Saturday night. Pabalik-balik na naglalakad ang kinakabahang si Angel sa may sala nila habang nakamasid naman ang kapatid nitong si Alex na nakaupo sa kulay beige nilang sofa.
"Ate, relax ka lang. Baka mamaya mapudpod ang takong niyang wedge mo," ani Alex sa kanyang ate.
Napatingin si Angel sa suot niyang white single-strapped wedge sandals. Tinerno niya ito sa kulay green naman niyang sleeveless dress.
"Sige ka, ang ganda mo pa naman ngayon. Baka mamaya pagdating ni Bryan ngarag ka na. Haggard na ang itsura mo."
"Eh ano naman ngayon?" Napaupo siya sa tabi nito.
"Ate, huwag ka na ngang mag-deny! Alam ko namang you want to look good for him, eh. You do look good, kaya relax ka na, okay?"
Huminga ng malalim si Angel. "Kung normal lang kaming mag-bf-gf ni Bryan, siguro hindi ako kakabahan ng ganito. Kaso nga, hindi kami normal."
"You're two star-crossed lovers," panggagatong pa ni Alex sa sentimiyento ng kapatid.
"Star-crossed? Kayo yata ni Richard iyon, eh."
Isang ngiti ang isinagot doon ni Alex. Saka nila narinig ang pagtigil ng isang kotse sa tapat ng bahay nila.
"May dumating," ani Alex.
Napatingin si Angel sa may labas ng bintana. Isang pamilyar na kotse ang nakita niya doon. "Si Bryan."
Dali-dali siyang lumabas ng bahay upang sunduin si Bryan. Palabas na ito ng kotse nito nang makalabas siya ng bahay nila. Pakiramdam ni Angel ay lalong kumabog ang dibdib niya nang makita ito. Lalo na at hindi pa yata niya ito nakikita ng ganoong ayos. Naka-blue long-sleeved polo ito na tinupi ang manggas hanggang siko, na tinernuhan ng maong pants at sneakers. Kaiba ito sa T-shirt na laging sinusuot nito.
Isang bouquet of white roses ang inilabas nito mula sa kotse at isang kahon na cake yata ang laman.
"Hi!" bati nito sa kanya. Halatang kinakabahan din ito.
"Hi... Akala ko hindi ka na darating."
"Nangako ako, di ba? Sorry nga lang kung ngayon lang ako dumating. Late na ba ako?"
"Ahm..." Tulirong napatingin si Angel sa kanyang white gold Timex wristwatch. "Fifteen minutes early."
Para namang nakahinga ng maluwag si Bryan. "Buti naman." Saka nito iniabot ang bouquet sa kanya. "Para sa'yo."
Gustong mangiti ni Angel pagtingin niya sa mga bulaklak. Pero siyempre, pinigilan niya ito. "Hindi ka na dapat nag-abala pa." Ganunpaman ay kinuha niya ang mga bulaklak.
"Para naman isipin ng daddy mo na sweet akong boyfriend."
All for the show again. Ewan pero parang nakaramdam ng pagkadismaya si Angel sa isiping iyon.
"Halika na sa loob. Kanina ka pa hinihintay nina Daddy."
Ibayong kaba ang bumalatay sa mukha ni Bryan. Pero ano pa nga ba ang magagawa nila? Kailangan na nilang pumasok at baka magalit na ang parents niya.
"Let's go?" muli niyang tanong dito.
Tumango si Bryan. "Let's go."
At hindi niya inaasahang hahawakan siya nito sa kamay. Napatingin na lamang siya sa magkahawak nilang kamay.
"So help us God."
Napatingin siya kay Bryan. Kinakabahang napangiwi ito sa kanya. Biglang bumalik ang kabang nadarama niya kanina pa.
"Kaya natin ito," aniya.
Muli'y tumango lamang si Bryan.
Biglang bumukas ang pintuan at mula doon ay bumungad si Alex. Seryoso ang mukha nito.
"Ate, Bryan, pinapatawag na kayo nina Mommy't Daddy."
"Oh my God!" biglang bulalas ni Angel.
Naramdaman na lamang niya ang paghigpit ng hawak ni Bryan sa kamay niya. Saka siya nito inakay na papasok sa kanilang bahay.
Nadatnan nila sa may sala sina Alice at Benjie. Nakaupo ang dalawa sa dalawang single armchair sa may harapan malapit sa T.V. set. Si Alex naman ay pumunta sa may sofa sa may kanan ni Benjie. Iginiya naman ni Angel si Bryan papunta sa isa pang sofa na katapat ng mga magulang nila. Nakapagitna sa kanila ang kahoy na center table.
"Mom, Dad, this is Bryan," pakilala ni Angel sa mga magulang. Pakiramdam niya ay bigla siyang nahirapang magsalita.
"Good evening po," bati naman ni Bryan sa dalawa. Halata ang kaba sa boses nito.
"Sit down."
Sobrang lamig ng boses ni Benjie na agad-agad napaupo sina Angel at Bryan. Kasinglamig nito ang ekspresyon sa mukha nito. Si Alice naman ay poker faced na nakatingin sa kanilang dalawa.
"Kailan pa kayo ng anak ko?" Si Benjie ulit.
Napatingin si Bryan kay Benjie, ngunit muli itong napayuko nang makita ang galit nitong titig. "This year lang po, July 26, at exactly 6:05 PM."
Napatingin si Angel sa katabi. Mukhang napaghandaan nito ang isasagot sa daddy niya.
"A month or so. Bago pa lang pala kayo."
"Ang totoo po niyan, ayaw po talaga ni Angel na sagutin ako. Kasi alam po niya na magagalit kayo."
"Eh paanong naging kayo?"
"Pinilit ko pong maging kami." Lalo yatang napayuko si Bryan sa sinabi niya.
"Pinilit? Ganoon ba ang pagmamahal? Pinagpipilitan?"
"Sorry po..."
"Niligawan mo na nga sa labas ng pamamahay ko iyong anak ko, tapos pinagpilitan mo pang sagutin ka niya? Aba, Mr. de Vera, ganyan ba ang itinuro ng daddy mo sa iyo?"
"Dad!" Hindi na nakatiis si Angel.
"What?" Kay Angel naman nabunton ang galit ni Benjie.
Medyo natameme naman si Angel sa biglang pagsigaw ng daddy niya sa kanya.
"Ano? Sabihin mo, ano iyon? Alam mo Angelica, these past few days I don't understand you anymore. You're doing things that I never thought you would do. And it hurts me. Nasasaktan ako bilang ama mo."
Napaiyak na si Angel. "Dad..."
"What? Ano ang paliwanag mo sa lahat ng ito?" Full blast na ang galit ni Benjie.
Maging si Alex ay natetensiyon na sa nangyayari. "Dad..."
Naluluhang napatingin si Angel kay Benjie. And then, she whispered, "I love him..."
Natitigilang napatingin ang mag-asawa kay Angel. Si Alex ay napatanga sa ate niya. Si Bryan, hindi rin nakatiis na hindi tignan ang katabi niya.
"I'm sorry... I just love him..." Napayuko si Angel. Tuluyan na siyang napaiyak.
"Ate..." Maging si Alex ay naiiyak na rin sa kapatid.
Dahan-dahan namang hinawakan ni Bryan ang kamay ni Angel. Napatingin ang luhaang dalaga dito. Saka ito pilit na ngumiti. Dahan-dahan namang pinunasan ni Bryan ang mga luha niya at saka hinawakan ang pisngi nito. The warmth of his touch somehow calmed her a little.
"He loves you, too."
Kay Alice naman napatingin ang lahat. Maging sina Angel at Bryan ay nakuha din nito ang atensiyon.
Nginitian ni Alice si Angel. "I understand. You both love each other. What could we do with love?" Saka siya tumingin sa asawa. Hinawakan nito ang kamay. "It has been our dream to see our children one day falling in love and being loved as much by that same person. I think this is that day."
Para namang biglang napaisip si Benjie. Huminga ito ng malalim at halatang pilit pinapakalma ang sarili.
"Mom..." Hindi mapigilan ni Angel ang sarili. Naguguluhan siya sa nangyayari.
Tinignan ni Alice ang lumuluhang anak. "Ang gusto lang naman namin ay maging masaya kayo. At kung iyan ang makakapagpasaya sa iyo, Anak, wala kaming magagawa."
Parang gustong lapitan ni Angel ang ina, at yakapin iyon. Pero muling humirit ang daddy niya.
"Pero hindi ganoon kadaling kalimutan ang katotohanang naglihim kayo sa amin. Masakit iyon, Angelica. Nasira ang tiwala namin sa iyo."
"I'm sorry, Dad," ani Angel. "Nagawa ko lang naman po iyon kasi alam kong hindi kayo papayag."
"You let yourself fall in love with him, kahit alam mong hindi namin iyon gusto," hirit pa ni Benjie.
"I made her fall in love with me," sagot naman ni Bryan. "Kasalanan ko pong lahat, Sir. I like her so much that I did everything for her to love me."
"Why do you love my daughter?" tanong ni Benjie kay Bryan.
Napatingin si Bryan kay Benjie. "I don't know... I just do."
Ilang saglit na nagtitigan ang dalawa. Wari'y tinitignan ni Benjie ang katapatan sa sinabing iyon ni Bryan, at ang binata nama'y pilit nilakasan ang loob para patunayan ang katotohanan ng kanyang mga sinabi.
Si Benjie ang unang sumuko. "It's not that you don't know. You just can't explain it." Muli niyang tinignan si Bryan. "Just make sure that you'll never hurt my daughter. Dahil kung hindi, hindi mo na siya makikita pa kahit kailan."
"Ipinapangako ko po sa inyo na hinding-hindi ko siya sasaktan." Puno ng tapang ang mga salita ni Bryan. Diretso din siyang nakatingin kay Benjie.
Tumango si Benjie. "Panghahawakan ko ang salita mong iyan, Bryan."
Muling nagtitigan ang dalawang lalaki. This time, isang simpleng ngiti ang namutawi sa mga labi ni Benjie. Napangiti na rin si Bryan na parang gumaan kahit papaano ang pakiramdam.
"So, okay na sa inyo si Ate, Mom, Dad?" tanong naman ni Alex sa mga magulang.
Ngumiti si Alice. Imbes na sagutin ay inilahad niya ang mga braso sa direksiyon ni Angel. "Halika nga dito."
Dali-dali namang lumapit si Angel kay Alice at saka tinanggap ang inaalok nitong yakap.
"Na-miss kita. Ang baby ko, dalaga na." Hindi maiwasang maluha ni Alice.
"Mom..." Muling napaluha si Angel.
"Tama na." Pinunasan ni Alice ang mga luha sa pisngi ni Angel. "Honey?" Tumingin siya kay Benjie.
Niyakap din ni Benjie si Angel.
"Hay! Feeling ko tumanda ako ng one hundred years."
Kahit naluluha ay natawa si Alice sa sinabi ng asawa.
"I guess I'm just jealous," ani Benjie kay Angel. "Dati ako lang ang lalaki sa buhay mo. Ngayon, meron ka nang Bryan de Vera."
"Dad..."
"Yeah, yeah, yeah..."
"You're still my first love, Dad," ang sabi naman ni Angel.
"Teka, paano ako?" tanong naman ni Alice.
"Second ka lang daw," ani Benjie.
"Talaga lang, ha?" ani Alice.
"Ikaw naman Mahal, hindi ka na mabiro." Hinawakan niya ang kamay ng asawang si Alice habang yakap pa rin sa kabilang kamay si Angel.
"Teka, sama ako sa hug!" Nakiyakap na rin si Alex kina Angel at Benjie.
Sa isang banda naman, nakangiting pinapanood ni Bryan ang apat. Halata ang tuwa sa mukha nito dahil sa pag-aayos nila.
"Eh di ang ibig sabihin niyan, babalik na yung Wi-Fi natin?" excited na tanong ni Alex.
"Hayan na naman ang Wi-Fi," tudyo ni Angel sa kapatid.
"Alexandra Nichole, hinay-hinay sa pagtu-Twitter at Facebook, ha?" ani Benjie sa anak. "Baka mamaya katatapos lang naming ma-shock sa pagkakaroon ng boyfriend ng ate mo, malaman-laman namin may boyfriend ka na rin."
Biglang natahimik sina Alex at Angel sa sinabing iyon ng ama. Maging si Bryan ay natameme rin. Kaya naman nagulat siya nang kausapin siya ni Benjie.
"At ikaw, Bryan de Vera, hindi porke payag na kami sa relasyon ninyo ng anak ko ay lusot ka na sa kasalanan mo sa amin."
Si Angel ang sumagot para kay Bryan. "Dad! Huwag n'yo namang takutin si Bryan."
"Oo nga naman, Benjie," ani Alice. "Bryan, halika Hijo."
Nagtataka man ay lumapit na rin si Bryan kay Alice.
"Welcome sa bahay namin, Hijo. Feel at home," ani Alice sabay hawak sa kamay ni Bryan.
Parang noon lang nakahinga ng maluwag si Bryan. "Salamat po, Ma'am."
"Tita na lang." Tsaka nito hinarap ang asawa. "Benjie?"
Napasimangot si Benjie sabay buntong-hininga. Pagkatapos ay parang napipilitang inilahad nito ang kamay. "Welcome."
"Thanks, Sir." Nakipagkamay din si Bryan dito.
"Tito na rin lang. Baka sabihin ng daddy mo masyado kitang kinakawawa."
Napangiti si Bryan sa sinabi nito. "Actually, may pinapabigay nga po siya." Kinuha niya ang cake na dala kanina. "Para daw po sa inyo. Paborito daw po kasi ninyo ang sans rival."
Kinuha ni Benjie ang kahon tsaka tinignan ang nasa loob. "Mahusay. Marunong talagang manuyo ang daddy mo."
"Dad, sana magkabati na rin kayo ng daddy ni Bryan," ani Angel sa ama.
"Someday, Anak. Someday," ang sabi naman ni Benjie.
"O, since okay na ang lahat, halina kayo sa dining room at nang makakain na tayo," ani Alice. Saka nito inakbayan si Bryan. "Halika na, Bryan, at nang matikman mo naman ang luto ko."
"Oy, teka sandali! Baka ubusin ninyo iyong lasagna ko, ha!" ani Benjie na dali-daling humabol sa dalawa.
Naiwan ang mag-ate na Angel at Alex. Pareho silang nagtataka sa kabaitang ipinapakita ni Alice kay Bryan.
"Totoo ba iyong nakikita ko?" ani Angel kay Alex.
"Mukha naman," sagot ni Alex sa kapatid.
"Ang bait-bait ni Mommy kay Bryan..." hindi makapaniwalang wika ni Angel.
"Baka naman kasi nakita niya na talagang mahal ninyo ang isa't isa?" muli'y tudyo ni Alex kay Angel.
Isang matalim na tingin ang ipinukol ni Angel sa kapatid. Pero hindi iyon pinansin ni Alex.
"You have a lot of explaining to do, Ate. Mamaya, humanda ka sa akin."
Inirapan ni Angel ang kapatid. "Bahala ka na nga diyan!" Tsaka na ito pumunta sa may komedor.
Ngingiti-ngiti namang sumunod si Alex sa kapatid.
πΈπΌπΊ