NAKITA agad ni Daisy si Lily pagpasok niya sa restaurant. Subalit bago lumapit sa kakambal ay wala sa loob na napasulyap siya sa direksiyon ng VIP rooms. Doon din kaya naisip kumain ni Rob at ng mga miyembro ng Wildflowers?
God, Daisy, why do you even care? kastigo niya sa sarili.
Nakita na siya ni Lily dahil bahagya itong ngumiti at kumaway. Naglakad siya patungo sa mesa ng kakambal at umupo sa katapat na silya. "Hey."
Nakikita ni Daisy na medyo naiilang din si Lily subalit ngumiti naman ang kapatid niya.
"Hi. Ito ang unang beses na kakain tayo sa labas na magkasama," alanganing komento ni Lily.
Marahang tumango si Daisy. Katulad ng kakambal, hindi rin niya alam kung ano ang tamang sabihin. Mabuti na lamang at may lumapit na waiter. Um-order muna silang dalawa habang nag-iisip siya ng sasabihin.
"So, ang sabi mo ay may gusto kang sabihin sa akin?" tanong niya kay Lily.
Napaderetso ng upo si Lily na para bang noon lang naalala ang dahilan kung bakit siya nito niyayang mag-lunch. "Ah, yes. Sandali lang." May kinalkal ang kakambal sa bag nito, pagkatapos ay iniabot sa kanya ang isang papel.
Kinuha iyon ni Daisy at pinasadahan ng basa. "Ano ito?"
"Iyan ang ginawa kong schedule para sa preparation ng kasal namin ni Michael."
Nakataas ang isang kilay na tiningnan ni Daisy ang kakambal. "Ikaw ang mag-o-organize ng sarili mong kasal?"
Tumango si Lily at ngumiti. "At gusto ko na… ikaw ang maging maid of honor ko."
Napamaang si Daisy. Nakalimutan niya ang poise at literal na napanganga habang nakatingin kay Lily. At nang matagpuan ang tinig, ang tanging nasabi niya ay, "What?"
Namula ang mukha ng kakambal at tila nahiya. "Why not? Nag-iisa kitang kapatid. Kakambal pa. Wala namang masama kung ikaw ang maid of honor ko, hindi ba?"
Natawa siya nang pagak. "Lily, I almost ruined your life. Gusto mo pa rin akong gawing maid of honor? Sinabi mo na ba ito sa fiancé mo? Dahil sigurado ako na hindi siya papayag," hindi makapaniwalang bulalas niya. Sa sobrang pagkamangha ay bahagya pang lumakas ang boses niya.
"Napag-usapan na namin ito ni Michael. Pumayag siya. Isa pa, ang sabi ni Papa ay nagbago ka na. At ngayong nakita uli kita, sa tingin ko ay tama siya," paliwanag ni Lily.
Biglang luminaw kay Daisy ang lahat. Nalaglag ang kanyang mga balikat. "Si Papa ba ang nagsabi sa iyo na kunin akong maid of honor?"
"What? No!" mariing tanggi ni Lily.
Kumunot ang noo ni Daisy. Dumating ang kanilang pagkain subalit pareho nilang tila hindi napansin iyon. "Kung gano'n, bakit ako? You should hate me, you know," seryosong sabi niya.
Bumuntong-hininga ang kakambal. "Maniwala ka sa akin. Noong iniisip ko kung sino ang gagawin kong maid of honor, naisip kita. Naisip ko na ayokong magpatuloy tayo sa mga buhay natin na katulad pa rin ng dati. Hindi na tayo nag-aaway pero hindi rin tayo malapit sa isa't isa. And I think it's such a shame, Daisy. Alam ko, hindi magiging madali para sa atin ang gusto kong mangyari dahil buong buhay natin ay hindi natin gusto ang isa't isa. Pero hindi pa naman huli ang lahat para kilalanin natin ang isa't isa, hindi ba? I know it will take a lot of courage to move on from the past. Pero puwede naman nating subukan, hindi ba?"
Alam niya na sinsero si Lily. At naisip niya, bakit nga ba hindi? Napakarami niyang nagawang hindi maganda sa kakambal. Ano ba naman ang maging maid of honor nito kung iyon ang gusto ni Lily?
Isa pa, tinamaan si Daisy sa sinabi ng kakambal na kailangan ng tapang para maka-move on. Buong buhay niya ay naniniwala si Daisy na matapang siya. Subalit ngayon, pakiramdam niya ay siya ang pinakaduwag na tao.
Huminga siya nang malalim at tumango. "Okay."
Namilog ang mga mata ni Lily at maluwang na ngumiti. "Talaga? Hindi ka aatras, ha?"
Itinirik niya ang mga mata. "Of course not. Kapag sinabi ko ay ginagawa ko."
Ngumisi ang kakambal. "Thank you, Daisy."
Hindi tuloy napigilan ni Daisy ang pagsilay ng ngiti sa mga labi. "Masyado ka talagang mabait, Lily."
Ngiti lang ang isinagot nito. Habang kumakain sila ay sinabi ni Lily ang mga bagay na natapos na nito sa preparasyon ng kasal. Tapos na silang kumain nang makatanggap ng tawag si Lily mula kay Michael. Mukhang susunduin ito ng fiancé.
"Well, kailangan ko na rin namang bumalik sa opisina," sabi ni Daisy pagkababa ni Lily sa cell phone nito. Pagkatapos ay iginala niya ang tingin sa restaurant at itinaas ang kamay upang kunin ang pansin ng waiter at nang makuha na ang kanilang bill. Natigilan siya at napaderetso ng upo nang sa halip na ang waiter, ang grupong papalabas ng hallway sa VIP area ang kanyang nakita.
Napatitig si Daisy sa nakasimangot na mukha ni Rob. May kung anong sinasabi sa binata sina Yu at Carli na para bang pinapagalitan ito. Parang nanghina ang kamay ni Daisy na ibinaba ang braso subalit hindi pa rin inalis ang tingin kay Rob kahit na naramdamang may lumapit nang waiter sa kanila ni Lily.
Lalo na nang mapatingin sa direksiyon niya si Rob at magtama ang kanilang mga mata. Saglit na kumislap ang pagkagulat sa mga mata ng binata bago nawalan ng ekspresyon. May bumikig sa lalamunan ni Daisy at nakuyom ang mga kamay.
"Daisy?" malakas na untag ni Lily.
Napakurap si Daisy at inalis ang tingin kay Rob. Humarap siya sa kakambal na may kislap ng pag-aalala sa mga mata.
"I'm okay," mabilis na sagot ni Daisy. Napakunot-noo siya nang mapansing wala na ang waiter sa mesa nila. "Nasaan ang bill natin?"
"Binayaran ko na."
"Lily!"
"What? Ako ang nagyaya."
Ibubuka pa lamang ni Daisy ang mga labi upang magreklamo nang maramdamang may lumapit sa mesa nilang magkapatid. Nanayo ang kanyang mga balahibo.
"May dalawang Daisy!" bulalas ni Stephanie.
Sabay silang magkapatid na napatingala. Sa gilid ng mga mata ni Daisy nakita niyang namilog ang mga mata ni Lily. Sino bang tao ang hindi magiging ganoon ang reaksiyon kapag nakita nang personal ang lahat ng miyembro ng Wildflowers?
Tumayo siya at tumikhim. "Hi. This is my twin sister, Lily," pakilala niya sa kapatid. Iniiwasan niya na tumingin kay Rob na tahimik lamang na nagmamasid sa kanila.
Tumayo rin si Lily at matamis na ngumiti habang nakikipagkamay. "Hi."
"Hindi mo nabanggit na may kakambal ka pala," komento ni Yu. Subalit sa halip na kay Daisy ay kay Rob ito sumulyap.
Sa gilid ng mga mata ni Daisy ay nakita niyang kumunot ang noo ni Rob. Para bang nag-uusap sina Yu at Rob gamit ang mga mata.
Bahagyang tumawa si Lily. "Hindi namin ugali ni Daisy ang sabihin na may kakambal kami. Maniwala kayo, hindi lang siya ang gano'n."
Napatingin si Daisy kay Lily at may kumutkot na guilt sa kanya nang makitang bahagya itong nailang. Naaalala ba ng kakambal ang mga ginawa niya noon? Dahil noong mga bata pa sila, kahit sa iisang paaralan sila nag-aaral ay hindi niya sinabi kahit kanino na kapatid niya si Lily. Dati, ginagamit lang niya ang katotohanang may kakambal siya para gamitin ang pangalan ni Lily kapag may mga lalaking hindi niya gusto at tinatanong ang kanyang pangalan.
Gosh, she was very mean back then. Evil even. Kapag naiisip ni Daisy ang nakaraan, parang may asido sa kanyang sikmura. Minsan ay parang gusto niyang lamunin na lang ng lupa sa labis na pagkapahiya sa kanyang asal noon.
Napatingin si Lily kay Rob at namilog ang mga mata ng kakambal. "Oh. I know you!" Sumulyap ito kay Daisy at naramdaman niyang nag-init ang kanyang mukha. Mukhang alam din ng Wildflowers ang dahilan kung bakit kilala ni Lily si Rob. "Siya `yong nasa tabloids kasama… ka, Daisy."
"Oo, siya `yon. But as you can see, hindi sila nag-uusap," parunggit ni Yu na matalim na sumulyap kay Rob.
Tumikhim si Daisy at pilit na ngumiti. Nagkunwa siyang hindi narinig ang komento ni Yu. "Well, mauna na kami sa inyo."
"Oh. Okay. Paalis na rin naman kami," mabilis na sagot ni Carli. Pagkatapos, tulad ni Yu ay tumingin din ito kay Rob na tila ba hinihintay na magsalita ang binata. Subalit humalukipkip lamang si Rob at hindi sinasalubong ang tingin ng kahit sino sa kanila.
Lalong nailang si Daisy dahil sumabay pa sa kanila ni Lily ang Wildflowers sa paglabas. At sa kung anong dahilan, nauwi siya sa likuran ng mga ito, kaagapay si Rob. Bahagya pang nagtama ang mga braso nila ng binata at para siyang nakuryente. Wala sa loob na nayakap niya ang sarili. Dahil sa totoo lang, kahit pilit na tinatanggi sa sarili, she was longing to be close to him in any way possible.
Agad na nagpaalam sina Stephanie nang nasa labas na sila ng restaurant. Nagsipagsakay na ang mga babae sa kanya-kanyang sasakyan. Pagkatapos ay biglang dumating si Michael.
Nakangiting lumapit si Michael sa kanila ni Lily. "Hey. Tapos na kayong mag-usap?" masiglang bati nito kasabay ng pag-akbay kay Lily.
"Yes. Pumayag si Daisy," masayang balita ni Lily na kumapit sa baywang ng mapapangasawa.
Tumingin si Michael kay Daisy at ngumiti. "Talaga? Good to hear that, Daisy."
Alanganin siyang ngumiti. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin siya komportable kay Michael. Katulad ni Lily ay masyadong mabait ang binata. Kung kay Michael ay bale-wala na ang lahat ng kasamaang ginawa rito ni Daisy, kay Daisy ay hindi pa. Pakiramdam pa rin niya ay kinakain siya ng hiya at guilt tuwing nakikita si Michael.
Pilit siyang ngumiti. "Walang problema. Sige na, may pupuntahan pa yata kayo."
"Sige. See you soon, okay?" paalam ni Lily.
Tumango si Daisy at pinagmasdan ang magkasintahan hanggang sa pagsakay sa kotse. Nang mawala ang sasakyan sa kanyang paningin ay nawala rin ang ngiti niya. Napabuntong-hininga siya at bigla ay parang nahapo. Nakakapagod na harapin ang nakaraan. Lalo na ang nakaraan na katulad ng sa kanya.
Kumilos si Daisy upang magtungo na rin sa sariling sasakyan nang mapaigtad siya dahil nakitang nakatayo pa rin sa parking lot si Rob. Titig na titig ito sa kanya habang nakasandal sa sariling sasakyan. Wala na ang mga miyembro ng Wildflowers.
"B-bakit nandiyan ka pa?" manghang tanong ni Daisy nang makabawi sa pagkabigla.
Sa halip na sumagot ay binuksan ni Rob ang pinto ng driver's seat ng kotse nito. "Susunduin kita mamayang gabi."
Napakurap siya. "Ha?"
"Huwag mo akong tatakasan. Mag-uusap tayo mamayang gabi." Iyon lang at sumakay na si Rob sa kotse nito, pagkatapos ay pinaharurot iyon palayo.
Hindi siya binigyan ng pagkakataon na magsalita.
Nalilitong napasunod na lang siya ng tingin sa papalayong sasakyan ni Rob.