Nagmistulang lungga ng mga bubuyog sa loob ng HR department nang magsimulang magbulungan ang mga employee sa bawat cubicle na kanyang madaanan habang papunta sa opisina ni Zigfred.
"Ba't siya bumalik?" narinig niyang takang usisa ng isang babaeng tila naging suso sa haba ng leeg kakatanaw sa kanya.
"Ewan. Baka magmamakaawa kay sir tanggapin lang sa trabaho," sagot naman ng kausap nito.
Hindi siya lumingon, nagpatuloy lang sa paglalakad. Ilang cubicle ang kanyang nadaanan at lumiko sa ilang pasilyo hanggang sa mapatapat sa mismong pinto ng opisina ni Zigfred.
She took a deep breath and calmed herself.
She musn't be affected by his anger nor indifference towards her. The fact na siya ang asawa nito'y sapat na para mawala ang kanyang takot sa lalaki.
Marahan siyang kumatok sa pinto at naghintay na buksan iyon hanggang sa iluwa niyon ang nagulat na HR manager.
"Why are you still here?" Bakas sa boses at mukha nitong hindi nagustuhan ang kanyang presensya.
Napayuko siya agad, sandaling umurong ang dila nang biglang kumabog ang dibdib. Hindi siya sanay makipag-usap sa mga may matataas na posisyon noong nagtatrabaho pa siya sa GIO ENTERPRISE pero ngayo'y kailangan niyang gawin iyon upang makuha ang trabahong binawi sa kanya hindi pa man siya nakakapagsimula.
"G-usto ko pong makausap ang CEO." She stammered but managed to voice it out.
Salubong ang kilay na napa-"What?!" ang kausap sabay lingon kay Zigfred sa loob.
Hindi siya sumagot, nanatiling nakayuko ang ulo habang paulit-ulit na pinipisil ang sariling mga palad.
Ninerbyos siya. Paano kung sigawan na naman siya ni Zigfred at kaladkarin na palabas ng department? Mas lalong nakakahiya 'yon.
She gulped as if may biglang bumara sa kanyang lalamunan nang maisip ang bagay na iyon.
"Poor woman. I pity you," saad ng kanyang kaharap. "Pero kahit lumuhod ka pa sa harap niya, hindi na magbabago ang kanyang desisyon."
Doon lang siya nag-angat ng mukha.
"Kakausapin ko po siya." Iyon lang at nagmadali na niyang isinisik ang katawan sa bahagya lang nakabukas na pinto.
"Hey!" sita ng manager pero nagtuluy-tuloy siya sa loob hanggang mapahinto sa mismong harap ni Zigfred na tila hindi nagulat nang mag-angat ng mukha at makita siya. Nakatayo ito sa harap ng mesa at may hawak na folder sa kanang kamay.
"Let me take the job. Pangako, gagawin ko nang maayos ang trabaho ko," walang gatol na wika niya sa harap nito nang magtama ang kanilang mga mata.
Habang ang nakamasid na manager ay tarantang nakatingin sa kanya't baka kung ano'ng gawin ni Zigfred sa galit, siya nama'y nakatitig lang sa mga mata ng huli. Kung kailangan niyang magmakaawa, gagawin niya, makuha niya lang ang trabahong iyon.
Iniiwas nito pansamantala ang tingin at makahulugang sumulyap sa manager. Naunawaan naman iyon ng lalaki at nagmadaling lumabas ng pinto.
Sandaling katahimikan...
Tumalikod ito sa kanya, siya nama'y saka lang nagyuko ng ulo.
"Do I have to beg?" sambit niya sa mahinang boses.
He chuckled sarcastically, pabagsak na inilapag sa mesa ang hawak na folder.
"Beg? With hypocrisy?" patuyang tugon nitong hindi humaharap sa kanya.
Bigla siyang lumuhod sa blue celeste marble tiles na sahig, nakayuko pa rin ang ulo upang maniwala itong walang kaplastikan ang pagmamakaawa niya.
Marahan itong bumaling sa kanya. Sa halip na matuwa sa ginawa niya'y bigla na namang nagtagis ang bagang, naikuyom nang mariin ang mga kamao, pagkuwa'y muling tumalikod sa kanya.
"Please, Zigfred. Kahit ano'ng ipagawa mo sa'kin basta makapagtrabaho lang ako," muli niyang pakiusap, panakaw na nag-angat ng mukha at sumulyap dito upang alamin kung ano'ng reaksyon ng lalaki. Subalit malapad nitong balikat ang kanyang nasilayan kaya't muli niyang iniyuko ang ulo.
Muling katahimikan...
Narinig niya ang pagbukas ng pinto.
"Take her out. Whatever work that fits her will do, but not here." Sa wakas ay narinig niyang utos ni Zigfred sa pumasok.
Nakahinga siya nang maluwang. Salamat naman at pumayag na rin ang lalaki sa gusto niyang mangyari.
"Yes, Sir!" sagot agad ng HR manager, ito pala ang pumasok sa opisina.
Nagmadali siyang tumayo at nakangiting lumapit sa kapapasok lang, sumunod ditong lumabas sa lungga ni Zigfred.
Tahimik siya nitong dinala kay Miss Yhanie at nang humarap sa babae'y kapwa napatitig ang mga ito sa kanyang hindi mawala ang ngiti sa
mga labi.
"Hindi ba't pinaalis na siya ni sir?" takang baling ni Yhanie sa manager, taas ang isang kilay habang nakangiwing nakamasid sa kanyang mukha.
Ikinumpas nito ang kamay at humarap sa babae.
"Gawin mo siyang janitress. Iyon ang bagay sa kanya," kaswal na saad ng lalaki sa kausap.
Awang ang bibig na napatitig siya sa nagsalita. Nagulat siya, oo. Kahit ano'ng office work, gagawin niya, basta matanggap lang siya sa trabaho. Pero janitress? Dahil lang sa pangit siya? Nasaan ang hustisya roon?
Napangiti si Yhanie. "Hmm...Okay." Agad itong tumango pagkatapos siyang tapunan nang matamis na ngiting mas malapit sa pang-uuyam.
Ang akala pa naman niya kanina'y mabait ito. Kaplastikan lang pala 'yon.
Hindi siya nakaimik, humugot na lang ng isang buntunghininga. Sige, tatanggapin niya ang trabahong iyon. Hindi ngayon ang tamang panahon para umarte.
-----------
Dinala siya ni Yhanie sa ground floor kung saan naroon ang iba pang mga janitor at janitress. Kahit ang mga ito'y nanghuhusga ang mga titig nang makita siya.
"Ano ba 'yan, Ma'am? Mababa na nga ang trabaho namin, hahaluan mo pa kami ng mukhang daga?" bulalas ng isang babaeng sa hula niya'y nasa bente singko lang ang edad.
Nagtawanan ang mga nakarinig. Kahit si Yhanie ay nakitawa na rin.
Napangiti lang siya, as if hindi apektado sa narinig. Bakit naman siya magpapaapekto? Sanay na siya sa ganoong panlalait.
"Nagsalita ang maganda. Buti nga 'yan, mukhang tao. Eh ikaw, ilang gramo ba ng makeup ang ipinahid mo para lang magmukhang tao?" pasarkastikong sabad ng isa pang babaeng sa hula niya'y kasing edad lang ng kumutya sa kanya.
Tawanan na uli ang lahat. Siya ma'y hindi napigilang mapangiti.
Sumimangot bigla ang nabarang babae, matalim ang tinging ipinukol sa kumontra sa sinabi nito.
Nawala din ang ngiti ni Yhanie at sinaway ang nagtatawanan pa ring mga janitor. Humarap ito sa pinakamatanda sa naroon, ibinilin siya upang ituro ang mga bagay na dapat niyang malaman sa trabaho. Pagkuwa'y nagmadali na itong umalis.
Ang babae namang bumara sa isa'y nakangiting lumapit sa kanya.
"Hi! Ako si Crissy. Ikaw?" pakilala nito.
"Lovan ang pangalan ko, " nakangiti niyang sagot.
"Pasensya ka na kay Ruby. Talagang ganyan lang ang ugali niyan lalo na sa mga baguhan," anito't hinawakan ang kanyang wig.
"Ano'ng shampoo mo? Para kasing hindi ka hiyang sa shampoo," usisa sa kanya habang hinihimas ang mga hibla ng wig.
Isang ngiti lang ang kanyang isinagot.
"Tapos na ang breaktime. Magsimula na uli tayong magtrabaho," anunsyo ng babaeng kinausap ni Yhanie kanina.
"Ikaw, sasama ka kay Crissy. Doon kayo sa 10th floor maglilinis," baling sa kanya.
Bago nakasagot ay hinawakan na siya sa kamay ni Crissy at iginiya papunta sa elevator.
"Ako ang magti-train sa'yo sa trabaho. Lahat ng mga bago ay sa'kin unang sumasama dahil mabilis silang matuto kapag ako ang nagti-train sa kanila," pakaswal lang na paliwanag nito habang nasa loob sila ng elevator kasama ng ilang mga empleyadong walang pakialam sa kanilang presensya.
"Ilang taon ka na ba rito?" usisa niya, sa pinto nakatingin at hinihintay iyong bumukas.
"Limang taon na. Hinihintay ko lang ang promotion ko. Ang sabi kasi ni Sir Jildon, baka raw ma-promote ako kapag naipasa ko na ang diploma ko sa HR. Kaga-graduate ko lang kasi ng computer science," kwento nito, sa pinto rin nakatingin.
"Talaga? Congrats!" baling sa dalaga, ipinahalatang natuwa siya sa sinabi nito.
Umabrasete ito, tila komportable sa kanya saka napahagikhik.
Sumara't bumukas ang pinto ng elevator hanggang sa wakas ay bumukas iyon sa 10th floor.
Hinawakan siya sa kamay ni Crissy, para bang mawawala siya kapag hindi nito iyon ginawa.
Tinungo nila ang pasilyo pakanan saka pumasok sa nakabukas na locker room. Sa dulo niyon ay ang stock room kung saan naroon ang gamit sa paglilnis ng mga janitor-- mop, walis, feather duster, ilang piraso ng basahan, sabon at gamit sa paglilinis ng CR.
Ibinigay sa kanya ang dalawang basahan tsaka mop kasama na ang wheeled bucket na may tubig.
Itinuro nito sa kanya kung ano ang ilalagay sa malinis na tubig at kung gaano karami iyon upang gamitin sa pagma-mop ng sahig at buong lobby sa 10th floor.
"Hindi ka ba nahihiya sa trabaho mo?" Hindi niya maiwasang magtanong.
Sandali itong napatitig sa kanya.
"Bakit naman ako mahihiya? Proud pa nga ako't dahil sa trabaho ko, nakapagtapos ako ng college," taas-noo nitong sagot saka nagpatiunang maglakad palabas ng stock room.
Natahimik siya. Tama ito, walang dapat ikahiya sa trabahong iyon. Kahit na malayo iyon sa computer programming, at least marangal iyong trabaho.
"Unahin muna natin ang Admin Department. Pero tandaan mo, h'wag na h'wag kang lalapit sa opisina ng CEO. Si Ate Mona lang ang pwedeng maglinis doon. Kapag nakasalubong mo ang CEO, huwag kang makikipagtitigan sa kanya. At lalong bawal mong gayahin ang kulay ng kanyang suot," babala sa kanya.
Huminto siya bigla sa paglalakad at maang na napabaling dito.
"Ha? Bakit?"
"Hindi mo ba alam? May dress code dito ang mga empleyado. Hindi mo pwedeng gayahin ni ang kulay ng suot ng CEO. Kapag ginawa mo 'yon, talsik ka agad sa trabaho."
Natigilan siya bigla sabay yuko ng ulo at tumitig sa kanyang damit.
'Ang walanghiyang 'yon! Kaya pala galit na galit sa'kin at pinatalsik ako agad sa trabaho. Kakulay pala ng kanyang coat ang damit ko! psycho talaga!' hiyaw ng kanyang isip.