Chereads / The Stolen Identity / Chapter 33 - Ang Isip Batang Boss

Chapter 33 - Ang Isip Batang Boss

"Salamat," ang unang lumabas sa bibig ni Lovan nang makababa mula sa motorsiklo ni Lenmark, pagkuwa'y ibinalik dito ang gamit niyang helmet.

"Sasamahan na kita papasok," yaya nito.

"H'wag na," maagap niyang sagot, hindi ipinahalatang biglang namutla ang kanyang magkabilang pisngi. Nang bumaling ito sa kanya'y agad siyang yumuko't kukunin sana sa bag ang binigay nitong phone ngunit noon lang niya napansing hindi pala niya hawak ang bag at ang phone nito'y itinapon ni Zigfred sa basurahan kanina.

"Kahit hanggang sa counter lang," giit nito't hindi na hinintay na makatanggi siya, hinawakan na uli siya sa kamay at umakbay sa kanya hanggang sa makapasok sila sa loob ng hotel.

Hindi na siya umimik pa. Sumabay na lang dito sa paglalakad.

"Lenmark, ako na lang ang papasok sa elevator. Umuwi ka na." Huminto siya sa tapat ng elevator at humarap sa binata.

Pinagmasdan muna siya nito nang mariin bago bumuntunghininga at tumango.

"Mag-iingat ka, ha? Bukas susunduin kita rito para sabay tayong pumasok sa trabaho," paalam nito.

"H'wag na!" napataas ang kanyang boses na ikinapagtaka nito at nagtatanong ang mga matang tumitig na uli sa kanya.

"Magpapa-book na lang ako sa Angkas. Okay lang ako, promise." Sinabayan niya ng matamis na ngiti ang sinabi upang huwag itong mag-alala, saka dahan-dahang binawi ang kamay na hanggang ng mga sandaling iyo'y hawak pa rin nito.

"Okay, sige. Aantayin na lang kita sa rooftop bukas." Ito na ang kusang sumuko at sumang-ayon na lang sa gusto niyang mangyari.

Agad siyang tumango't nagmadali nang maglakad papasok sa elevator.

Pagkabukas lang ng pinto't makitang walang tao sa loob ay mabilis niyang tinanggal ang wig at fake na nunal sa mukha. Ngunit muntik na siyang mapahiyaw sa gulat nang biglang lumipad ang isang bagay sa kanyang mukha. Nang masalo niya iyo'y nanlaki agad ang kanyang mga mata nang makilala ang sariling bag.

Awtomatikong napadako ang tingin niya sa pumasok sa elevator.

'Zigfred!' Hiyaw ng kanyang isip, biglang nagregudon ang kanyang dibdib sa kaba at namumutlang napaatras hanggang sa mapasandal ang likod sa dingding ng elevator.

Tahimik na tumayo ang lalaki sa kanyang tabi habang ang mga mata'y nakatingin sa labas ng pintong hindi pa rin sumasara nang mga sandaling iyon.

Pinakalma niya ang sarili. Wala na sila sa kotse nito para matakot siya. Tahimik niyang isinilid sa loob ng bag ang kanyang wig at fake na nunal saka kumuha ng bulak doon at bote ng micellar water. Nagsimula siyang maglinis ng mukha para tanggalin ang mga pimple na inilagay niya roon.

"You're really good at acting, huh?" puna ng kasama nang sumara na ang pinto.

Pairap niya itong sinulyapan ngunit hindi sumagot, ipinagpatuloy lang ang ginagawa.

"Lenmark is a good catch. But I wonder why you chose to pretend as his bestfriend to bewitch him," pang-aakusa sa kanya, ang mga kamay ay nakapaloob sa magkabilang bulsa ng slacks nito ngunit ang mga mata'y nakatingin sa may pinto.

Humaba ang kanyanv nguso, kumibot-kibot ang mga labi ngunit hindi pa rin siya nagsalita.

Humarap na ito sa kanya't inagaw ang ginagamit niyang bulak.

Tumaas-baba ang kanyang dibdib sa inis, pero naisip niyang walang patutunguhan kung papatulan niya ito kaya minabuti niyang tumahimik na lang. Kumuha na uli ng bulak sa bag at nilagyan iyon ng micellar water saka muling kinuskos ang mukha.

"Is he better than me?"

Natigilan siya sa tanong na 'yon, sandaling nag-isip.

"Well--yes," pakaswal niyang tugon at walang anumang ipinagpatuloy ang ginagawa, sa isip ay nagtatanong kung bakit tila ito naging madaldal ngayon, wala yata siyang balak tantanan sa pag-uusisa. Pakiramdam pa nga niya'y para itong batang nagtatampo dahil seguro sa nangyari kanina nang takbuhan niya ito.

Takang panakaw niya itong sinulyapan. Nagseselos ba ang aroganteng 'to? Nagseselos dahil hindi pa rin ito naniniwalang siya si Lovan Arbante at bestfriend niya si Lenmark? Baka iniisip nitong may relasyon nga sina Lenmark at ang totoong Lovan Claudio?

Nang masulyapang nagtatagis ang bagang nito'y hindi niya naiwasang mapangisi. Buti nga dito. Mamatay ito sa selos. Sa gano'ng paraan lang siya makakaganti sa ginagawa nito sa kanya.

"In fact, gusto niya akong ihatid sa tinitirhan ko, ayuko lang na pagkaguluhan siya roon ng mga babae," dugtong niya, gustong alamin kung ano'ng magiging reaksyon nito.

Subalit nagulat siya nang sa pagbukas ng pinto sa 10th floor ay bigla siya nitong hinawakan sa braso't itinulak palabas ng elevator.

Muntik na siyang mapasubsob sa semento sa ginawa nito.

"Walanghiya! Tarantado! Isip bata!" ganti niyang sigaw nang makabawi subalit sumara bigla ang pinto kaya hindi niya alam kung narinig siya nito.

Humahaba ang ngusong hinanap niya ang hagdanan paakyat sa 15th floor kung saan naroon ang suite nito. Siraulo talaga ang lalaking 'yon. Para lang sa sinabi niyang 'yon, sukat siyang itulak palabas ng elavator. Sa opsina'y halos 'di makipag-usap sa kanya. Ngayon nama'y biglang nagbago ang ihip ng hangin at nang magsalita na siya'y gano'n agad ang ginawa sa kanya! Isip bata! Parang eng-eng na nagta-tantrums.

Gigil na tinakbo niya ang hagdanan paakyat sa 15th floor nang matapos agad ang pakay niya sa hotel na 'yon upang makauwi siya nang maaga sa kanyang boarding house.

Subalit nang marating na ang pakay na suite ng lalaki'y tumambad sa kanya ang ama ni Lovan na nakadapa sa sahig habang nakataob naman ang wheel chair nito sa paanan ng ginoo sa labas ng pinto ng suite ni Zigfred.

"Tatanga-tanga ka kasi!" sigaw ng ina ni Lovan sabay sampal kay Yaya Greta na kapwa nasa harapan lang ng ginoo.

Takang lumabas mula sa loob ng suite si Zigfred. Siya nama'y tumakbo nang lumapit sa tatlo't mabilis na inalalayan ang nakadapang ginoo samantalang ang lalaki'y binuhat na ang huli papasok sa loob ng suite at inihiga sa kamang dati niyang hinigaan.

"P-papa, nasaktan ba kayo?" nag-aalala niyang tanong sa ama ng totoong si Lovan.

Bumukas-sara ang bibig nito habang ang mga mata'y nagsimula na namang lumuha sa tuwa nang makita siya. Nagpilit itong iangat ang mga braso upang mahawakan siya ngunit 'di nito magawa.

Bunsod ng awa sa kalagayan nito'y siya na ang kusang sumampa sa kama, inilapag sa ibabaw niyon ang dalang bag at niyakap ang ginoo.

"Hay naku, Lovan. Iyang ama mo, hindi ko na makontrol ang ugali. Paano kong maaasikaso ang negosyo natin sa Sorsogon kung ganyang ayaw niyang umuwi? Hindi ko naman siya maiwan rito't walang mag-aalaga dahil kailangan ko rin si Manang Greta sa mansyon," nakairap na reklamo ng ina ni Lovan habang panakaw ang sulyap sa tahimik na si Zigfred. Tila nagpaparinig sa lalaki.

Tinigasan niya ang mukha nang masulyapan si Yaya Gretang kumikibot-kibot ang bibig sa tabi ng ginang, tila may gustong sabihin sa kanya. Saka niya naaalala ang sinabi nitong hindi siya pwedeng magpakita ng kahinaan sa harap ng ina ni Lovan.

"Ako na'ng bahala sa kanya. Umuwi na kayong mag-isa. Dito muna si Yaya Greta kasama ni Papa," malamig niyang saad.

Lihim na napangiti ang ginang ngunit bigla ring nagbago ang ekspresyon ng mukha saka lumapit na't umupo sa gilid ng kama.

"Pero, anak. Alam kong hindi ka makatiis sa ugali ng papa mo kapag nagta-tantrums. Baka hindi ka na naman makatulog niyan nang maayos, umatake na naman ang insomnia mo," nag-aalang sambit nito't hinawakan siya sa balikat ngunit agad siyang pumiglas na ikinapagtaka nito.

Pakiramdam niya, bigla siyang nakaramdam ng galit dito na kung pwede lang ay hindi niya makita ang pagmumukha nito.

"Okay, fine. Isama mo si Yaya Greta pauwi. Si Zigfred na ang bahalang maghanap ng mag-aalaga sa kanya," malamig pa rin niyang tugon, pagkuwa'y bumaling kay Zigfred na tahimik lang nakatayo sa gilid ng kama sa tapat niya.

"Yes, We'll take care of him," segunda ng lalaki, sa wakas ay nagkasundo din sila't sumang-ayon ito sa kanya, ngunit hindi sa kanya nakatingin kundi sa ginoong tuwang-tuwang nakadikit ang dibdib sa kanya.

Dahan-dahan niyang inilayo ang katawan rito saka bumaling sa yaya.

"Yaya, nasaan ang mga gamit ko?" pasinghal niyang tanong rito.

Napangiti nang lihim ang tinawag nang marinig ang kanyang sinabi saka panakaw na nag-thumbs up sa kanya.

Siya nama'y nagmadaling lumabas ng kwarto, ngunit sa halip na ang katulong ay ang ina ni Lovan ang sumunod sa kanya palabas saka siya hinawakan sa braso't niyakap.

"You really did it, Lovan," masayang wika, pagkuwa'y bahagyang inilayo ang katawan sa kanya saka siya hinawakan sa magkabilang braso.

"Ganyan nga anak. Kailangang makontrol at mapasunod mo si Zigfred nang hindi tayo mahirapang kunin sa kanya ang kayamanan ng mga Arunzado," bulong sa kanya.

Biglang kumunot ang kanyang noo. Ano'ng sinasabi nito? Talaga ba'ng yaman lang ni Zigfred ang habol ng dalawa lalo na ng babaeng ito?

"O, bakit? Ayaw mong gawin?" Nagsalubong bigla ang kilay ng ginang, humigpit ang hawak sa kanyang mga balikat.

"I'm warning you, Lovan. Sundin mo ang sinasabi ko nang hindi tayo mapahamak na dalawa! Hangga't naririyan ang inutil na 'yan, mananatiling tagilid ang lihim natin." babala sa kanya, tumiim ang bibig nito't nanlaki ang mga mata.

Yumuko siya upang hindi ito makahalatang hindi siya ang anak nito.

"Y-yes. P-pero mahirap kontrolin si Zigfred. Baka makahalata siyang nagpi-pretend lang ako sa harapan niya," sambit niya kasabay ng pagkabog ng dibdib. Paano kung hindi pala tama ang sinabi niya? Baka mapahamak siya sa kamay nito ngayong ramdam niyang mas mapanganib ito kesa kay Zigfred.

Muli siya nitong niyakap. "Gaga! Walang mahirap sa vocabulary mo. Nagawa na natin 'to noon, magagawa rin natin 'to ngayon. Tandaan mo, kailangang mapasayo ang lahat ng yaman ni Zigfred!" bulong sa kanya subalit naroon ang awtoridad sa bawat lumalabas na salita sa bibig nito.