Chereads / (FILIPINO) Belle Feliz's Lollipop Boys / Chapter 62 - Chapter Thirteen

Chapter 62 - Chapter Thirteen

NAGISING si Iarah dahil sa pananakit ng kanyang tiyan. Dumako ang tingin niya sa orasan sa bedside table. Alas-kuwatro pa lang ng madaling araw.

Huminga siya nang malalim upang kahit paano ay maibsan ang kaba niya. Sa susunod na linggo pa ang due niya. Hindi pa dapat lumabas ang baby niya.

"Kalma, baby. Next week ka pa dapat lumabas," bulong niya.

Nitong mga nakaraang araw ay nahaluan na ng matinding takot ang excitement niya. Paano kung may mangyaring masama sa dinadala niya? Umiling siya. Hindi siya dapat mag-isip ng anumang negatibo.

Tila umepekto ang pagkausap niya sa anak niya dahil nawala ang paghilab ng tiyan niya. Muli siyang pumikit at nagbalik sa pagtulog. Paggising uli niya, nadatnan niyang naghahanda ng almusal ang nanay niya. Dalawang linggo na ito sa Maynila. Lumuwas ito upang tulungan siya sa napipintong panganganak niya. Naiyak pa nga siya nang humingi ito ng tawad sa kanya dahil noon lang siya nito pinuntahan, na wala ito noong mga panahong kailangan niya ito. Sinabi niyang naiintindihan niya ito. Kailangan kasi nitong tulungan ang tatay niya upang makalikom ng pera para sa panganganak niya.

Abala ang Ate Janis niya sa paghahanda para sa duty nito sa ospital. Si Peighton naman ay nakaupo na sa hapag at kumakain.

"O, kumain ka na rin, Iya," anang kanyang ina.

Nilapitan siya ng ate niya at hinagkan ang umbok ng tiyan niya. "`Morning, baby." Umupo na ito sa harap ng hapag.

Sinamahan na rin niya ang mga ito. Napapatingin siya sa kapatid niya. Napakaganda nito sa Nursing uniform nito. Maganda ang pagkakapusod ng buhok nito. Bagay na bagay rito ang nakaputi.

Naiinggit siya rito. Kaunting panahon na lang at magtatapos na ito. Hindi nito binigo ang mga magulang nila. Hanggang ngayon, wala pa rin itong nagiging nobyo. Hindi niya alam kung sadyang wala pa itong nagugustuhan o iniiwasan lamang nitong matulad sa kanya.

Habang nakatingin siya rito, ipinangako niya sa sariling pipilitin niyang makapagtapos ng pag-aaral. Kahit gaano kahirap, pipilitin niya. Kahit paunti-unti, magtitiyaga siya.

Nahaplos niya ang kanyang tiyan. Ang nais niya ay maipagmalaki siya kahit paano ng anak niya. Ayaw niyang laitin ito ng mga tao dahil hindi siya nakatapos ng pag-aaral.

"Kumain ka," sabi ng kapatid niya habang nilalagyan nito ng pagkain ang plato niya. "Huwag kang magpapagutom."

Napakasuwerte niya sa pamilya niya. Habang-buhay niyang pasasalamatan ang Panginoon sa pagbibigay Nito sa kanya ng mapagmahal na pamilya.

Nang makaalis ang ate niya at si Peighton ay tinulungan niya sa pagliligpit ang nanay niya. Pinipigil siya ng kanyang ina ngunit ang sabi niya ay hindi naman mabigat na trabaho ang kanyang ginagawa.

Katatapos lang niyang magligpit nang biglang humilab ang tiyan niya. Nasapo niya iyon, kapagkuwan at umupo siya sa sofa. Naging panay-panay na ang paghilab ng tiyan niya. Hindi na niya napigilang mapadaing sa sakit.

"`Nay," tawag niya sa kanyang ina na naghuhugas ng pinggan. "`Nay, masakit po ang tiyan ko," natatarantang sabi niya.

Kaagad na lumapit ito sa kanya. "Ha? Gaano na kadalas ang paghilab?"

Daing lang ang naisagot niya. Lalong sumasakit ang tiyan niya habang lumilipas ang bawat sandali.

Nataranta na ang kanyang ina. "Mukhang manganganak ka na. Dadalhin na kita sa ospital. Sandali, kukunin ko ang mga gamit mo."

"Pero next week pa po dapat ang paglabas niya, `Nay."

"Ganoon talaga kapag nanganganay, anak. Kaya mo pa bang tumayo? Maigi nang nasa ospital ka na. Mahirap na kung patatagalin pa natin ang pagpunta roon."

Tinulungan siya nitong tumayo. Ini-lock nito ang apartment at dahan-dahan silang naglakad patungo sa dinadaanan ng mga sasakyan. Hindi pa man sila nakakalayo sa apartment ay nakasalubong nila ang Ate Toni ni Vann Allen.

Lumapit ito sa kanila. "Ano ang nangyayari sa `yo, Iya?" nag-aalalang tanong nito.

"M-manganganak na yata ako, Ate," aniyang bahagya pang hinihingal. Ginigitian na rin siya ng pawis. Ayaw tumigil sa paghilab ang tiyan niya.

"Tara na sa ospital," anito. "Tatawag ako ng taxi."

Halos hindi niya namalayan ang pagdating nila sa ospital. Ang tanging nasa kamalayan niya ay ang matinding hapding nadarama niya. Parang hindi niya iyon kakayanin. Parang anumang sandali ay sasabog siya.

Ipinasok siya sa emergency room. May ilang doktor na tumingin sa kanya. Ang nanay niya ang sumasagot ng mga tanong ng isang nurse.

"Kailangan ko palang tawagan si Vann," sabi ni Toni.

Hinawakan niya ito sa isang kamay. "Huwag," pakiusap niya. "M-may s-shooting siya ngayon. Okay lang ako. Please, Ate, huwag na natin siyang abalahin. Baka mataranta `yon at sumugod dito. Dudumugin siya ng mga tao. Pagmumulan ito ng mga pangit na intriga."

Nakakaunawang tumango ito. "Tama ka."

Binitawan na niya ang kamay nito. Kahit kailangan niya si Vann Allen nang mga sandaling iyon ay hindi niya ito maaaring papuntahin doon. Titiisin na lang niya. Makakaya nilang mag-ina iyon.

Ang dinanas niya nang mga sumunod na oras ay hindi mapapantayan. Ang sakit-sakit ng buong katawan niya. Halos mawalan na siya ng lakas sa kakaiyak. Regular na mino-monitor ng doktora niya ang kalagayan niya.

Hindi umalis sa tabi niya ang nanay niya habang nagle-labor siya. Pinapatatag nito ang loob niya.

Nang ipasok na siya sa delivery room ay halos wala na siyang lakas. Lalong nauubos ang lakas niya sa pag-iri at pagsigaw. Halos maligo siya sa sarili niyang pawis.

Tila siya naupos na kandila nang sa wakas ay mailabas na niya ang anak niya.

"Baby out," anang doktora. "It's a boy, Iya."

Napapangiting naluha siya. Tila musika sa pandinig niya ang iyak ng kanyang sanggol. Lalaki ang anak niya. Ipinakita ito sa kanya.

Pinunasan niya ang kanyang mga luha upang malinaw niyang makita ang hitsura ng sanggol niya. Ang guwapo nito. "Welcome, Lorenzo Allan Delos Reyes." Nasabi niya ang mga katagang iyon bago siya nakatulog.

"CUT! GOOD take!"

Nakahinga nang maluwag si Vann Allen nang matapos na ang huling eksena niya para sa araw na iyon. Nginitian niya si Princess Margarette, ang kapareha niya bago siya nagtungo sa mga kaibigan niya. Kanina pa tapos ang eksena ng mga ito at sadyang hinihintay lamang siya.

Umupo siya at uminom ng tubig. Magpapahinga lamang siya sandali at uuwi na siya. Halos madaling-araw na. Pagod na pagod na siya. Ilang araw na siyang walang tulog.

Artista na rin ang mga Lollipop Boys. May sarili na silang show sa primetime. Siya ang pinakabida. It was a story about friendship and love. May gagawin din silang pelikula. Abalang-abala silang lahat.

"Ang ganda ni Princess Margarette, `no?" sabi ni Enteng sa kanya. "Mukhang may gusto sa `yo. Ang suwerte mo."

"Okay," tanging nasabi niya. Pagod siya at wala siyang lakas na makipagkulitan.

Maganda talaga si Princess Margarette. Kilalang-kilala ito bilang mahusay na aktres. She was actually one of the most promising young actress in the showbiz industry. It was great working with her. Mukhang magiging mabuti rin silang magkaibigan dahil mabait ito at nagkakasundo sila sa ilang mga bagay.

Mayamaya ay natanawan nilang palapit sa kanila si Tita Angie, ang manager nila. Nagtaka siya. Hindi niya alam na darating ito.

Isa-isa silang humalik sa pisngi nito nang makalapit ito. Tumingin ito sa kanya. "Vann, I want you to listen to me. Try not to freak out."

Labis siyang nagtaka. Hindi na lang siya nagsalita at hinintay niyang magpatuloy ito.

"Tumawag sa `kin si Toni kanina," panimula nito. "Nasa ospital daw siya."

Napamulagat siya. May kabang kaagad na bumundol sa dibdib niya. May nangyari bang masama sa pamilya niya?

"Nanganak na si Iarah. It's a boy."

Halos hindi siya makahinga sa narinig niya. "Nanganak na siya?" bulalas niya. "Kailan? Anong oras? Saan? Bakit ngayon ko lang `to nalaman? Let's go. Puntahan na natin sila, Tita."

Biglang lumipad ang antok at pagod niya. Nais na niyang makita ang mag-ina niya. Maayos ba ang mga ito? Nahirapan ba nang husto si Iarah sa panganganak? Wala man lang siya sa tabi nito habang nahihirapan ito.

Pinigilan ni Tita Angie ang braso niya. "Madaling-araw na, Vann. Bukas na lang tayo magtungo sa ospital. Tapos na ang visiting hours," sabi nito sa mahinahong tinig.

"Pero gusto kong makita ang anak ko ngayon na!"

Tinakpan nito ang bibig niya. "Huwag kang maingay, baka may makarinig sa `yo. Huwag namang matigas ang ulo, anak. I already cleared your schedule for tomorrow. Makakasama mo maghapon ang anak mo."

"Tita, I want to see them now. Please naman po," pagsusumamo niya.

Alam nito ang totoong sitwasyon. Sinabi niya rito ang lahat. Bilang manager niya, nararapat lamang na alam nito ang mga bagay na iyon. Masuwerte siya dahil napaka-supportive ng manager nila.

Napabuntong-hininga ito. "Bakit hindi ka muna magpahinga? Ipagpabukas na natin ang pagpunta sa ospital. Maayos na silang mag-ina. Your sister assured me."

"Hindi rin po ako makakapagpahinga, Tita. Hindi ako mapapakali hangga't hindi ko sila nakikita. Pull some strings, Tita. I want to be with her."

She sighed in resignation.

Nagpasalamat siya nang dalhin siya nito sa ospital kung saan naka-confine si Iarah. Kaagad na nagtungo siya sa pribadong silid na inookupa nito. Ayon kay Tita Angie, inayos ng kapatid niya ang lahat upang matanggap ni Iarah at ng bata ang pinakamagandang serbisyong kayang ibigay ng ospital. He made a mental note to thank his sister.

Si Janis ang nadatnan niyang nagbabantay kay Iarah. Tila hindi ito nagulat nang makita siya roon. Tila inaasahan na nitong pupunta siya roon. Si Iarah ay natutulog na sa kama.

"How is she?" tanong niya kay Janis pagkalapit niya sa kama.

"Okay lang. Nahirapan daw siya sa pagle-labor, pero nairaos naman niya."

Umupo siya sa gilid ng kama. Hinagkan niya ang noo ni Iarah. Maayos ito. Nagpapasalamat siya nang husto sa Diyos dahil maayos ito.

"Maayos din si Enzo," ani Janis bago pa man siya makapagtanong tungkol sa bata.

Napangiti siya. Nakahinga siya nang maluwag. Maayos ang mag-ina niya.

ANG NAKANGITING mukha ni Vann Allen ang unang nakita ni Iarah pagmulat niya ng mga mata. Pakiramdam niya ay nakakita siya ng isang anghel. Ngumiti rin siya rito.

"How are you?" tanong nito habang tinutulungan siya nitong bumangon. "How do you feel?"

"Okay lang," sagot niya. Nginitian din niya ang kanyang ina at kapatid na naroon din.

"Ano ang gusto mo? May gusto ka bang kainin?" tanong uli ni Vann Allen sa kanya.

Umiling siya. "Ang baby ko?"

"Dadalhin na raw ng nurse dito," sagot ng ate niya. "Kailangan mo na raw i-breastfeed."

Hindi nagtagal ay pumasok ang isang nurse at ang doktora niya, karga-karga ang sanggol niya. Kaagad na inilahad niya ang kanyang mga braso para sa anak niya. Tinuruan siya ng doktora kung paano ang tamang paghawak ng sanggol. Inilabas nito ang isang dibdib niya at ipinasubo sa anak niya. Tuwang-tuwa siyang panoorin ang anak niya habang dumedede ito sa kanya.

Ang guwapu-guwapo nito. Kawangis nito si Daniel. Ang dalangin niya, huwag sana nitong makuha ang mga pangit na pag-uugali ng ama nito.

Tinanong siya ng doktora ng ilang bagay habang nagpapadede siya. Ang sabi nito, makakatulong ang pagpapadede sa sanggol sa pagko-contract ng uterus niya. Maiiwasan daw na duguin siya. Sabi rin nito, ipapakilala nito sa kanya mamaya ang ka-partner nitong pediatrician. Siniguro nitong maayos ang pakiramdam niya bago siya nito iniwan.

Bigla siyang nailang nang mapansing nakatingin sa kanilang mag-ina si Vann Allen. Conscious na conscious siya sa kanyang hitsura. Wala namang malisya sa mga mata nito ngunit parang nais pa rin niyang takpan ang dibdib niya.

"Tumalikod ka nga," sabi niya rito.

"Ang dumi ng isip mo. Hindi `yang boobs mo ang tinitingnan ko, `no. Si Enzo. Puwedeng pakarga pagkatapos niyang dumede?" tugon nito. Tila tuwang-tuwa talaga ito sa anak niya.

Nang matapos dumede ni Enzo ay kaagad na umupo sa tabi niya si Vann Allen. Maingat na ipinasa niya rito ang sanggol niya. Nakakatuwang pagmasdan ang dalawa. Tila totoong mag-ama ang mga ito.

Hinagkan niya ang noo ng kanyang anak. Ngumingiti-ngiti ang sanggol. Tila gustung-gusto nito ang kinaroroonan nito.

Puno ng kaligayahan ang puso niya. Umaapaw ang pagmamahal na nadarama niya. Nagkaroon ng bagong kahulugan ang buhay niya. Mabubuhay siya para sa kanyang anak. Magsisikap siyang maigi para dito. Gagawin niya ang lahat upang mabigyan ito ng magandang buhay. Gagawin niya ang lahat upang maging isang mabuting ina para dito.

"He's beautiful," usal ni Vann Allen. "Siya na ang pinakamagandang nilalang ng Diyos." Hinagkan nito ang noo ng baby niya.

Nagpapasalamat siya at naroon ito. Karagdagan ito sa kaligayahan niya. Ang hiling lang niya, sana ay hindi mapasama ang pagtungo nito roon. Sana ay hindi magkaroon ng mga tsismis na maaaring ikasira ng magandang career nito.

"Wala ka bang trabaho ngayon?" tanong niya rito kapagkuwan.

"Wala. Ikinansela lahat ni Tita Angie. Siyempre, alam niyang gusto ko kayong makasama."

"Hindi mo kailangang gawin `yon. Naiintindihan ko naman. Hindi mo rin obligasyong pumarito."

"Enzo, ang daming sinasabi ng nanay mo," pagkausap nito sa kanyang anak. Bumaling ito sa kanya. "Ayaw mo ba ako rito?"

"Gusto. Kaya lang—"

"Iyon naman pala. Now shut up and—" Bigla itong natigilan. Nakatitig ito sa anak niya. Nagsalubong ang mga kilay nito. May nabasa siyang pag-aalala sa mukha nito. "Enzo? Baby, what's wrong?" nag-aalalang tanong nito.

Nagtatakang napatingin siya sa anak niya. Bigla siyang nanlamig. Tila nangangasul ang mukha ng anak niya. Tila hindi ito makahinga.

"Janis! Call the doctor! Now!" sigaw ni Vann Allen.

Halos mawalan siya ng malay. Hindi puwedeng may mangyaring masama sa baby niya!

TETRALOGY of Fallot—iyon daw ang congenital heart defect ng anak ni Iarah. Hindi niya mawawaan ang mga sinabi sa kanya ng pediatrician. Ang tanging naiintindihan niya ay may depekto ang puso ng anak niya at nasa panganib ang buhay nito. Ire-refer daw nito ang anak niya sa isang doktor na ang specialization ay mga sakit sa puso.

Hindi niya mapigilang maluha pag-alis ng doktor. Napatingin siya sa anak niyang bumalik na sa dating kulay nang mabigyan ng pangunahing lunas ng mga doktor. Ang liit-liit pa ng baby niya. Ang akala niya ay wala itong problema. Ang akala niya ay magiging maayos na ang lahat sa kanilang mag-ina, na makakapag-umpisa na uli sila.

Bakit ganoon? Bakit tila sinalo na yata niyang lahat ang kamalasan sa mundo? Bakit hindi matapus-tapos ang paghihirap niya? Bakit kailangang pati ang anak niya ay mahirapan?

Naramdaman niya ang mga braso ni Vann Allen na yumakap sa kanya. Ibinaon niya ang kanyang mukha sa dibdib nito at humagulhol.

"Magiging maayos ang lahat, Iya. Hold on. Be strong," bulong nito sa tainga niya.

Napatingala riya rito. "Kailan? Kailan magiging maayos ang lahat? Ayokong mawala ang anak ko, Vann. Hindi ko kaya." Ang lalong nagpapahirap sa kanya ay ang kawalan niya ng magawa. Nais niyang kumilos upang mawala ang sakit ng anak niya. Nais niyang gumawa ng paraan upang gumaling ito. Pero wala siyang magawa.

"Hindi mawawala sa `tin si Enzo. Gagawin ko ang lahat upang gumaling siya. He will be fine. Trust me."

Nagtitiwala siya rito. Magiging maayos ang anak niya. Hindi siya nito pababayaan. Magiging malusog si Enzo. Makikita pa niya ang pagbibinata nito.

Dumating ang isang cardiologist at kinausap sila. Kinumpirma nitong Tetralogy of Fallot nga ang heart defect ng kanyang anak. Naghahalo raw ang oxygenated at deoxygenated blood kaya nangangasul ang anak niya. Hindi raw normal ang flow ng dugo sa puso nito. Isang total surgical repair ang kailangan ng puso ng anak niya. Mas malaki raw ang chance of survival kung magagawa agad nila ang operasyon.

"Pero ang liit pa po niya," aniya sa doktor. Parang hindi niya kayang isipin na bibiyakin ang dibdib ng anak niya upang ayusin ang puso nito.

"Puwede ring palakihin pa natin siya nang kaunti," sabi ng doktor. "Ang mahalaga, maoperahan siya bago siya mag-isang taon."

"Magkano ang kakailanganin sa operasyon, Doc?" tanong ng kanyang ina.

Halos himatayin siya nang sabihin ng doktor ang magagastos nila. Napaungol na lamang siya. Nagbabanta na naman ang mga luha sa kanyang mga mata. Napakalaking halaga ng kailangan nila. Saan sila kukuha niyon? Nagagalit siya sa kanyang sarili dahil wala siyang magawa kundi umiyak at maawa sa kanyang anak.

Related Books

Popular novel hashtag