PAGGISING ni Michelle kinaumagahan ay hindi maganda ang kanyang pakiramdam. Pagbangon niya ng kama ay kaagad na naramdaman niya ang pananakit ng kanyang ulo.
Naalala niyang naglasing pala siya nang nagdaang gabi. Hindi siya sanay uminom ng alak. And she was now paying for it.
Tila lalong sumakit ang kanyang ulo nang bumalik sa isip niya ang dahilan kung bakit siya naglasing. Ibinagsak niya ang sarili sa kama. Muli na namang namasa ang kanyang mga mata.
Pinigilan niyang tuluyang mapaiyak. Ayaw na niya. Pagod na siya. Nang nagdaang araw pa siya iyak nang iyak. Masakit na ang kanyang mga mata. Dapat ay tanggapin na lang niya ang buong pangyayari. Nangyari na iyon. Iniwan na siya ni Miguel. Hindi natuloy ang kasal niya.
Bumangon siya. Nakita niya ang wedding gown niyang nakakalat sa isang bahagi ng silid. Bigla siyang napatingin sa suot. Isang kulay-abong oversized T-shirt ang suot niya. Nagsalubong ang mga kilay niya. Ang alam niya ay hindi na niya nagawang magpalit ng damit nang nagdaang gabi.
Sino ang naghubad ng wedding gown niya? Malamang na si First. Silang dalawa lang naman ang tao sa beach house. Bigla tuloy siyang nailang.
Nagtungo na siya sa banyo bago pa kung anu-ano ang pumasok sa isip niya. Naligo siya at naghanap ng maisusuot. Nang buksan niya ang closet ay may mga nakita siyang damit na nakasupot pa. Hindi niya alam kung saan nakakuha ng mga damit si First.
Isinuot niya ang isang puting T-shirt at denim shorts na abot hanggang tuhod. Lumabas na siya ng silid. Wala si First sa sala kaya nagtungo siya sa kusina. Wala rin ito roon. May mga pagkaing nakahanda sa mesa. May note sa pinto ng ref na nagsasabing nasa dagat daw ito. Kumain na rin daw siya.
Dahil nakakaramdam na siya ng gutom, kumain na siya. Nang matapos siya ay iniligpit niya ang mga natirang pagkain at hinugasan ang pinagkainan.
Maganda ang beach house ni First. Pribadung-pribado iyon at malayo sa mga kapitbahay. Yari sa kawayan ang buong bahay at ang mga kasangkapan. Hindi iyon gaanong malaki; dalawa lamang ang silid doon. Doon nagtutungo si First kapag nais nitong mapag-isa at mag-isip. Doon din naglalagi ang binata kapag nagtatampo, o kaya ay kapag galit ito sa mama at papa nito.
Lumabas siya ng bahay. Natanaw niya si First sa dagat na tila tuwang-tuwa sa paglulunoy sa tubig. Maambon nang araw na iyon. Tila walang balak magpakita ang araw buong maghapon.
Napangiti siya nang mapait. Pati ang langit ay nakikisama sa nararamdaman niya.
Naglakad siya patungo sa dagat. Hinayaan niyang mabasa ang kanyang mga paa. Malamig ang tubig. Nakita siya ni First at kinawayan. Gumanti siya ng kaway. Hindi nagtagal ay umahon na ito.
"Gising ka na pala," anito nang makalapit sa kanya.
Tumango lang siya at naglakad-lakad. Sinabayan siya nito. Hinawakan nito ang kamay niya at hinagkan iyon.
"Are you okay?" masuyong tanong nito.
"You know the answer to that, First."
"Alam kong masakit—"
"You have no idea. No idea at all."
"I'm here, Michico. I'm just here. Hindi kita iiwan kahit ano ang mangyari."
Namasa ang kanyang mga mata. Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa kamay nito. She was thankful because he was there for her. Kahit paano ay may taong handang damayan siya sa kanyang pighati.
"Deep in my heart, I know something wrong would happen between me and Miguel. We had this perfect relationship for two years. Everything was sailing smoothly. Ni hindi kami nag-aaway. Bakit naman ganito ang nangyari, First? Bakit ganito katindi?"
Muli nitong hinagkan ang kanyang kamay. "You two are not meant for each other."
Doon nalaglag ang mga luha niya. "I love him. So much."
He sighed. "I know."
"Paano niya nagawa ito sa akin?"
"Hindi ko alam. Pero napakalaking tanga niya upang iwan ka sa harap ng altar. Ang tanga-tanga niya. Hindi niya alam kung ano ang tinakbuhan niya. The sooner you get over him, the better."
"Madaling sabihin, mahirap gawin."
"Alam ko, pero makakaya mong gawin. Trust me, you will learn how to forget him."
"Kailangan bang kalimutan ko na siya agad? Hindi ba puwedeng hintayin ko muna ang paliwanag niya? Baka may mabigat na dahilan kaya niya nagawa iyon. Baka sakaling may pag-asa pa para maayos ang lahat."
Bigla nitong binitawan ang kanyang kamay. Ang sama ng tingin nito sa kanya. "Umaasa ka pa na magkakaayos kayo?"
"Masisisi mo ba ako? Mahal ko siya. Baka sakaling—"
"Shut up!" he snapped.
Naiyak siya. Hindi siya maintindihan ni First! Palibhasa ay hindi ito marunong magmahal. Palibhasa ay wala itong sineryoso sa mga babaeng dumaan sa buhay nito. Hindi nito alam kung ano ang pakiramdam ng labis na nasaktan. Hanggang maaari, ayaw pa niyang bumitaw kay Miguel. Nais muna niyang pakinggan ang paliwanag nito.
"Hindi ka man lang ba magagalit sa kanya?" naiinis na tanong ni First. "He left you at the altar! He couldn't answer a very simple question! He didn't want to marry you. Hindi ka niya mahal! And look at you, you are crying. Hindi ka naman iyakin dati."
Pinaghahampas niya ang dibdib ni First. And he called himself her friend? Ang sama-sama ng ugali nito. He should be comforting her.
Niyakap siya ni First. Pumalag siya ngunit lalo lamang siyang ikinulong ng binata sa mga bisig nito. He kissed her temple. "I'm sorry," he murmured softly. "Hindi ko sinasadya."
"You are so mean," aniya habang sisinghut-singhot. It felt nice to be in his arms. Kahit naiinis siya rito, hindi niya maipagkakaila iyon.
"Basta lagi mong tatandaan, nandito lang ako para sa `yo."
Ramdam na ramdam niya ang pagiging sinsero nito. Naniniwala siya rito. Alam niyang hindi siya nito iiwan. Alam niyang gagawin nito ang lahat upang maging maayos ang sitwasyon. Bigla-bigla, parang nais na niyang ipaubaya rito ang lahat.
Ayaw na niyang isipin si Miguel. Nasa tabi naman niya si First.
KINAGABIHAN, inako ni Michelle ang pagluluto. Puro prito lang kasi ang alam lutuin ni First. Ang nais niya ay makakain naman ito ng masarap. Nagsigang siya ng hipon at nagprito naman ito ng hito.
"Puwede bang dito muna ako nang ilang araw o ilang linggo?" tanong niya habang kumakain sila. "Gusto ko sanang mapag-isa at malayo sa lahat."
Nagtatakang napatingin ito sa kanya. "Alone? You want to be alone here?"
Tumango siya. "Hindi pa ako handang harapin ang lahat," sagot niya.
"You don't wanna be with me?"
Hindi na siya nagtaka. "Alam kong hindi ka puwedeng mawala nang matagal sa opisina, First." Nevertheless, she was touched to know that he was so willing to be with her.
Bahagyang umasim ang mukha nito. "Sino ang nagsabing hindi puwede?"
"Kilala nating dalawa ang tatay mo." Istrikto ang tatay nito. Madalas ay naaawa siya kay First dahil naatang dito ang isang napakabigat na responsibilidad. Ayaw man nitong aminin sa kanya, alam niyang nais nitong paluguran ang ama. Alam niya kahit hindi sabihin ng binata, mahal nito ang sariling ama. Hindi lang niya alam kung ganoon din si Mr. Mead sa anak nito.
Ngumuso si First. "Hayaan mo nga siya. Minsan lang ako mawala sa opisina. Matagal na rin mula nang huli akong magbakasyon. I deserve a long break. Isa pa, kailangan mo ako. Ayokong mag-isa ka at baka maisipan mo pang magpakamatay. Hindi ko kaya kung mawawala ka."
"Salamat, First," aniya. Ayaw niyang aminin dito na kailangan talaga niya ng kaibigang makakasama. Baka mabaliw siya at maisipan nga niyang magpakamatay.
Hinaplos nito ang pisngi niya. "Basta ikaw. Ang lakas mo sa akin, eh."
Hinagkan niya ang kamay nito upang iparating ang muli niyang pasasalamat.
Pagkatapos nilang kumain ay nanood sila ng balita sa telebisyon. Sa entertainment news ay may balita tungkol sa bagong single ni Vann Allen.
She saw First smile. Nilakasan pa nito ang volume. Lahat yata ng mga Pilipino ay proud na proud sa naabot ni Vann Allen. She knew Vann Allen. Masasabi niyang kaibigan na ang turing nito sa kanya. Minsan, kapag umuuwi ang lalaki ay may mga pasalubong din ito para sa kanya.
"I miss the Lollipop Boys," bigla niyang nasambit. Nais uli niyang makita ang limang lalaki na magkakasama sa stage.
Dati, parang napakadali para kay First na ngumiti at maging masaya. Sa piling ng mga Lollipop Boys, napakadali para dito ang humalakhak. Malutong at puno ng buhay palagi ang mga tawa nito. Parang maganda palagi ang disposisyon nito sa buhay.
When he became First Nicholas Mead, the young and brilliant CEO, he became stiff and cold. Palagi raw itong masungit at perfectionist pagdating sa trabaho. Halatang-halatang hindi nito gaanong gusto ang ginagawa. Minsan, hirap ang mga taong paniwalaan na minsan itong naging miyembro ng banda, na minsan ay naging masayahing celebrity.
"I miss them, too," ani First. Nagkaroon ng lamlam ang mga mata nito.
Hinawakan niya ang kamay nito at marahang pinisil iyon. Alam niya, hanggang ngayon ay nalulungkot pa rin ito sa pagkaka-disband ng Lollipop Boys. Nagkakasama pa rin ang limang lalaki ngunit hindi na kasindalas ng dati. The friendship they developed survived and she was very thankful for it.
"Imposible na bang mabuo uli kayo? Kahit isang album lang?" Sigurado siya, hindi lamang siya ang naghahangad na mabuo uli ang banda. Alam niyang marami ang matutuwa kapag muling nabuo ang Lollipop Boys.
"Gusto ko pero abala na kami masyado sa kanya-kayang buhay. And, come on, we're no longer boys."
"There's always a boy inside a man."
"I guess you are right. A boy who is always scared."
"Scared of what?" nagtatakang tanong niya. Why was he acting weird? Natatakot ito saan? Bakit? Ang First na kilala niya ay walang kinatatakutan.
"Sa mga bagay-bagay na walang kasiguruhan."
"Wala naman talagang kasiguruhan ang buhay. If we won't dare to take a risk, wala tayong mararating. Walang mangyayari sa buhay natin."
Tinitigan siya nito nang mataman. "You are right."
KINABUKASAN, nagising si Michelle sa patak ng ulan. Ang aga-aga ay malakas na ang ulan. Ayon sa balita nang nagdaang gabi ay may low pressure area daw sa bahaging iyon ng Luzon. Isinubsob niya ang kanyang mukha sa unan. Ang sarap pang matulog.
Mayamaya ay may naamoy siyang mabango. Walang ganoong amoy sa kuwarto niya. Nagtatakang nagmulat siya ng mga mata at bahagyang nagsalubong ang mga kilay nang makakita ang pumpon ng rosal sa upuan sa tabi ng kama.
Napabangon tuloy siya. Napapangiting dinampot niya ang mga bulaklak at inamuy-amoy ang mga iyon.
Biglang gumaan ang pakiramdam niya. Parang hindi siya nakatulog nang nagdaang gabi dahil sa pagod sa pag-iyak.
Iyon ang unang pagkakataon na binigyan siya ni First ng mga bulaklak. Sa hindi niya malamang kadahilanan, kinilig siya.
Magaan ang pakiramdam na nagtungo na siya sa banyo. Pagkahilamos at pagkasepilyo ay lumabas na siya at nagtungo sa kusina. Nais niyang ipagluto ng almusal si First. Ngunit nadatnan niyang naghahain na ito sa hapag-kainan.
"`Morning," masayang bati niya.
"Mugto na naman ang mga mata mo," puna nito. Mababakas ang lungkot sa mga mata nito. "Magdamag ka na naman sigurong umiyak."
Umupo siya sa harap ng hapag-kainan. "Hindi ko mapigilan, First," aniya.
Hinagkan nito ang ibabaw ng kanyang ulo bago umupo sa tabi niya. Bigla niyang napansin na nadadalas ang paghalik-halik nito sa kamay at ulo niya. Parang nailang tuloy siya. Para kasing bumabalik ang epekto nito noon sa kanya.
Ipinilig niya ang kanyang ulo. Kung anu-ano ang naiisip niya. Kagagaling lamang niya mula sa isang pagkabigo. Paano niya naiisip ang lihim na pagsinta dati sa kanyang kaibigan?
Si First pa ang naglagay ng pagkain sa plato niya.
"Salamat sa mga bulaklak," sabi niya.
Napangiti na ito. "Nagustuhan mo?"
Tumango siya. "Oo naman. Ang bangu-bango nila. They made me smile. You made my day."
"O, sige, kain ka na. Mamaya, maliligo tayo sa dagat," anito na tila magandang-maganda na ang mood.
"First! Umuulan kaya. May bagyo. Delikado ngayon sa dagat."
"Hindi naman ganoon kataas ang mga alon. Ang saya kayang maligo sa dagat habang umuulan. Hindi naman tayo pupunta sa malalim, eh."
"Ayokong maligo sa dagat. Magkukulong ako ngayong araw," aniya bago sumubo ng pagkain.
"Ah, basta, maliligo tayo."
"Ah, basta, ayoko."