Chapter 26 - Like

"WOAH. Ang ganda ng ngiti natin, ah." Bungad sa akin ni Abram. Nasa kusina kami ngayon. Kumuha ako ng tasa at nagtimpla ng sariling kape ko.

Mas lumawak ang ngiti ko. Hinalo ko na ang kape gamit ang kutsara at umupo na, pagkatapos ay nilagay ko ang tasa sa lamesa.

"Umamin na akong may gusto ako sa kanya," nakangiting sabi ko sa kanya at humigop ng kape ko.

Nanlaki ang mata niya at napabuka ang bibig sa gulat.

"Totoo?!" tanong niya at tumango naman ako sa kanya. "Iba na talaga ang pinsan ko, binata na talaga!" sambit niya at tumayo saka ginulo ang buhok ko.

Inalis ko ang kamay niya at inayos ang buhok ko. Puwede naman matuwa na hindi ginugulo ang buhok, e.

"Pero, teka, sinabi mong may gusto ka sa kanya?" Kung natutuwa siya kanina, ngayon naman ay labis ang pagtataka sa itsura niya. Ang bilis mag-iba ng mood nito.

Kumunot ang noo ko sa inaasta niya, "Oo, iyon ang sinabi ko," sagot ko.

"Akala ko ba crush mo lang siya? Bakit 'gusto' ang inamin mo sa kanya?" untag niya at natigilan naman ako.

"Ha? Diba pareho lang 'yon?" inosenteng tanong ko.

"Hindi, magkaiba ang 'gusto' sa 'crush', Damien." Iling-iling na sabi niya ngunit may ngisi na nakatago sa labi.

Hindi ako nakasagot sa kanya at napaisip sa sinabi niya.

Napalayo ako kay Abram nang biglang lumapit ang mukha niya sa akin at pinakititigan ako.

"H-Hoy, mag-pinsan tayo, mandiri ka, Abram." Saway ko sa kanya ngunit seryoso lang siya habang pinagmamasdan ang mukha ko. Ako naman ay naiilang at nangingilabot na.

"Umiyak ka ba?" tanong niya sa akin at hindi inaalis ang tingin sa akin.

"Hindi, bakit?" naguguluhan na usal ko.

"Namumula kasi mata mo. May sore eyes ka pa yata!" pang-aasar ni Abram sa akin.

"Namumula talaga?" kinakabahan na tanong ko.

"Oo nga! Tingnan mo sa salamin," utos niya at tumakbo naman ako sa malaking salamin namin sa bahay. Tiningnan ko ang mga mata ko. At tama nga si Abram, namumula ang parehong mata ko.

"Naku, huwag mo akong titingnan sa mata, Damien baka mahawa ako." Narinig kong sabi ng pinsan ko at hindi ko mapigilang mapangiwi. "Grrr! Ayaw kong magkaroon ng maraming muta," dagdag niya pa habang nakahawak sa dalawang braso niya.

Hinarap ko siya at namulsa.

"Hindi ka naman mahahawaan sa simpleng pagtingin ko sayo, baka nga iba ang mangyari...at mainlove ka sa akin," nakangising sambit ko, nanunukso.

Siya naman ngayon ang ngumiwi.

"Mangilabot ka, Damien." Nandidiring usal niya.

"Mas nakakadiri 'yong paglapit ng mukha mo sa akin kanina, akala ko hahalikan mo na ako!" nandidiring sagot ko.

Magsasalita pa sana siya nang makarinig kami ng pagkatok mula sa mini gate namin sa labas.

"May bisita ka ba ngayon, Damien?" tanong sa akin ni Abram. Tinaas ko ang balikat ko bilang sagot.

"Ako na ang magbubukas. Tapusin mo na 'yang kape mo. Ikaw ang maghuhugas dahil ikaw ang nahuli," sambit ni Abram at tinapik ang balikat ko.

Ito ang mahirap sa amin e, kung sino ang nahuli, siya ang maghuhugas. Kaya dapat mabilis ka kumain o uminom dahil sa oras na tinagalan mo, hugasin ang premyo mo.

Nilagok ko na ang laman ng kape ko at pumuntang lababo para maghugas. Sakto namang bumukas ang pintuan namin at niluwa no'n si Abram. Hindi ko maintindihan ang itsura niya.

"D-Damien, may bisita ka..." usal niya at pumasok na ang bisitang sinasabi niya.

Umawang ang labi ko nang masilayan ang bisita namin at naramdaman kong namasa ang gilid ng mata ko.

"M-Mom," tawag ko sa kanya at tumakbo palapit sa kanya. Sinalubong naman niya ako at mahigpit na niyakap.

Na-miss ko ng sobra ang mom ko. Halos anim na buwan din kaming hindi nagkita.

Kumalas siya sa yakap at hinawakan ang magkabilang pisngi ko.

"Kumusta ka na, anak?" tanong niya at nakita ko rin ang pamamasa ng mata niya.

"Ayos naman po ako, mom," sagot ko.

Napalingon kami ni mom nang makarinig kami ng sumisinghot sa gilid namin.

"S-Sorry po, naiiyak lang po ako," sambit ni Abram at pinupusan ang luha niya.

Bumalik tuloy ang luha ko pataas. Mas nauna pa siyang umiyak sa amin.

Mahinang natawa si mom at nakisabay din ako.

"Hay, Abram hindi ka pa rin nagbabago," naiiling na sabi mom. "Pumupunta lagi ang mama at papa mo sa bahay namin, tinatanong ko kung kumusta ka na raw at sinasabi nila na miss ka nila," sambit ni mom at ngayon mas lumuha si Abram.

Lahat naman yata tayo ay kahinaan ang pamilya natin, mapalalaki man o babae, basta kapag usapang pamilya na ay nagiging emosyonal na tayo.

"Alam niyo naman po na hindi ko kayang iwan si Damien dito, Tita." Sagot ni Abram kay mom. Gumuhit ang maliit na ngiti sa labi ko.

Simula nong pinili ko ang photography bilang career, nagsimula na akong lumayo sa magulang ko dahil ayaw ni dad ang career ko, gusto niya engineering kunin ko. At isa pang rason ay dahil tumatanda na ako. Isang araw, naramdaman ko na lang gusto ko matuto tumayo sa sarili kong paa habang maaga pa. Naisip ko kasi na hindi naman sa lahat ng panahon at oras ay nandiyan ang magulang ko para suportahan ang pangangailangan ko. Kahit mahirap, pinili ko ang daan kung saan malalayo ako sa magulang ko.

Si Abram simula bata ay magkasama at magkalaro na kami, siya ang pinaka close ko sa lahat ng pinsan ko. No'ng nalaman niya na aalis na ako sa Manila at pupuntang Pampanga para magsariling buhay, hindi siya nagdalawang isip no'n at sumama sa akin. Pareho kaming nahirapan at tahimik na umiiyak kapag nami-miss namin ang magulang namin sa Manila, ngunit tinatagan namin ang loob namin at ngayon halos limang taon na kaming nabubuhay sa sarili naming kayod at paghihirap.

"Kumain na ba kayo?" pag-ibaba ng usapan ni mom.

Sabay na napakamot kami sa ulo ni Abram at nagkatinginan.

"Hindi pa po, mom," nahihiyang sagot ko at napatingin siya sa akin.

"What happen to your eyes?" nag-aalalang tanong ni mom at hinawakan niya ang isang pisngi ko para matingnan ng mabuti ang mata ko. Ngumiti ako at hinawakan ang kamay niya saka hinalikan iyon.

"Nothing, mom. Kaka-computer ko po yata 'yan. Tinitingnan ko po kasi mga kinuha kong litrato," sagot ko at napabuntong-hininga naman siya.

"So, gusto niyo magluto ako para sa inyo?" untag ni mom pagkatapos at nagkatinginan muli kami ni Abram. May ngiting tagumpay ang naglalaro sa aming mga labi.

Ganito ang reaction namin Abram dahil sobrang sarap magluto si Mom, ito 'yong amoy at tingin pa lang, alam na alam mo ng masarap. Nakakalaway at mapapadami ka talaga ng kanin. Kahit si Abram na magaling din magluto ay napapabilib ni mom dahil sa klase ng luto niya.

"Pwede po, mom?"

"Talaga po, tita?"

Ngumiti si mom sa naging reaksyon namin.

"Halatang namiss niyo ang luto ko, ah. O sige na. Tulungan niyo akong magluto para agad tayong matapos," usal ni mom.

"Yes!" Sabay na sabi namin ni Abram at napasuntok sa hangin.