Heto na naman siya sa rooftop, inaaliw ang mga mata sa pagtanaw sa ibaba. Naging stress reliever na yata niya ang pagtayo sa barandilya sa gilid niyon at pagmamasid sa mga sasakyang tila mga laruan lang na nagpakapila sa kalsada, halos hindi umuusad sa sobrang trapik ngunit nang may umalingawngaw na sirena ng ambulansya ay himalang mabilis na nagsipagtabi upang bigyang espasyo ang naturang sasakyan.
Napansin niya ang malapit na mall sa tapat ng building na kinaroroonan. Labas-masok ang mga tao sa maluwang na pinto niyon habang may ilang mga pulubing namamalimos sa may gilid ng building subalit higit na nakaagaw ng kanyang atensyon ang isang batang hawak sa kamay ang dalawang taon lang yatang kapatid at sa isang kamay ay ang ilang bigkis ng sampaguita, ibinibenta nito iyon sa bawat pumapasok sa mall.
Napangiti siya, desperado na talaga siyang kalimutan ang nangyari kanina kaya't kahit sa taas ng kinaroroonan niya hanggang sa baba ay kitang-kita pa rin niya ang ganoong eksena sa katapat na mall. Subalit ang pagkulimlim ng kalangitan nang hapong iyon ay hindi niya pansin.
Sandali siyang natigilan. Tila kasi magnanakaw na bigla na lang sumagi sa kanyang isip ang nangyari sa kanila ni Zigfred kanina. At nang sa pagbalik nito'y kasama na ang HR manager na kulang na lang ay bitayin siya sa sobrang dami ng ipinagawa sa kanyang paperworks. Pati ang pagkakalkal ng mga lumang dokumento ay sa kanya pa ipinagawa. Simula daw iyon ng matinding training niya upang hindi na siya magkamali sa sunod at mawala ang katangahan niya sa trabaho.
Sa lalim ng iniisip ay hindi niya napansin ang paglapit ni Lenmark. Muntik na nga siyang mapasigaw sa pagkagulat nang biglang itong umakbay sa kanya mula sa likuran.
"Lenmark!" bulalas niyang nanlalaki pa ang mga mata.
Mahina itong tumawa at sinundan ng tingin ang kanina pa niya pinagmamasdang tanawin, pagkuwa'y humugot ng isang malalim na buntunghininga, saka bumaling sa kanya.
Siya nama'y hinayaan lang ito sa gustong gawin at muling ibinaling ang tingin sa katapat na mall.
"Nagtatampo na ang mama mo. Kahapon ka pa raw niya tinatawagan pero out of reach ka raw lagi," pakli nito.
Doon lang siya kunut-noong napatitig sa makinis nitong mukha. Hindi tulad kay Zigfred, mapagkakamalan ang kaibigang isang korean actor sa buhok nitong shaggy black style. Kahit ang hugis ng mukha nito'y mala- Lee Min Ho, pati ang hugis ng mga labi. Hindi nakapagtatakang habulin ito ng ilang kababaihan. Hindi rin nakapagtatakang pati si Zigfred ay nagseselos dito.
Bahagya pa siyang nagulat nang pitikin nito ang tuktok ng kanyang ilong sabay pakawala ng isang marahang tawa.
"By that look in your eyes, baka maniwala na akong pati ikaw ay may gusto na rin sa'kin," pabiro nitong saad, lalong nilakasan ang tawa ngunit kapansin-pansin ang paghigpit ng hawak sa kanyang balikat.
Napagaya na rin siya't bumingisngis sabay hampas sa balikat nito.
"Sira, bakla ka pa rin sa paningin ko," pabiro niyang sagot.
Sabay silang nagpakawala ng isang nakakahawang tawa.
Ilang segundo ang lumipas ay biglang sumeryoso ang mukha ni Lenmark.
"Kelan kita sasamahan pauwi sa boarding house mo?" usisa bigla, tinanggal na ang braso nito sa pagkakaakbay sa kanya at inihawak iyon sa barandilya ng rooftop, tulad ng ginawa niya saka iniiwas ang tingin.
Siya nama'y hindi nakaimik lalo na nang maalala ang sinabi nitong nagtatampo na ang kanyang mama dahil hindi niya sinasagot ang tawag ng huli.
Ngayon lang din niya naalalang itinapon pala ni Zigfred sa basurahan ang phone na ibinigay ng kaibigan.
"I can give you another phone just in case you lost the old one," pasaring ng binata ngunit hindi sa kanya nakatingin.
Tipid siyang ngumiti, tinitigan ito sa mukha. Nang magtama ang kanilang paningin ay muling sumilay ang isang ngiti sa mga labi nito.
"I know how hard it is to be the CEO's secretary. Sooner or later, you'll also be kicked out from there. Hindi man si Zigfred ang gumawa niyon, maaaring ang masungit niyang asawa," pag-iiba nito ng usapan.
Hindi siya umimik, nanatili lang nakatitig sa malamyos nitong mga mata. Pilit niyang inaalam kung saang parte ito mas nakalalamang kay Zigfred. Sa mukha, walang itulak-kabigan sa dalawa. Sa ugali, mas lamang talaga si Lenmark sa psycho na 'yon. Mabait kasi si Lenmark, thoughtful at sensible na lalaki.
"Pakisabi kay Mama, tatawag ako mamaya pag-uwi ko sa boarding house." Sinadya niyang iba ang isagot sa sinabi nito, pagkuwa'y marahang iniyuko ang ulo.
"Lovan, kung gusto mong lumipat ng trabaho, pwede kitang i-recommend sa isa kong kaibigan," presenta nito, humarap na sa kanya.
Tila nabalutan ng lungkot ang kanyang mukha. Ngayon lang niya naalalang general manager pala ito sa kompanyang iyon at pamangkin ng mga magulang ni Zigfred. Subalit hindi gano'n kadali ang paglayo sa arogante niyang asawa lalo at nagpresenta siyang alagaan ang ama ni Lovan sa suite ng lalaki.
Nag-angat siya ng mukha at pilit ang ngiting pinakawalan saka nakipagtitigan sa kaibigan.
"I'm okay Lenmark. I can handle him. Masungit lang siya sa trabaho pero hindi naman seguro siya masama. Meron din akong atraso sa kanya kanina kaya kailangan kong ayusin muna 'yon," katwiran niya pagkuwa'y tumingala sa langit nang marinig ang malakas na kulog.
"May gagawin pa ako sa opisina ng boss ko. Mauuna na ako," paalam niya pagkuwan at nagsimulang maglakad palayo sa binata.
"Ihahatid kita pauwi mamaya," habol sa kanya.
"Huwag na. Baka magalit pa sakin ang mga jowa mo," tanggi niya sabay tawa pero hindi itinigil ang paglalakad hanggang sa makapasok sa elevator.
-------
Pagkabalik lang sa opisina ni Zigfred, hinanap niya agad sa trash bin ang itinapon nitong phone pero wala na iyon doon. Saka naman pumasok ang HR manager, siya agad ang nilapitan.
"Binilhan na kita ng company phone para may magamit ka sa work at nang hindi ako nahihirapang kontakin ka," pakaswal nitong sambit nang nakataas ang kilay sabay abot sa kanya ng isang paper bag.
Hindi na siya nagdalawang-isip at tinanggap iyon. iPhone 11 Pro ang nakasulat sa labas ng kahon.
"Hindi ba 'to mahal?" kunut-noo niyang usisa.
Humalukipkip lang ang manager sabay irap sa kanya. "Company phone nga 'yan. Lahat ng mga empleyado dito meron niyan," sagot sa kanya nang mapansing nag-aalangan siyang kunin ang bagay na 'yon.
"'Tsaka pinagawan na kita ng company ID mo nang hindi ka pinagkakamalang janitress sa labas," pakli nito agad sabay turo sa laman pa ng bag.
Doon na siya napahagikhik, kinuha agad ang sinasabi nitong ID. Sa wakas, meron na siya niyon para magamit sa pag-aasikaso niya sa bangko. Mamaya din pagkauwi niya, dadaan muna siya sa bangko para i-withdraw ang pera niya sa nawalang ATM nang makadalaw na siya sa mga magulang. Tamang-tama. Sabado na bukas, wala siyang pasok.
"Salamat po, sir," nakangiti niyang saad sa manager saka lumapit sa kanyang cubicle at inilapag sa ibabaw ng mesa ang bag.
"Ahm, Miss Arbante. Nasa parking lot na si Sir at hinihintay ka," alanganin nitong wika, pagkuwa'y agad na tumalikod.
Siya nama'y biglang napaharap dito.
"Ha? Wala pang alas kwatro ah."
Sumimangot bigla ang manager. "Ano ngayon kung wala pang alas kwatro. Umalis ka na't inaantay ka ni Sir sa parking lot!" singhal sa kanya.
Sa takot ay agad niyang dinampot ang paper bag at inilagay sa loob ng kanyang shoulder bag saka nagmadaling lumabas ng opisina.
Naiwang napapailing si Jildon, hindi makapaniwala sa nakikitang ugali niya.
Inaasahan na niyang makikita si Zigfred na nakatayo sa harap ng kotse nito subalit nang makita ang lalaki'y nakahalukipkip ito habang nakatayo sa tabi ng isang Kawasaki Z1000 R edition. Sandali siyang napahinto sa paglalakad at pinagmasdan ang bago nitong outfit.
Taliwas sa lagi niyang nakikitang outfit nito sa opisina, ngayo'y nakasimpleng t-shirt lang itong azure blue at naka-tucked in sa itim na pantalong maong. Puting rubber shoes ang suot nitong sapin sa paa, Nike ang tatak.
Hindi niya mapigilang mapasinghap sa paghanga sa lalaking kahit hindi marunong ngumiti'y hindi maikakailang makalaglag-panty sa kagwapuhan lalo ngayo't nakasuot itong sunglasses, tinanggal lang at inilagay sa tuktok ng ulo pagkakita sa kanya na lalong bumagay sa simple nitong suot.
Nang hindi siya tuminag sa kinatatayuan ay nagsalubong agad ang mga kilay nito't nilapitan siya.
"I don't have the patience to wait for a long time," malamig na wika saka siya hinawakan sa kamay at hinila palapit sa motorsiklo.
"N--asaan ang kotse mo?" She stammered. Pansin niya agad ang panlalamig ng sariling mga kamay at ang kakaibang kabog ng dibdib. Subalit nang marahan iyong pisilin ng lalaki'y himala't biglang uminit ang kanyang palad.
"You don't wanna ride in the car so I bought this," pasimpleng sagot sabay turo sa motorsiklo.
Lalo siyang natahimik at panakaw itong sinulyapan. Baka kasi hindi ito ang Zigfred na nakilala niya. Baka isa itong impostor. Ano'ng nakain nito't kino-consider na ngayon ang kanyang ayaw at gusto?
Salubong ang kilay na bumaling ito sa kanya ngunit nakapagtatakang tila ata walang balak na bitiwan ang kanyang kamay.
"Don't you like it?" he asked in an arrogant voice.
Namula bigla ang kanyang pisngi. Ano ba'ng isasagot niya? Hindi lang siya makapaniwalang bibili ito ng motorsiklo dahil lang sa ayaw niyang sumakay sa kotse nito.
"Maganda siya," sa kawalan ng sasabihin ay nasambit na lang niya sabay ngiti ng mapakla na ewan ba kung bakit lalong nagsalubong ang mga kilay nito.
"That's all? Hindi mo man lang hihimasin tulad ng ginawa mo sa motor ni Lenmark?" aburidong usal.
Umawang bigla ang kanyang mga labi. Walanghiyang 'to! Kaya pala bumili ay dahil gustong makipag-kompetensya sa motor ni Lenmark. Akala pa naman niya'y bumili dahil sa ayaw niyang sumakay sa kotse nito. Si Lenmark na naman pala ang dahilan. Nagseselos na naman?
Gigil niyang binawi ang kamay mula rito.
"Ano ba'ng maganda d'yan kumpara sa motor ni Lenmark? Mas maganda ang itsura ng motor niya!" nakasimangot niyang sagot.
Tumiim bigla ang bagang nito't tila naging isang linya ang mga kilay sa pagsasalubong niyon, pagkuwa'y inilamukos ang palad sa mukha saka matalim na tumitig sa kanya.
Hindi na niya ito narinig na nagsalita ngunit nagulat na lang siya nang bigla nitong hablutin ang kanyang braso't hinila palapit pa lalo sa motor, pagkuwa'y dinampot ang isa sa nakapatong roong helmet, walang imik na isinuot sa kanya.
Hindi na siya nakapalag, hindi na rin umangal. Wala namang mangyayari kung patuloy siyang makikipag-away rito.
Isinuot na rin nito ang isa pang helmet at naunang sumampa sa motor.
"Hop in! Or else, I'll kiss you!" banta sa kanya nang hindi pa rin siya tumitinag sa kinatatayuan.
Bigla siyang natuliro pagkarinig sa sinabi nito. Walanghiya, sukat bang gawing panakot ang halik nito. Natural na tumalima siya agad.