Chereads / Moonville Series 1: Secret Lovers / Chapter 32 - Photo Booth

Chapter 32 - Photo Booth

Sa may Business School na muling nakita ni Bryan si Angel. Hindi na kasi siya nakatakas pa kay Gina. Sobrang clingy pala nung babaeng iyon. Hindi siya makaalis sa tabi nito. Ayaw rin naman niya itong ipahiya kaya hindi niya ito mapagsabihan na pakawalan na siya at may iba siyang gustong makasama.

Nakaupo sa may booth ng JPIA si Angel. Photo booth ang naisip na venture ng org nila para sa Business Week na iyon. Si Angel ang nagbabantay nang mga sandaling iyon, kasama ang isa pang officer ng nasabing org.

"Hi!" bati ni Bryan kay Angel.

Napatingin si Angel sa kanya. Nginitian siya nito pero hindi ito nagsalita.

"Kumusta na ang negosyo natin?"

Nagkibit-balikat si Angel. "Okay lang. Alam mo naman ang mga estudyante ngayon, mahilig magpalitrato."

"Kaya nga ito ang pinili kong venture."

Nagulat si Bryan nang bigla na lamang magsalita si Hannah sa may likuran niya. Katulad nila ay naka-red T-shirt din ito.

"Alam kong papatok ito sa mga kapwa natin estudyante at siguradong malaki ang kikitain natin dito. Siguradong tayo ang magwawagi sa Best Business Venture category!"

"Masyado ka naman yatang sigurado," ani Bryan kay Hannah.

"Of course! Kaya ikaw, galingan mo sa pageant. Lalo na iyong talent mo... Hindi mo pa pala ipinapakita sa akin iyon."

"Surprise iyon," ani Bryan sabay kindat kay Angel. Napatanga naman ang huli sa kanya.

"Siguraduhin mo lang na masu-surprise ako in a good way," ani Hannah.

"Oo, sigurado ako," Bryan told Hannah. Then he beamed her his killer smile.

"O siya, maiwan ko na muna kayo at may mga aasikasuhin pa ako," paalam naman ni Hannah.

Parang nakahinga ng maluwag si Bryan nang tuluyan nang mawala sa kanilang paningin ang kanilang JPIA president.

"Ano na nga pala ang talent mo?" tanong sa kanya ni Angel.

"Secret nga." Umupo siya sa tabi nito.

"Kahit sa akin hindi mo pwedeng sabihin?"

Tumango si Bryan. "Huwag na nga muna nating isipin iyon. Ang mabuti pa, subukan natin itong photo booth."

"Ha?" ang tanging nasabi ni Angel.

"Halika, tayo naman ang magpalitrato." Hinila ni Bryan si Angel papunta sa booth mismo.

"Sandali lang!"

Hindi na nakapag-protesta si Angel nang ipasok siya ni Bryan sa loob ng booth at iupo siya nito sa may bangko na naroon.

"Smile ka, ha? Iyong pinakamaganda mong smile," Bryan said.

"Teka sandali-"

"O, ready na."

Walang nagawa si Angel kundi ang sumunod na lang sa agos. May four seconds na pagitan ang bawat litrato. Apat na litrato ang meron sa isang session. Sa unang litrato nila, hindi pa nakangiti ng maayos si Angel. Hanggang sa tuluyan na siyang makangiti sa pang-apat na litrato.

"Ulit uli. Wacky naman," ang sabi ni Bryan.

Walang nagawa si Angel kundi ang magpakuha ulit ng litrato kasama niya. Nag-loosen up na rin ito at nakapagpakuha na rin ng wacky na post. Bale walo lahat ang litrato nila. Ibinigay iyong lahat ni Bryan kay Angel.

"Teka, paano ka?" tanong ni Angel.

"Okay lang. Meron naman na akong litrato mo."

"Huh?"

"Natatandaan mo iyong kinunan ko noong nag-a-apply ako sa The Echo?" ani Bryan.

Saglit na napaisip si Angel. "Di ba pina-delete ko na sa iyo iyon?"

Napangiti si Bryan. "Kinopya ko bago ko i-delete. Ang ganda mo kaya doon. Nakanganga pa iyong bibig mo na parang naghihintay ng langaw na papasok."

"Ang sama mo!" Marahang hinampas sa kanya ng natatawang si Angel ang mga litrato nila.

"Kaya sa'yo na lang iyang mga iyan. Kapag naaalala mo ako, tignan mo lang ang mga iyan."

"As if naman naaalala kita."

"Alam ko naman na kapag mag-isa ka, naaalala mo ako. Kapag nakahiga ka sa kama, iniisip mo ako... Ano kayang iniisip mo kapag ganoon?" Saka pilyong ngumiti si Bryan.

"Mr. Bryan de Vera!" anang natatawang Angel. "Ang dumi ng isip mo, ha?"

"Oy, wala akong ibang iniisip, ha? Ikaw nga diyan, eh. Kung anu-anong iniisip mo." Pumapalatak itong umiling. "Ganyan ka pala mag-isip ha, Angel?"

Natawa na lamang si Angel sa sinabi nito. "Hindi kaya." Saka siya nito pinisil sa pisngi.

"Ouch!" Kunwa'y nasaktan si Bryan sa ginawa nito.

Nakangiting tinignan ni Angel ang mga litrato. "Salamat, Bryan."

"You're welcome."

They looked at each other, and again, Bryan was mesmerized. Oo, muli ay na-mesmerize na naman siya kay Angel. Kagaya kanina sa may backstage habang hawak nito ang mga kamay niya. Kagaya rin noong nasa library sila at halos magkadikit na silang dalawa, kaya niya ito nahalikan. Pati na noong mag-apply siya sa The Echo at makita niya itong nakangiti, kaya kinunan niya ito ng litrato. At pati na rin noong makasalubong niya ito at muntikan na itong malaglag kung hindi lamang niya ito nahawakan.

At ngayon lang niya na-realize ang bagay na iyon. Now he knows why he always comes undone whenever Angel Martinez is with him. At saka niya naisip, parang may basehan iyong lahat ng sinabi niya sa kanyang mga magulang noong isang gabi.

"Aherm!"

Napatingin silang dalawa kay Richard.

"Grabe naman ang lagkit ng tinginang iyan," ani Richard. Saka ito tumingin kay Bryan ng makahulugan.

"Ah... Nandito ka pala." Napaiwas ng tingin si Bryan.

"May dress rehearsal kasi kami ni Kim. Baka gusto mo akong samahan?" Pilyo pa rin ang pagkakangiti ni Richard.

"Uh, sige. Ahm..." Napatingin si Bryan kay Angel, tapos ay bigla din niya itong nabawi. Nailang kasi siyang bigla.

"Ah, mauna na ako sa inyo," ang sabi naman ni Angel.

"Hindi ka sasama?" tanong ni Richard dito. "Malulungkot niyan si Bryan."

Bryan gave him a stern look. Lalo lamang napangiti si Richard.

"Pupuntahan ko pa kasi si Jasmin. May aayusin pa kami para doon sa contest piece niya."

"Sige, puntahan mo na siya," pagtataboy ni Bryan dito.

"Sige. Bye Richard!" ani Angel.

"Bye!" ganting paalam naman ni Richard.

Nahihiyang napatingin si Angel kay Bryan. "Bye."

"Bye..." nahihiya ring wika ni Bryan.

Nasundan na lamang ng tingin ni Bryan ang papalayong si Angel.

"Aherm!"

Napatingin siyang muli kay Richard. "Halika na nga!"

Inakbayan ni Bryan ang pinsan at iginiya papunta sa pagpapraktisan nito ng sayaw. Hindi na rin ito nagsalita at hindi na rin siya nito tinuksong muli.

♥️

♡︎♥︎♡︎ 𝑰𝒇 𝒚𝒐𝒖 𝒐𝒏𝒍𝒚 𝒌𝒏𝒆𝒘 𝒉𝒐𝒘 𝒎𝒖𝒄𝒉 𝒕𝒉𝒐𝒔𝒆 𝒍𝒊𝒕𝒕𝒍𝒆 𝒎𝒐𝒎𝒆𝒏𝒕𝒔 𝒘𝒊𝒕𝒉 𝒚𝒐𝒖 𝒎𝒂𝒕𝒕𝒆𝒓𝒆𝒅 𝒕𝒐 𝒎𝒆. - Aɴᴏɴʏᴍᴏᴜs ♡︎♥︎♡︎