KINAGABIHAN, kinakabahang naglakad si Daisy patungo sa lobby ng TV8. Hindi niya nakalimutan ang sinabi ni Rob kanina at ginugol niya ang kalahating araw na puno ng tensiyon. Kaya nang hindi makita ang binata sa lobby, hindi niya alam kung makakahinga nang maluwag o madidismaya.
Napahugot siya ng malalim na hininga at napailing, pagkatapos ay mabilis ang lakad na nagtungo siya sa parking lot na kinaroroonan ng kanyang kotse. Mabuting umuwi na lang siya bago pa may gawing kagagahan.
Like calling Rob.
Pinapagalitan pa lamang ni Daisy ang sarili sa naisip nang impit siyang mapasigaw dahil sa kamay na biglang humawak sa kanyang braso. Mabuti na lang at nanuot agad sa kanyang ilong ang pamilyar na amoy ni Rob. Kung hindi ay napasigaw na talaga siya.
"Why do you have to sneak at on like that?" sikmat niya sa binata.
Humugot ng malalim na hininga si Rob at hinigit si Daisy patungo sa sasakyan nito na noon lang niya napansing nakaparada roon. "Dahil kapag may nakakita na naman sa atin, itutulak mo na naman akong palayo nang hindi pa tayo nakakapag-usap."
Hindi siya nakasagot sa pahaging na iyon ni Rob. Binuksan ng binata ang front passenger's seat at walang salitang sumakay siya sa kotse. "Hindi ko alam kung ano pa ang dapat nating pag-usapan," usal ni Daisy nang nasa harap na ng manibela si Rob. Ang kaso, kahit siya ay alam na walang puwersa ang pagkakasabi niya ng mga salita.
Dahil kahit anong gawing pagtanggi, hindi pa rin nababawasan ang atraksiyon na nararamdaman niya para kay Rob. Iyon nga lang nasa isang silid sila ay nagwawala na ang tila mga paruparo sa kanyang sikmura, ngayon pang nasa masikip na espasyo sila at halos nararamdaman niya ang init na nagmumula sa katawan ng binata?
Hindi binuhay ni Rob ang makina ng sasakyan nito. Nanatili lamang sila roon na nababalot ng kadiliman. Ang tanging liwanag ay ang dim na ilaw mula sa parking lot.
"That guy who's with your twin sister do, you know him?" basag nito sa katahimikan.
Kumunot ang noo ni Daisy at sumulyap kay Rob. "Of course I know him. Fiancé siya ng kapatid ko."
Nahigit niya ang hininga nang biglang bumaling ang binata paharap sa kanya. "Hindi `yon ang ibig kong sabihin. I know there's more to it than him just being your sister's fiancé. Nakita ko kung paano mo siya tingnan kanina," mabalasik na sabi nito.
Natigilan si Daisy at humalukipkip. "Paano ko siya tingnan?" alanganing tanong niya.
Tumiim ang mga bagang ni Rob. "You have that look in your eyes. I don't like it."
Napakurap si Daisy. Muling humugot ng malalim na hininga ang binata. Napagtanto ni Daisy na iyon ang unang beses na nakita niyang ganoon si Rob. Iyong tila hindi alam kung paano pakakalmahin ang sarili. As if he was conflicted inside.
"Look, sinabi mo that you don't want to have anything to do with me anymore. At intensiyon ko na pagbigyan ka sa gusto mo. But I just can't stop thinking about you. Hindi ako makapag-concentrate dahil ilang araw nang mainit ang ulo ko. At kanina, sumakit ang ulo ko sa sermon na natanggap ko mula kina Yu dahil napansin nila na may tensiyon sa pagitan natin. At wala akong maisagot dahil sa tingin ko, tama ang lahat ng sinabi nila sa akin. They even called me a coward."
"Coward?" nagtatakang tanong ni Daisy.
"Yes. A coward. Dahil akala nila, kaya tayo hindi nag-uusap ay dahil sa mga larawan natin sa tabloids. Iniisip nila na ako ang may gustong huwag na tayong magkita pa dahil ayoko ng eskandalo."
"Ayaw mo ng eskandalo?" Para din pala itong papa niya kung ganoon.
Kumunot ang noo ni Rob. "Sino ang may gusto ng eskandalo? Nasanay sila na ako ang unang naglilinis ng mga gano'ng balita tungkol sa kanila mula pa noon. So, of course, they began to assume that I hated scandals. Nagalit sila sa akin dahil kayang-kaya ko naman daw ipatanggal ang mga balitang `yon pero hindi ko ginawa. At ayaw nilang maniwala kahit sinabi kong hindi ko na iyon puwedeng gawin uli dahil lalo lamang lalala ang banat ng media laban sa `yo—"
"Wait," nanlalaki ang mga matang pigil ni Daisy sa litanya ni Rob. May bigla siyang naalala at sumikdo ang kanyang puso. "Kayang-kaya mong ipatanggal ang mga balita sa media na hindi mo gusto?"
Natigilan ang binata at biglang sumeryoso ang ekspresyon sa mukha. "Yes, I can."
"At ano ang ibig mong sabihin na hindi mo na `yon puwedeng gawin uli? Ibig bang sabihin ginawa mo na `yon dati?"
Hindi sumagot si Rob subalit nakita ni Daisy ang kasagutan sa mga mata ng binata. Umawang ang kanyang mga labi. "Huwag mong sabihin sa akin na… ikaw ang nasa likod ng biglang pagkawala ng mga balita tungkol sa away namin nina Ella?" manghang bulalas niya.
"Oo. It was me," seryosong sagot ni Rob.
Napamaang lamang siya sa binata. Parang may lumalamutak sa kanyang puso. "It was you," pabulong na usal niya. Marahang tumango si Rob. "Pero hindi pa tayo magkakilala noon. Isang gabi lang tayo nagkasama at hindi natin alam ang pangalan ng isa't isa. Bakit mo ako tinulungan?"
Ilang sandaling hindi sumagot si Rob, pagkatapos ay bahagyang umiling. "Hindi ko rin alam. I kept telling myself then that it was none of my business. Pero natagpuan ko pa rin ang sarili kong tumatawag sa mga dapat tawagan para alisin ang mga balita tungkol sa iyo."
May bumikig sa lalamunan ni Daisy sa rebelasyong iyon. Ngalingaling yakapin niya si Rob sa labis na emosyon na hindi niya maipaliwanag. Subalit bago niya magawa iyon ay nagsalita na uli ang binata.
"At hindi ko na `yon puwedeng gawin dahil makakatunog na ang media kung palagi ko na lang gagawin `yon kapag tungkol sa`yo. Mas masama ang magiging epekto n'on sa `yo. At least, sa kaso ko ay local paper lang ang tabloids na iyon at hindi makakarating sa mga ayokong makaalam ng tungkol doon."
Kumunot ang noo ni Daisy. "Sino ang ayaw mong makaalam?"
Natigilan si Rob bago nakabawi. "Hindi `yan ang pinag-uusapan natin."
"Ano ba ang pinag-uusapan natin?" Medyo na-offend si Daisy na ayaw ni Rob na ibahagi ang tungkol sa sarili nito. Bakit gustong malaman ng binata ang tungkol sa kanya subalit ayaw namang sabihin ang tungkol sa sarili? Isn't that unfair?
"Ang tungkol sa fiancé ng kapatid mo," paalala ng binata.
Napahugot siya ng malalim na hininga. "Kung ayokong sabihin sa `yo kung ano ang mayro'n kami ni Michael, ano ang gagawin mo?"
Tumigas ang anyo ni Rob. "Hindi tayo aalis dito hangga't hindi mo sinasabi sa akin. And I mean that, Daisy."
Nakaramdam siya ng frustration. "Wala kang mapapala sa nakaraan ko, Rob. You will just hate me for it, okay? Katulad ng lahat ng nakakakilala sa akin."
"Try me," matatag na sagot nito.