Chapter 51 - Bangungot ng kahapon.

*BYAHENG BE COOL*

Taong 2005, pinuntahan ako ni Rey sa shop. Niyaya n'ya ako noon na mamiesta kami sa kanilang probinsya, sa Legazpi Albay, Bicol. Hindi pa ako nakakapunta 'don kaya, kung sasama ako sa kanya, ito ang una kong masisilayan ang probinsya ng Bicol. Umoo ako 'non kay Rey na samahan s'ya.

Nagpaalam ako kay Madir at Fadir na sasama nga ako kay Rey sa Bicol kaya isang linggo din akong mawawala. At pumayag naman sila. Nagpaalam din ako 'non sa magulang ko. Kay mama walang problema ngunit kay papa... Noong una ay 'di sya pumayag. Ang sabi n'ya sa'kin noon, baka daw mapagkamalan akong N.P.A dahil mahaba ang aking buhok. Natawa naman ako sa sinabi n'ya at nandon na din ang pagkadismaya. Hindi na rin naman n'ya ako napilit na magpagupit noon.

Pumunta noon si pareng Rey para personal na ipagpaalam ako sa kanila. Sinabi noon ni Rey kay papa na tahimik naman sa kanilang lugar at mababait ang mga tao doon. Balwarte din daw iyon ng angkan ng kanyang mama. Pumayag na rin noon si papa ngunit sinabihan pa rin akong magpagupit ng buhok, ngunit hindi pa rin ako nagpagupit. 😝🤘

Ang haba noon ng binyahe namin, mahigit yatang labin dalawang oras. Sa isip-isip ko ganito pala kalayo ang Bicol. Sa ordinary na bus lang din kami sumakay kaya nagmistulang kawad noon ang malambot kong buhok. Sumakit din noon ang puwet ko dahil sa ngalay ng tagal ng pag-upo. Sa alas otso ng umaga na alis namin sa Araneta Cubao Bus Terminal. Nakarating kami ng Bicol ng mag-aalas nuebe na ng gabi.

Bago pa man kami pumunta ni Rey sa bicol, may nakakatext na din ako na taga doon. Nakita na rin namin ni Rey ang picture n'ya sa friendster bago pa man kami makipagkita ng personal sa kanya noon. Nakipagkita kami sa kanya noon sa Gaisano Mall. At noong magkita na kami, nakausap lang namin s'ya ng konting minuto. Nagpaalam na din sa'min noon ang babae dahil may trabaho pa daw s'ya na doon din sa mall. Naglibang na lang din kami ni Rey sa loob ng mall matapos makipagkita sa kanya. 'Yung ibang textmate namin dati, nameet din namin doon. Sa kanilang eskwelahan kami nakipagkita sa kanila. At naging mga kaibigan din dati namin sila.

Noong sumapit ang araw ng fiesta, naging bisita namin ni Rey si Macep na aming noong inimbitahan. Bumyahe pa s'ya 'non mula Polanggui at ilang oras din namin s'yang nakasama bago s'ya umuwi. Tumambay din kami noon sa plaza at nakipagkwentuhan sa kanya. Mukha s'yang masayahin at magiliw.

Nakapanuod din kami noon ng battle of the band ng kanilang baranggay. Sa kanilang basketball court iyon ginanap. Nakalibre kami noon ng entrance ni Rey dahil kamag-anak n'ya ang nagbabantay sa gate. Palibasay kaputukan noon ng mga banda kaya maging doon ay sikat na sikat din ang mga banda. Maraming tumogtog noon at talagang nagenjoy kami noon. Nakikisabay kami sa mga pagkanta ng mga banda. May pumasok din doon na si tatay, lasing na s'ya 'non kaya talagang s'ya rin ang napagkatuwaan noon. Pumunta s'ya sa harap ng mga banda at doon nagsasasayaw, naghe-head bang din si tatay. Inabot na din kami noon ng gabi at talagang tinapos namin ang kasiyahan.

Halos isang linggo din kami sa bahay ng kanyang lola at mga tiyuhin at tiya. Noong kami'y umuwi na, marami sa'min pinadala ang kanyang lola. May mga karne, crispy pata at mga gulay bilang pasalubong. Namangha din ako noon sa Mayon Volcano! May kuha din ako ng litrato kasama ang bulkan. Hapon na kami noon bumyahe ni Rey pabalik ng Marikina at madaling araw na rin kami nakarating sa kanila.

Taong 2006, buwan ng tag-ulan muli akong bumalik sa Bicol para pumasyal. Andon na noon sila Rey at ang kanyang kapatid na si Nonon. Pansamantala silang nanirahan doon sa bahay ng kanilang lola. Naging katextmate ko rin noon ang kanyang pinsang babae. 'Nung ako'y makarating sa kanila, si Rey at ang pinsang n'yang babae ang sumundo sa'kin sa pinagbabaan ko. Gabi na rin noon ng kami'y makarating sa kanila at nag-uulan pa 'non.

Bumisita kami ni Rey sa bahay ng kanilang pinsan. Sinabi n'ya noon na, dati noong una mong punta dito long hair ka pa. Akala ko nga noon babae ka, pero ngayon nagpagupit ka na pala. Niyaya n'ya ako sa bukirin na may kalayuan sa kanilang bahay, doon kinausap n'ya ako tungkol sa aming napag-usapan sa text. Nabigla na lang ako sa kanya at 'di na nakaimik pa. Napakaseryoso n'ya noon at 'di ko na rin nagawa pang magsalita. Pangiti-ngiti na lang ako at napapatawa na lang sa kanya habang s'yay nadisma sa'kin. At bumalik na lang kami sa kanilang bahay.

Isang araw, pinapunta kami noon ng kanyang tatay para magpagupit sa'kin pati na rin ang isang kumpare nito na kapit bahay lang nila. Nang matapos ang gupitan, doon na rin kami pinakain ng hapunan. Niyaya kami ng kanyang tiyuhin na uminom o shumat ng alak kasama ang dalawang kumpare nito na tinawag ni kuya. Gin ang usong-usong inumin doon, kaya kapag hindi ka sanay uminom nito tiyak may paglalagyan ka dahil malakas itong tumama.

Si Rey noon pashot-shot lang. Hindi naman kasi s'ya sanay pang uminom noon habang ako'y kasama na sa ikot. Si Nonon naman, patingin-tingin lang sa amin. Hindi pa s'ya noon din sanay uminom ng alak o hindi talaga umiinom ng alak. Maya-maya pa'y sumama na din s'ya sa inumang iyon. Sinabihan din ako ng kanyang pinsan babae o nagtext sa'kin na huwag daw akong magpapakalasing.

Ayos din kainuman ang tiyuhin ni Rey! Cowboy din at masayahin at may pagka-joker din, maging ang mga kumpare n'yang kainuman din namin. Unti-unti na 'non tinataman si Nonon! Napansin namin na malakas na itong tumagay, s'ya na mismo ang tumatagay sa sarili n'ya at pinupuno n'ya ang kanyang baso. Boom! Biglang sumabog sa katawan n'ya ang espirito ng alak. Bigla s'yang nalasing 'non. Nag-iiyak na rin noon si Nonon sa harap naming lahat. Iyak s'ya ng iyak habang kami'y natatawa sa kanya. Malamang, meron s'yang kinikimkim sa kanyang kalooban. At 'nung nalasing lang s'ya ay saka n'ya lang ito nailabas. Wala noong nakapagpapigil sa kanyang pag-iyak maging ang kanyang kuya Rey ay wala din nagawa.

Pumunta noon si Nonon sa likod bahay. Maya-maya pa'y nagulat na lang kaming lahat ng sumigaw ito. 'Yun pala nahulog na ito sa hukay na tapunan ng mga dumi ng hayop at basura. Dali-dali s'yang pinuntahan ng kanyang tiyo at kuya. Tawa kami ng tawa noon sa nangyari sa kanya! Hindi ko talaga mapigilan noon ang pagtawa na para na akong mamamatay. 🤣 Ang kanyang puting damit ay nagmistulang basahan sa mga putik at tae ng baboy. Ang baho noon ni Noon. Sinabi pa ng kanyang tiyo na, "Maswerte ka at hindi ka nasugatan 'don. May mga bubog kasing nagkalat din doon." Umiiyak pa din s'ya 'non. Pinapagalitan s'ya ng kanyang kuya Rey habang s'yay nililinisan nito sa poso. Tumulong na rin noon ang kanyang pinsang babae sa paglilinis kay Nonon, maging ito ay natatawa rin sa kanya. Natigil na din ang inuman naming iyon.

Doon na lang din kami natulog, dahil malalaman pa ng kanyang lola na kami'y uminom ng alak. Ayaw ng kanyang lola na umiinom silang magkapatid ng alak. Kinabukasan balik normal na ang lahat. Nalaman din naman ng kanyang lola na kami'y dumayo ng inom kahapon ng gabi.

Nagpahula din ako kay ate Gemma na tiyahin ni Rey. May kaalaman sa paghuhula si ate Gemma gamit ang baraha. Si ate Gemma ay may kapansanan. Hindi s'ya masyadong nakakalabas ng bahay, ngunit kilala n'ya lahat ng mga tao doon at mga lugar. Masayahin din si ate Gemma sa kabila ng kanyang kondisyon.

Sinabi n'ya noon sa'kin na, "Hindi kita mahulaan dahil parang magulo ang isip mo." Tama s'ya 'don! Totoo ngang magulo talaga ang isip ko noon. Kaya ako pumunta doon dahil may isa akong pakay. Magpapasama sana ako kay Rey noon na pumunta sa isang lugar doon na may kalayuan sa Legazpi. May tatagpuin saya akong babae doon na matagal ko ng gustong makita. Ngunit sa kasamaang palad hindi iyon naganap! Pinigilan kami noon ng kanyang lola na pumunta 'don. Mahirap na daw kasi at hindi namin kabisado ang lugar doon at mga tao na rin 'don.

Nakaisang linngo din ako 'don. Hinatid ako noon ni Rey sa terminal ng bus byaheng Cubao. Sa byahe'y andon ang panghihinayang ko at pagkalungkot.

Taong 2006 din, mga unang buwan ng taon nag-enroll ako sa isang learning center ng Tesda, sa Pathway Concepcion, Marikina. Ilan buwan din akong nag-aral ng "Reflexology". Tinuruan kami noon ng naging mga trainor namin sa paraan ng pagre-reflex. Ang mga parte ng katawan na konektadao sa mga kamay at mga daliri natin at iba pa. Marami din akong natutunan doon. Ayon din ang mga buwang nandon pa sila Rey sa Marikina. Mahigit dalampu rin kami noong nag-aral ng refloxology.

Naging kaklase ko noon ang isang dalaga at naging magkaclose din kami ng tumagal. Niyaya ko s'ya noong pumuntang River park pagkatapos ng aming klase. Habang nandoon na kami, tumawid kami sa kabilang ilog para 'don tumambay. Inakbayan ko s'ya noon habang tumatawid kami ng tulay. Nabigla s'ya sa ginawa ko at bumitaw sa pagkaka-akbay ko. Sinabi n'ya noon sa'kin ng kami'y nasa bench na, "Na baka hindi mo pa ako kilala." kung sasabihin ko sa'yo, baka magulat ka lang sa pinagdaan ko. Hindi ako nakaimik noon at parang napahiya sa kanyang sinabi. Nakapagkwento s'ya sa'kin ng kanyang nakaraan at nagulantang na lang ako sa ilang kwento n'ya sa'kin.

Sa dinami-dami ng tao doon, nandon din si Rey kasama ang kanyang girlfriend na namamasyal din. Pinakilala ko ang babae kay Rey at pinakilala din ako ni Rey sa kanyang noo'y girlfriend. Naging doble date ang kinalabasan ng pagpunta namin doon. Nagsama kaming apat noon at naglakad-lakad, nagvideoke din kami at nagmeryenda sa fish ball'an doon.

Ilang araw ang lumipas, pinuntahan ako ni Rey sa shop. Sinabi nito sa'kin na niyaya s'ya ng babae na mamasyal sa river park. Nagkwento sa kanya ang babae! Ang kanyang mapait na kahapon ay pinagkatiwala kay Rey, doon ay umiyak ito at nanginginig habang nagkukwento sa kanya. Inabuso daw s'ya ng isang maimpluwensyang tao, ginawan daw s'ya nito ng makahayop na pagtrato sa isang babae. Sinabi n'ya rin kay Rey na nagkaphobia s'ya sa mga lalaki noon at nagkaroon ng matinding takot kapag naaalala ang kanyang pinagdaan. Naisip ko din na kaya pala s'ya umiwas sa'kin ng akbayan ko s'ya dahil sa kanyang nakaraan.

Naging secure s'ya noon kay Rey at masasabi ko namang mabait talaga si pareng Rey. Binanggit din sa'kin ni Rey na sila na daw ng babae. Walang problema sa'kin pare! Okey lang 'yon! Tutal, hindi naman talaga ako nanligaw sa kanya. Umiwas na din sa'kin noon ang babae ng malaman n'yang alam ko na, na sila na ni pareng Rey.

Sumapit ang aming graduation day. Nilapitan n'ya ako at nakipagkamay sa akin. Ngumiti s'ya sa'kin, nagpasalamat at nagpaalam na din. Sinabi ko din sa kanya noon na, "Walang problema at masaya ako para sa inyo!" 🙂

Minsan, sinasama ako ni Rey na silipin s'ya sa bahay ng kanyang tiyahin. Hindi kami nakakapasok sa loob ng bahay nila dahil bawal. Sa pagitan lang ng bakod sila nag-uusap. Masayang-masaya silang dalawa noon. Ako rin naman eh, naaaliw din sa kanilang dalawa habang pinapanuod silang nag-uusap. Hindi rin yata sila noon nagtagal ni Rey. At hindi na rin s'ya 'non pumupunta sa babae.

Nagamit ko din naman ang pinag-aralan ko. Natuto akong magreflex at naiapply ko din naman ito sa buhay. Ngunit ngayon marami na akong hindi alam dito, gaya ng mga parte ng katawan na konektado sa kamay at paa. 💩