Chereads / The Stolen Identity / Chapter 29 - Hindi Siya Si Lovan Claudio

Chapter 29 - Hindi Siya Si Lovan Claudio

"Good morning po, Sir!" masaya niyang bati sa pumasok na HR manager sa loob ng opisina ni Zigfred. Eksakto namang naglilinis siya ng table ng amo, nahinto lang nang makita ang lalaki.

Pupungay-pungay pa ang mga mata ng panauhin na tila hindi nakatulog magdamag sa itim ng eyebags ngunit napamulagat pagkakita sa kanyang naglilinis sa loob ng opisina.

"Oh, ba't andito ka? Hindi ba't ginawa na kitang janitress sa labas?" pumipiyok pang usisa.

Siya naman ang takang napatitig dito.

"Hindi po ba sinabi ni Mr. Arunzado na pinabalik niya ako bilang secretary nang makita niyang kausap ko sina Lenmark at Ma'am Aeon kahapon?" balik-tanong niya.

Lalong nanlaki ang mga mata ng kausap saka curious na lumapit sa kanya.

"You called Mr. Villaloso by his name?!" 'di makapaniwalang bulalas nito.

Maang siyang napatango.

"Opo. Bakit, ano po ba'ng dapat kong itawag kay Lenmark?" lito niyang usisa.

Napanganga na ang lalaki saka siya hinampas sa braso.

"Loka! General manager natin 'yon. Matuto kang gumalang sa mga boss mo!" sermon sa kanya, nakataas pa ang kilay at iminuwestra ang isang kamay paitaas.

Gusto niyang mapahagikhik sa naging reaction ng HR manager. Paano'y gay pala ito, hindi lang halata dahil sa machong katawan. Ngunit mas nagulat siya sa nalamang GM pala ng kompanyang iyon si Lenmark.

Napalunok siya, sinikap na huwag ma-overwhelm sa nalaman. Ngunit mayamaya'y humagikhik na. Kaya pala nagbago agad ang ihip ng hangin kahapon pagkakita ni Zigfred sa kaibigang binibigyan siya ng phone. To her surprise, bigla siya nitong ibinalik bilang secretary. What's the reason? Natakot na may masabi si Lenmark dito kapag nagsumbong siya? Pero CEO ito ng kompanyang iyon, ba't ito kakabahan kay Lenmark?

"Ano 'ka mo? Ginawa ka na uling secretary ni Sir? Mabuti naman kung gano'n. Wala na kasi kaming mahanap na kasing pangit mo," komento ng kausap.

Awtomatikong napataas ang kanyang kilay sa huli nitong sinabi kasabay ng pag-ismid.

"Si sir talaga. Para namang ako na ang pinakapangit sa buong mundo," angal niyang nakanguso, ipinahalatang nasaktan siya sa sinabi nito.

"Gaga! H'wag kang magdrama d'yan at darating na si sir. Tapusin mo na ang ginagawa mo't baka mapagalitan ka na naman," singhal sa kanya.

Sa halip na matakot ay napahagikhik pa siya. Masaya palang kausap ang baklang ito. Pakiwari niya'y matagal na silang magkaibigan sa paraan ng pakikipag-usap sa kanya.

"Eh sir, ano naman ang relasyon ni Ma'am Aeon kay Sir Zigfred?" usisa niya.

Napalakas ang hampas nito sa kanyang braso.

"Tsismosa! Magtrabaho ka na nga!" singhal na uli sa kanya't nagmadali nang lumabas ng opisina.

Naiwan siyang humahalakhak. Ang saya ng umagang iyon. Bigla niya tuloy nakalimutan ang pinagdaanan kahapon pagkatapos niyang lumabas sa sasakyan ni Zigfred.

Inihilig niya ang ulo. Ayaw na niyang maalala pa ang bagay na 'yon. Bibilisan niya ang paglilinis sa mesa ng masungit niyang amo.

Kagabi pa niya isinaulo ang mga dapat gawin kada umaga. Magtitimpla ng kape nito pagkadating lang ng lalaki. Tapos ibibigay niya ang list ng appoinment nito sa loob ng isang linggo. Nakalagay iyon sa isa sa mga folder na naka-save sa USB.

Pero unang-una'y sinegurado niyang hindi magkakulay ang mga suot nilang damit ngayon. Iyon ang una niyang ini-memorize kahapon, ang kulay ng suot nitong damit araw-araw. Ngayon, kulay azure ang coat nito. Lavender naman ang suot niyang blouse at itim ang slacks saka itim din ang flat shoes na suot.

Ilang minuto rin ang iginugol niya sa paglilinis ng buong opisina. Ang pag-aayos naman ng list of appoinments nito ang kanyang trinabaho. Tamang-tamang katatapos lang niyang mag-print nang biglang bumukas ang pinto ng office.

Pumasok sa loob ang lalaking nakakulay-azure blue na coat, nakapatong sa kulay light blue nitong shirt.

"Good morning po, Sir!" nakangiti niyang bati sabay yuko saka palihim na sinulyapan ang kulay ng pants nitong azure blue. Lalong lumapad ang kanyang ngiti. Subalit nang mapansin ang itim nitong sapatos, napahawak siya sa gilid ng kanyang mesa sa kaba. Bakit ang nabasa niya, brown ang isusuot nitong sapatos ngayong araw? Lagot na!

Panakaw siyang nag-angat ng mukha ngunit nang magtama ang kanilang paningin ni Zigfred ay agad namutla ang kanyang pisngi't mabilis na yumuko.

"Ah, Sir. Ipinatigil ko na po ang paghahanap ng bagong secretary para sa inyo. 'Cause, aside from the fact that we couldn't find a face uglier than the one we've hired before, I had been informed that you already hired Lovan back as your new secretary." Boses ng HR manager ang kanyang narinig.

Kasama pala ito ni Zigfred papasok ng opisina. Saka lang siya naglakas ng loob na mag-angat ng mukha. Tamang-tama namang nakatingin sa kanya ang manager at sinenyasan siyang magtimpla ng kape para sa kanilang amo. Nabasa niya sa folder, cappuccino ang paboritong kape ng huli.

Tumalima siya, nagtungo sa kitchen sa loob ng office. Kanina pa niya kinabisado ang bawat kabinet na nakadikit sa wall sa itaas ng island ng lababo--mula sa lagayan ng cup ng amo; ang lagayan ng iba't bang klase ng imported coffee sachets; asukal na nasa sachet din; teaspoons at iba pa.

Kumuha siya ng isang sachet ng ready made na cappuccino, kumuha rin ng cup sa lagayan at nilagyan iyon ng mainit na tubig sa dispenser.

Mayamaya pa'y hinahalo na niya ang tinimplang cappuccino para sa lalaki. Ipinatong na lang niya iyon sa platito at binibit na pabalik sa kinaroroonan ng dalawa.

"Keep an eye on them. Next time na lumapit pa sila sa kanya, alam mo na ang gagawin mo."

Napahinto siya sa narinig mula kay Zigfred. Na-curious agad kung sino ang tinutukoy nito.

"I got it. By why did she run away from you?" usisa ng HR manager.

Biglang kumabog ang kanyang dibdib. Sino ang pinag-uusapan ng dalawa? Siya ba? Pero imposible. Hindi alam ng manager na siya ang asawa ni Zigfred.

"I need my coffee now!" malakas na utos ng lalaki. Hindi man sa kanya tumingin ngunit alam niyang nakita siya nito.

Napaatras ang HR manager saka siya sinenyasang lumapit.

"Ito na po ang coffee niyo, Sir," aniyang alanganing lumapit at dahan-dahang inilapag sa mesa nito ang tinimplang kape.

"What's my appoinment for today?" tanong sa kanya, sa hawak na folder nakatingin.

"At 1PM, makikipagkita po kayo sa CEO ng SSD bank sa loob ng Bonchon Chicken in Lucky Chinatown Mall. At 4PM, contract signing naman po sa loob ng MegaMall kasama si Miss Dorothy Chua. 'Yan lang po for today," mangas niyang sagot. Naka-encode na kasi 'yon sa utak niya. Lahat ng nabasa niya sa folder lalo na sa mga appointment nito'y nakarehistro isa-isa sa kanyang utak.

Hindi ito sumagot, pero nang palihim siyang sumulyap sa HR manager ay nag-thumbs up ito sa kanya. Ibig sabihin, she answered well.

Napangiti siya at pinuri ang sarili. Salamat naman at tama ang naisagot niya.

Sandaling katahimikan hanggang sa magpaalam ang HR manager at lumabas ng opisina.

Saka lang din dinampot ni Zigfred ang tinimpla niyang kape habang ang mga mata'y hindi inaalis sa pagkakatitig sa hawak na document.

Samantalang siya'y nakayuko lang na nakatayo sa harap ng mesa nito, inaantay na may iutos pa sa kanya.

Subalit ano'ng gulat niya nang pagka-inom nito sa kape'y bigla na lang ibinuga palabas sa bibig sabay tayo at padabog na inilapag sa mesa ang tasang hawak.

"Dammit! What kind of coffee is that?! Hindi ka ba marunong magtimpla ng kape?" singhal sa kanya.

Nangatog bigla ang kanyang mga tuhod sa takot. Paano'ng hindi nito nagustuhan ang kanyang gawa, samantalang nasa sachet na iyon, alam niyang lalagyan na lang 'yon ng tubig tapos hahaluin ng teaspoon, tapos na? Pwede na iyong inumin.

"Sensya na po, Sir. Hindi ko kasi tinikman 'yon bago ibigay sa inyo," paghingi na lang niya ng sorry kesa makipagsagutan pa rito't tawagin itong maarte.

Alanganin siyanmg nag-angat ng mukha at sinulyapan ito ngunit nang makitang salubong ang mga kilay ng lalaki'y muli siyang napayuko. Baka mamaya, sigawan na naman siya.

"A-ano po ba'ng timpla ng kape ang gusto niyo? May asukal po ba o wala?" Nag-i-stammer ma'y lakas-loob pa rin niyang tanong.

"You really have full of tricks up your sleeve, Lovan. But you can never fool me with your so called ignorance right now." malamig nitong tugon, hindi man galit ang boses ngunit naroon ang pagbabanta sa tono ng pananalita nito.

Doon na siya nagtaas ng mukha at deretsong tumingin sa mga mata ng lalaki.

"I already told you. I'm not Lovan Claudio. Kahit itanong mo pa kay Lenmark. Galing kaming dalawa sa Bacoor. Bestfriend ko siya for ten years. Ayaw mo lang kasing maniwalang hindi ako ang jowa mo." Kahit magalit ito'y kailangan niyang ipagpilitan ang kanyang side dahil iyon ang totoo.

"Shut up." mahina ngunit maawtoridad nitong utos habang pinupunasan ng tissue ang nabasa nitong coat ngunit nang 'di matanggal ang mantsang mabilis na kumapit roon ay napilitan iyong hubarin.

"Totoo ang sinasabi ko. Hindi nga ako ang jowa mo! Kahit tignan mo pa ang resume na ipinasa ko rito. Lovan Arbante ang pangalan ko, hindi Lovan Claudio," giit niya, wala nang pakiaalam kung magalit man ito.

Nag-angat ito ng mukha. His eyebrows pulled down together, and those venomous glare at her could already tell what was in his mind. Huwag nang isali ang pagtiim ng bagang nito para masabi niyang galit ito sa kanya.

Subalit hindi niya inaasahang susunggaban siya ng lalaki at hahawakan nang mahigpit sa kanyang braso.

Gusto niyang umaray at isigaw na nasasaktan siya sa ginagawa nito. Subalit, bakit ba wala siyang lakas na sabihin iyon lalo na't ramdam niyang kanina pa nangangatog ang kanyang mga tuhod sa takot na baka hindi lang 'yon ang gawin nito sa kanya?

Kaya't napapikit na lang siya't ininda ang sakit habang ang isa niyang kamay ay nakahawak nang mahigpit sa suot niyang slacks pants.

Inilapit nito ang mukha sa kanyang tenga.

"I honestly don't care who you are, woman. But the fact that you've gone this far to become my wife and my secretary, don't ever think that I would be grateful to you. Don't even expect anything good from me!" nanunuya nitong usal sa kanyang tenga, may diin sa bawat binibigkas na salita, naroon ang pagbabanta sa pwede pa nitong gawin maipakita lang na hindi ito natutuwang kasama siya sa lugar na 'yon.

Gosh! Hindi niya alam kung bakit siya napahikbi. Hindi para sa kanya ang mga salitang iyon, para 'yon sa totoong si Lovan Claudio. Pero bakit biglang bumigat ang kanyang dibdib, tila may munting karayom na nakatusok doon.

Hindi siya dapat magpaapekto sa sinasabi nito. Subalit bakit siya nasasaktan emotionally?

"Ouch!" Iyon lang ang tangi niyang naisigaw nang mabalasik siya nitong itulak palayo sa mesa. Buti na lang, naibalanse niya ang katawan at hindi nadapa sa tiles na sahig.

Mangiyak-ngiyak niya itong tinapunan nang matilim na tingin habang hinihimas ang nasaktan niyang braso saka walang sabi-sabing lumabas sa lugar na iyon.