente. May ilang international stars na itong hawak. Napanood daw nito ang huling concert nila at naging interesadung-interesado raw ito sa kanya. Hindi niya mapaniwalaang hinahayaan ng manager niyang kunin siya ng lalaking ito.

Natawa ang agent. "You know I am."

"What do you want from me, exactly?"

"I want you," anito habang sinasalubong ang mga mata niya.

"I'm sorry, you are not my type," tugon niya.

He was alarmed. Bakit "you" ang gamit nito? Bakit hindi "we"? He belonged in a group. Lollipop Boys was not just about him.

He was not going solo. Kahit gustuhin niya, hindi niya kakayanin.

Muli itong natawa. "You know what I mean, Vann Allen. You can conquer the States, Europe, the whole world. With your good looks and amazing talent, you can. You can easily charm everyone."

Umiling siya. "I don't believe you." If he could easily charm everyone, he wouldn't even be who he was now. Malamang pamilyado na siyang tao at namumuhay nang simple dahil nakuha ng charm niya si Iarah.

"Think it over. I know how much you love your group. I know they are almost your brothers. But you have to be selfish sometimes. You can do so much better. You can still climb higher. Your star can still be brighter. The whole world would love you."

"We can conquer the whole world. It's not just me," giit niya. Kung hindi niya kasama ang grupo niya, hindi na lang niya tatanggapin ang iniaalok nito.

"I only want you."

Kinausap niya ang manager niya pagkatapos ng meeting. Ayaw niyang mag-isa. Hindi niya kaya.

"Nasa `yo ang pagpapasya, Vann," ani Tita Angie. "Ayokong mawala ang Lollipop Boys, pero tama si Patrick. You can do so much better. You are very talented. Mas kikinang ka pa."

"Paano po kung hindi? Napakalaki ng mundong papasukin ko. Kokompetensiyahin ko ang mga naglalakihang personalidad sa ibang bansa. Nang mag-isa, Tita! Sinabi ko na po sa inyo, may stage fright ako!"

"Kaya mo, Vann. Magtiwala ka sa sarili mo. Do it for your... son."

Natigilan siya. Napaisip siya bigla. Ngunit hindi! Hindi niya maaaring iwan ang grupo niya para lamang sa sarili niyang kaunlaran. They started as a group, they should always remain a group.

Nagkaroon ng meeting ang Lollipop Boys. Sinabi niya ang totoo. Igigiit niyang isama ang buong grupo. He was not going solo. Kung hindi papayag ang ahente na grupo pa rin sila ay huwag na lang.

Ngunit nagimbal siya sa kinauwian ng pag-uusap na iyon. Rob and Maken wanted to quit. Hindi na raw masaya ang mga ito. Matinding kalungkutan ang umalipin sa kanya. Hindi siya makapiyok. Alam niyang hindi iyon ang talagang pangarap ni Maken. Pinilit lamang niya itong mag-audition noon. Nahihiya naman siyang pilitin itong maging masaya sa grupo nila kahit hindi na iyon ang nararamdaman nito.

Hinintay niyang magsabi ng pagtutol sina Enteng at Nick. Kung pipilitin ng mga itong manatili ang dalawa, sisikapin niyang pasayahin uli ang mga ito. Gagawin niya ang lahat upang magkaroon uli ng gana ang mga ito sa pagiging Lollipop Boys. Ngunit hindi dumating ang hinihintay niya. Tila tinanggap na lang ng dalawa na ayaw na nina Rob at Maken. Wala na rin siyang nagawa kundi ang malungkot.

The Lollipop Boys disbanded at the peak of their career.

AWANG-AWA si Iarah habang nakatingin kay Vann Allen. Dinalaw nila ito ni Enzo isang araw. Nang nagdaang gabi ay naganap ang farewell concert ng Lollipop Boys. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nanood siya. Kung kailan huli na ay saka siya nanood ng concert ng mga ito.

Nadatnan nila ito sa sala at pinapanood ang music videos ng Lollipop Boys. Kahit hindi pa nila ito gaanong nalalapitan, halatang-halata ang matinding lungkot sa anyo nito.

Umupo siya sa tabi nito. Si Enzo ay kaagad na nagtungo rito. Napangiti si Vann Allen nang makita nito ang anak-anakan. Hinagkan nito ang baby niya at niyakap.

"Salamat sa pagbisita," anito sa kanya.

"Okay ka lang?" tanong niya.

"Trying," sagot nito.

"Kaya mo `yan."

"Talaga? Parang hindi. Paano kung hindi ko naman kayang mag-isa?"

"Kaya mo," giit niya. "Ang galing-galing mo, eh. Nandito lang kami ni Enzo. Enz, `di ba, kaya ni Tito Vann?" kausap niya sa anak na abala sa pag-indak habang ang mga mata ay nasa telebisyon.

"Ta-ta," anito habang nakaturo sa screen ng telebisyon. May close-up si Vann Allen habang kumakanta.

"Natatakot ako," anito. "Natatakot akong mag-isa."

"Okay lang matakot, pero hindi okay kung magpapadaig ka sa takot mo. Minsan lang dumating ang ganitong oportunidad. Huwag mo nang pakawalan pa."

Nagulat siya nang sapuhin nito ang likod ng ulo niya at hilahin siya patungo rito. Hinayaan niyang siilin nito ng halik ang mga labi niya. Tumugon siya. Ang nais niya ay maibsan ang anumang nararamdaman nito sa halik na iyon. Ayaw niyang masyadong malungkot ito.

"Ayokong umalis. Ayokong iwan kayo ni Enzo," anito nang pakawalan nito ang mga labi niya.

Pinisil niya ang ilong nito. "Paano pala kung ikaw ang susunod na Michael Jackson o Elvis Presley?"

Natawa ito. "Ambisyosa!"

"Malay mo naman."

Naging malikot sa kandungan nito si Enzo. Hinayaan nito ang baby niya na tumayo sa kandungan nito. Sumayaw-sayaw ang anak niya. Hilig nito iyon.

Tuwang-tuwa naman si Vann Allen dito. Pati ito ay napapasayaw.

Alam niyang magtatagumpay si Vann bilang international singer. Makakaya nitong pumantay sa mga sikat na international celebrities. Mas kikinang pa ito. Mamahalin ito ng buong mundo.

Mananatili siya sa isang sulok at magiging masaya para dito. Hindi siya magiging hadlang sa tagumpay nito. She would let him conquer the whole world.

Nalulungkot din siya dahil mapapalayo na ito sa kanila, ngunit mas pangingibabawin niya ang saya para sa tagumpay nito. He would do great.