Chapter 20 - Fear

NAILAGAY ko ang isang kamay ko sa ulo para maging suporta nito habang ang siko ko ay nakapatong sa lamesa.

Hindi ko alam kung anong sunod na isusulat ko.

Naihilamos ko ang dalawang kamay ko at nagdesisyon na isarado na lang ang laptop. Isinandal ko ang katawan ko sa sandalan ng upuan at ipinikit ang mga mata ko para ma-relax kahit papaano.

Ito ang mahirap sa mga author na katulad ko, may mga araw talaga na hindi gumagana ang imagination namin, kahit gustong-gusto namin magsulat ngunit kapag nakaharap na sa laptop, hindi na namin alam kung ano ang isusulat. Hindi naman kasi pwede namin ipilit na magsulat kami dahil siguradong magiging sabaw ang kalabasan ng istorya namin. Kaya sa mga oras na ito ay dapat pinapahinga muna ang utak namin at maghanap ng bagay na magbibigay ng inspirasyon sa amin para makapagsulat muli.

Napabuntong-hininga ako at uminom ng gatas na nasa table ko.

"Caelian, umamin ka nga sa akin. May nangyari ba no'ng nakaraang linggo? Napapansin ko lagi ka na lang ganyan, hindi muna natatapos ang manuscript mo." Nakagat ko ang labi ko at dahan-dahan na lumingon kay Kyrine na nakaupo sa kama ko.

"Ano sa tingin mo?" pagbabalik tanong ko sa kanya.

"Meron. Hindi lang ako nagsasalita pero alam kong may something talaga. Ano bang nangyari?" nag-aalalang tanong niya at ramdam ko ang lungkot sa boses niya.

Tinitigan ko siya at malakas na bumuntong hininga.

"N-Nagkita kami ni Josiah," mahinang usal ko sa kanya.

Naramdaman ko ang pamilyar na bigat sa dibdib ko nang banggitin ko ang pangalan niya.

"Ano?!" gulat na sabi ni Kyrine.

Siguradong pareho kami ng naramdaman sa kaalaman na bumalik na si Josiah dito sa Pampanga. Nasa Cebu dati nakatira si Josiah kasama ang magulang niya kaya nagkakagulat at nakakapagtaka lang na kung bakit bumalik pa siya rito? Anong dahilan niya?

"Caelian? Ikaw nga! How are you?!" tuwang tuwa na sambit niya at napansin ko ang pasimpleng pagtago niya sa plastic bag na dala niya.

"Oh, Josiah," tawag ko sa pangalan niya at pilit na ngumiti.

"Nagpagupit ka pala, no? B-Bagay mo...mas lalo kang gumanda," pagpuri niya sa akin at nailang naman ako.

"S-Salamat, mainit kasi kaya nagpagupit ako," sagot ko at napakamot sa noo. Hindi ko alam kung anong ikikilos at sasabihin ko, hindi ako handa na harapin siya ngayon.

"Kaninong gamot 'yan? Kay Kyrine ba? Diba gamot sa sugat mga 'yan?" sunod-sunod na tanong niya pagtingin sa platic na hawak ko at muling tumitig sa mata ko. Pansin ko ang kakaibang titig niya sa akin, hindi ko alam kung ano iyon ngunit may kakaiba talaga. Napalunok at ngumiti sa kanya para itago ang pagkailang ko sa kanya.

"Hindi. Sa bagong kaibigan ko," maiksing sagot ko at napawi ang ngiti niya saka kumunot ang noo.

"Bagong kaibigan? Kailan ka pa nagkaroon ng bagong kaibigan?" nagtatakang tanong niya.

"Ngayon lang. O sige na. Baka naghihintay na sa akin 'yon, kailangan ko ng gamutin ang sugat niya," nagmamadaling sambit ko at para makaiwas na rin sa kanya.

Maglalakad na sana ako ngunit napatigil ako nang hawakan niya ang pulsuhan ko, naramdaman ko ang pamilyar na kuryente kaya mabilis ko itong tinanggal at lumayo sa kanya.

"S-Sorry. I-Ingat ka," halata na nagulat siya sa naging reakyon ko. Tumango ako sa kanya at umalis na sa lugar na iyon.

"Anong pakiramdam mo ngayon? Ayos ka lang ba?" untag sa akin ni Kyrine at may bahid ng kalungkutan sa tono niya.

"Hindi," pag-amin ko sa kanya at napansin ko ang tingin niyang naaawa sa kalagayan ko. "Bumalik man siya o hindi, matagal ng hindi maayos ang pakiramdam ko. Mas lumala nga lang dahil bumalik na siya," usal ko at ngumiti ng peke.

Tumayo siya sa kinauupuan niya at hinawakan ang dalawang kamay ko.

"Mahal mo pa ba siya?" tanong niya habang nakatitig sa mga mata ko.

"Mahal ko pa rin siya hanggang ngayon. Kahit ilang taon na ang lumipas ni minsan hindi nagbago ang nararamdaman ko sa kanya," madamdamin na sagot ko sa kanya at nakita kong namasa ang mata ni Kyrine. Inalis niya ang tingin sa akin at tinanggal ang isang kamay niya na nakahawak sa kamay ko para punasan ang luha niya.

Nalalaman ko na mas nasasaktan siya dahil nakikita niya na nasasaktan ako. Laging ganyan si Kyrine mas nauuna siyang lumuha sa akin dahil emosyonal siyang tao.

"Naiintindihan ko na mahal mo siya. Pero siraulo siya, Caelian. 'Yong lalaking katulad niya hindi dapat minamahal ng sobra. Tingnan mo ang sarili mo ngayon. Apat na taon ka ng umiiyak at nawawala sa sarili dahil bwiset na lalaki na iyon," may galit at inis na sabi niya habang tumutulo ang luha niya sa harap ko.

"Akala mo ba ginusto ko ang nararamdaman ko na 'to? Araw-araw kinakausap ko ang sarili ko na kalimutan ko na siya at huwag na siyang mahalin pero...wala talaga, e. Bumabalik pa rin ako sa kanya," nasasaktan na sabi ko sa kanya at napaiwas siya ng tingin sa akin.

"Alam mo bilib ako sayo pero nawawala iyon kapag pumasok na si Josiah sa usapan, kulang ang salitang tanga para ipaliwanag ka," walang prenong sambit niya sa akin at napayuko ako. Hindi ako nakasagot dahil totoo naman ang sinabi niya.

"Kyrine, n-natatakot ako," sambit ko sa kanya habang nakayuko at nararamdaman ko ng umiinit ang gilid ng mga mata ko.

Itinaas ko ang tingin ko sa kaniya, nakita ko na naman ang pinaghalong awa at nasasaktan tingin niya sa akin.

"Natatakot ako para sa sarili ko. Kasi pakiramdam ko, kapag nagbigay ng motibo si Josiah para balikan ako, magpapakatanga na naman ako. P-Pakiramdam ko...tatanggapin ko ulit siya sa buhay ko. Kahit na alam ko ng nasaktan niya na ako at hindi malabong saktan niya ulit ako sa pangalawang pagkakataon," malungkot na usal ko sa kanya.

BINUKSAN ko ang bintana ng kwarto ko at pinanood ang puno na sinasayaw ng hangin ngunit agaw pansin din ang bilog na buwan na lumiliwanag sa dilim.

Sobra talaga ako napapahanga ng buwan dahil gitna ng kadiliman na nakapaligid sa kanya ay nanatili pa rin siyang maliwanag.

Kinuha ko ang cellphone ko at tinawagan ang isang tao. Gustong gusto ko talaga makakausap ngayon. Pakiramdam ko sa mga oras na ito, siya lang ang tanging makakaintindi sa kalagayan ko. Alam kong makikinig siya sa akin at dadamayan ako.