Chereads / (FILIPINO) Belle Feliz's Lollipop Boys / Chapter 45 - Chapter Eight

Chapter 45 - Chapter Eight

NANG sumunod na mga araw ay lalo pang naging maligaya si Michelle sa piling ni First. Napakamaasikaso ng binata. Napaka-sweet din nito. Palagi siyang may mga bulaklak sa paggising niya.

Pinipilit nitong magluto ng masarap para sa kanya. Madalas na palpak ngunit natutuwa pa rin siya sa effort nito. Madalas din siya nitong kantahan at sayawan.

Minsan ay tumayo ito sa coffee table at sumayaw sa saliw ng "Careless Whisper." Tawa siya nang tawa. He tried to be funny while doing the sexy dance but he still looked sexy.

Madalas din sila sa dagat at parang mga batang naglalaro doon. Nangingitim na nga sila sa dalas ng paliligo nila.

Ang pinakanakapagpapasaya sa kanya sa lahat ay ang palagi nitong pagsasabi sa kanya na mahal siya nito. Tuwing umaga at bago matapos ang araw ay sinasabihan siya nito ng "I love you."

It was so great.

Madalang nang magkapuwang ang lungkot sa puso niya. Minsan, nagi-guilty siya tuwing mare-realize niyang hindi na siya nalulungkot dahil sa kasawian kay Miguel. Pinipigil niya minsan ang matuwa nang husto. Para kasing mali na maka-recover agad siya at ibaling ang pagtingin niya kay First. Ganoon ba karupok ang pag-ibig niya para kay Miguel? Ganoon ba ito kadaling kalimutan?

Minsan, sinisikap niyang alalahanin ang masasayang sandali nila ni Miguel upang ipaalala sa sarili na ito pa rin ang mahal niya. Pero kakaunti pala ang pagkakataong naging intimate sila sa isa't isa. Hindi rin pala sila madalas mag-date. Magkasama na kasi sila sa trabaho maghapon. Kapag nasa opisina naman sila, strictly professional ang turingan nila sa isa't isa. Hindi sila naglalambingan kapag nasa premises sila ng opisina. They both thought it was unethical.

Their kisses were brief. They seldom held hands. Ang naririnig niya dati, malikot ito sa babae. Madalas daw itong nakikitang nagtse-check in sa hotel na may kasamang babae. He never did that to her. Hindi sila kailanman nagkulong sa isang silid na may kama. He never made a move to be that intimate with her. It never bothered her then.

Napapaisip siya. Hindi ba siya ganoon ka-attractive sa opposite sex? Aminado siya na konserbatibo pa rin siyang manamit at mukha raw siyang masungit kapag hindi ngumingiti. Kaya ba siya iniwan ni Miguel? Hindi ba ito physically attracted sa kanya?

But why was she so affected with First's kiss? Ibang iba ang epekto ng halik nito sa halik ni Miguel. When Miguel was kissing her, she was too aware with her surroundings. With First, she just forget everything.

So what did that mean?

"ANG GANDA," sabi ni Michelle kay First habang nakatingin siya sa papasikat na araw.

"Mas maganda ka," bulong nito malapit sa tainga niya.

Iningusan niya ito. "Malinaw na pambobola `yan, First."

Natawa ito at lalo siyang hinapit palapit.

She sighed dreamily. What a way to start a beautiful morning. Nakaupo sila ni First sa buhangin at pinapanood ang pagsikat ng araw. Nakayakap ito sa kanya mula sa kanyang likuran. Gustung-gusto niya ang puwesto nila.

"Kailan mo balak bumalik sa opisina?" naisip niyang itanong.

"Bakit? Pinapaalis mo na ba ako sa sarili kong property?" biro nito habang hinahagkan-hagkan ang balikat niya.

May nanulay na masarap na kilabot sa buong katawan ni Michelle. Bakit kay Miguel ay hindi niya nararamdaman ang ganoon? Bakit hindi ginagawa ni Miguel ang mga ganoong paglalambing sa kanya noon? Sa iba ba ay ginagawa nito iyon?

She cleared her clouded head. "Dalawang linggo na tayo rito. Hindi ka pa ba hinahanap sa opisina? Hindi ka pa ba inuutusan ni Mr. Mead na magbalik? Hindi ka naman nagpaalam na magbabakasyon ka."

"Hayaan mo nga muna ang mga kompanya. It can run without me. Hindi iyon babagsak kung wala ako. Gusto kong magkaroon ng mahabang panahon para sa sarili ko, para sa `yo, at para sa panliligaw ko. Mula nang mawala ang Lollipop Boys, naging sobrang busy ako sa Mead Corporation. Gusto ko naman ng pahinga. Mahabang pahinga."

Inihilig niya ang kanyang ulo sa balikat ni First. Tama ito. Mead Corporation changed First Nicholas. Maraming taon na itong abalang-abala sa mga negosyo ng ama. He deserved a very long break.

"Dapat nagpaalam ka na magbabakasyon ka." Ayaw niyang magkagalit si First at ang ama nito dahil lamang sa pagsama ng binata sa kanya roon. "Baka pagalitan ka niya."

"Ano ako, bata? Treinta anyos na ako, Michico. Hayaan mo nga siya. Honey, I'm the boss."

"Kung mag-a-apply ba uli ako sa iyo, tatanggapin mo ako?" tanong niya.

Iniisip na rin niya ang pagbabalik sa lungsod. Wala na siyang trabaho at nais niyang magkaroon ng trabaho kaagad. Ayaw niya ng walang ginagawa sa bahay. Baka lalo siyang alipinin ng lungkot. Kahit naman alam niyang maiilang siya sa pagbabalik sa opisina ay mas gusto pa rin niyang magtrabaho kay First. Ayaw niyang malayo rito. Ayaw niyang malayo sa taong nagpapasaya sa kanya.

"Tamang-tama! Magre-retire na si Tita Dolor. Ikaw na lang ang pumalit sa kanya," wika nito sa tuwang-tuwang tinig.

Ang tinutukoy ni First ay ang matandang dalagang executive assistant na namana pa nito mula sa ama. "Tita Dolor" na ang nakasanayan ni First na itawag sa babae. Miss Dolor was a sweet lady. Palagi itong nakangiti sa lahat. Hindi nila alam kung bakit hindi ito nakapag-asawa samantalang maganda naman ito. Ang hinala ni First dati, in love si Miss Dolor sa tatay nito.

"Talaga? May trabaho na uli ako?"

"Sigurado kang gusto mong magtrabaho?"

"Ano naman ang gagawin ko sa bahay?"

"Magpapaganda."

Kinurot niya ang pisngi nito. "Hindi pa sapat ang ganda ko, ganoon?"

Natawa ito. "Fishing for compliments?" tudyo nito. Hinagkan ni First ang kamay niyang kumurot sa pisngi nito. Bakit ganoon? Maraming beses na siyang hinahagkan ng binata sa kung saan-saan pero hindi pa rin nagbabago ang epekto niyon sa kanya. Kinikilig pa rin siya.

"Hindi ka ba maiilang?" tanong nito kapagkuwan. "Siyempre alam ng mga tao roon na... alam mo na."

Nilaru-laro ng kamay niya ang isang kamay nito. "Pumapasok pa ba si Miguel?"

"He resigned," tugon nito sa napakalamig na tinig. "Maigi na rin iyon kaysa mapag-initan ko siya palagi. Ang kapal ng mukha niya kung magpapakita pa siya sa akin."

"Don't be too harsh on him, First. Sigurado akong may dahilan kaya—"

"Stop! I'm actually thankful for what he did. I don't care what his reasons are for leaving you at the altar. I won't let you go again. Akin ka na. Hindi na ako papayag na balikan ka niya."

It should piss her off. Dapat ay mainis siya sa mapang-angkin na tono nito. Kung magsalita si First, parang may karapatan na itong angkinin siya. Hindi ganoon si Miguel sa kanya. He just always let her be. Hindi ito naging possessive sa kanya.

Ngunit sa halip na mairita ay kinikilig siya.

"Darating ang araw na magkikita rin kami, First. Hindi iyon maiiwasan. We have so many things to settle."

Bumuntong-hininga ito. "I know. Ipinagdarasal ko na sana sa muli ninyong pagkikita, wala ka nang pagmamahal sa kanya. Akin ka na lang kasi. Ako na lang, huwag na siya."

Tumingin siya rito. His eyes were pleading. Sayang talaga. Kung noon pa ito nagtapat, hindi na sana pumasok sa sistema niya si Miguel. Sila sana ang nagplano ng kasal. Honeymoon na sana nila ngayon. Masaya sana sila ngayon.

Hindi niya napigilang dampian ng mabining halik ang mga labi nito. Nais niyang pawiin ang pakiusap sa mga mata nito. Hindi nito kailangang makiusap.

"I'll do my very best, First," pangako niya. She wanted to love him again. She could feel that her heart was willing. Siguro, talagang hindi sila ni Miguel ang nakatadhana para sa isa't isa. Maybe, her heart wanted to go back on beating for First.

"I AM NOT going back!" halos isigaw na ni First sa kanyang ama. Kausap niya ito sa telepono.

"I'm warning you, First Nicholas Mead!" ganti nito sa ganoon ding tono.

"Wala akong pakialam! Let me be. I wanna rest. I wanna be away from your businesses."

"Napakarami mong trabahong iniwan. Tapusin mo muna saka ka magbakasyon. You won't hear anything from me."

"Kailan ba naubos ang mga trabaho? Give me a break, Dad. For once, treat me as your son and not your employee. I need to do this for myself, for my happiness. I don't wanna be like you. Gusto kong magkaroon ng normal na pamilya. Gusto kong magmahal. Ayokong matulad ang buhay ko sa `yo."

Natahimik ang nasa kabilang linya.

"Kung kahit katiting ay minahal mo ako, hayaan mo muna ako. Hindi ko pababayaan ang mga kompanya mo. Ayokong magsisi pagdating ng panahon. Ayokong pakawalan ang babaeng muntik nang mawala sa akin. If you really love me, let me be for now."

"First, you just sounded like a gay and corny person. Do not talk that way, anak. You just sound so weak. Do not ever let a woman control your life. Do not let your world revolve around her. Iyon ang magpapabagsak sa `yo."

Napangiti siya nang mapait. "Hindi ka marunong magmahal, Dad. Nakakalungkot malaman pero siguro ay may mga tao talagang ganoon. Lalo kong gustong hindi maging katulad mo. Ayoko. Hindi ako papayag. Hindi bale nang maging mahina basta masaya ako dahil nagmamahal ako."

"You are talking nonsense, First Nicholas! Come back to the city and work. Don't give me those dramatic excuses. Magpasalamat ka na sa `yo ko ipinapahawak ang Mead Corporation."

"Thank you, Dad. Thanks a lot. And I... love you. Kahit hindi ka naging mabuting ama sa `kin."

Pinutol na niya ang tawag pagkatapos. Nakaramdam siya ng kaluwagan ng loob. He finally learned to express his true feelings. Wala na siyang pagsisisihan bilang anak. Nasabi na niya sa kanyang ama na mahal niya ito. Hindi na niya iyon itatago sa loob niya habang-buhay. Pakiramdam niya ay gumaan ang mga dinadala niya.

Kahit pa hindi naging tipikal na ama sa kanya, mahal niya ang daddy niya. Iyon ay sa simpleng kadahilanang ama niya ito. Kung wala ito, wala rin siya sa mundo. Lahat ng anak, natural na mahalin ang taong naging responsable sa existence nito sa mundo—kahit gaano pa kasama ang taong iyon.

"I'm proud of you."

Nilingon ni First ang nagsalita at nakita ang nakangiting si Michelle. She was so lovely. Gumanti siya ng ngiti. Nilapitan niya ito at niyakap. He loved this woman so much. He was happy to be with her.

Nang hindi natuloy ang kasal nito, pakiramdam niya ay binigyan siya ng Panginoon ng bagong buhay. Nais niyang gawing tama ang lahat sa bagong buhay na iyon.

"I love you," he murmured in her ear.

Ayaw niyang magduda si Michelle kahit saglit sa damdamin niya para dito.

Minsan, nanghihinayang siya sa mga panahong sinayang niya. He should have collected his guts a long time ago. Pero naisip din niyang wala nang silbi ang panghihinayang at pagsisisi. It was all in the past now. Hindi na niya iyon mababalikan, hindi na mababago. Ang importante ay kumikilos na siya ngayon para mapaganda ang bukas niya—ang bukas nila ni Michelle na magkasama.

"UWI NA tayo, First," sabi ni Michelle isang gabi. Tahimik na nanonood sila ng telebisyon.

Ganoon naman talaga ang buhay nila roon kapag gabi. Pagkatapos maghapunan ay manonood sila ng TV at nagkukuwentuhan nang matagal. Minsan, kapag nasa mood sila, nagna-night swimming din sila.

Masaya siya sa simpleng buhay roon. Minsan ay pinipigil niya ang sarili na maging masaya ngunit pilit pa ring umaalpas ang kaligayahan. She didn't miss Miguel anymore.

Sa bawat araw na lumilipas na magkasama sila ni First, lalo siyang sumasaya. Palaging maganda ang umaga niya dahil ang binata ang unang nasisilayan ng kanyang mga mata. Kinikilig siya palagi sa mga simpleng paraan nito ng panliligaw. Gustung-gusto niyang naririnig na sinasabi ni First na mahal siya nito.

"Ayoko pa," tugon nito. "Dito pa tayo."

"It's time to face reality, First. Ayoko nang magtago sa lahat. I can't move on if I continue hiding in here. Gusto kong harapin ang lahat ng kahihiyan, ang lahat ng mga sasabihin ng mga tao. Mas mapapadali ang paghilom ng sugat kung haharapin ko."

Tinitigan siya nito. "Haharapin mo ang lahat? Including Miguel?"

Tumango siya. Iyon talaga ang dahilan ng kagustuhan niyang magbalik na sa Maynila. Nais niyang harapin at kausapin si Miguel. Nais niyang maintindihan ang mga dahilan nito. Alam din niyang may pagbabago na sa damdamin niya. Ayaw niyang magpigil ng kaligayahan. She wanted to feel the happiness First was bringing her without any guilt. Ang gusto lang niya ay maging masaya sa piling ni First.

Hindi niya iyon magagawa kung wala pa ring tuldok ang relasyon nila ni Miguel. She wanted closure. Nais niyang umpisahang mahalin uli si First nang wala siyang anumang dalahin mula sa nakaraan niyang pag-ibig. Ang gusto niya, kapag nag-move on siya, tuluy-tuloy na. She owed that to herself.

Nabibilisan din siya sa mga pangyayari. Posible bang ma-in love nang ganoon kabilis? Parang hindi yata tamang magmahal na siya habang wala pa silang pormal na katapusan ni Miguel.

Minsan, nagagalit din siya sa kanyang sarili. Ano pa bang closure at katapusan ang kailangan niya? Iniwan siya ni Miguel sa harap ng altar. Hindi ito nakasagot sa tanong ng pari. Hindi pa ba sapat na closure iyon? Hindi pa ba sapat na patunay iyon na hindi siya nito mahal?

"I don't think it's a good idea. I don't want you talking to him," ani First.

"I just want to start clean, you know. Hindi ba mas maganda kung wala tayong mga inaalala mula sa nakaraan? Gusto ko ring maging sigurado sa mga nararamdaman ko."

"It's still a bad idea."

"Magseselos ka ba kung magkikita uli kami ni Miguel?"

"Itinatanong pa ba iyon? Of course. Natatakot din ako na baka balikan mo siya."

Bigla siyang natigilan. What if she found out that Miguel's reason for leaving her was reasonable enough? Paano kung kaya pala niya itong patawarin? Babalikan kaya niya ito? Paano si First?

"Gusto ko pa ring umuwi na," aniya pagkatapos ng sandaling pag-iisip. Mariin ang paraan ng pagkakasabi niya. Hindi niya malalaman ang sagot sa mga tanong niya kung hindi niya haharapin ang mga iyon.

"Michico—"

"I wanna go home, First."

He sighed in defeat. "All right. Let's go home."

"Thank you."