LAHAT YATA ng mga taong madaanan ni Twynsta ay napapalingon sa kanya; naisip tuloy niya kung may dumi ba sa mukha? Pero sa huli ay napagtanto niya na ang bilbil niya ang salarin—oo, ang malaking bilbil niya na kaagaw-agaw ng atensyon ng mga tao.
Marahil ay naa-amaze ang mga ito na makakita ng balyenang naglalakad. Ayaw niyang ibaba ang kanyang confidence, kaso gano'n ang nababasa niya sa mga mata ng mga taong nadadaanan niya. Malaki nga kasi talaga siya, para na yata siyang si Ruby Rodriguez; mabuti at mas mahaba ang buhok niya, mas maputi siya at mas maganda ang mukha niya, kaya kahit papaano ay nababawasan ang insecurities niya. Napailing na lang siya ng lihim.
Napakalaki ng school nila; maganda, maluwang at isa 'yon sa may pinaka-madaming populasyon ng mga estudyante. Ang Panpacific University ay isa sa pinakakilalang private school sa bansa. Hindi sila mayaman para makapag-aral siya doon, ngunit dahil nakapasa siya ng scholarship program ay libre ang lahat ng tuition at miscellaneous fees niya.
Habang naglalakad siya patungo sa designated classroom niya ay marami siyang nadadaanan na mga sweet na sweet na magkakasintahang nakaupo sa mga benches, may mga magkaka-barkada din na malakas ang tawanan. Naisip niya, magkakaroon din kaya siya ng mga friends dito sa school? O baka mas mauna pa siyang magkaroon ng bashers?
"Look at her! Grabeng laki niya! Siguro kung ako siya, mahihiya na akong lumabas ng bahay dahil alam kong marami rin namang mang-aaalipusta sa akin." Narinig ni Twynsta na sabi ng isang babaeng nadaanan niya.
"Oo nga, may damit pa bang magkakasya para sa kanya?"
"Ang tanong, may love life ba siya? Kawawa naman ang boyfriend niyan kung sakali, mapapasubo ang bulsa."
"Ano ka ba girl, swerte ang boyfriend niyan—may unan na may kama pa at may Baymax pa." saka sabay-sabay na nagkatawanan ang nalingunan niyang tatlong mga babaeng nag-uusap-usap tungkol sa kanya. Kinalma niya ang kanyang sarili at napailing na lang.
Pagkadating niya sa classroom ay naglingunan agad sa kanya ang mga kaklase niya at agad na umayos ng upo—mukhang ipinalagay yata ng mga ito na siya ang teacher, kaya mabilis na siyang naghanap nang mauupuan sa first row—kung maaari ay ayaw kasi niyang umupo sa last row dahil may pagka-near sighted siya, kaya lang dahil 'Ranillo' ang apelido niya, kapag naka-alphabetical ang seat arrangements nila, mapipilitan talaga siyang sa dulo maupo.
Pero dahil wala pa naman silang seat plan, sa harapan muna siya naupo. Ang kaso hindi siya magkasya sa monobloc na may armrest at nangangamba din siyang baka bigla na lang 'yong bumigay, mas nakakahiya 'yon. Napakagat siya sa ibabang labi niya, saan na siya pupuwesto ngayon? Napalingon siya sa mga kaklase niya, nakita niyang nakatingin din ang mga ito sa kanya at nagtatawanan.
Saan na siya uupo ngayon? Nagulat siya nang bigla siyang kinalabit ng isang lalaki at isinenyas nito na sa likuran ay may upuan na walang armrest at may sariling table na, ayaw man sana niyang maupo sa likuran ay napilitan na lang din siya dahil mukhang doon lang siya kasya sa upuang 'yon, ngumiti siyang nagpasalamat sa lalaki—kahit pala papaano ay may mabait pa ring tao.
Naitanong tuloy niya sa sarili niya, bakit ba may mga taong sadyang malulupit sa kapwa nila? Bakit nila kailangang manlait para may pagtawanan? Hindi ba nila iniisip na masasaktan ang taong nilalait at binu-bully nila? Oo, mataba siya—pero tao pa rin naman siya at walang nakakahawang sakit. Ano'ng tingin ng mga ito sa kanya—ibang nilalang?
Tahimik na lamang siyang naupo sa pinakadulong upuan at nag-observe nang nagaganap sa loob ng kanilang classroom. Maiingay, nagkakatawanan at makukulit ang mga kaklase niya; siguro ay 'yong iba magkakakilala na o siguro ay nagkasundo lang din agad 'yong iba, gusto rin niyang makipagkaibigan, kaso hindi niya alam kung gusto din ba siyang maging kaibigan.
Walang pumapansin sa kanya at kapag pinapansin naman siya ay panlalait lang ang naririnig niya, kaya mas mabuti na lang na hindi na lang siya mapansin. Bumaling siya sa lalaking katabi niya—'yong nag-offer ng upuan sa kanya, tahimik lang ito at abala sa sinusulat nito kaya hindi na niya inistorbo. Saglit pa ay dumating na ang kanilang teacher sa kanilang first subject.
Introduction lang ng kanilang mga sarili ang naganap sa buong klase, forty students sila lahat sa isang klase. At usual, nang siya na ang magpakilala ay may nagtanong pa sa kanya kung sa baboy daw ba siya ipinaglihi? Kung marami daw bang mansanas sa bahay nila? At kung anu-ano pa, kung akala ng mga ito ay hindi siya sasagot, nagulat ang mga ito nang sinagot niya ang lahat ng mga katanungan. Minsan ay nakakasawa ding ma-bully, akala ng mga ito paaapi lang siya sa tabi?
Lunch break. Mag-isa siyang nagtungo sa canteen para kumain. Nag-order na siya agad nang makarating siya doon saka naghanap ng bakanteng mesa na mauupuan, kaya lang ay punuan na ang mga tables noon, 'yong iba ang nagchi-chismisan lang naman , kung bakit hindi na lang sa mga benches para may maupuan ang mga kakain, mabilis siyang naging alerto nang makita niyang nabakante ang isang table na good for two persons, kaya mabilis siyang naglakad papunta doon, kaya lang dahil hindi niya mabuhat ang katawan niya para mabilisan ang paglalakad ay naunahan siya ng dalawang babae. Napabuga na lang siya ng hangin. Sampung minuto pa siyang nakatayo at naghintay bago siya nakahanap nang mauupuan.
Nang makaupo na siya ay nagsimula na agad siyang kumain. Nagutom siya buong araw dahil sa stress na naramdaman, kaya wala na muna siyang pakialam sa mga taong noon ay ramdam niyang nakatingin sa kanya habang kumakain siya, dahil ang importante lang nang mga sandaling 'yon ay mabusog niya ang kanyang tiyan. Dalawang magkaibang ulam ang in-order niya, dalawang mangkok ng rice, isang malaking softdrinks at strawberry cake.
Nang matapos siyang kumain ay na-satisfy naman siya dahil nabusog siya. Doon lang niya na-realize na nakatingin ang lahat sa kanya at na-amazed dahil sa dami nang kinain niya at simot na simot pa ang laman ng kanyang plato.
"Sa lakas niyang kumaun ay siguro laging out of stocks ang pagkain sa bahay nila." Narinig niyang natatawang sabi ng isang babae, hindi na lang niya pinansin, hindi pa ba siya nasanay? Paalis na siya sa lugar nang malakas siyang napa-burp, nagkalingunan tuloy ang lahat ng mga tao na malapit sa kanya at halos matawa siya nang tila nandiri ang mga ito sa kanya.
Ang aarte! Naiiling na lang niyang sabi. Naglakad siya para magtungo sa tahimik na lugar sa school bago mag-start ang PM class niya, sa library siya nagtungo—sa pinakadulong parte siya pumuwesto dala ang hiniram niyang mga nursing books.
Abala siya noon sa pagbabasa nang marinig niyang nagbubulungan ang mga babaeng nasa harapan niyang mesa, ayon sa mga ito; may super guwapo daw na estudyante from the Chemical engineering department—para daw itong 'the walking mannequin', dahil sobrang perfect ng hulma ng mukha, katawan at tangkad nito. Nagtaka tuloy siya—may tao bang gano'n ka-perfect? For sure, kahit gaano pa kaguwapo 'yon ay may flaws pa rin.
Inabala na lang uli niya ang sarili sa pagbabasa hanggang sa oras na para sa kanyang PM class, habang naglalakad siya papunta sa classroom niya ay nagulat na lang siya nang may humarang sa kanyang tatlong mga kababaihan, pare-parehong nakataas ang kilay at nakatingin sa kanya.
"Freshman ka?" korus na tanong ng mga ito.
"Opo." Sagot niya.
"Pero para yatang mas mukha ka pang nasa junior level kaysa sa amin." Nakangiting sabi ng isa. Kaya nagkatawanan ang dalawa.
"Nacu-curious lang kasi kami, hindi ka ba nabibigatan sa sarili mo? As in, para kang sampung katao." Sabi naman ng isa.
"Sorry ha, pero nakaka-distract ka kasi sa mga mata namin, e." sabi pa ng isa.
"Gusto lang naming malaman kung may boyfriend—"
"Meron po akong boyfriend mga ate," nakangiting putol niya sa sasabihin ng mga ito, na ikinagulat ng mga ito. Siya man ay nagulat din sa kanyang sinabi—she's just too tired in everything, paulit-ulit na lang siyang pinagkakatawanan dahil sa pagiging matabang loveless niya!
"R-Really?" sabay-sabay na tanong ng mga ito.
Kapag mataba, bawal na bang magka-love life? Ngali-ngaling sabihin niya. Bakit ba kasi ang big deal para sa iba ang size niya?
"Dinaig ka pa, Yolanda!" sabi ng isang babae sa isang kasamahan nito. Saka nagkatawanan.
Napakunot naman 'yong Yolanda saka siya binalingan. "The proof? Where is the proof?" masungit na sabi nito.
Nanlaki ang kanyang mga mata. Hindi niya napaghandaan ang pangyayaring tulad nito! Kung bakit kasi naisipan pa niyang magsinungaling, hinahanapan tuloy siya ng boyfriend. Kung pwede lang niyang ituro ang lalaking nasa damit niya—si Justin bieber pero baka bigla na lang siyang dalhin sa mental hospital ng mga ito dahil sa hallucination niya.
Lihim siyang napailing. Sana ay may magligtas sa kanya sa mga babaeng ito. "S-Saka na lang po, mali-late na kasi ako sa klase ko." Palusot niya, mag-iisip pa siya kung paano niya susulusyonan ang gusot na pinasukan.
"She just made that story." Nakangiting sabi ng nakilala niyang Yolanda. "She's a big fat liar!" anito, saka nagkatawanan.
Naikuyom niya ang kanyang palad. Bakit ba may mga bullies sa mundo? Bakit hindi na lang matahimik sa sariling buhay ang mga tao imbes na pakialaman ang buhay nang may buhay? Nakakalungkot lang dahil laganap na ang mga taong katulad ng mga ito.
Saglit siyang nag-isip nang maipanlulusot nang bigla niyang maalala ang lalaking nasa wallpaper ng phone na kasama niya. Sana ay hindi kilala ng mga ito ang lalaki. Gusto na niyang matawa sa magiging reaksyon ng mga ito kapag nakita ng mga ito ang boyfriend na ipapakilala niya—well, tutal hindi naman na niya ito makikita pa, gagamitin na lang niya ang larawan nilang dalawa para sa mga bullies na laging kini-question ang love life niya, saka na lang siya magso-sorry sa lalaki kapag nagkita na sila ng personal.
Mabilis niyang inilabas ang kanyang phone at mabilis an ipinakita ang wallpaper niya—at tama nga siya nang hinala dahil nanlaki ang mga mata ng mga babaeng kaharap niya at muntik nang mahulog ang mga panga dahil sa gulat—her boyfriend was so gorgeous and captivating. He is like a living mannequin, an almost perfect man! Wait, wala nga palang perfect na lalaki. But this guy has really a big impact!
"B-Boyfriend mo siya?" sabay-sabay at tila hindi makapaniwalang tanong ng mga ito. Saka mabilis na inagaw ang phone na hawak niya at pinagpasa-pasahan 'yon at saglit pang pinakatitigan 'yon bago ibinalik ang phone sa kanya.
Mabilis siyang tumango at ngumiti sa mga ito. "As you can see, wallpaper ko po siya sa phone ko at magkasama kami sa picture." Nakangiting sabi niya, kahit papaano ay nadagdagan nang kaunti ang confidence niya dahil sa lalaki. Akala siguro ng mga babaeng ito ay walang magkakagusto sa kanya—well, kahit gawa-gawa lang niya ang boyfriend thingy na 'yon—sa isip ng mga ito ay panalong-panalo siya. "May klase pa po ako." aniya, saka na siya nagpaalam sa mga ito. Iniwan niyang nakatulala ang mga ito.