Sa malungkot na opisinang iyong tanging tunog lang ng orasang nakasabit sa dingding sa bandang itaas ng kanyang cubicle ang bumabasag sa katahimikang matagal na namayani sa paligid ay himalang hindi napansin ni Lovan ang oras. Kung hindi pa tumunog ang phone na inilagay niya sa bulsa ng suot na uniform ng mga janitress ay hindi pa siya magigising sa tila mahimbing na pagkakatulog habang iniisa-isang isaulo ang lahat ng mga nakasaad sa bawat folder na laman ng USB na ibinigay sa kanya ni Zigfred.
Kahit nang kunin niya ang phone sa bulsa at idikit sa tenga'y hindi pa rin inaalis ang pagkakatitig niya sa nasa screen ng computer.
"Lovan, aantayin kita sa rooftop." Si Lenmark, halata sa boses ang tuwa habang kausap siya.
"Bakit, ano'ng oras na ba?" maang niyang tanong, wala sa sariling napatingala sa orasan sa loob ng opisina. Saka lang siya tila natauhan nang malamang alas syete na pala. Napatayo siya bigla.
"Hala, sorry. Hindi ko napansin ang oras. Alas syete na pala." Siya rin ang sumagot sa sariling tanong, pagkuwa'y nagmadaling ini-shutdown ang computer at inayos ang mesa upang makaalis na.
Marahang tumawa ang kaibigan sa kabilang linya.
"Okay lang. Knowing the CEO, he's not easy to deal with," anito, ramdam sa tono ng salita nitong kilalang kilala ang tinutukoy.
"Sige, lalabas na ako. Kukunin ko lang ang bag ko sa locker room," aniya't pinatay na ang tawag saka ibinalik sa bulsa ang phone.
Ilang minuto lang ay naglalakad na siya sa pasilyo papunta sa locker room nang makasalubong si Crissy.
"Lovan, saan ka ba nagpunta? Kanina pa ako hanap nang hanap sa'yo kasi sabi ni Ate Mona, hinanap ka raw ni Miss Yhanie bago mag-uwian," nag-aalalang usisa nito.
"Pasensya ka na. Hindi ko na nasabi sa'yong inutusan ako ng CEO--" paliwanag niya.
"Ng CEO?!" sambulat nito hindi pa man siya natatapos magsalita.
Tumango siya.
"Ano, pinahirapan ka ba? Pinagalitan ka at pinarusahan kaya ngayon ka lang uuwi?" Sunu-sunod nitong tanong.
'Di tuloy niya malaman kung ano'ng unang sasagutin kaya bahagya na lang siyang tumango at nauna nang naglakad papunta sa kanyang locker, kinuha sa bulsa ng uniform ang susi saka binuksan iyon at hinubad ang suot.
Ang dalaga nama'y gano'n din ang ginawa habang panay ang tingin sa kanya.
"Sa susunod, h'wag na h'wag kang magpapakita sa kanya lalo't ganyan ang itsura mo," bilin nito.
Napahagikhik siya sa narinig. Takang napasulyap sa kanya ang kausap.
"O bakit ka tumatawa? Akala mo seguro, porke gwapo 'yon eh gwapo din ang ugali. Hindi mo ba alam na walang nagtatagal sa kanyang secretary dahil sa sama ng ugali niya. Hindi lang magustuhan ang itsura, tatanggalin agad sa trabaho," kwento nito.
Natahimik na lang siya. Totoo naman kasi ang sinasabi nito. Ilang beses na ba niya iyong napatunayan sa loob lang ng isang araw.
Matapos ilagay sa loob ng shoulder bag ang phone na bigay ni Lenmark ay nagpaalam na siya sa dalagang mauuna nang umuwi.
Tumango naman ito.
Ngunit bago tuluyang makalabas sa locker room ay tinawag uli siya nito. Sandali siyang huminto sa paglalakad.
"Bukas, alas otso ang pasok natin. Huwag kang mali-late ha? Bawal dito ang late sa trabaho," paalala sa kanya.
Napangiti siya't nilingon ito sabay pakawala ng isang matamis na ngiti sa labi.
"Pinabalik na ako ng CEO sa dati kong trabaho," pagtatapat niya.
"Ows, talaga?" Hindi ito makapaniwala sa narinig, kitang kita sa nakataas nitong kilay.
"Bakit, ano ba'ng trabaho mo dati?" usisa sa kanya.
"Secretary niya," nakangiti niyang sagot.
Napanganga ang dalaga. Hanggang sa makalabas siya ng locker ay hindi na ito nakahuma pa.
-----------
Tulad ng kanyang inaasahan, naroon nga si Lenmark sa rooftop, tahimik na naghihintay sa kanyang paglapit.
Nang marinig ang tunog ng kanyang sapatos ay agad itong napapihit paharap sa kanya.
"Lovan!" nakangiting tawag. Sinalubong siya agad at inakbayan saka sila bumalik papasok sa nakabukas pa ring elevator. Saka lang iyon sumara nang makapasok sila.
"Baka naman magalit sa'yo ang nobya mo niyan. Sa halip na siya ay ako ang inihahatid mo pauwi," untag niya sa katahimikang biglang namayani sa kanila.
Mahina itong tumawa, inalis ang pagkakaakbay sa kanya saka umayos nang tayo paharap sa pinto.
"Sino, si Aeon?" anito.
"Ah, Aeon pala ang pangalan niya?" balik-tanong niya. Hmm... Sounds unique, parang 'yong napanood niyang movie noong kabataan niya, 'Aeon Flux'.
"Maganda siya, ha. Tsaka unang tingin pa lang, halatang ang bait niya," papuri niya sa babae.
Marahan na uli itong tumawa saka siya sinulyapan.
"Sinabi ko naman sa'yo, may iba na akong gusto," mahina nitong tugon.
Bigla siyang napatingin rito, her eyes were partly smiling and a bit curious.
"Sino? 'Yong crush mo no'ng college tayo?" pakaswal niyang tanong pero may halong panunudyo ang tono ng pananalita.
Ang lakas ng tawang pinakawalan ng binata. Tuloy ay nahawa siya't napahagikhik na rin.
"'Yong magandang babae sa wallet ko," pag-amin nito, pigil ang muling matawa.
"Oyyy, in-love na talaga ang bestfriend kong bakla," panunudyo niya nang biglang maalalang sa harap ng kanyang ama'y nagpapanggap itong bakla para lang makalabas-pasok ito sa kanilang bahay noon.
Tila ito kiniliti't napalakas ang tawa lalo na nang kunwari'y kukunin niya sa bulsa ng pants nito ang wallet.
"Patingin nga ako. Bestfriend mo ako pero wala man lang akong ideya kung sino 'yang crush mo na 'yan," kunwari'y paninibugho niya't akmang hahawakan ang bulsa ng slacks pants nito nang mahuli ng kaibigan ang kanyang mga kamay at dinala sa dibdib nito.
"Nope, Lovan. It's my biggest secret. You don't have to know her," katwiran sa kanya.
Nasa gano'n silang ayos nang biglang bumukas ang pinto ng elevator. Kapwa pa sila tumatawa ni Lenmark habang sabay na napatingin sa magkaparehang papasok sa loob. Nakaabrasete pa ang babae sa lalaking kasama ngunit nang makita sila'y biglang umiba ang ekspresyon ng mukha ng dalawa.
"Lenmark?!" bulalas ng babae.
'Zigfred!' hiyaw naman ng kanyang utak.
Paanong andito pa ang lalaking ito samantalang kanina pa itong alas singko nakalabas ng opisina? At bakit magkasama ito ang babaeng kasama ni Lenmark kanina papunta sa Admin department?
Aha! Talaga nga yatang may relasyon ang dalawa!
Subalit napalitan ng kaba ang kaninang tuwa nang makita ang pagbabago ng ekspresyon ng mukha ni Zigfred lalo't hanggang nang mga oras na iyo'y nakalapat pa rin ang kanyang mga kamay sa dibdib ng kaibigan habang ang huli nama'y wala yata siyang balak bitawan.
Napalunok siya. She could feel danger with his intense, unblinking gaze. Bigla tuloy pumasok sa isip niya ang sinabi nito noon. 'You can flirt with someone else but not in front of me.'
Namula agad ang kanyang magkabilang pisngi sabay iwas ng tingin rito't binawi sa kaibigan ang kanyang mga kamay pagkuwa'y napaatras sa likuran upang bigyan ng espasyo ang dalawang papasok. Iniyuko niya ang ulo, pakiramdam niya, guilty siya sa tila akusasyon ng lalaking nangangalunya siya sa lagay na 'yon.
"Ihahatid ko si Lovan pauwi," ang malamig na sagot ni Lenmark, umatras din at tumabi sa kanya sa pagkakatayo sa likuran.
Pumasok ang dalawa, sumara ang pinto ng elevator.
"Good to hear that. Ihahatid din ako ni Zigfred pauwi." Noon lang nakapagsalitang muli si Aeon, tila pa may bara sa lalamunan nito't agad na huminga nang malalim, lalong napakapit sa braso ng kasama at tumalikod sa kanila.
Katahimikan. Ngunit wala pang isang minuto'y muling nagsalita ang dalaga.
"By the way, saan ka pala ihahatid ni Lenmark?" baling sa kanya.
Napatingala muna siya sa kaibigan bago sumagot.
"Sa Mandaluyong po, Ma'am," alanganin niyang sagot, alanganin ding ngumiti nang mapansing hindi inaalis ng dalaga ang pagkakatitig sa kanya, parang sinasabing ano'ng meron sa kanya na wala rito.
"Bestfriend ko po kasi siya. Siya po ang tagahatid sa'kin mula pa noong college kami." Akward mang pakinggan pero napilitan siyang magpaliwanag.
Subalit, namali yata siya ng sinabi't bigla na lang lumingon sa kanya si Zigfred, salubong ang mga kilay at matiim ang titig na ipinukol sa kanya.
Muli siyang napayuko, naihawak ang mga kamay sa suot na slacks. Bakit ba pakiramdam niya, nakatutunaw ang nanghuhusgang mga titig nito na para bang kinokondena siyang nangangabit at nagkakasala sa kanilang pagiging mag-asawa.
'Bakit, may kasama din naman siya ah,' katwiran ng kanyang utak. 'Bestfriend ko naman si Lenmark ah. Eh 'yang kasama niya, malay ko ba kung pang-ilang kabit niya 'yan!'
Wala sa sarili siyang napaismid sa naisip.