PAGOD na pagod na ibinagsak ni Jillian ang kanyang pagal na katawan sa kama. Alas-tres na ng madaling-araw. Niyakap niya ang kanyang Hello Kitty na unan at pumikit. Kauuwi lang niya sa condominium unit niya. Normal na uwi niya iyon. Isa kasi siyang artista. May tinapos silang eksena para sa pinakabagong pelikula niya.
Kinse anyos siya nang pumasok siya sa show business. Sa isang teen-oriented show ang unang nilabasan niya. Siya ang nakababatang kapatid ng bida. Maliit na role lamang iyon ngunit sapat na para sa kanya.
Pumasok siya sa showbiz noon upang makatulong siya sa kanyang pamilya. Baon sila sa utang noon at hindi niya maatim na umupo na lang sa isang tabi at panooring bumabagsak ang kanyang pamilya. Masuwerteng nakabanggaan niya si Tita Angie—ang manager niya ngayon—sa mall noon. Inalok siya nitong maging talent nito. Maganda raw siya. Pumayag kaagad siya dahil nga nangangailangan siya noon.
She was twenty-five years old now. Minsan ay hindi niya mapaniwalaang tumagal siya nang isang dekada sa show business. Maayos na ang pamilya niya ngayon. Unti-unti nilang nabayaran ang kanilang mga utang. Masagana nang naninirahan ang kanyang pamilya sa Cagayan. Siya ay matagal na ring naninirahang mag-isa sa lungsod.
Isa siya sa mga sikat at itinuturing na isa sa mga pinakamagaling na aktres sa Pilipinas. Kahit saan siya magpunta ay may nakakakilala kay Jillian Belgica. Ilang parangal na rin ang natanggap niya para sa husay niya sa pag-arte. Advertisers were willing to pay huge amount just to have her as an endorser. Tumatabo kasi lagi sa ratings ang mga show niya. Marami ang labis na naiinggit sa kanya.
Ang hindi alam ng lahat, hindi naging madali ang daan niya patungo sa tagumpay. Ang lahat ng mayroon siya ngayon ay pinaghirapan niya. Tatlong taon muna ang lumipas bago talaga kuminang ang bituin niya. Pulos teenybopper roles ang ginampanan niya sa loob ng tatlong taon; pulos pa-cute at pa-tweetums.
Hindi siya ganoon ka-in demand. Hindi siya nawawalan ng mga proyekto ngunit pulos maliliit lamang ang mga role na ginagampanan niya.
Isang baguhang direktor noon ang nabigyan ng break ng kanilang istasyon. Kinuha siya nito bilang bida sa pre-prime time show. Kuwento iyon ng isang teenager at pakikipagsapalaran nito sa buhay. Doon siya napansin ng lahat. The show was an unexpected top rater.
Nagkasunod-sunod na ang proyekto niya mula noon. Hindi na siya nabakante. Pati pagkanta ay pinasok na rin niya, tutal ay may talento rin naman daw siya sa pagkanta.
Bumuntong-hininga siya bago niya iminulat ang kanyang mga mata. Pagod siya ngunit hindi siya makatulog. Bumangon siya at nagtungo sa kusina. Nagsalin siya sa isang baso ng gatas, pagkatapos ay nagtungo siya sa sala at binuksan ang TV.
"I'm bored," bulong niya sa kanyang sarili habang nakaupo sa sofa at nanonood ng TV. "I want something new in my life. I want to try something different. Something fun and exciting."
Minsan ay nagsasawa na rin siya sa takbo ng buhay niya. Paulit-ulit na lang kasi iyon. Minsan din ay pakiramdam niya ay nakakulong siya. Lahat ng kilos niya ay binabantayan ng mga tao. Kahit maliliit na bagay ay napapansin ng mga ito. Kung tataba siya, sasabihing buntis siya. Kung papayat siya, sasabihing nagpalaglag siya. Kung papangit siya nang bahagya, sasabihing gumagamit siya ng bawal na gamot.
Hindi na teenybopper roles ang mga ginagampanan niya ngunit nakakulong pa rin siya sa kanyang sweet girl image. Hindi kasi siya mukhang beinte-singko anyos. Mas mukha siyang disiotso. She was gifted with a baby face. Tumatanda lang ang hitsura niya kapag may makeup siya. Maliit at mabilog ang maamong mukha niya at halos abot hanggang sa baywang niya ang buhok niya na ipinakulot niya ang dulo.
Paul Vincent told her once that she possessed the sweetest smile in the whole universe. Napangiti siya nang maalala niya si Paul Vincent. Ito ang best friend niya. Artista rin itong katulad niya. Ang buong pangalan nito ay "Paul Vincent Alcaraz." When he entered show business, he dropped his surname. "Vincent" tuloy ang tila naging apelyido nito. To his family and close friends, he was "Enteng."
Si Enteng ang kanyang unang ka-love team. Nagkasama sila sa pinakaunang show nila. Ginampanan nito ang role na playboy best friend ng bida. Ang character niya ay na-in love nang husto sa character nito. Kinagiliwan noon ang tambalan nilang dalawa. Marami rin ang na-frustrate sa kinahantungan ng kuwento ng mga character nila, wala kasing conclusion. Hindi sila nagkatuluyan. Ang character niya ay kinailangang lumayo. Marami ang nag-request na dugtungan ang kuwento ngunit hindi nangyari. Paul Vincent became so busy with work.
Hindi sila magkatulad ng pinagdaanan ni Enteng. He had always been famous mula noong pumasok ito sa showbiz hanggang sa ngayon. Nauna ito sa kanya sa pagpasok sa show business. He came from a boy band—the hottest boy band in the Philippines years ago, Lollipop Boys. Lollipop Boys dahil unang lumabas ang mga ito sa isang commercial ng lollipop. Sumasayaw at kumakanta ang mga ito sa commercial na iyon.
The five boys were so handsome. All of them were eighteen that time. Tita Angie immediately took them. Hindi nagtagal ay nagkaroon na ng album ang mga ito. Ang sumunod ay tinitilian na ang mga ito ng fans. Hindi lang sa recording sumikat ang mga ito. They also dominated film, television, and prints. Show ng mga ito ang unang nilabasan niya. Ang pinaka-leader ng mga ito ang bida.
They were at their peak when they suddenly disbanded. Sa iba-ibang larangan na napunta ang mga ito. Paul Vincent stayed in show business. He was the most sought-after leading man. He was also the most versatile actor in the Philippines. Hindi ito nakakulong sa iisang imahe. Hindi ito takot na sumubok ng bago. Hindi ito laging bida sa mga palabas. Minsan ay nagiging kontrabida rin ito. He was very effective.
Dinampot niya ang kanyang cell phone. She pouted prettily before she took a picture of herself. Alam niyang wala siyang kasing-cute kaya ipinadala niya iyon kay Enteng.
NAPANGITI si Enteng pagbukas niya ng multimedia message na ipinadala sa kanya ni Jillian. Lumipad lahat ng antok niya. Kararating lamang niya sa location ng shooting niya. Para iyon sa teleserye niyang malapit nang matapos.
Ilang minuto muna niyang pinagmasdan ang mukha ni Jillian sa screen ng cell phone niya. Wala itong makeup kaya halatang-halata ang eye bags nito. Nakasabog ang buhok nito at natatabingan ng bangs nito ang noo nito. Halatang-halata na wala pa itong tulog.
Kahit ganoon ay napaka-cute pa rin nitong tingnan. Parang napakahirap paniwalaan minsan na beinte-singko anyos na ito. Parang hindi ito tumatanda.
Tinawagan niya ito. "What?" nakangiting bungad niya.
"Where are you?" tanong nito.
"Shooting. Ikaw?"
"Condo. Kauuwi ko lang galing ng shooting din. Hindi ako makatulog, Enteng."
"Bakit?" Umupo siya sa upuan niya at sinenyasan niya ang make-up artist niya na mag-umpisa na. Sumunod naman kaagad ito.
"I don't know."
"Ano ngayon ang gagawin natin?" Hindi niya maiwasang maging masuyo ang kanyang tinig.
"Kantahan mo `ko."
Tumalima agad siya. "I can't fight this feeling any longer, and yet I'm still afraid to let it flow. What started out as friendship has grown stronger. I only wish I have the strength to let it show..."
Kinantahan niya ito hanggang sa pakiramdam niya ay nakatulog na ito. Hindi mawala ang ngiti niya kahit pa tinapos na niya ang tawag.
Jillian had always been special for him. She had been special from the first day they met. Hindi na iyon magbabago pa kahit na kailan. Hanggang siguro sa tumanda na sila pareho ay mananatiling espesyal ito sa puso niya.
Sa magulong mundo ng show business, napaka-hirap makahanap ng tunay na kaibigan. Iyong kaibigan na talagang mapagkakatiwalaan. That was why he treasured their friendship so much.
Ito na rin siguro ang pinakamalapit na babae sa buhay niya, bukod pa sa mama niyang tahimik na naninirahan sa Amerika. Madali siya nitong napapangiti at napapatawa. Lahat din ng hilingin nito ay ibinibigay niya.
Una silang nagkakilala sa shooting ng unang TV show niya. Hindi siya ang pinakabida roon. He came from a boy band. Sa sobrang sikat ng Lollipop Boys noon, sumabak na rin sila sa pag-arte. Si Jillian ang pinakaunang nakatambal niya sa telebisyon. Sa una ay naging constant kakuwentuhan niya ito sa set. Hanggang sa lumalim na nang lumalim ang pagkakaibigan nila.
Gaya ng laging nangyayari, naiintriga rin sila sa isa't isa. Hindi maiiwasan iyon, lalo na kung lagi silang nakikitang magkasama.
"Jillian is the sister that I never had," iyon lagi ang sagot niya tuwing tatanungin siya kung ano ang tunay na relasyon nila.
"Paul Vincent is almost my brother. Him and me? Incest!" Iyon naman ang madalas na isagot ni Jillian kapag ito naman ang tinatanong.
Alam niyang hanggang ngayon ay may mangilan-ngilan pa ring fans ang love team nila. Walang sawa ang mga ito sa paghiling na sana ay magkaroon pa sila ng projects na magkatambal sila. Pagkatapos ng una nilang show ay hindi na sila nagkasama sa isang proyekto. Madalas na hindi magkatagpo ang mga schedule nila kapag may offer. Minsan ay walang magandang material para sa kanila.
Natigil siya sa pagmumuni-muni nang tawagin na siya para sa unang eksena niya. Nang mga sumunod na sandali ay naging abala na siya.
"HEY, WHAT are you doing here?" masayang bati ni Jillian kay Enteng. Nadatnan niya ito sa opisina ni John Robert sa Sounds, ang record label kung saan sila nakakontrata ni Enteng. Enteng became a solo singer when his group disbanded.
John Robert was also a Lollipop Boy. Itinatag nito ang Sounds nang magkawatak-watak ang Lollipop Boys. Ang alam niya ay may maliit na share doon ang iba pang mga miyembro.
"I'm visiting Rob," tugon nito. "Off ko ngayong araw. Hindi ba sinabi ni Tita Angie sa `yo?"
Umiling siya. "Nasa labas si Tita, may kinakausap sandali. Nandito kami para i-discuss ang promotion ng bagong album ko." Umupo siya sa tabi nito. "`Musta?"
Pinisil nito ang tungki ng maliit niyang ilong. "Okay lang. `Kaw?"
Pilit na inalis niya ang kamay nito sa ilong niya. Nalukot ang mukha niya nang guluhin nito ang buhok niya. "When will you stop doing that? I'm not a kid anymore."
"You look like a kid to me," natatawang tugon nito.
Lalo siyang napasimangot. Mula noon hanggang ngayon, bata pa rin ang turing nito sa kanya. Tila hindi na siya lumaki sa paningin nito.
Bago pa man siya makapagsalita ay pumasok na sa opisina sina John Robert at Tita Angie. Kapwa nakangiti ang dalawa.
"Nagkukulitan na naman kayo," ani John Robert habang umuupo sa silya nito.
"Ang tatanda na ninyo," sabi sa kanila ni Tita Angie.
Tumayo si Enteng at hinagkan ito sa pisngi. "Hi, Tita. Kinukumusta lang po namin ang isa't isa."
"Parang last week lang kayo nagkita, ah," tugon ng manager nila.
Bumalik sa tabi niya si Enteng. Nanggigigil na niyakap siya nito. "Na-miss ko po `tong kapatid ko, eh."
Pinigil niya ang lalo pang pagkalukot ng mukha niya. She hated it when he treated her like a sister. She hated it when she had to pretend that he was a brother to her. Mula't sapol ay hindi niya ito itinuring na nakatatandang kapatid kahit pa halos apat na taon din ang tanda nito sa kanya. Isang dekada na siyang lihim na umiibig dito.
Mula noong unang masilayan ng mga mata niya ang commercial nito sa TV ay nagustuhan na niya ito. Kaya naman tuwang-tuwa siya nang alukin siya ni Tita Angie na maging alaga nito. Alam niyang ito rin ang manager noon ng Lollipop Boys. Siguro, bukod sa utang ng pamilya, may kinalaman din si Enteng sa pagpasok niya sa show business. She wanted to reach him somehow.
Kulang na lang ay magwala siya sa sobrang kaligayahan nang malaman niyang makakatambal niya ito sa pinakauna niyang labas sa telebisyon noon. It was a dream came true and more. Pigil-pigil niya ang sariling mag-swoon nang makilala niya ito sa unang pagkakataon. Higit na makisig ito sa personal. Napakabait pa nito.
Alagang-alaga siya nito sa set tuwing may shooting sila. Palagi itong may nakahandang masuyong ngiti para sa kanya. Kilig na kilig siya sa tuwina. Ngunit unti-unting nawala ang kasiyahan niya nang tila ituring siya nitong nakababatang kapatid. Sa mga interview ay lagi nitong sinasabi na "sister" siya nito. Nakigaya na rin siya kahit na labag na labag sa kalooban niya. He was her "brother" in show business.
For the past years, she had boyfriends: isang showbiz personality at isang nonshowbiz. She loved them but not the way she loved Enteng. Nakipagkalas siya sa mga ito nang mapagtanto niyang hindi mapapalitan ng mga ito si Enteng sa puso niya.
She had no idea what to do anymore with her feelings. Tila habang tumatagal ay lalong lumalago ang pag-ibig niya rito. Parang nais na niyang magtapat dito, parang gusto na niyang siya ang manligaw.
But she could not risk the beautiful friendship they had. Napakatagal nilang inalagaan iyon. Dahil doon kaya malapit siya rito. Alam niya, bukod sa kanya, walang ibang babae na nakalapit nang husto kay Enteng. Nais niyang papaniwalain ang sarili niyang kakaiba siya sa lahat ng babaeng dumaan sa buhay nito. Espesyal siya, alam niya.
Natutuhan na niyang pakibagayan ang matinding paninibughong nadarama niya sa lahat ng naging leading ladies nito. Natuto na siyang magtimpi tuwing mapapanood niya ito sa telebisyon na may intimate scenes kasama ng mga kapareha nito. It was part of their job. Siya man ay may mga ganoon ding eksena.
Natutuhan na rin niyang ngitian at kaibiganin ang ilang babaeng nagsusubok na bihagin ang puso nito. "Keep your friends close, and your enemies closer," sabi nga sa pelikulang The Godfather II. Natuto na rin siyang magpigil ng mga luha tuwing malalaman niyang may nobya ito.
Napabuntong-hininga siya. Kailan ba siya nito mamahalin nang higit pa sa isang kaibigan at kapatid? Kailan nito mapapansing hindi na siya bata? Hanggang kailan siya aasa na puwedeng maging sila?
Maraming pagkakataon sa loob ng isang dekada na sinubukan na niyang sumuko sa pagmamahal dito. Napakaraming pagkakataon na inakala niyang kaya niya. Hindi pala. Habang-buhay na yata siyang magmamahal dito nang lihim. Habang-buhay na yata siyang aasa na mamahalin din siya nito katulad ng paraan ng pagmamahal niya rito.
Medyo hindi pa rin maganda ang pakiramdam niya kahit pa nag-uumpisa na si John Robert sa pagpapaliwanag ng promotional strategies na gagawin nila para sa palabas na album niya.
Si Enteng ay tahimik lang sa isang tabi. She looked at him. He was within her reach, yet he seemed so far away.