Triton's Point of View
Ang buong akala ko okay na kami. Akala ko napatawad na niya ako sa nagawa kong kasalanan sa kanya. Akala ko okay na ang lahat pero bakit iniiwasan niya ako?
Noong Lunes okay naman ang pakikipag-usap ko sa kanya. Masaya pa kami noong araw na iyon at hinatid ko pa siya sa bahay nila pero kinabukasan hindi na niya ako pinapansin hanggang ngayon. Apat na araw na nga niya akong hindi pinapansin at hindi ko alam ang dahilan.
"Kuya, pumasok na ba si Lei? Iyong apo ni Principal?" tanong ko sa school guard na nasa gate ngayon at nagbabantay.
Biyernes kasi ngayon at kararating ko lang dito sa eskwelahan.
"Meron na siya. Kararating niya lang." tumango naman ako sa kanya at nagpasalamat bago ako pumasok sa gate at tinungo ang classroom namin.
Habang tinatahak ko naman ang daan papunta sa klase namin ay nakita ko si Lei na paakyat ng hagdan kaya naman tumakbo ako papunta sa kinaroroonan niya at para maabutan siya at tanungin siya tungkol sa pag-iwas nito sa akin.
"Lei..." tawag ko sa pangalan niya kaya napatigil siya sa gitna ng hagdan at napalingon sa akin. Alam kong nagulat siya na makita ako. "iniiwasan mo ba ako?" Hindi niya ako sinagot at tinalikuran na niya ako at maglalakad na sana ito palayo nang mabilis kong inihakbang ang mga paa ko palapit sa kanya at hinawakan siya sa may pulsuhan niya para pigilan.
Hindi niya ako nilingon. Kaya ang puwesto namin ngayon ay nakatalikod ito sa akin habang ako ay nasa likod niya lang habang hawak ko siya pulsuhan niya.
Napabuntong hininga na lamang ako bago ako nagsalita para tanungin siya.
"Bakit hindi mo ako pinapansin? Bakit iniiwasan mo ako? Akala ko ba okay na tayo? May problema ba tayo, Lei?" mahinang tanong ko sa kanya.
Buti na lang at wala pang gaanong estudyate sa eskwelahan kaya wala pang dumaraan sa kung nasaan kami ngayon ni Lei.
Naramdaman ko naman ang palad niyang humawak sa kamay kong nasa pulsuhan niya at dahan-dahan itong inalis bago siya humarap sa akin habang hawak pa rin niya ang kamay ko.
"Lei..." parang nalunok ko ang dila ko nang makita ko ang itsura niya nang humarap siya sa akin. Parang pinipiga ang puso ko habang nakikita ko siyang umiiyak. "bakit ka umiiyak? May problema ka ba—"
"Okay lang ako, Triton." rinig kong sambit nito habang nakayakap siya sa akin.
"Okay ka lang ba talaga? Kung may problema, sabihin mo lang sa akin." tanong ko sa kanya habang nakatingin lang ako sa kanya. Naramdaman ko namang umiling siya.
Iniangat ko naman ang kanang kamay ko para sana haplusin ang buhok niya nang marinig ko siyang magsalita kaya natigilan ako sa gagawin ko.
"I'm sorry, Triton."
"Bakit ka nag-so-sorry, Lei?"
"Dahil sa mga nagawa ko sa'yo tulad na lamang ng hindi ko pag pansin sa'yo at sa kung ano pang magagawa ko na makakasakit sa'yo sa hinaharap." matipid na ngiti naman ang sumilay sa bibig ko sa narinig ko kaya naman imbes na haplusin ko siya sa buhok niya ay tinapik ko na lamang siya sa kanyang balikat kaya napalayo ito sa akin at saka nito pinunasan ang kanyang nga luha at isang malaking ngiti ang ibinigay nito sa akin.
"Punta ka bukas sa mansion a?"
Tumango naman ako sa kanya.
"Syempre, pupunta talaga ako. It's your birthday kaya hindi puwedeng hindi ako pupunta. And besides, bukas din ang araw kung saan liligawan—"
"Mauna na pala ako sa klase. May report pa pala akong gagawin. Sige, Triton mauna na ako." Hindi ko na nagawa pang magsalita nang tumakbo na ito palayo sa akin.
Napatingin naman ako sa palad ko kung saan iyon ang pinanghawak ko sa balikat ni Lei kanina at dahan-dahan ko itong isinara.
"Dude, earth 'to!" napabalik naman ako sa realidad nang marinig ko ang boses ng kaibigan ko. "Anong ginagawa mo rito sa hagdan? Kanina ka pa nakatayo rito at kanina pa kuta kinakausap. Mukhang nasa outer space ka na sa sobrang lalim ng iniisip mo." natatawang saad nito.
"Ha?" wala sa sariling tanong ko.
"Tara na nga sa klase! Ewan ko sa'yo!" umiiling na wika nito at nauna na siyang naglakad na sinundan ko naman.
Tahimik lang kamimg dalawa at walang nagsasalita sa amin habang papunta kami sa klase hanggang sa makarating kami rito.
Pagpasok namin ni Apollo ay nakita ko naman agad si Lei at Shania habang nag-uusap. Balik na ulit sila sa dati na laging magkasama at nag-uusap, hindi kagaya noong nag-away sila na akala mo ay sila ang north at south pole na hindi mo man lang sila mapaglapit sa isa't isa.
Tipid na ngiti lang naman ang ibinigay ko kay Shania nang napatingin siya sa gawi ko. Tinuro niya rin ako na para bang sinasabi niya kay Lei na meron na ako, pero si Lei ay tumango lang sa kanya at hindi man lang niya ako nilingon.
"Pasok na, ano pang tinatayo mo diyan?" tawag sa akin ni Apollo na nauna nang pumasok sa loob ng klase.
Tumango lang naman ako sa kanya bago ako lumapit sa upuan ko at naupo rito.
Habang nakaupo ako ay nakatingin lamang ako sa babaeng nasa unahan ng klase at masaya itong nakikipagkwentuhan sa kaibigan niya na para bang hindi siya umiyak kanina.
"You okay? Kanina ka pa wala sa sarili mo." Nakita ko naman si Apollo na humila ng isang upuan para itabi sa akin. "May problema ba?"
Nakatingin lamang ako kay Lei nang sagutin ko ang tanong ng kaibigan ko.
"Paano kung nalaman mong ang babaeng nangako sa'yo na mamahalin ka rin niya pabalik ay hindi ka pala kayang mahalin?"
"Anong pinagsasabi mo?"
"Wala." umupo na ako ng maayos nang pumasok na sa loob ng klase ang first subject teacher namin at gano'n din si Apollo, tumayo na ito at bumalik sa kanyang upuan.
Pero bago siya umalis nang tuluyan ay narinig ko pa ang sinabi nito sa akin.
"Hindi ibig sabihin na nangako siya sa'yo ay tutuparin na niya."
Nandito na ako ngayon sa bahay at nakahiga ako ngayon sa mahabang sofa na nandito sa may sala habang nakatingin ako sa papel na hawak ko.
Ito iyong papel na nakuha ko sa mesa ni Ms. Nolasco noong Lunes.
"Triton..." napatigil naman ako sa paglalakad papunta sa library nang tawagin ako ni Ms. Nolasco na nasa isang classroom kaya hinarap ko ito. "pakikuha naman iyong boardmarker ko sa faculty hindi kasi ako makalabas kasi baka magkopyahan ang mga ito." pagkasabi niya iyon ay nilingon niya ang klase niya.
"Kukunin ko na po."
"Salamat, Triton." ngumiti lang naman ako sa kanya bago ko tinungo ang daan papuntang faculty room.
Nang nasa faculty na ako ay hinanap ko ang mesa ni Ms. Nolasco na agad ko namang nahanap agad dahil sa kulay pink lahat ang gamit na nandito. Lumapit naman ako sa mesa at hinanap ang boardmarker niya.
Wala akong makitang boardmarker sa ibabaw ng mesa niya kaya naman naisipan kong buksan ang drawer ng mesa nito. Pagbukas ko sa malaking drawer ng mesa ay nakita ko naman agad ang pinapahanap niyang boardmarker.
"Nandito ka lang pala..." natigilan ako sa pagkuha ng boardmarker nang mapansin ko ang papel na nasa loob din ng drawer. Papel iyon ni Lei at may nakasulat dito. Kumunot ang noo ko nang mabasa kung ano ang nakasulat dito. Tiningnan ko ang date na nakasulat sa itaas ng papel kung kailan isinulat ito dahil baka matagal na ito pero hindi, ang date na nakalagay sa papel ay iyon ang petsa kung saan pinagawa kami ng tula ni Ms. Nolasco. "Hindi ito ang tulang binasa niya kanina."
Napangiti naman ako ng mapait nang basahin ko muli ang tula na nakasulat sa papel.
Patawad
By: Eileithyia Mharie Francheska Isabelle Vizconde
Patawad kung hindi ko masabi sa'yo ang totoo,
Ang totoong nararamdaman ko para sa'yo.
Patawarin mo ako kung nagawa kong maglihim,
Dahil ayaw kong masaktan ang iyong damdamin.
Inaamin kong hanggang kaibigan lang ang tingin ko sa'yo,
Pero sana'y maintindihan mo.
Hindi ka naman mahirap gustuhin,
Pero aking kaibigan sana ako'y iyong patawarin.
Patawarin mo ako kung hindi ko magawang suklian ang nararamdaman mo,
Ginawa ko naman ang lahat upang magkagusto ako sa'yo.
Kaibigan sana'y mapatawad mo ako sa ginawa ko,
Ang paglihim ng tunay na nararamdaman ko para sa'yo.
Kahit walang nakalagay na pangalan kung sino ang tinutukoy ni Lei na kaibigan sa kanyang tula ay alam kong ako ang kaibigan na tinutukoy nito.
"Meron ka na pala." bumangon naman ako mula sa pagkakahiga ko sa sofa at saka ipinatong sa mesa ang papel na hawak ko bago ko hinarap si papa na kararating lang galing sa trabaho.
"Opo, ipaghahanda ko po ba kayo ng meryenda?" tanong ko.
"Kahit tubig na lang, anak. Medyo makati itong lalamunan ko dahil sa buong maghapon na nagsasalita ako sa klase." sagot sa akin ni papa at saka umupo sa sofa kung saan nakahiga ako kanina.
Tumango lang naman ako sa kanya bago ako naglakad papunta sa kusina para kumuha ng tubig.
Pagbalik ko sa may sala para ibigay kay papa ang tubig na pinapakuha nito ay nakita ko siyang hawak niya ang papel kung saan nakasulat doon ang tula na ginawa ni Lei kaya patakbo akong lumapit sa kanya at marahas na kinuha ang papel na kanyang hawak na alam kong binabasa nito ang nakasulat sa papel.
"Ito na po iyong tubig niyo." abot ko kay papa sa isang basing tubig habang ang isang kamay ko ay nasa likod ko kung saan hawak ko ang papel ni Lei.
"Bakit mo tinago iyong papel? Tapos ko na rin namang basahin." pagkasabi iyon ni papa ay ininum na nito ang tubig na ibinigay ko sa kanya.
Bumagsak naman ang dalawang balikat ko dahil sa sinabi nito kaya naman umupo na lamang ako sa pang-isahang sofa na katapat lang ni papa at ipinatong ko muli ang hawak kong papel sa may center table.
"She does not like me." nakayukong sambit ko habang nakatingin ako sa mga kamay kong magkasalikop.
"How did you know that she does not like you? Sinabi ba niya sa'yo?" rinig kong tanong ni papa sa akin bago niya inilapag sa mesa ang basong pinag-inuman niya.
Umiling lang naman ako.
"Hindi naman pala niya sinabi sa'yo na hindi ka niya gusto—"
"Hindi ako manhid para hindi malaman kung sino ang tinutukoy niya sa tulang ginawa niya."
"Tinanong mo na ba si Lei tungkol diyan?" umiling ako.
"Iyan ang problema sa atin, anak. Pinapangunahan natin iyong sarili natin. Dahil lang sa isang tula na nabasa mo, nag-conclude ka agad. Ni hindi mo pa pala tinanong iyong tao. Ask her first before you conclude."
"Paano kung tama iyong hinala ko? Paano kung hindi niya talaga ako gusto?" this time tiningnan ko na si papa na ngayon ay nakatingin lang din pala sa akin.
"Triton, hindi mo pa nga siya tinatanong pero may mga what ifs ka na sa isipan mo. Ask her tomorrow, okay? Tutal birthday niya naman bukas edi, doon mo siya tanungin. At saka hindi ba bukas din ang araw kung saan tatanungin mo siya muli kung puwede mo na siyang ligawan?" tumango naman ako. "Then, grab that opportunity to ask her kung tama ba ang hinala mo. Kung ikaw ba ang tinutukoy niya sa tula na isinulat niya." tumayo na ito at saka naglakad palapit sa akin at tinapik niya ako sa balikat bago ito tuluyang umalis sa sala.
Napasandal naman ako sa sofa na kinauupuan ko at saka napatingin sa malaking chandelier na nakasabit sa kisame. Nakatingin lamang ako rito nang maramdaman kong nag-vibrate ang cellphone na nasa bulsa ko kaya kinuha ko ito habang nakasandal pa rin ang likod ko sa malambot na sofa.
Isang message iyon galing kay papa.
From: Papa
Whatever happens tomorrow...
I'm just here with your mom, Triton.
We're just here for you.