Chapter 48 - Epilogue

NAPAILING si Vann Allen habang nakatingin sa mga bagong kasal. They were obviously happy and in love. Nakakainggit ang mga ito.

"Pinanindigan talaga niya ang pangalan niyang First," sabi niya sa mga kaibigan na kasama niya sa isang mesa. "Inunahan kayong lahat sa pagpapakasal."

"Oo nga, eh," ani Enteng. "Loko rin `yang si Nick."

Masaya silang apat para sa kaibigan nila. Kakakasal lang ni First kaninang umaga. Civil wedding lamang ang naganap. Magpapakasal din daw ito at si Michelle sa simbahan pagkalipas ng ilang buwan. Hindi lang talaga makapaghintay si First.

Nasa isang restaurant sila para sa reception ng kasal ng dalawa. Iilan lamang ang mga imbitado ngunit lahat ay masaya para sa dalawa.

Napabuntong-hininga siya. Siya na lang ang single na Lollipop Boy. Pakiramdam niya ay napag-iiwanan na siya. Masaya na ang mga kaibigan niya. Siya kaya, kailan makadarama ng ganoon ding kaligayahan?

"How about a comeback, guys?" tanong niya sa mga kaibigan. Sawa na siyang mag-isa. Nais niyang may makasama uli sa entablado habang nagtatanghal at nagpapasaya ng mga tao.

"Sure," sagot kaagad ni Enteng. Ngiting-ngiti ito.

"I'll arrange it," ani Rob. Katulad ni Enteng ay nakangiti rin ito.

"We need new songs," tuwang-tuwang sabi ni Maken. "I'm excited."

"Sabihin na natin kay First Nicholas ang magandang balita kung ganoon," aniya.

Tiyak na matutuwa si First katulad niya. Pareho kasi sila ng naramdaman noong mawala ang Lollipop Boys.

•••WAKAS•••