Chapter 31 - Sorry

"PARA po!" sambit ko sa driver ng jeep at tumigil naman ito. Bumaba na ako sa jeep at agad na kinuha ang cellphone ko.

Nag-type ako ng message kay Caelian.

To: Caelian

I'm here. Where are you?

Pinaikot ko ang tingin ko sa paligid ngunit hindi ko siya makita. Ilang saglit lang ay naramdaman ko ang presensya ng isang tao sa likod ko. Lilingon na sana ako subalit hinawakan niya ako sa braso para pigilan ako.

"Huwag." Pigil niya sa akin at sumunod ako. "Pwedeng bumaba ka ng konti," utos niya at bumaba naman ako. Mayamaya pa ay may tumapat na blind fold sa harap ko at saka niya ginamit sa akin at tinali.

"Good. Tara na," anyaya niya sa akin at dumalas ang kamay niya papunta sa kamay ko.

Natigilan ako sa kinatatayuan ko habang ramdam ko ang mainit na palad niya sa mismong palad ko. Ito ang unang pagkakataon na nagkadikit ang palad namin sa isa't isa at hindi ko alam na ganito pala kaganda sa pakiramdam. May naramdaman akong kiliti sa kalooban ko ngunit lamang ang kasiyahan na nagdidiwang.

Nagpadala ako sa paghila niya na may tinatagong ngiti sa labi.

Mayamaya pa tumigil na kami sa paglalakad at binitawan na ni Caelian ang kamay ko. Pumunta siya sa likod ko at tinatanggal na ang tali ng blind fold.

"Are you ready?" untag niya sa akin. Nararamdaman ko rin na excited siya sa papakita niya sa akin.

Tumango ako sa kanya at naging senyales niya 'yon para tanggalin na tela na tinatakpan ang mata ko.

Sa pagbukas ng mata ko, sa una ay malabo ngunit mayamaya pa, wala talagang nagbago. Ang dilim pa rin ng paligid ko. Napikit-pikit ako dahil bigla parang nag-iba ang pakiramdam ko.

Humarap sa akin sa Caelian at pansin ko na may tinatago siya base paglagay ng kamay niya sa likod niya.

"Ito talaga ang surpresa," nakangiting sambit niya at nakita ko ang madaming led battery candles sa kamay niya.

Nakatulala lang ako sa magandang tanawin na nasa harap ko. Ang ganda ng dilaw na nilalabas ng kandila na hawak niya ngunit mas nagagandahan ako sa ngiti ni Caelian na tinatamaan ng ilaw. Napakaganda pagmasdan.

Hinila niya ako sa pulsuhan at pinaupo, doon ko lang nalaman na may sapin pala sa ibaba ko. Ang led battery candle ay pinalibot niya sa gilid ng sapin kaya ngayon nagniningning na ang paligid. Sinindihan niya rin ang nag-iisang candle light sa gitna.

"Anong gusto mong kainin?" tanong ni Caelian sa akin at itinuro ang mga pagkain. May pizza, may buko pie, may french fries, prutas, at drinks. Tumingin ako sa kanya at nakita kong napakamot siya sa ulo niya.

"Sorry, wala naman talaga akong alam sa pagluluto kaya para iligtas ang tiyan mo, bumili na lang ako," nahihiya na sambit niya at pilit na ngumiti.

"Ayos lang, gusto ko naman ang lahat ng binili mo," sagot ko sa kanya at binigyan siya ng magaan na ngiti.

Lumapit ako sa mga pagkain at kinuha ang pizza. Binuksan ko ang box nito saka kumuha ng slice para sa akin at kay Caelian. Ngumiti siya sa akin kaya ngumiti rin ako pabalik. Ngayon ko lang nakita na nakasuot siya ng hanging blouse at square pants habang ako naman ay short-sleeved polo at pants.

Nagpatuloy kami sa pagkain ni Caelian ngunit nangunot ang noo ko nang tumigil siya sa pag nguya at tumitig sa akin.

"B-Bakit?" untag ko sa kanya ngunit mas lumalim lang ang tingin niya sa akin. Pakiramdam ko ay pinapasok niya ang kaloob looban ko sa klase ng tingin niya.

"Ang gwapo mo, 'no?" sambit niya na nakatingin sa mga mata ko. Natuptop ako sa sinabi niya. Bakit naman siya nagsasalita ng ganyan? Hindi ako handa.

"Hindi ko maisip na isang katulad mo ang kayang maghintay sa akin. Sanay kasi ako na ako ang naghihintay kaya nong nakita kita kagabi, kahit papano nakaramdam ako konting tuwa. Ganito pala ang pakiramdam na alam mong may taong naghihintay sayo," usal niya na hindi inaalis ang tingin sa akin. May ngiti sa labi niya habang pinagmamasdan ang mukha ko. Nakakalunod ang binibigay niya na tingin sa akin.

"I'm sorry k-kung hindi ako nakapunta sa tamang oras ng usapan natin," malungkot na sabi niya sa akin. "At tama ka, si Josiah ang kasama ko kagabi, may lagnat kasi siya at tinawagan niya ako k-kaya pinuntahan ko siya," pagpapaliwanag niya sa akin at hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Matutuwa ba dahil kinukuwento niya sa akin ang bagay na 'to o lungkot dahil nakalimutan niya ako dahil kay Josiah.

Napayuko siya at pinagmasdan niya ang kamay niya.

"Sa totoo lang, mahal ko pa rin si Josiah," pag-amin niya sa akin at naramdaman kong tumigil saglit sa pagtibok ang puso ko. Naramdaman kong kumirot at nilukot ang dibdib ko. Akala ko masakit na malaman na mahal niya pa rin ang lalaking iyon pero may mas ikakasakit pa pala kung sa mismong bibig niya na nanggaling ang salitang iyon. Naramdaman ko ang pag-iinit ng gilid ng mata ko.

"P-Pero gusto ko ng itigil. Ayaw ko na siyang mahalin," sambit niya sa akin at ramdam dito ang pait. Wala siyang luha na nilalabas ngunit ang sakit at pait sa boses niya ay mararamdaman mo.

"Paano ba makalimot, Damien? Paano ba mawawala ang pagmamahal mo sa isang tao?" tanong niya sa akin at tiningnan ko lamang siya sa naaawang mata.

Sino mas nakakaawa sa amin ngayon? Ako na minamahal siya kahit may mahal siyang iba o siya na gusto ng itigil ang pagmamahal niya sa taong 'yon ngunit hindi niya alam kung papaano.

Nakaupo pa rin kami ngayon at ilang saglit lang ay lumapit siya sa akin saka niya inilagay ang kanang kamay niya sa kaliwang dibdib ko. Tumahimik kami at hinayaan ko lang siya na pakiramdaman ang tibok ng puso ko.

"Damien," tawag niya sa pangalan ko at itinaas ang tingin sa akin. Medyo malapit ang mukha namin sa isa't isa at diretso kaming nakatingin sa mata ng bawat isa. "Kung mamahalin ba kita, sasaktan mo rin ba ako?" tanong niya sa akin at natigilan ako.

"Gusto kong malaman ngayon pa lang para iiwas ko na sayo ang puso ko. N-Natatakot na kasi akong ibigay sa iba ang puso ko." Sambit niya at tumulo ang sariwang patak ng luha sa kaliwang mata niya. Dahil sa ilaw na nakapaligid sa amin ay halatang-halata ang luha na iyon dahil natatamaan ng liwanag ng ilaw. Para tuloy itong krystal na tumulo sa pisngi niya.

Nang makita ko ang luha niya ay naramdaman ko ang pagpunit sa dibdib ko.

Itinaas ko ang kamay ko at pinadulas iyon sa likod niya saka ko siya inilapit sa akin. Niyakap ko siya magaan ngunit mahigpit na yakap. Gusto kong iparating sa yakap ko na nandito lang ako sa kanya.

Pagkatapos nang ilang sandali ay kumalas na ako sa yakap saka hinawakan ang mukha niya.

"Hindi naman puso mo ang hinihingi ko. Hindi rin naman ako nagmamadali. Kung hindi ka pa handang mahalin ako... huwag kang mag-alala... maghihintay ako," marahan na sambit ko sa kanya at gumuhit ang maliit na ngiti sa labi.

Pagkatapos ay inilapit ko ang mukha ko sa kanya at nilapat ang labi ko sa noo niya.