TUWANG-TUWA si Michelle nang muling makita ang kanyang mga magulang. Ang higpit-higpit ng yakap ng mga ito sa kanya, na animo napakatagal niyang nawala.
Hindi tuloy niya napigilang tumawa. "Mommy, Daddy, I'm okay."
Pinakatitigan siya ng mga ito. "Are you really okay, anak?" tanong ng kanyang ama.
Nginitian niya ang mga magulang. "I'm okay," she assured them.
Tinapik ng kanyang ama sa balikat si First na tahimik lamang mula nang dumating sila sa bahay nila. "Thank you so much for taking good care of Michie. Hindi ako gaanong nag-alala dahil ikaw ang kasama niya."
"I'm more than willing to take good care of her, Tito," tugon ng binata.
"Everything happens for a reason, anak," sabi ng kanyang ina sa kanya habang hinahaplos ang buhok niya. "Hindi lang talaga para sa `yo si Miguel."
"I'm gonna kill that man," galit na wika ng kanyang ama. Kitang-kita niya ang poot sa mga mata nito. Matatakot siya kung alam niyang sa kanya nakaukol ang galit nito.
"May magandang mangyayari po pagkatapos ng isang pangit na pangyayari," sabi niya upang kahit paano ay kumalma ito.
Umaliwalas naman ang mukha ng kanyang ama. "Sana nga ay tama ka, anak. Ayokong makikipagkita ka pa sa walang kuwentang lalaking iyon. Huwag na huwag kong malalaman, Michelle Colleen. Hindi birong kahihiyan ang ibinigay niya sa amin ng mommy mo. Alam kong hindi rin biro ang sakit na dinanas mo. Kalimutan mo na siya. He's not the right man for you."
"I agree," ani First.
"Tama na muna ang pag-uusap na ito," anang kanyang ina. "Kumain muna kayo at magpahinga. Alam kong napagod kayo nang husto sa biyahe."
Iyon na nga ang ginawa nila. Pagkatapos kumain ay nagkuwentuhan sila ng mommy niya. Ang daddy niya ay kinausap nang sarilinan si First sa library. Paglabas ng mga dalawa ay kapwa may nakaukit na magandang ngiti sa kanilang mga labi. Tila masayang-masaya ang kanyang ama.
Nasabi na ba ni First sa kanya daddy niya ang mga pagbabago sa relasyon nila? Mukhang walang pagtutol ang kanyang ama kung ganoon.
"DON'T mind them."
Nilingon ni Michelle si First at nginitian. Ayos lang siya. Naiilang siya nang kaunti ngunit ayos lang talaga siya. Papasok sila sa building ng Mead Corporation. Ang mga taong nakakakilala sa kanya ay napapatingin sa kanila ni First. Siyempre, alam ng lahat ng naroon na dapat ay ikakasal na siya kay Miguel Santillan, ang executive vice president ng kompanya. Malamang na alam din ng lahat kung ano ang nangyari sa kasal niya dahil may nabasa siyang awa sa mga mata ng karamihan. She hated it but she tried to ignore it.
Narating nila ang palapag kung saan naroon ang opisina ni First. Ikinondisyon ni Michelle ang sarili na hindi sila magkaibigan. He was the boss and she was one of his employees. Mukhang ganoon din si First. He suddenly transformed into a cold, stiff and mysterious big boss.
Isang masuyong ngiti ang isinalubong ni Miss Dolor sa kanya. Tatlong araw na lamang ito sa opisina. Sa loob ng tatlong araw ay ituturo nito ang ilang mga bagay na dapat niyang malaman.
Si First ay nagtungo na sa opisina nito. Ang sabi ni Miss Dolor ay nasa mesa na nito ang lahat ng mga urgent na trabaho. Hinayaan na niya itong magpakaabala sa trabaho.
"Kumusta ka na?" tanong ni Miss Dolor habang kapwa sila nakaharap sa kanya-kanyang computers. Marami-rami ang mga trabahong natambak dahil sa pagkawala ni First nang ilang linggo.
Nginitian niya ito. "I'm okay."
Tumingin ito sa kanya. "You look blooming, Michelle. Parang lalo kang gumanda."
Nailang siya. Inayos niya ang suot na salamin sa mga mata kahit alam niyang hindi naman iyon nawala sa puwesto. Hindi ba siya mukhang babaeng iniwan ng pakakasalan? Kahit ang kanyang mama ay napunang blooming daw siya.
"T-thanks," sambit niya.
"Parang gumanda rin ang disposisyon ni Nick. Dati, laging mukhang constipated `yon. Dinadaig pa niya ang ama sa kasungitan. May pakiramdam akong hindi na siya magiging masungit kailanman ngayong ikaw na ang assistant niya."
Muli ay hindi niya alam kung ano ang sasabihin.
"Bagay kayo ni First, hija. Napapasaya n'yo ang isa't isa. Napansin ko na iyan noon pa."
"Miss Dolor, hindi pa po natatagalang..." Nahihiya siya kaya hindi na niya itinuloy ang sasabihin. Ayaw niyang isipin ng lahat na para bang napakalandi naman niya.
"Eh, ano? Pipigilan mo ang sarili mong maging masaya dahil doon? Pipigilan mo ang puso mong magmahal ng tamang lalaki dahil hindi pa natatagalan mula nang iwan ka ng maling lalaki?"
"Nagmahal na ba kayo, Miss Dolor? Paano mo malalaman kung tama o mali ang lalaking minamahal mo?" tanong niya.
"A long time ago, I fell in love once. Hindi sa ama ni Nick tulad ng hinala ng lahat. We were young when we fell in love. He died of leukemia. Matagal bago ko natanggap ang lahat. Hindi ko isinara ang puso ko. I tried loving other men. Nagkaroon ako ng ilang boyfriends. Minahal ko rin sila pero hindi katulad ng first love ko. Na-realize ko na lang na pinipilit kong maging masaya sa piling ng iba dahil alam kong hindi na kami magkakatuluyan ng first love ko. I almost got married, you know."
"What happened?" nagtatakang tanong niya.
"Noong pinaplano ko na ang kasal, hindi ko mapigilang maalala ang mga pagkakataong nag-uusap kami ng first love ko tungkol sa magiging kasal namin. Malinaw na malinaw pa rin sa akin ang mga plano namin para sa pamilya namin. I remember how much we were in love then. Ang saya-saya namin. Dahil pareho pa kaming mga bata noon, akala namin, fairy tale ang buhay. Laging may happy ending."
"Umurong po kayo sa kasal?"
Tumango ito. "Ayokong lokohin ang sarili ko. I'm still in love with my first love. So here I am now, happy to be single. I stopped looking for another love. Masaya na ako sa ganitong buhay. Masaya na ako sa mga iniwan niyang alaala. It doesn't matter if we are in two different worlds now. What's important is that I realized I will never ever love somebody the way I loved my first love again. Masaya ako dahil sigurado ako roon. Itong buhay na pinili ko, masaya ako rito."
Manghang napatingin siya kay Miss Dolor. Hindi niya akalaing may ganoong uri ng pag-ibig. Hindi niya magawang magsalita ngunit marami siyang natutuhan mula rito. Ang ilang mga tanong niya sa sarili ay nagkaroon ng kasagutan.
Natawa ito. "Naku, nakuwentuhan tuloy kita. Back to work na tayo. Mamayang ten, dalhan mo ng merienda si Nick. Siguradong gugutumin `yon sa dami ng dapat niyang gawin. Ikaw na lang ang magdala para magpatuloy ang maganda niyang mood."
"Opo," sagot niya.
Pagsapit nga ng alas-diyes ay dinalhan ni Michelle ng merienda si First. Subsob ito sa trabaho. Maraming nakabukas na folders sa ibabaw ng mesa nito. Tutok ang mga mata nito sa monitor ng computer habang abala ang mga kamay sa pagtipa sa keyboard. Ni hindi siya nito tiningnan nang pumasok siya. Hindi pa rin siya nito tiningnan pagkatapos niyang mailapag ang merienda sa mesa.
Pumihit na siya patalikod. Ayaw niyang gambalain si First sa mga ginagawa nito. Bahagya siyang nagulat nang hawakan nito ang kanyang kamay. Hindi niya namalayang pinagulong na nito ang inuupuang silya patungo sa kanya.
Hinagkan nito ang kanyang kamay. "Thank you," anito.
Nginitian niya ito nang matamis. "You are welcome, Sir."
Natatawang hinila siya ni First palapit dito. Napaupo tuloy siya sa kandungan nito. Kaagad na lumingon siya sa pinto. Baka may pumasok doon.
Pinaharap uli siya ni First dito. Hindi naglipat-sandali ay magkalapat na ang mga labi nila. Kaagad na ipinikit niya ang mga mata at tumugon. Parang nalimot na niya ang lahat. Limot na niyang nasa opisina sila at oras ng trabaho. Nalimot na niyang boss niya si First at hindi niya dapat hinahagkan ang boss niya.
Hinabol niya ang mga labi nito nang humiwalay iyon sa mga labi niya. She suddenly stilled when he laughed against her lips. Nag-iinit ang mga pisnging lumayo siya kay First. Pinigil ng binata ang pagtayo niya mula sa kandungan nito. Kagat-kagat ang ibabang labi na nag-iwas siya ng tingin. Hiyang-hiya siya sa nagawa.
Lalong natawa si First. Nanggigigil na niyakap siya nito. "Oh, I love you so," sabi nito. Happiness was very evident in his voice.
Pakiramdam ni Michelle ay lumobo ang kanyang puso sa sobrang kaligayahan. Tumingin siya sa mga mata ni First. Kahit ang mga iyon ay nagsasabing mahal siya ng lalaking ito.
It suddenly hit her. She loved First, and not as a friend. She never stopped loving him. It had always been him in her heart.
Pinilit lamang niya ang sariling mahalin si Miguel dahil napagkit na sa isip niyang hindi na sila magkakatuluyan ng kanyang first love. Kakaiba palagi si First sa lahat ng mga lalaki. Iba ang nadarama niya tuwing niyayakap at hinahagkan siya nito. She never felt any strong emotions towards Miguel. When he kissed her, she felt normal. With First, it was always explosive. Ni hindi nila ginagawa ang ganoon ni Miguel. They were strictly professional when they were inside the office.
Ngayon, alam na niya kung bakit.
Dinampian niya ng masuyong halik ang mga labi ni First bago siya tumayo. "We need to get back to work," napapangiting sabi niya.
Masaya siya dahil nasiguro na niya ang sariling damdamin. Kailangan lamang niyang ayusin ang lahat bago niya sabihin kay First ang kanyang tunay na damdamin.
"TIRED?"
Napangiti si First sa masuyong tanong na iyon ni Michelle. Nagmulat siya ng mga mata ngunit hindi siya bumangon mula sa pagkakahiga sa sofa.
"Yes," tugon niya. "Come here."
Lumapit ito at umupo sa coffee table.
"Akala ko umuwi ka na," aniya habang inaabot ang kamay nito.
Iyon ang unang araw ni Michelle na wala si Tita Dolor. Ang bilin niya sa dalaga kanina ay mauna na itong umuwi dahil may tatapusin pa siyang mga gawain. Binilinan na niya ang driver niya na ihatid pauwi si Michelle. Ayaw niyang masyadong mapagod ang dalaga.
"Baka kasi kailanganin mo ang tulong ko," sagot nito. "Nagugutom ka ba? Gusto mong magpa-deliver ako ng pagkain?"
"Yes, please."
Tumayo ito, nagtungo sa telepono, at tumawag. Narinig niyang in-order nito ang mga paborito niyang pagkain sa paborito niyang restaurant.
Hindi siya nahirapang katrabaho si Michelle. Nakatulong na kilala nila nang husto ang isa't isa. She was very efficient, too. Minsan ay hindi na niya ito kailangang utusan. Bago pa man siya makapagsabi ay nakahanda na ang mga kailangan niya.
Ang totoo, ayaw niyang magtrabaho pa si Michelle. Hindi siya gaanong makapag-concentrate sa pagtatrabaho kapag nasa malapit ito. Minsan, gustung-gusto niyang lambingin ito habang nasa gitna ng trabaho. Alam din niyang hindi siya magiging komportableng utus-utusan ito.
Pero nais din niyang makasama ito palagi. Nais niyang nakikita ito palagi upang masigurong hindi ito nawawala.
Mula nang bumalik sila sa Maynila ay natatakot na siyang muling magkita sina Michelle at Miguel. Baka mapatawad pa ni Michelle si Miguel. Natatakot siyang magkabalikan ang dalawa.
Miguel went into hiding after the supposed wedding. Walang nakakaalam kung saan ito nagtungo. Basta lang ipinadala ang resignation letter nito. Kung saang lupalop man nagtatago ang lalaking iyon, sana ay habang-buhay na ito roon. Huwag na itong magpapakita kay Michelle o sa kanya. Kapag mahal na siguro siya ni Michelle, baka hanapin niya si Miguel upang pasalamatan sa ginawa nito.
Bumalik si Michelle sa pagkakaupo sa coffee table nang matapos sa telepono. Muli niyang inabot ang kamay nito at hinagkan iyon. Kahit pagod ay masaya siya at dahil iyon kay Michelle.
Sana ay magtuluy-tuloy na ang progreso ng relasyon nila. Tumutugon na ito sa mga yakap at halik niya. Hindi ito lumalayo sa kanya. Unti-unti, mababaling ang pagmamahal nito sa kanya. He would hope for the best.
"Hinay-hinay sa pagtatrabaho," sabi nito. "Baka puwedeng ipagpabukas ang mga gawain."
"I'm okay. Kaya ko. Ako pa?" mayabang na tugon niya.
Hinila niya ang dalaga palapit sa kanya. Inayos niya ito sa ibabaw niya. Natuwa siya nang hindi ito tumutol. Niyakap lang niya ito. Kapwa sila tahimik. Unti-unting nawawala ang pagod niya.
Si Michelle lamang ang kailangan niya para makompleto ang buong pagkatao niya. He was happy she was in his arms. Sana ay manatili na ito roon habang-buhay.
Ngunit ano kaya ang gagawin niya kapag dumating ang araw na makita uli nito si Miguel? Ano ang gagawin niya kung si Miguel pa rin talaga ang nasa puso nito? Paano kung kahit ano ang gawin niya ay mas piliin nito si Miguel?
Ipinilig niya ang kanyang ulo. Bakit ba siya nag-iisip ng mga negatibong bagay? He should always think and hope for positive things. She was in his arms, iyon ang mahalaga.
Naghiwalay lamang sila nang dumating na ang pagkain. They had dinner. Nagkuwentuhan sila ng kung anu-ano habang kumakain.
Ang simpleng pagsasama nila ay malaking bagay na para sa kanya.
"IT'S MIGUEL. Please don't hang up."
Natigilan si Michelle nang marinig ang pamilyar na tinig ng dating nobyo. Hindi niya magawang magsalita. Hindi niya akalaing tatawagan pa siya nito.
Napatingin siya kay First na masayang naglalaro ng chess sa hardin kasama ang kanyang ama. Araw ng Linggo kaya naroon sila sa bahay nila. Kasama rin ni First si Tita Miriam.
"Mitch, I know you are angry at me, and I deserve it after that horrible thing I did to you. But please, let me talk to you. Give me a chance to at least say sorry."
Napalunok siya. Nagtungo siya sa laundry area upang walang makarinig sa kanya. Her whole family was still mad at him.
"Mitch? Are you still there?"
"Yes," she managed to say at last. "H-how... how are you?"
"I'm okay, thank you for asking," he replied. "How are you?"
"Okay," tugon niya. "I'm also okay."
"I'm glad to hear that. Mitch, I'm so sorry. Alam kong hindi sapat iyon. Alam kong nasaktan ka. Alam kong napahiya ka nang husto. Pati pamilya mo ay nadamay. Alam ko ring hindi mo ako kaagad mapapatawad. Maghihintay ako hanggang sa mapatawad mo `ko."
"Why did you do it, Miguel? Ang tagal nating pinlano iyon." Kung may hinanakit man sa tinig niya, dahil iyon sa kahihiyang inabot niya at kanyang pamilya. "Sana kinausap mo ako bago ang mismong kasal. Bakit, Miguel?"
"Puwede ba tayong magkita? I wanna explain my reason for doing it. I want you to understand why I had to do it."
Natigilan na naman siya. Handa na ba siyang makipagkita rito? Mapapatawad ba niya si Miguel kung maririnig at maiintindihan niya ang rason nito sa pag-iwan sa kanya sa altar? Ano ang magiging reaksiyon niya kapag nakita niya ito?
Makikipagkita ba siya rito? Pero bakit pa ba siya nag-iisip? Hindi ba at gusto naman niyang makita at makausap ito upang masiguro ang damdamin niya? Nais niyang maiayos muna ang lahat bago bigyan ng sagot si First. Nang sa gayon ay makalaya na siya sa nakaraan nila ni Miguel at makapag-umpisa sila nang maayos ni First.
"S-saan? Kailan?"
Sinabi nito ang pangalan ng restaurant kung saan niya ito sinagot. "Tomorrow. Seven. I'll wait for you."
"I'll be there." Tinapos na niya ang tawag.
"Nandito ka lang pala."
Muntik na siyang mapatalon nang marinig ang tinig ni First mula sa kanyang likuran. Sapu-sapo ang dibdib na hinarap niya ito.
"You startled me," sabi niya.
"I'm sorry. Were you talking to someone?"
Kinabahan siya nang bahagya. Narinig ba nitong kausap niya si Miguel? Hindi naman siguro. Hindi nito kailanman naging ugali ang makinig sa pag-uusap ng iba. He always respected other people's privacy.
Nginitian niya ito. "No one."
His face went blank for a while. Akmang magsasabi na siya ng totoo nang bigla itong ngumiti at inakbayan siya. "Lunch is ready. Tara, let's eat."
Napangiti na rin siya. Nagpaakay siya rito patungo sa komedor. After tomorrow, everything would be all right between them. Halos sigurado na siya, magiging opisyal na ang lahat sa pagitan nila.
"DINNER tonight?"
Nanigas si Michelle sa paanyaya ni First. Inayos niya ang mga importanteng papeles na pinapirmahan dito. Halos uwian na at naghahanda na siya para sa pagkikita nila ni Miguel.
She cleared her throat. "I'd love to but I can't," aniyang hindi makatingin kay First.
"May lakad ka?"
Tumango siya. "I'm meeting up with friends tonight. Girl friends."
Bahagyang nagsalubong mga kilay nito. "It's Monday."
"Eh, ngayon free iyong iba."
"Puwedeng sumama?"
"Ano... kuwan." Napakamot siya sa kanyang pisngi. "First, kasi ano, eh… We're all girls."
He laughed. "Nagbibiro lang ako. Go and have fun with your friends tonight. Baka magsawa ka na sa akin dahil lagi mo akong kasama."
Napangiti siya. "I'll be okay. Uuwi ako kaagad." Hindi niya gustong magsinungaling dito. Ang nais lang niya ay maayos niya iyon nang mag-isa. Malaki kasi ang posibilidad na sasama ito sa kanya kapag sinabi niyang makikipagkita at makikipag-usap siya kay Miguel. She wanted to do it alone.
"Ingat."
Lumabas na siya sa opisina ni First. Nag-taxi na siya pauwi. Dahil may oras pa naman siya ay umuwi muna siya upang maligo at magbihis.
May kaunting kaba siyang nadama habang patungo sa paboritong French restaurant ni Miguel kung saan sila magkikita. Hindi niya alam kung ano ang dapat na asahan. Kailangang maayos niya ang lahat ngayong gabi. Bukas ay makakapagsimula na sila ni First.
Maaga siya nang sampung minuto ngunit naroon na si Miguel. Napangiti siya nang makita ito. She was happy to see him okay.
Kaagad itong tumayo nang makita siya. "H-hey," bati nito.
Lumapad ang ngiti niya. "Hi, Miguel."
Umupo na sila. They ordered food.
"You look good," puna nito pag-alis ng waiter.
"Ano ang inaasahan mong makita? Isang babaeng pangit at miserable?"
Tumawa ito. "No, of course not. Alam kong hindi ka masyadong malulungkot dahil laging nariyan si Nick para sa `yo."
"Miguel, why?"
Naging seryoso ang mukha nito. "I'm gay, Michelle."
Nalaglag ang mga panga niya sa narinig.