Chapter 5 - -4-

"KUYA!"

Mukhang hindi naman siya narinig ng kapatid niya dahil patuloy lamang ito sa paglilipat ng pahina ng binabasa nitong papeles.

"Kuya!" tawag ulit ni Alayna bago niya ito nilapitan. Sinasabi na nga ba niya at nakapasak na naman ang earphones nito sa mga tainga nito. Kaya naman pala daig pa niya ang hangin kung deadmahin nito.

Hinugot niya ang mga earphones ng kapatid.

"Oh sis! Andito ka pala." Nakangiting bati nito sa kanya. Ngayon lang talaga nito na-realize na nandito na siya sa opisina nito.

"Hindi. Wala ako dito. Ilusyon mo lang ako." nakasimangot na umupo si Alayna sa upuan sa harap ng mesa nito. "May kailangan akong malaman mula sa iyo."

"Anong kailangan mo sa gwapo at matalino mong Kuya?" sabi nito at ibinaba ang mga papeles na hawak.

"Nagpapatawa ka, Kuya?" taas ang kilay na sabi niya rito.

"Iyon na ba ang tanong mo? Siyempre hindi, bata. Seryoso ako. Gwapo at matalino ako." confident pang sabi ng kuya niya.

Minsan talaga gusto niyang ikailang kapatid niya ito. Napaka-childish kasi nito. Mas childish pa nga sa kanya kung minsan. Kung hindi nga lang ito ang bestfriend ni Skye, hinding hindi niya ito lalapitan. Kahit pa sabihing magkadugo sila nito.

"Umayos ka kung hindi sisiraan kita kay Ate Gwyn." Ang tinutukoy niya ay ang maganda at efficient na sekretarya nitong alam niyang lihim na itinatangi nito.

"Ano na nga ulit yung sinasabi mong gusto mong malaman?" Umayos ito ng upo at sumeryoso din ang mukha. Good. Kailangan niya ng matinong sagot mula rito.

"What is the relationship of Celine Villamayor to the Lozada family?" tanong niya rito.

Talagang naba-bother siya nang makita niya si Celine sa bahay nina Skye. Hindi na siya pinatahimik ng kyuryosidad at kaba niya pagkatapos niyang malamang madalas ang babae sa bahay ng mga ito.

"You mean Skye's family?" tumango-tango siya at hinintay ang sagot mula rito.

"You really want me to answer that, Sis?" sumandal ang kuya niya sa kinauupuan nito at tinignan lamang siya. "You might regret knowing it."

"Come on, Kuya! Tatanungin ba naman kita kung hindi ko gustong malaman 'yon?" determinadong sagot niya rito.

"Kung kay Skye mo na lang kaya itanong. Ayokong madamay sa kaguluhan okay?" akmang pipindutin niya ang intercom sa mesa nito para kausapin sana ang sekretarya nito nang pigilan nito ang kamay niya. "She's Skye's fiancée."