Chereads / (FILIPINO) Belle Feliz's Lollipop Boys / Chapter 65 - Chapter Sixteen

Chapter 65 - Chapter Sixteen

HINDI naging madali ang buhay ni Vann Allen sa Amerika. Inasahan niyang hindi magiging madali ang pag-penetrate niya sa ibang bansa, ngunit hindi niya inasahang magiging ganoon kahirap ang lahat.

He was a nobody in the States. Pakiramdam niya ay walang nakikinig sa musika niya kundi mga kapwa niya Pilipino. Parang nalulugi na nga ang mga nag-i-invest sa talent niya. Matindi rin ang discrimination. Pakiramdam niya ay walang may gusto sa kanya.

Napakaraming pagkakataong ninais na niyang umuwi sa Pilipinas at kalimutan na lamang ang paghahangad na sumikat sa ibang bansa. Sa Pilipinas, maraming nagmamahal sa kanya. Makakasama pa niya ang pamilya niya. Makikita at mayayakap niya ang kanyang anak-anakan.

Kapag sumasagi sa isip niya si Enzo ay parang nais pa niyang magsikap. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nakikipagsapalaran siya sa ibang bansa. Nais niyang bigyan ito ng magandang kinabukasan. Umaasa rin siyang kapag napagtagumpayan niyang maka-penetrate sa international music industry, gugustuhin na siya ni Iarah. Baka sakaling isali na siya nito sa buhay nito.

Sometimes, he honestly thought he was the biggest loser on earth. He was so pathetic. Marami-rami na rin ang mga babaeng dumaan sa buhay niya. Marami na siyang nakikilala na kung tutuusin ay mas nakahihigit kay Iarah. Pero sa puso niya, wala na yatang makahihigit pa rito.

Sa mga shows niya, minsan ay malaking struggle ang makatapos ng isang performance. Nalulungkot siya kapag tuwing lilingon siya ay mga hindi pamilyar na mga tao ang kasama niya sa stage. Wala na sina Enteng, Rob, Maken, at Nick sa tabi niya. Mag-isa na lamang siya. Kapag tumitingin naman siya sa audience, hinahanap-hanap niya ang mga pamilyar na mukha—ang pamilya niya, ang mga kaibigan niya, si Iarah, at si Enzo.

Nagsimula siyang sumikat nang lumabas ang ikalawang solo album niya. Ang carrier single ng album niya ay naging surprise hit. Ilang linggong nasa number one spot ng hit chart ang kanta.

Offers rushed in. Nagsimula siyang malula sa tagumpay na tinatamasa niya.

Nangyari sa Amerika ang nangyari sa kanya sa Pilipinas. Sa sobrang kasikatan niya, umabot na sa puntong hindi na siya makapaglakad sa mga kalye nang walang disguise. Sa mga tours niya ay nagkukulong lamang siya sa hotel room niya. Proud na proud ang mga Pilipino sa tagumpay niya.

Agad na nasundan ang album niya. Natakot siya na baka hindi na siya tangkilin ng mga tao. Baka one-time big-time lang ang lahat. Natakot siyang malaos agad siya at ma-disappoint niya ang mga tao.

Hindi nangyari ang kinatatakutan niya. He sold three million copies on the first week the album was released. Sa halip na mabunutan ng tinik, tila lalong bumaon iyon sa kaibuturan niya. Na-pressure siya nang husto. He was working too hard to improve. It was like there was no room for mistakes.

Kahit hindi niya gustong ngumiti minsan, kailangan niyang pilitin para sa kapakanan ng mga milyun-milyong taong nagmamahal sa kanya. Minsan, kahit wala siya sa mood maging jolly, sinisikap niyang magmukhang masayahin. He owed his success to many people.

Nagkatotoo ang sinabi ng lahat. Mas kumislap ang bituin niya. Mas sumikat siya. He was slowly conquering the whole world.

Napakarami na ng nagsasabi sa kanya na nasa kanya na ang lahat, wala na siyang mahihiling pa. Pinipigil niyang sabihin sa tuwina na hindi. May mga bagay pa rin siyang hindi nakukuha. May mga bagay pa rin siyang gusto at pilit na inaabot kahit na pakiramdam niya ay palayo na ito nang palayo.

Madalas, natatagpuan niya ang kanyang sarili na tila batang umiiyak sa condominium unit niya sa New York. Ramdam na ramdam niya ang pag-iisa. Kahit napakaraming nagmamahal at humahanga sa kanya, ramdam pa rin niyang mag-isa siya. He was pampered yet he longed for a different kind of pampering—yakap ng nanay at tatay niya, biruan at tawanan nilang magkakapatid, halik ni Iarah, mga ngiti ni Enzo, at samahan nilang magkakaibigan.

People saw him as a jolly and lovable person. Hindi alam ng mga ito ang nasa loob niya, na may matinding lungkot din siyang nadarama. Magaling lang siyang magtago. Habang lumilipas ang mga araw ay natututo siyang pakibagayan ang lungkot.

Habang lumilipas ang mga taon ay lalo siyang pasikat nang pasikat.

"TATAY, inaaway ako ni Nanay!"

Napabuga ng hangin si Iarah nang marinig niya ang sinabi ng kanyang anak. Baliktad ang sinabi nito sa kausap nito sa cell phone. Siya nga ang inaaway ng kanyang anak. Sadyang iniinis siya nito dahil naka-loudspeaker pa ang cell phone.

Nagsusumbong na naman ito sa tatay-tatayan nito. Habang lumalaki ito, unti-unti niyang ipinapaintindi rito na hindi si Vann Allen ang ama nito. Hindi naman niya pinipigil ang pagnanais nitong si Vann Allen na lamang ang maging ama nito. Hindi kasi iyon maiiwasan.

Vann Allen had always been there for her son. Hindi ito nagpapabaya kahit nasa malayo ito. Spoiled na spoiled si Enzo rito. Lahat ng nais at hilingin ng anak niya ay walang pag-aalinlangang ibinibigay ni Vann Allen. Sa puso ng anak niya, ang lalaki ang ama nito.

"Tito Vann" talaga ang tawag nito sa binata. Tinatawag lang nitong "Tatay" si Vann Allen kapag nais siya nitong inisin.

"Batukan mo `yang nanay mo. Ako ang bahala sa `yo," narinig niyang sabi ni Vann Allen.

Hindi niya alam kung matatawa o maiinis siya.

Nagtatampo sa kanya ang kanyang anak dahil hindi siya naka-attend sa school play nito. Hindi naman niya sinasadyang kalimutan ang petsa at oras ng play. Naging abala lang siya masyado sa trabaho kaya nakaligtaan niya iyon.

Nagpapaliwanag siya rito ngunit tila ayaw nitong makinig. Hindi rin niya ito masisi. Hindi lang iyon ang unang pagkakataong nangyari ang ganoon. Ilang school plays at PTA meetings na rin ang hindi niya nadaluhan.

"Huwag ka nang magtampo sa nanay mo, Enz," sabi ni Vann Allen. "Busy talaga siya sa work. Sa susunod na may school play na ikaw ang bida, maaga mong tatawagan si Tita Cheryl o Tita Katrina para mailagay nila sa schedule ko. Para makauwi ako at mapanood ko naman."

Sa pagkakataong iyon ay tumingin na sa kanya ang kanyang anak. "Did you hear that, `Nay? The busiest celebrity on earth can make time for me, ikaw, hindi." Puno ng hinanakit ang tinig nito.

Nilapitan niya ito at hinagkan ang ibabaw ng ulo nito. "I'm sorry na nga, anak, eh. Babawi naman si Nanay. Ibibigay ko sa `yo kahit ano'ng gusto mo," aniya rito. "Hi, Vann," aniya malapit sa cell phone ng kanyang anak.

"Kahit ano?" nakalabing tanong ng kanyang anak.

"Kahit ano," pangako niya.

"Pauwiin mo si Tito Vann."

Muli siyang napabuga ng hangin. Expect her son to ask for something unexpected. Kunsabagay, ano pa nga ba ang mahihiling nitong materyal na bagay? Halos lahat ng usong gadgets sa mga kabataan ay mayroon na ito. Ang ilan sa mga iyon ay hindi pa nga ibinebenta sa Pilipinas. Siyempre, kay Vann Allen galing ang lahat ng iyon.

May koleksiyon din ito ng action figure at Matchbox. Ang Ate Janis naman niya ang mahilig magpadala ng mga iyon. Napakasuwerte ng anak niya dahil napakaraming nagmamahal dito.

"Huwag mo nang guluhin ang nanay mo," sabi ni Vann Allen. "Uuwi naman talaga ako. Hintayin mo na lang ako."

Nagliwanag ang mukha ang anak niya. Tila sumigla ito. "Talaga po? Yes!"

"Oo, ano'ng gusto mong pasalubong?"

"Kahit po wala. Basta umuwi kayo."

"I have to go, man. We'll talk again later."

"Okay po. Ingat po."

Ginulo niya ang buhok ng anak niya nang matapos ito sa pakikipag-usap sa tatay-tatayan nito. Napakabilis ng panahon. Sampung taong gulang na ang anak niya. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil hindi na uli nagka-problema ang puso nito. Hindi niya malilimutan na minsan ay natakot siyang baka hindi na ito umabot sa unang taon ng buhay nito. Kahit madalas niyang makalimutan ang mga aktibidades nito sa eskuwela, hindi naman niya nalilimutan ang regular na checkup nito sa cardiologist.

Nagpaalam ito na papasok muna sa kuwarto nito at maglalaro ng computer. Mukhang hindi na ito galit sa kanya. Mukhang labis itong nasiyahan sa ibinalita rito ni Vann Allen. Kahit siya ay biglang na-excite. Halos tatlong buwan na rin mula nang huli silang nagkita. Alam niyang uuwi ito kahit ano ang mangyari. Kapag ito ang nangangako kay Enzo, hindi maaaring hindi nito tuparin ang pangakong iyon.

Nagtungo siya sa kusina at nagluto ng spaghetti. Paborito iyon ng anak niya. Kahit doon lang ay makabawi siya sa kasalanan niya rito.

Napakarami ng nangyari sa kanilang mag-ina sa mga nakalipas na taon. Nang magtapos ang ate niya ay kaagad itong nag-take ng nursing licensure exam. Pinalad naman itong makapasa. Nagtrabaho ito sa National Center for Mental Health. Si Peighton ay nagtungo sa Boston pagka-graduate nito. Ipinaubaya nito sa kanila ang apartment nito.

Hindi nagtagal, nagtungo na rin sa Boston ang Ate Janis niya sa tulong siyempre ni Peighton. Naging caregiver ito roon. Regular ang naging padala nito ng pera. Dito sila umasang mag-ina. Minsan, naaawa siya sa kapatid niya. Kahit hindi nito sabihin, alam niyang hirap na hirap ito sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Hindi naman kasi nito pinupulot ang mga perang ipinapadala nito.

Inutusan din siya ng kanyang kapatid na bumalik sa pag-aaral. Ginawa naman niya. Kumuha na lang siya ng yaya para may mag-aalaga kay Enzo habang nasa unibersidad siya. Paunti-unti siyang kumuha ng units hanggang sa makatapos niya.

Nang makatapos siya ng Accountancy ay pumasok siya sa VA Food Corporation, ang kompanyang itinatag ni Jhoy gamit ang mga kinita ni Vann Allen. Dati ay banana chips lamang ang produkto nito. Hindi naglaon, in-export na ang mga banana chips. Dumami ang tsitsiryang gawa sa saging. Dumami nang dumami ang mga produkto. Lumaki nang lumaki ang kompanya. Mula sa pagiging maliit, naging malaki at kilalang korporasyon iyon sa sandaling panahon. Magaling kasi sa pera si Jhoy. Magaling ito sa pagpapatakbo ng negosyo. Bata ito kompara sa ibang mga negosyante, ngunit hindi matatawaran ang galing nito. Bilib na bilib nga siya rito. Kung may taong labis siyang hinahangaan, si Jhoy iyon. Nag-umpisa siya sa mababang posisyon sa Accounting department. Kumuha siya ng exam upang maging CPA siya. Nang makapasa siya ay unti-unting tumaas ang posisyon niya sa kompanya. Siya ang naging chief accountant hanggang sa maging isa siya sa mga vice presidents.

Maganda na ang kita niya. Hindi na siya nagkakaroon ng problema sa pera. Naibibigay na niya ang lahat ng pangangailangan ng pamilya niya. Ang nais sana niya ay umuwi na ang kapatid niya sa Pilipinas. Ang nais niya ay maghinay-hinay na ito sa pagtatrabaho. Ayaw naman nitong umuwi. May hinala siyang may isang tao itong hindi maiwan-iwan sa Boston. Kapag pinipilit kasi niya ito, palagi nitong sinasabi na pag-iipunan pa nito ang pangkolehiyo ni Enzo. Lagi niyang sinasabi na kayang-kaya na niyang ipunin iyon ngunit hindi ito nakikinig.

Napakarami nang nagbago sa buhay nilang lahat. Iisa lamang ang hindi nagbabago—ang relasyon nila ni Vann Allen. Wala pa rin iyong depinisyon.

"MINSAN, gusto na talaga kitang iwan, Vann Allen."

Napangiti si Vann Allen sa sinabi ni Katrina. Isinara niya ang butones ng polo niya at inayos ang buhok niya.

"You won't ever do that," aniya sa nakatitiyak na tinig. "You love me."

"Magpasalamat ka at ganoon nga talaga. Naku!" Tila gigil na gigil ito habang nakaharap sa laptop nito.

"Chill, Khat. You can do it." Kinindatan pa niya ito.

Inirapan siya nito. "Huwag mo akong ginagamitan ng charm mo, Vann. Nagkaroon na ako ng immunity. Naiinis ako sa `yo. Hudas ka, pinapahirap mo ang trabaho ko."

Natawa siya nang malakas. Pumasok na rin sina Cheryl at Zhang sa silid. Kaagad na napansin ni Cheryl ang pagsimangot ni Katrina. Si Zhang ay lumapit sa kanya at sinuutan siya ng kurbata.

"Change of sched uli?" tanong ni Cheryl sa partner nito.

"Yes, partner. Again. He's going home again," sagot ni Katrina. "Iwan na natin `to."

"Huwag. Mahal ko `yan kahit ganyan `yan," ani Cheryl na nagbubukas na rin ng laptop. "At saka malaki siyang magpasuweldo."

Napabuntong-hininga na lamang si Katrina. "Mahal ko rin pala siya."

Nag-usap na ang dalawa tungkol sa mga pagbabago ng schedules niya. Parehong sekretarya niya ang dalawang babae. Si Zhang ang kanyang stylist. Mga Pilipino ang mga ito. Karamihan sa mga staff niya ay Pilipino. Mas nagiging kampante kasi siya kapag kababayan niya ang mga katrabaho niya. Kapag kapiling niya ang mga ito, nababawasan ang homesickness niya. Masaya ring may mga nakakausap siyang nagta-Tagalog kahit nasa ibang bansa sila.

Si Katrina ay dating presidente ng fans club ng Lollipop Boys. Minsang natiyempuhan niyang naghahanap ito ng trabaho nang magbakasyon siya sa Pilipinas; inalok niya ito ng trabaho. Si Cheryl ay sa New York na talaga lumaki. Aksidenteng nakabangga niya ito habang naglalakad-lakad siya sa Brooklyn. Naka-disguise siya noon ngunit nakilala siya nito. Hindi naman siya nito ibinuking. Naging magkaibigan sila at nang mangailangan ito ng trabaho ay inalok niyang maging sekretarya rin niya ito. Sa dami ng trabaho niya, dapat lamang na dalawa ang sekretarya niya. Si Zhang ay dating assistant ng isang stylist ng sikat na female singer. Nasaksihan niya ang pang-aapi ng mga Kano rito. Inalok niya itong maging stylist niya, tutal naman ay hindi niya makasundo ang dating stylist niya.

"Katatanggap ko lang ng mga damit at sapatos galing sa mga sponsors," ani Zhang habang inaayos ang buhok niya. "You need a new haircut," dagdag nito.

"Hindi ko alam kung kaya kong i-cancel ang ibang commitments mo, Vann," ani Cheryl. "Importante iyong iba, eh."

"You can do it, honey. Think of Enzo. Kaya mo bang ma-disappoint ang bata?" aniya.

"Ipadala mo na lang siya rito," suhestiyon ni Zhang.

"I want to go home," wika niya.

"Gusto mo lang makita si Iya, eh," ani Katrina.

Ngumiti lamang siya. Hindi niya ikakaila ang bagay na iyon. Totoong nais din niyang makita si Iarah. Miss na miss na niya ito.

Alam ng mga ito ang tungkol kina Iarah at Enzo. Kaibigan ang turing niya sa mga ito at hindi mga empleyado. Ilang ulit na niyang napatunayan ang katapatan ng mga ito. Ang mga ito ang pinakapinag-kakatiwalaan niya sa Amerika. Sigurado siyang hindi siya ilalaglag o pababayaan ng mga ito.

Ang mga ito ang madalas tumulong sa kanya tuwing umuuwi siya sa Pilipinas nang palihim. Minsan kasi, hindi niya kinakaya ang lungkot. Kaysa ma-depress siya at baka bumaling siya sa bawal na gamot katulad ng gawain ng mga ibang celebrities, tinutulungan na lang siya ng mga itong makauwi. Sinisiguro ng mga itong hindi siya mabubuking o mahahanap ng mga press at paparazzi.

"Minsan talaga, hindi ko maintindihan kung bakit," ani Katrina.

Alam niya kung ano ang tinutukoy nito. Sa tatlong babae, ito ang mas nakasama niya nang matagal. Ito ang nakasubaybay talaga sa career niya—mula sa pag-uumpisa ng Lollipop Boys hanggang sa pagiging Vann Allen niya. Kaibigan nito si Iarah ngunit dahil minsan ay nasasaksihan nito ang mga kalungkutan niya, may mga pagkakataong naiinis ito sa babae.

Bakit daw hindi siya magawang mahalin ni Iarah? Bakit daw hindi niya ito magawang kalimutan, bitiwan, o iwan?

"Ako rin, Khat, hindi ko rin maintindihan. Pero kung kaya ko, sana noon pa. It's been years. Hindi ko kaya. I already gave up trying."

Sabay-sabay na napailing ang mga ito. Hindi nagtagal ay pumasok si Patrick. Sinundo siya nito dahil may press conference siya para sa bagong single niya na namamayagpag na sa hit chart.