Chereads / Just Hold Onto Destiny's Grasp / Chapter 33 - Man talk

Chapter 33 - Man talk

NASA balcony ako ngayon ng bahay at pinagmamasdan ang paligid sa itaas. Nakasandal ako sa haligi ng pintuan at umiinom ng Delmonte four seasons.

"Damien," narinig kong tawag sa akin ng pinsan kong si Abram.

Lumingon ako sa kanya at ibinaba ang lata na hawak ko.

"Hmm?" simpleng sagot ko, tamad na ibuka ang bibig.

"Napapaisip lang ako kung anong pinag usapan nyo ng tatay ni Caelian. Ano ba sinabi niya sayo?" tanong niya sa akin at halata ang pagkagustong makakuha ng impormasyon.

Dahil sa tanong niya, naalala ko ang senaryo na iyon.

"Anong meron dito?" Tanong ng tatay ni Caelian at sabay kaming napalingon sa kanya. Napalunok ako. Sariwa pa rin kasi sa akin ang sinabi niya noon sa akin.

Mayamaya pa dumating ang mama ni Caelian kasama si Kyrine at Abram, may dala silang pagkain. May slice bread, kape, itlog, at hotdog.

"Gising ka na pala," nakangiting sabi ng mama ni Caelian. "Halina't sumama ka sa amin kumain ng almusal," anyaya ng ginang sa asawa niya.

Hindi lumingon ang ginoo sa ginang bagkus nakakatitig ito ng malamig sa akin. Dalawang beses akong napalunok.

"Anong ginagawa na naman ng lalaking 'to rito?" madiin na tanong niya. Napatahimik ang paligid. Pati si Kyrine at Abram na maingay ay himalang walang ginagawang ingay.

Ngumiti ng magaan ang ginang at lumapit sa asawa saka kumapit ang kamay nito sa braso ng ginoo.

"Oo nga pala, nandito si Damien dahil pormal na siyang nanliligaw sa anak natin. Nakakatuwa, diba?" masaya at kinikilig na sabi ng ginang sa lalaki subalit mas lalo sumama ang tingin nito sa akin. Ang tanging nagawa ko lang ay tumayo ng tuwid doon at tanggapin ang matalim na tingin niya, kahit sa loob loob ko ay kinakabahan ako.

Wala ng atrasan 'to, Damien.

Inipon ko ang lahat ng lakas ng loob ko at huminga ng malalim. Tiningnan ko ng seryoso ang ginoo para iparating sa kanya na ang sasabihin ko ay totoo at hindi biro o lokohan lang.

"M-Magandang umaga po, tama po ang narinig niyo kay tita, nandito po ako para pormal ng manligaw kay Caelian," matapang at seryosong sambit ko sa kanya. Napalingon siya kay Caelian.

"Pinayagan mong manligaw sayo ang lalaking 'to?" malamig na tanong niya sa anak niya at tinuro pa ako.

Nagulat si Caelian sa biglaang tanong ng tatay niya at napabuka sara ang bibig niya. Hindi niya alam ang sasabihin niya.

Nakagat ko ang labi ko at kumuha muli ng lakas ng loob.

"Tito, wala pa po siyang sinasabi sa akin na pinapayagan niya akong manligaw sa kanya. Saka pumayag man siya o hindi, liligawan ko pa rin siya. Bilang isang mangliligaw niya, responsibilidad ko na iparamdam sa kanya ang nararamdam ko...na walang hinihinging kapalit," seryosong sambit ko sa ginoo at saka lumingon ako kay Caelian. "At kung mahulog man siya sa akin...premyo ko na lang po iyon,"usal ko na nakatingin ng diretso kay Caelian kaya nakita ko ang paglaki ng mata niya. Naramdaman ko rin na napasinghap sina Kyrine at mama ni Caelian habang si Abram ay ngumisi ngisi sa tabi.

Tumahimik ang paligid, mukhang pinoproseso ng utak nila ang sinabi ko. Ang sinabi ko ngayon ay kusang lumabas lang sa bibig ko, na parang bang ang nilalaman ng puso ko ang binigkas nito.

Kahit kailan hindi pa ako nagsalita ng matamis na salita sa magulang ng nililigawan ko tungkol sa anak nila, sa magulang ni Heizelle, hindi ko man ito nagawa. Pero ngayon, ito ako at nagsasalita sa magulang ni Caelian kung gaano ako kaseryoso sa anak nila.

"Sumama ka sa akin sa labas," madiin at malamig na sabi ng tatay ni Caelian. Nauna na siyang lumabas. Napalunok ako at sumunod sa kanya.

Nakatayo ang ginoo at nakatingin ito sa malayo, nang maramdaman niya ang presensya ko ay lumingon ito sa akin.

Lumapit ako sa kanya na may saktong distansya.

"Lalaking usapan tayo, ah. Sagutin mo ako ng totoo, seryoso ka ba sa anak ko?" tanong niya habang ang mata niya ay nakapako sa mata ko. Tinitingnan niya talaga kung magsisinungaling ako sa isasagot ko.

"Opo, seryoso po ako sa anak niyo," sagot ko sa kanya at binabalik ang tingin niya sa akin. Gusto kong maramdaman niya na puro ang intensyon ko sa anak niya.

Walang namutawi sa bibig niya at tiningnan niya lang ako ng mabuti, hinahanap sa mata ko ang mali na makikita niya.

Napahinga siya malalim at nakita kong medyo kumalma na siya.

"Sige, pinapayagan na kitang ligawan ang anak ko, pero na kanya pa rin ang desisyon kung tatanggapin ka niya o hindi," usal niya sa akin at parang gustong magwala sa tuwa. Hindi ko mapigilan na ngumiti sa harap niya.

"S-Salamat po, tito," bukal sa loob na sabi ko.

"Huwag kang masyadong matuwa," sambit niya at dahan dahan na nawala ang ngiti sa labi ko. "Kapag nalaman ko na sinaktan mo ang anak ko, hindi ako magdadalawang-isip na butasan ang katawan mo ng bago kong grinder," usal niya sa seryosong boses, nando'n ang pakiramdam na hindi talaga siya nagbibiro sa sinasabi niya at gagawin niya talaga sa akin iyon.

"O-Opo," tanging nasagot ko lang sa kanya.

"Kaya ngayon pa lang, kung may plano kang lokohin at saktan ang anak ko, please lang, lumayo ka na sa anak ko. Masyado ng maraming pinagdaanan si Caelian. At ayaw ko na siyang makitang lumuluha dahil lang sa lalaking hindi marunong manindigan sa salita niya," malamig na sabi niya sa akin at hindi ako nakapagsalita. Ramdam ang galit dito pero sa kabilang banda ay ramdam din dito ang pagmamahal niya sa dalaga niya. Iniwan niya na akong tulala do'n at pumasok na siya sa loob.

"Hoy! Narinig mo ba ang tanong ko? Sabi ko, anong pinag usapan niyo?" pag-uulit ni Abram sa tanong niya at nabalik ang kaluluwa ko sa katawang lupa ko. Uminom ako ng Delmonte four seasons bago sumagot.

"Sa amin na lang iyon. Ang tsismoso mo," nakangiwing sabi ko sa kanya. Sinamaan niya ako ng tingin.

"Tsismoso na agad? Bawal na ba magtanong ngayon?" sabi niya na may inis sa tono. Hindi ako sumagot sa kanya.

"Aalis pala ako, may pupuntahan lang ako. Baka gabi na rin ako umuwi. At kung wala pa ako ng alas siyete, ikaw na lang magluto ng ulam para makakain ka," parang nanay na sambit niya sa akin at doon ko lang napansin na nakabihis siya ng pang-alis. Naka-polo siya at naka-pants, maganda rin ang pagkakaayos ng buhok niya.

"Okay, ingat sa pupuntahan mo" sagot ko sa kanya at tumango naman siya sa akin. Pinagdikit namin ang kamao namin saka siya umalis sa harapan ko.

Lumipas ang ilang minuto at ang sarap sa pakiramdam ng katahimikan paligid idagdag mo ang hangin na dumadampi sa akin.

Narinig kong may kumakatok sa mini gate namin kaya napatingin ako sa baba. Napakunot ang noo sa babaeng nakapulang dress na nakasandal ang katawan sa gate namin.

"D-Damien! O-Open this door! Alam kong nandiyan ka!" sigaw niya sa baba at mas kumunot ang noo ko.

"H-Heizelle?!" sambit ko sa sarili ko at nagmadali akong bumaba. Pagtapos ay patakbo akong pumunta sa mini gate namin at binuksan iyon.

"Heizelle, A-Anong ginagawa mo rito?" tanong ko sa kanya. Pagewang-gewang siyang tumayo at iniangat niya ang mukha sa akin. Napaawang ang labi ko nang makita ang itsura niya. Nagkalat kalat ang lipstick sa labi niya, basa ang pisngi niya ng luha at maga rin ang mga mata niya.

Tiningnan niya ako sa malungkot na mata at saka siya lumapit sa akin.

"Damien," tawag niya sa akin sa nanghihinalo at nasasaktan na tono. Natuptop ako sa kinatatayuan ko. Anong nangayayari sa kanya?

Pagkalapit niya sa akin ay hindi ko inaasahan ang mabilis niyang pagpalupot ng dalawang kamay niya sa leeg ko at saka siya tumingkayad sa akin. Nanlaki ang mata ko.