Chereads / PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay) / Chapter 11 - Libre na ang pananghalian ko!

Chapter 11 - Libre na ang pananghalian ko!

*TAPAO BILL*

Nabuhayan ako ng loob na may panibagong pag-asa sa puso. Isang araw, inalok ako ni Jay-r na kung gusto ko daw sumadline sa paghahatid ng tapao o pagkain sa tanghalian. Madali naman daw ang trabaho. Ihahatid lang ang mga order na pagkain sa mga lugar ng pinagtatrabahuhan ng mga pilipino doon. Pumunta kami ni Jay-r sa plot ni ate Taba. (Limot ko na ang panglan n'ya) S'ya yu'ng nagpapaorder ng pagkain at nagluluto nito. Nakabalot na ang mga pagkain sa styropor at nakaayos na din ang malaking lalagyan nitong plastic bag. Itinuro sa'kin ni Jay-r ang mga gagawin. Itinuro n'ya ang sasakyang bus, ang tamang sakayan at babaan malapit sa paghahatiran ng pagkain. Kailangan ko daw kabisaduhin at tandaan agad dahil bukas, ako na daw ang maghahatid ng mga pagkain. Madali lang naman ang trabaho, maghahatid lang ng tapao. Mga isang oras kalahati o dalawa tapos na ang trabaho. Sapat na ang kita dito para may panggastos sa isang araw. Sa isang order ng tapao may dalawang pataka na'ku 'don na ang katumbas ay sampung piso sa'tin.

Minsan kapag maraming order, nakakadalawampung piraso ako ng tapao, 13 to 15 ang normal na order, 8 to 10 naman kapag kaunti lang ang order. Kumikita ako ng 100 to 200 pesos kada dalawang oras o higit pa. Malaking bagay na 'yon para sa'kin. Libre naman din ang tanghalian ko kay ate. Ngunit medyo ingat lang din sa mga police dahil baka usisain ang mga dala ko, kapag masalubong ko sila o makita sa daan at lapitan ako. Sabi sa'kin ni ate, 'pag magkataon, sabihin ko lang din na magdadala lang ako ng pagkain sa may birthday na kakilala.

Una kong hinahatid ang tapao malapit sa isang hotel and casino. ('Di ko na marecall ang pangalan ng hotel) Iniiwan ko ang order sa gwardyang pinoy. Minsan, kapag wala s'ya 'don ,tinatabi ko nalang malapit sa upuan n'ya. Ang isa pang order ay sa tatlong guard, makatawid lang din ng kalsada. Pagkatapos 'non, babalik na'ku sa bahay. Minsan, 'di ko na inaabutan si ate Taba sa bahay, pumapasok din kasi s'ya bilang kasambahay 'don. Kinukuha ko na lang ang isa pang order ng tapao at ihatid ito sa huling pagdadalhan ko. Sa Wynn hotel and casino ang huling pagdadalhan ko, medyo malayo lang ang lakarin sa sakayan, dahil 'dun lang ang sakayan papuntang Wynn.

Kailangan lagi may barya ka at eksakto ang hulog sa pasahe o 'di kaya'y kahit sumobra ng konting centavos. Hindi kasi uso 'don ang conductor at ang bayad ay hinuhulog lang sa coin box, at 'matic tutunog ito 'pag nahulog na ang barya. Madali lang naman ang proseso ng pagsakay, pagbayad at pagbaba sa kanilang P.U.B. Pipindot ka lang ng code ng pagbababaan mong bustop at ihuhulog mo na ang barya. Mas maganda kung may card ka para isa-swipe mo na lang at mas madali 'yon.

Ihahatid ko ang huling tapao sa opisina ng mga engineer at architect na mga pinoy sa Wynn. After 'non, job well done na. Pwede na 'kong umuwi! Ako na rin ang nangongolekta ng bayad nila sa tapao ng lingguhan.

Gayunpaman, iniisip ko kung ito lang ang magiging trabaho ko. Mas lalong maliit ang kita at lalong 'di ako makakaipon nito kaya after kong maghatid ng tapao, pumipila ako sa Wynn para sa paraffle nila. Minsan, nilalaban ko ang ilang ticket sa raffle draw. Nagbabasakali ako na baka mabunot ang pangalan ko at manalo ng pera.

Bago ako umalis ng Macau, sinama ko si Friend kay ate Taba bilang kapalit ko. Sinama ko s'ya sa huling hatid ko ng tapao para makabisado n'ya din ang tamang sakayan at babaan sa paghahatid ng mga tapao. "Sinabi sa'kin noon ni ate Taba na kung mapagkakatiwalan daw si Friend." "Sinabi ko noon na, oo naman ate! Mabait 'yan at maaasahan 'yan!" Binigyan din ako noon ni ate ng pringles, ibigay ko daw sa mga bata ko pag-uwi ko sa 'Pinas.

Nakailang linggo din akong naghatid noon ng tapao. Naibsan nito ang kumukulo kong tiyan at nagkaroon din ako ng konting panggastos habang hinihintay ko pa din ang sahod ko sa pagga-gwardya. 🚌