Chereads / PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay) / Chapter 17 - DIRTY WORK!.. Pasintabi sa mga mahihina ang sikmura!

Chapter 17 - DIRTY WORK!.. Pasintabi sa mga mahihina ang sikmura!

Dumating kami sa Grand Lisboa ng lagpas ng hating gabi. Nag-umpisa na kaming magtrabaho, sa basement kami tumungo kung saan nandon ang mga deposito ng mga sebo-sebo at mga tira-tirang pagkain ng hotel, inisa-isa namin 'yon buksan at higupin ang mga sebo. Ako ang tagahila ng makapal at matibay na hose na panghigop, mabigat din 'yon at 'di parang ordinaryong hose lang. Sa lapag ng bawat manhole ay may kadulasan na dahil ang ibang sebo ay sumisingaw at tumatapon. Pagkatapos 'yon higupin ng hose tungo sa truck ay nagiging hibas na ang mga laman ng mga deposito. Kukuhanan ng litrato iyon ng isa sa mga staff ng hotel o nakatoka sa ganong trabaho. At pagkatapos 'non at puno na ang laman ng truck namin sa mga nakuhang dumi, ididispatsa na namin sa kalayuan ng Macau o sa tapunan ng mga dumi. May isang manhole 'don at doon namin ibinubuga ang mga nakuhang dumi. Pagkatapos 'non, balik na ulit kami sa mga natirang hihigupin pa ng truck namin sa building. May mga pagkakataong hindi na'ku sumasama sa pag-alis ng truck o dalawa sa'min ang maiiwan sa area habang si kuya Noel ang driver ng truck at isang kasama sa pagtapon ng dumi ang lalarga, kamiy mag-aantay lang sa pagbalik ng truck, kasama na 'don ang konting pahinga at pagyoyosi.

Tumungo din kami sa mga posonegro doon kung saan 'yung mga dumi naman ng tao ang ipapump namin. Sobrang baho ng amoy ng mga tae lalo na 'yung mga nanggagaling sa posonegro, umaalingasaw ang baho kahit pa nakamask kami, talagang maninikit sa ilong mo ang amoy. Sila kuya Talyo, Rommel at Noel ay sanay na sanay sa ganong trabaho kaya, wala ng epekto ang mga amoy ng tae sa kanila at baho nito.

Nagkakaproblema lang kami kapag ang mga nahihigop na mga tae ay bumabara sa hose namin. Kalimitan naman kasi, 'yung mga tubol ang bumabara, 'yung mga matitigas na mga tae na buo-buo. Para matanggal 'yon, kailangan namin tanggalin ang de roskas na hose, 'yung mga dulo niyon ay gawa sa bakal at konektado din sa isa pang dulo ng hose na gawa din sa bakal, at iyon ay may lock. Marami kaming ginagamit na mga hose, depende din 'yon sa pagseserbisan namin kung kailangan pa namin magdagdag ng mga reserbang hose. Kapag nababarahan ang hose, tinatanggal namin 'yon sa pagkakakabit at sinusundot namin ng panundot para matanggal ang bara, tapos itataktak lang. Minsan naman, binubuga nalang namin at hihigupin muli.

'Yung intstik na nag-iinspeksyon sa trabaho namin ay 'di kinakaya ang amoy at alingasaw ng mga dumi ng tao, kaya umaalis din sila agad. Madaling araw na din kami natapos sa trabaho, tansya ko, nasa anim na oras ang inabot ko 'don kasama na ang pagsundo nila sa'kin at pagpunta namin sa garahihan nila o warehouse.

Amoy na amoy ko 'non ang sarili ko noong matapos ang trabaho, kahit na naghugas ka pa ng kamay at naghilamos ng mukha. Talagang nangangamoy tae kaming lahat. [hehehe] Hinatid nila ako 'non malapit sa bahay ko. Sa unang araw na iyon, naenjoy ko ang trabaho kahit na may kabahuan. Magaan kasi silang kasama lahat at para lang kaming magbabarkada sa trabaho. Okey naman ang naging kita ko dito 'nung panahon na 'yon, per ora ang bayad nila sa'kin at dinadagdagan 'yon ng isa pang oras ni Sir Noel. Laging may dagdag na oras ako sa kanya at talagang malaking bagay 'yon sa'kin.

Silang tatlo ay may katagalan na sa trabaho. Minsan, nagkukwento sa'kin si Sir Noel na nagsasawa na din s'ya sa trabaho nila, medyo may edad na din kasi s'ya 'non. Halos kaedaran s'ya ni Bigboy, pero makisig pa din si sir Noel. Minsan n'ya na din akong naisama sa kanyang bahay o sa pabahay sa kanya ng amo nila. Iisa lang s'ya don na parang talyer ang style ng kanyang tinutuluyan. May isang sasakyan 'don na binubuo n'ya. Sabi n'ya sa'kin, nagsasawa na daw s'ya sa pagda-drive. Mas gusto n'ya na lang daw magmekaniko at gugulin ang maghapon sa pagkukumpuni ng sasakyan.

Taga Bagiuo City si Kuya, may pamilya na din at mga anak na naiwan doon. Malalaki na daw ang mga anak nila ng kanyang asawa. Maliit palang daw s'ya ay natututo na s'yang magdrive at magmekaniko dahil may talyer daw dati ang kanyang Ama. Malaki ang sahod doon ni Sir Noel maging nila kuya Talyo at Rommel, pati na rin si Sir Nilo.

Si kuya Talyo naman ay taga Batanggas din. Hindi ko na din matandaan kung saan s'ya dito sa Batangas. Medyo tahimik lang si kuya Talyo, pero minsan palabiro din. Malimit daw s'yang magcasino kwento sa'kin ni kuya Noel. Lagi n'ya din akong binibigyan ng sigarilyo sa trabaho.

Si kuya Rommel naman ay hindi ko na matandaan kung taga saan s'ya. Parang sa Bisaya s'ya pero may tinutuluyan s'ya sa Maynila. Masayahin si kuya Rommel at laging nakangiti. Makwento 'yon at mabiro din gaya ni kuya Noel. Kapag nakakasama ako sa kanila, ibinibili n'ya ako ng isang kahang sigarilyo. Hindi masigarilyo si Kuya Rommel, kapag matripan n'ya lang saka 'yon magsisindi. Sabi n'ya sa'kin nahawa na daw s'ya samin sa paninigarilyo. Ang sigarilyo kasi ang pantanggal o panlaban namin sa mga amoy ng mga tae.

Lahat sila ay masisipag sa kanilang trabaho! Kapag trabaho, trabaho talaga at mga sanay na sanay na sila. Minsan, bago kami pumunta sa pagseserbisan namin ay bumibili muna kaming tapao na makakain at mga coke in can pati na din redbull energy drink at mga sigarilyo. Kinakain namin ang mga 'yon sa ibabaw ng aming Vitara na nakapark sa kung saan.

Noong nakasama ako sa ganong trabaho, halos malibot ko ang Macau. Sakay ng 10 wheeler truck namin at susuki vitara. Nakarating ako sa Collognean, parting padulo ng Macau kung saan andon ang aming garahihan at halos katabi lang din 'non ang kanilang city jail.

Minsan sa Macau Tower kami nagseservice. Medyo may kahirapan din 'don dahil hinihila namin pataas ang mga hose at dinuduktong hanggang sa humaba ang mga ito. May mga floor na andon ang kanilang deposito at meron din sa ibang floor, kaya kailangan namin 'don ng napakaraming mga hose. Tinatalian namin ang mga mabibigat na hose ng lubid at tulong-tulong namin 'yon itataas at ikakamada. Pagkatapos 'non, umpisa na ng higupan. Minsan, nasa parteng kitchen kami, wala ng katao-tao 'don kaya ang ibang mga prutas 'don kinakain namin. Mataas ang Macau Tower at isa 'yon sa mahirap pagserbisan padalawa sa ginagawa o extension ng MGM Grand.

Sa ginagawang extension ng MGM grand kami malimit magserbis, doon kasi nag-iiwan sila 'don ng mga portalet para sa mga trabahador, kaya malimit namin 'yon puntahan para humigop ng mga tae at mga ihi nila. Gaya ng sa Macau Tower, floor to floor din ang sa MGM kaya naghihila din kami 'don ng mga hose at nagdadagdag pa ng mga reserba. Dinadala din namin 'don ang vitara para magdala din ng mga hose na iduduktong patungo sa truck na panghigop. Ipinapasok namin 'yon sa loob ng ginagawang building at dinadrive 'yon ni kuya Rommel taas baba.

Gaya ng dati, ako ang tagahila ng mga hose kung saan may portalet na ipa-pump andon ako. Minsan, nagloloko din ang panghigop namin lalo na kapag may bumabara. Minsan naman, sumasabog samin ang mga talsik ng mga tae. Tansyahin n'yo 'yon kung gaano kabaho. 🤧🤢 Nakita kong nasabugan ng mga tae si kuya Rommel at tumalsik din 'yon sa'kin, kapag nagkakaroon ng malakas na pressure sa paghigop o malfunction nito minsan. Magtatawanan nalang kami 'non, eto ang trabaho namin kaya dapat kailangan mo itong yakapin. Halos maubos ko din ang isang kaha ng sigarilyo kapag andon kami sa MGM, hindi kasi 'don bawal manigarilyo.

Hindi rin naman stable na araw-araw ang pagsama ko sa kanila, basta sa isang linggo minsan sunod-sunod, at minsan madalang din. Masarap kasama silang tatlo 'di ka makakaramdam ng pagod kapag kasama mo sila. May kakaiba sa kanila na mamahalin mo ang ganong trabaho kapag maranasan mong makasama silang tatlo.

Tinuruan ako ni kuya Noel kung papano ko kukunin sa opisina ang sahod ko. Malapit lang sa San Malo ang kanilang opisina. Doon may mga gumagawa ng paper works na dalawang babae, ang isa 'don pinay. Madali ko naman nahanap ang opisina ng Plani Service, silipin ko daw muna bago ako tumuloy. At 'wag daw ako basta-basta pumasok 'don, lalo na kapag nandon ang boss nilang Portuguse o may-ari ng kompanya, bawal daw na magpakita ako 'don. Sinabi sa'kin ni sir Noel na kapag may makita daw akong babae 'don na nakaupo sa lamesa na kamukha ni Inday Badiday at ganon din ang boses ay ayon na 'yon. Doon ko daw kukunin ang sahod ko ng ilang ulit na pagsama sa kanila. Areglado na daw 'yon nakasobre na! Si kuya Noel daw ang nagpapasa ng mga nakonsumo kong oras sa mga pagsama sa kanilang mga services. Minustra pa sa'kin ni kuya Noel ang boses nito at napatawa naman ako. Noong magkita kami ni Mam, ayon nga parang si Inday Badiday nga at ang boses nito ay walang pinagkaiba. Iniabot n'ya sa'kin ang sinahod ko. May mga oras din na nagpabalik-balik ako 'don dahil minsan wala pa ang sahod ko na nadedelay din minsan.

Si sir Nilo naman ay kaparehas din ng trabaho ni kuya Noel, driver din ng isa pang truck. Isang beses ko lang s'ya nakasama sa trabaho at may grupo din kasi s'ya ng kanya. Minsan naman, halinhinan sila ni kuya Noel.

Dumating ang paglapit ng Chinese New Year, tinawagan ako noon ni kuya Noel na sumama sa kanilang warehouse upang maglinis ng mga portalet na itatambak nila sa lugar ng pagpapaputukan ng mga intsik sa pagsapit ng Chinese New Year. May sampu o higit pang portalet ang nilinisan namin noon. Araw iyon at inabot din kami ng hapon sa paglilinis ng mga portalet. Ang iba 'don talagang kapit na ang mga latak na tae o tumigas na at kumapit na sa plastic na portalet. Kinukudkod namin 'yon at nililinis ng maayos para gumanda. Binubuhusan din nila ito ng asido para matanggal ang mga mantsya at binabrush din namin ng sabon para magmukhang bago ulit. Arkilado daw sa kanila ang mga 'yon sa pagsapit ng chinese new year.

Sinabi sa'kin noon ni sir Noel noong kami'y naglilinis ng mga portalet na kung pwede lang sana itong bigyan ng blue card si Axel ay walang problema. Ngunit alam kong 'di nila 'yon saklaw, tauhan lang din sila. Masipag daw ako banggit n'ya.

Naalala ko din noong nasa byahe kami. Tapos na 'non ang byahe namin dahil hapon kami nag-umpisa at ilang oras lang din ang tinagal ng service namin. Habang nasa byahe kami ay may tumawag na babae kay kuya Talyo. Sinabi nito na nakapagluto na s'ya ng hapunan nila at hihintayin si Talyo para sabay silang kumain. Sinabi din ng babae na nakapaglinis na s'ya ng bahay. Biro ni kuya Talyo sa babae na hugusan mo na din 'yung kakainin ko. Napangiti nalang ako 'non! Tapos bigkas ni Talyo ng "I love you" sa babae. Noong bumalik din kami sa Lisboa para magpump ulit ng mga sebo-sebo 'don, muntikan pa akong mahulog sa posonegro dahil sa dulas ng paligid na malapit sa hukay. May kalaliman 'yon, mabuti na lang at nakapagbalance pa'ko kung hindi malamang nahulog na'ku sa loob ng posonegro. May pagkakataon pang nagbababa kami ng mga hose sa madilim na bahagi ng kalsada kami 'non nakapark. Kaya ng ihagis ko ang mga hose pababa ng truck ay pumaling ang ulo ko sa paghagis ng mga hose at tumama ang ulo ko sa bakal na bahagi ng truck. Hindi ko 'yon nakita, ramdam ko nalang na parang may pumalo sa ulo ko at nahilo ako. Nakakita ako noon ng mga bituin at pansamantalang nagpahinga muna ako. Kinapa ko ang ulo ko at may dugo ito, mabuti nalang din at maliit lang ang sugat. Sinabi sa'kin ni sir Noel na hinay-hinay lang at wala tayong insurance dito. Hindi ko na din 'yon ininda at bumalik na muli sa trabaho ng mawala ang pagkahilo ko.

Nagpapasalamat ako kila sir Noel, Nilo, kuya Talyo at kuya Rommel. Dahil naexperience ko ang pambira nilang uri ng trabaho. Naging masaya ako sa kanila kahit na may kabahuan ang aming trabaho. May kakaibang saya 'pag sila ang kasama ko sa ganong trabaho. At nakakalibang din kung minsan.