*Palpak na lakad*
Noong time na napodlock ang bahay namin. Nagdaan ang ilang araw at linggo, nakaipon na din ako ng mga damit na masusuot sa pamamagitan ng paglalapsap o pangunguha sa basurahan na pwede pang pakinabangan. Ang iba naman ay bigay sa'kin ng kakilala ko at nakilala. Nakiusap ako kay Randy na tulungan akong makuha ang mga gamit ko dahil nanghihinayang ako sa mga ito gaya ng gamit ko sa paggugupit, mga paborito kong mga damit at iba pa. Gagawa daw s'ya ng paraan para mabuksan ang aming dating bahay.
Selyado ang mga pintuan sa bahay upahan. Gawa sa bakal ang unang pinto nito at matibay, mahirap din itong gibain. At sumunod dito ang pintong kahoy. Halos lahat naman ng plot sa Macau ay ganon ang itsura ng mga pintuan. Pabilog ang main na susian ng bakal na pinto at tanging ang may-ari ng bahay ang may susi nito. In case of emergency, maiipodlock nila ang mga plot kapag hindi makabayad ng ilang buwang renta ang nangungupahan sa kanila, gaya ng nangyari sa plot namin.
Sinukat ni Randy ang bilog na susian, kumuha s'ya ng phillip's screw na sakto sa butas ang sukat. Sabi n'ya sa'kin na babalikuin lang daw 'yon sa kanyang trabaho at babaguhin ang dulo nito na naaayon sa susian. Halos dalawang araw ang lumipas, nagawa ni Randy ang improvise na susi. Nagplano muna kami dahil delikado ang gagawin namin. At pwede kaming makulong kapag mahuli kami o kapag may magsumbong sa mga pulis. Naging plantsado ang aming plano ng araw na iyon.
Tatlo kami nila Jay-r ang magpupunta sa bahay, sumama na din s'ya dahil may mga naiwan pa din sila na mga gamit sa bahay. Alas onse ng gabi lumabas kami ng bahay, naglakad kami patungo sa dati naming plot. Mabilisan lang ang pagkilos namin sakaling mabuksan namin ang bahay. Damputin ang mga gamit na naiwan sa mabilis na pagkilos at lumabas na.
Nakarating kami sa bahay, umakyat sa third floor sa dati naming tinutuluyan. Napansin naming maraming pang taong dumarating at bumababa sa ganong oras kaya umalis muna kami.Tumungo muna kami sa basketball court para magpalipas ng konting oras, naglaro muna kami ng basketball. After 1 hour nagdecide na kaming bumalik ng plot. Umakyat na kami sa taas patungo sa pintuan. Sabay biglang nagbago ang isip ni Randy na s'ya ang dapat magbubukas ng bakal na harang, dahil na rin siguro na pulis ang umuupa sa kaharap na pinto ng dati naming bahay kaya marahil nagdalawang isip s'ya. Sabagay, ako naman ang may mga gamit 'don kaya ako dapat ang magbukas nito, pero hindi ko alam kung paano ito bubuksan kaya itinuro sa'kin ni Randy kung paano ito gagawin. Ipinasok ko ang improvise na susi, iikot ko daw ng paclockwise at kapag may tumunog ibig sabihin bukas na ito.
Pinababa ni Randy si Jay-r sa entrance bilang look out namin. Si Randy naman ay puwesto sa kanto ng hagdanan para 'pag suminyas si Jay-r na may tao, makikita ni Randy. Maya-maya pa'y may taong paparating, matandang intsik na mukhang galing sa trabaho. Suminyas si Jay-r na may tao, tinimbrihan ako ni Randy, pinasok ko agad ang screw sa bag. Sumindi ako ng sigarilyo at nilapitan ko si Randy kunwariy nag-uusap kami. Dumaan sa harap namin ang intsik, binati pa namin ni Randy at bumati din naman. Bigla akong kinabahan at biglang bumilis ang tibok ng puso ko ng mga sandaling iyon. Natatakot ako na baka mahuli kami sa gagawin namin, ramdam ko din na medyo kinakabahan si Randy. Nagpasya s'ya na iwan ako, bumaba s'ya at nakipagpalitan kay Jay-r sa entrance. Inisip ko ang paliwanag sa'kin ni Randy, pinasok ko sa butas na bilog ang screw at inikot ng paclockwise ngunit hindi ito tumunog kaya inikot ko pa ng inikot at biglang tumunog ito ng malakas. Hinila ko ang pinto pero hindi ko ito mahila, parang nakalock pa din kaya inikot ko ito ng pacounter clockwise naman. Kinakabahan na'ku nu'ng time na 'yon, hindi ko pa din mabuksan ang pinto. Hinugot ko ang screw at tinawag si Randy, sinabi ko na hindi ko ito mabuksan! Sinamahan n'ya ako sa taas at s'ya ang sumubok na magbukas nito, pinasok n'ya ang screw at inikot, umikot ito ng mabilis. Sinabi n'ya na nalostred na daw ang susian kaya hinugot n'ya na lang ang screw. Napamura na lang ako! Asar! Palpak ang lakad namin!
Bumaba na kami ni Randy na may panghihinayang. Umalis nalang kaming tatlo pabalik ng bahay, nagtawanan na lang kami sa nangyari. Sinabi sa'kin ni Randy na hayaan ko na lang daw iyon at wala ng pag-asa pa para makuha ko ang mga gamit 'don. Tinawanan ko na lang ang nangyari na may panghihinayang pa rin. Nang makarating kami sa bahay, humiga na lang ako sa kama. Iniisip ko pa din ang nangyari pero inisip ko na lang na sumuko na din. Sayang talaga! Tang-ina!
"Buti na lang at hindi ko naiwan ang passport ko noon sa bahay ng mangyari iyon." Grrr!!! 😤