Tahimik siyang nakatayo sa may likuran ng elevator ngunit alert ang kanyang mga mata sa pagpuna sa mga kilos ni Aeon na halatang hindi kumportable sa pagkakaabrasete kay Zigfred habang ang huli'y tila tuod na nakatayo paharap sa pinto.
Pansin niyang panay ang lingon ni Aeon sa kanila ngunit ngiti lang ang ipinupukol sa kanya kapag nagtatama ang kanilang paningin saka siya mariing tinititigan.
"Ang laki ng nunal mo, noh? Wala ka bang balak ipa-opera 'yan?" nang 'di makatiis ay pansin sa kanya.
"Ah, opo," sagot niya, hinipo ang fake na nunal sabay ngiti sa dalaga. "Hindi po sumagi sa isip ko 'yon, Ma'am. 'Tsaka wala po akong perang pampa-opera," mahina niyang sagot.
Palihim itong sumulyap kay Lenmark na sa kanya naman nakatitig, hindi lang basta titig, pigil pa ang mapangiti habang pinagmamasdan ang kanyang mukha. At ewan kung bakit siya nag-blush nang mahuli itong nakatingin sa kanya.
"Bakit?" maang niyang tanong.
"Wala. Hindi lang ako makapaniwalang katabi kita ngayon. Ang akala ko, totoo ang sinabi ni Madison na sumama ka na kay Francis papuntang New York," turan nito, hindi pa rin inaalis ang tingin sa kanya.
Napahagikhik siya sabay tapik sa braso nito.
"Asus, maniwala ka naman sa babaeng 'yon. Kailan pa ba 'yon nagsabi ng totoo?" pairap niyang sagot ngunit nakangiti.
"Lovan, ako na lang kaya ang maghatid-sundo sa'yo mula ngayon nang hindi ka mahirapang mag-commute," suhestyon nito.
Napatitig siya rito, inalam kung seryoso ba sa sinasabi. Nang masegurong hindi nga ito nagbibiro ay agad niyang ibinaling ang tingin sa ibang direksiyon.
"Huwag na ah. Mag-aangkas na lang ako. Mahihirapan ka sa biyahe," tanggi niya.
"Okay lang," maagap nitong sagot. "Matiyak ko lang na 'di ka na mapapahamak sa lalaking 'yon," giit nito.
Pagkatapos lang nitong magsalita'y saktong bumukas ang pinto ng elevator sa basement ng building. Nagmadaling lumabas ang dalawa na tila diring-diri sa pinag-uusapan nilang magkaibigan.
Si Lenmark nama'y walang sabi-sabing hinawakan siya sa kamay at iginiya papunta sa nakaparada nitong Aprilia RS 660 E5.
"Wow! Bumili ka ng bagong motor?" bulalas niya pagkakita lang sa motor. Hindi niya alam kung magkano ang halaga niyon pero sa itsura pa lang ay halata nang mamahalin iyon.
Napakamot ito sa batok, pigil ang ngiting bumaling sa kanya ngunit hindi pa rin binibitiwan ang kanyang kamay.
"Regalo ni Papa," ang tangi lang sagot.
Siya na ang kusang kumawala mula rito't parang batang lumapit sa motor saka hinimas ang upuan niyon.
"Hmmm...parang ang sarap sakyan," walang gatol niyang sambit, nagsusumigaw sa nakangiting mga mata ang excitement.
Subalit naputol ng isang tinig mula sa likuran ang sunod pa niyang sasabihin.
"Lenmark, pakihatid mo muna ako. Sira kasi ang gulong ng sasakyan ni Zigfred. Kailangan kong makauwi agad. May emergency kasi." Mula sa likuran ay biglang sumulpot si Aeon, nakikiusap ang mga matang humarap sa binatang nawala ang tuwa sa mukha. Mahina man ang boses ay pansin sa paraan ng pagsasalita nitong nang-uutos sa halip na nakikiusap.
Agad siyang napabaling sa kaibigan, nagtama ang kanilang paningin.
"Pero hindi kasi pwede sumakay si Lovan sa ibang--" pagdadahilan nito.
"Okay lang, Lenmark," putol niya sa sasabihin ng kaibigan. "Magba-bus na lang ako pauwi," saad niyang nakangiti, hindi pinahalatang gusto rin niyang ma-try sakyan ang motor na 'yon.
"Pero baka sumpungin ka 'pag sumakay ka do'n." Halata sa boses ng binata ang pag-aalala para sa kanya.
"Hindi. Okay lang ako, promise. Sumakay na ako ng bus dati pero hindi ako sinumpong," katwiran niya't sinabayan na ng talikod pagkatapos magsalita nang hindi na ito makahindi pa kay Aeon. Kanina pa kasi niya nahahalatang nagseselos ang dalaga sa kanya. Hindi man siya segurado kung ano'ng relasyon ng dalawa, mas mabuti nang lumayo siya kay Lenmark 'pag nasa paligid si Aeon.
Naglakad na lang siya palabas sana ng parking lot nang marinig ang humaharurot na sasakyan ngunit bigla na lang huminto sa kanyang harapan. Muntik na siyang mapasigaw sa pagkagulat kung hindi bumukas ang bintana ng kotse't dumungaw si Zigfred.
"Hop in," malamig na utos sa kanya.
"Ayuko!" Out of fear ay napalakas ang kanyang boses dahilan upang magsalubong agad ang magkabilang kilay ng lalaki.
Eksakto namang dumaan sa gilid niya ang motor ni Lenmark sakay ang dalawang aakalaing magjowa dahil nakapulupot ang dalawang braso ni Aeon sa tyan ng binata. Sinulyapan lang siya ng kaibigan ngunit kapansin-pansin ang pagtiim ng bagang nito.
"And you really want to ride with him, huh! Tell me, how did you two become lovers?" akusa sa kanya, mangani-nganing lumabas ng sasakyan para lang hilahin siya papasok doon.
Bigla ang pag-awang ng kanyang mga labi sa pagkadismaya. Did she hear him right? Pinagbibintangan sila ni Lenmark na magsyota? Gusto niyang matawa sa sinabi nito ngunit nang sumagi sa isip na ayaw nitong maniwalang hindi siya ang totoong si Lovan ay tumahimik na lang siya. Lalo na nang maisip na ito pa rin ang kanyang amo at sa kasawiang-palad ay asawa.
"Bakit ka naman nagagalit? Hindi ba't napagkasunduan nating wala tayong pakialamanan sa personal na buhay? Makipag-date ka kay Ma'am Aeon, okay lang, hindi ako magagalit. Pero hindi ka rin pwedeng mangialam sa'min ni Lenmark," mahinahon niyang katwiran ngunit lalong lang kumulimlim ang mukha nito, biglang bumukas ang pinto ng sasakyan, saka ito lumabas at agad na hinawakan ang kanyang kamay, pagkuwa'y agad siya hinatak papasok ng kotse.
"Hindi ako pwedeng sumakay rito." Bigla ang paglukob ng takot sa kanyang dibdib pagkadikit lang ng kanyang pwetan sa malambot na upuan sa likod ng driver's seat.
Hindi! Hindi siya pwedeng manatili sa loob niyon.
Subalit nang bumaling kay Zigfred, lalo siyang nakaramdam ng takot pagkakita sa mukha nitong tila lalapa ng tao sa galit dahil marahil tinakbuhan ito ni Aeon at kay Lenmark nagsinungaling na sira ang gulong ng sasakyan ng una para lang mapapayag ang binata sa gustong mangyari ng dalaga.
"Zigfred, hindi ako pwedeng sumakay rito." Nagsimula nang manginig ang kanyang tuhod, her tears was about to roll down from her cheeks.
Subalit walang pakialam ang lalaki sa nararamdaman niya. How could this guy be so cruel!
Mabilis na humarurot ang sasakyan palabas ng parking lot hanggang sa bagtasin na niyon ang maluwang na highway papunta sa City Garden Hotel.
Napahawak siya nang mahigpit sa dalang shoulder bag habang pilit na pinapanatag ang sarili. Hindi siya pwedeng magpadala sa takot. Sampung taon na ng lumipas pagkatapos ng aksidenteng iyon. Magaling na dapat siya ngayon.
'Lovan, Lovan, relax. It's just a car,' paulit-ulit niyang saway sa sarili. Pero hindi niya kayang kontrolin ang sariling katawan. Tila may sarili iyong utak at nagsimulang manginig.
'No! No! You have to control yourself! Don't freak out! You can do it!' sigaw niya sa sarili subalit nanunuot sa kanyang kalamnan ang lamig ng hanging nagmumula sa aircon, tila siya dinadala sa isang bangungot ng kanyang nakaraan.
Nagsimulang maglikot ng kanyang mga mata kasabay ng pagyakap niya sa sariling katawan. Her tears began to fall down from her red cheeks but Zigfred didn't care about her. He didn't even glance at her.
Nakisabay na rin ang kanyang mga bibig sa pagngatal dahilan upang lalo siyang makaramdam ng takot at hindi na mapakali sa kinauupuan.
Ngunit wala siyang lakas na makipagtalo sa lalaking walang alam kundi ang magalit sa kanya.
'Lenmark! Lenmark! Sinusumpong na ako!' sigaw ng kanyang isip ngunit walang Lenmark sa kanyang tabi.
'Kaya mo 'yan, Lovan! Kaya mo 'yan!' Gusto niyang labanan ang sariling takot. Gusto niyang papaniwalain ang sariling nakalimutan na niya ang lahat.
Subalit...
"Ihinto mo! Ihinto mo!" Sa wakas ay buong lakas niyang naisigaw ang nararamdaman dahilan upang biglang magpreno si Zigfred. Muntik na siyang mauntog sa headboard ng driver's seat ngunit wala siyang pakialam doon.
Bago pa siya tuluyang matalo ng kanyang trauma, nanginginig niyang binuksan ang pinto ng sasakyan at nagmadaling lumabas doon saka sinabayan ng takbo palayo sa sasakyan habang impit ang pag-iyak.
Ang laki niyang duwag. Para sasakay lang siya sa kotse pero hindi niya magawa. Hanggang kailan siya hahabulin ng bangungot na 'yon ng kanyang kahapon?