Chapter 2 - 2

"'Uy anak, asikasuhin mo naman ang mga bagong customers natin." Agaw-atensyon ng papa niya sa kanya, abala din noon ang dalawang mga lalaking marahil ay hindi nalalayo sa edad niya sa pagtingin-tingin ng mga naka-display na phones at iba pang mga gadget sa shop nila. Mabilis siyang lumabas sa counter nila para tulungan ang mga ito sa pagpili ng kung anumang gusto ng mga ito.

"Ah, yes mga sir, ano pong hanap nila?" nakangiting sabi niya. Namimilog ang katawan niya sa pagtabi sa dalawa, grabeng tangkad at ganda ng katawan ng mga ito, para silang one-o-one.

Lumingon sa kanya ang lalaking nasa kaliwa niya. "Naghahanap kasi kami ng phone na may magandang camera pero affordable sa bulsa." Nakangiting sabi nito.

"Ay, simple lang po pala ang hanap n'yo," nakangiting sabi niya, saka niya mabilis inabot ang stock nila ng O+ na phone at saka iniumang sa lalaki. "Maganda po ang camera nito at marami pa pong memory kaya kahit one to sawa ang pagkuha n'yo ng larawan ay ayos na ayos." Nakangiting sabi niya.

Inabot naman ng lalaki ang hawak niyang phone para makita 'yon. Muli siyang kumuha ng Oppo phone para ipakita rin sa mga ito.

"Maganda rin po ang camera nito sir, at maaari din kayong mag-store na maraming pictures sa phone na 'to, gusto niyo po bang i-try 'yong front and back camera?" nakangiting suggestion niya, saka niya in-on ang front camera at nag-selfie silang tatlo—napabunsagot siya dahil ang KJ nang lalaking nasa kanan niya, hindi man lang kasi ito tumingin sa camera. Sa back cam naman sila nag-selfie at pagkatapos niyon ay ipinakita niya ang mga larawan sa lalaking kausap niya.

Sinubukan din nito ang front and back camera nito at nang mai-compare nito ang mga larawan ay mas nagustuhan nito ang phone na hawak nito. Hanggang sa 'yon na rin ang binili nitong phone, ginawan niya ito ng resibo at binigyan ng one month warranty. Nagpasalamat ang nakilala niyang si Brain Raymundo bago tuluyang umalis ang dalawa.

Nakakalungkot lang dahil hindi man lang niya nalaman ang pangalan ng lalaking kasama nito—mas na-cute-an kasi siya sa lalaking 'yon, pero mukhang tahimik at seryoso sa buhay. Muli niyang tinignan ang kuha ng cell phone na hawak niya; sa front camera hindi nakatingin ang lalaking nasa kanan niya kanina, ang photogenic pa naman—buti na lang sa back camera ay nakatingin ito at ang weird lang dahil silang dalawa lang ang nakuhanan ng larawan.

Hindi niya napigilang mapangiti, iisipin sana niyang baka destiny—kaso masyadong guwapo naman 'yon para sa kanya. Gayunpaman, kinikilig niyang i-bl-in-uetooth ang larawan nilang dalawa ng lalaki sa kanyang phone. Mukha silang number '10' at kahit hanggang kili-kili lang siya nito, ang cute nila sa larawan at ngiting-ngiti siya.

"Mukhang lucky charm ka ng shop ngayon, Twynie." Nakangiting sabi ng papa niya, sa buong maghapon kasi ay nakakarami na sila ng benta at repair.

"Naman, 'pa!" nakangiting sabi niya. "Kaya kailangan n'yo po ako ibibilhan ng maraming chocolates, cakes, cupcakes at ice creams?"

Napailing-iling ang papa niya. "Buti pa 'yong wallet ko anak, nagda-diet, ikaw kasi hindi, e." natatawang biro ng papa niya.

"Wala po sa bokabularyo ko ang salitang diet, e." natatawang ganti din niya.

PAGKAHIGA ni Twynsta sa kanyang kama ay muli niyang kinuha ang kanyang cell phone sa bag para tingnan ang lalaking nasa larawan kasama niya. Haaay... Hindi yata siya magsasawa sa katitig doon, e, ang guwapo-guwapo-guwapo at guwapo kasi nito ngunit hindi niya maintindihan dahil parang may kahawig ito habang tumatagal niya itong tinititigan at parang may something pa bukod sa kaguwapuhan nito kung bakit niya gustong-gustong tinititigan ang larawan ng lalaki—hindi lang niya matukoy.

At dahil nga sa kagustuhan na laging nakikita ang larawan nilang dalawa ng lalaki, sa huli ay ginawa na lamang niyang wallpaper sa phone niya—kung makapal din siguro ang mukha niya, baka gawin na din niyang profile picture sa mga social media accounts niya—ito lang ang lalaking maaaring maglayo sa kanilang dalawa ni Justin Bieber na dating nasa wallpaper niya at currently kasama niya sa profile picture niya sa FB account niya.

At dahil sa sobrang curiosity niya sa lalaki ay nag-open siya ng FB account niya at i-s-in-earch si Brain Raymundo, baka makita kasi niya ang lalaki sa mga wallposts nito—unfornately, ay wala siyang napala sa pag-stalk niya. Hopeless case. Masama ba siyang maituturing kung hihilingin niyang magloko ang phone ni Brain para bumalik lang ang dalawa sa shop nila?

Napailing-iling siya. Hindi pwedeng magloko ang phone na binili ni Brain sa shop nila—pangalan kasi ng shop nila ang nakataya doon, maganda ang quality ng mga gadgets nila doon at hindi pang-pucho-pucho. Sa ngayon, magkakasya na lamang siyang ilusyunin ang lalaki.

Itinaob na muna niya ang picture frame ng collage pictures nila ni Justin Bieber na nasa bedside para hindi nito makita ang pag-iilusyon niya sa bagong lalaking nakilala niya—hindi pala niya nakilala, nakita lang!