Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 22 - Chapter 20

Chapter 22 - Chapter 20

Nanghihinang napahawak si Daisy sa counter top at mariing napapikit. Parang may pumupunit sa kanyang dibdib. God, tama ba ang ginawa niyang desisyon? Hindi niya alam. Kailan ba siya nakagawa ng tamang desisyon? In the first place, kailan ba siya nagdesisyon? Buong buhay niya ay ngayon lang siya nagsisimulang maging responsable. Tama ba na itinulak niya si Rob palayo?

Yes, because he's not going to stay with you forever anyway, bulong ng cynical na bahagi ng isip ni Daisy. At nang mga sandaling iyon, mas gusto niyang iyon ang paniwalaan kaysa ano pa man. Mas hindi siya masasaktan doon. Nariyan ang katotohanang naiisip na niya ang salitang "forever." Ibig sabihin, kapag nagtagal pa siya sa tabi ni Rob ay hindi na lang simpleng atraksiyon ang mararamdaman niya para sa binata.

Sa tagal na nakatayo roon ni Daisy, saka lang niya naalala na may tumatawag sa kanyang cell phone. Pangalan ni Lottie ang nakarehistrong tumatawag. Huminga siya nang malalim at sinagot ang tawag.

"Nasaan ka na? Biglang nagpatawag ng meeting ang higher-ups. Kailangan mong ihanda ang progress report natin."

Napaderetso ng tayo si Daisy. "Okay. Pabalik na ako." Nang putulin niya ang tawag, muli siyang huminga nang malalim bago lumabas ng restroom.

Wala na ni anino ni Rob. Inaasahan naman na iyon ni Daisy. Subalit pakiramdam pa rin niya ay may malaking butas sa kanyang sikmura. She felt empty.

BUONG maghapong mainit ang ulo ni Rob. Mabuti na lang at mukhang naramdaman iyon ng lahat ng tao sa Diamond Records dahil umiwas ang mga ito na mapalapit sa kanya. Kung hindi, baka nadamay sa init ng kanyang ulo. Maging si Rick Hernandez ay mukhang nakaramdam dahil nang magkita silang muli ay hindi ito nagkomento. Dumeretso agad ang kanilang usapan tungkol sa international single na pino-produce ni Rob para sa isang rising singer ng Diamond Records.

Buong maghapon na pilit inaalis ni Rob si Daisy sa kanyang isip, gayundin ang naging pag-uusapan nila. And how she had heartlessly pushed him away. Pagkatapos niyang puntahan ang dalaga para malaman kung okay lang ito, ganoon pa ang ginawa sa kanya? Pagkatapos na tumugon sa kanyang halik na nagpaalala sa gabing pinagsaluhan nila? Sinabi ni Daisy sa kanya na hindi siya nito kailangan.

Fine. Hindi si Rob ang tipo ng lalaking ipinipilit ang sarili sa isang babae. Kahit pa para siyang sinipa sa sikmura nang sabihin ni Daisy na ayaw na nitong magkita pa sila kung wala namang kinalaman sa benefit concert. He was the invincible Rob Mitchell, for Pete's sake. Hindi siya maaapektuhan ng isang babaeng ayaw na sa kanya.

Subalit hindi gumaan ang pakiramdam ni Rob matapos ang maghapong pep talk sa sarili. Hanggang makabalik sa Bachelor's Pad ay mainit pa rin ang kanyang ulo. Wala siyang ibang gustong gawin kundi dumeretso sa kanyang unit at huwag makipag-usap sa kahit na sino. Ang kaso, nasa parking lot pa lamang si Rob ay nakita na niya si Ross.

"Hey, Rob. Let's go. Late na tayo," agad na sabi ng pinsan at tinapik siya sa balikat.

"Late para saan?" kunot-noong tanong ni Rob.

"Para sa meeting. Tinawagan ako ni Keith para ipaalala sa akin. Come on."

Nawala iyon sa isip ni Rob. Sa katunayan, buong maghapon na isa lang naman ang nasa isip niya. At ayaw na niyang isipin pa si Daisy. Tumango na lang siya at hinayaang magsalita nang magsalita si Ross habang papunta sila sa common area.

Halos naroon na ang lahat ng residente nang dumating sila. Si Keith na lang ang kulang. Pumuwesto si Rob sa pinakamalapit sa pinto habang si Ross ay lumapit kina Jay at Charlie at nagsimulang makipag-usap. Nasa kabilang dulo si Brad at hindi bumaling doon si Rob dahil wala siya sa mood makipag-usap kahit kanino.

Noon pumasok sa common area si Keith na ngising-ngisi. "Good, nandito na kayong lahat."

"How about Maki?" tanong ni Ross. Iyon din sana ang gustong itanong ni Rob.

Tumawa si Keith at namaywang. "Well, kailan ba siya sumali sa meeting?"

"Never," sagot ni Ryan.

Iwinasiwas ni Keith ang kamay na para bang bale-wala iyon. "Anyway, ang event natin ngayong taon ay sa isang animal welfare society. Parang PAWS pero mas maliit na organization. It's a formal gathering na ang aim ay makakuha ng donasyon para sa mas magandang facility at feeds para sa mga hayop na nasa pangangalaga nila. At puwede kayong magsama ng date."

Marami pang ipinaliwanag si Keith bago natapos ang meeting. Akmang lalabas na si Rob nang mapatingin si Keith sa kanya at ngumisi. "Hey, Rob! Nasa balita ka, ah," sabi nito sa malakas na tinig. Napunta tuloy sa kanya ang atensiyon ng lahat ng tao roon.

Napailing si Rob. "I know."

"Siya `yong babaeng kasama mo sa conference room," sabi naman ni Brad.

Tumiim ang mga bagang ni Rob dahil nagsimula na siyang kantiyawan ng mga lalaki. Lalo na si Ross. Ilang minuto pang tiniis ni Rob ang kantiyaw ng mga ito bago siya nakapagpaalam. Ang akala niya ay nakatakas na siya subalit nang nasa lobby na ay na-realize ni Rob na nakasunod sa kanya si Ross.

"Mainit ang ulo mo," sabi nito.

Tumiim ang mga bagang ni Rob. "Today wasn't a good day for me."

"Dahil sa balita? Mabuti na lang, local tabloids lang ang mga `yon. Hindi makakarating kina Uncle."

Mapait na ngumiti si Rob. "You are right. My folks will go ballistic kapag nalaman nila na nasa tabloids ako." Hindi na lang niya sinabi na hindi sumagi sa kanyang isip ang mga magulang kung hindi lang ipinaalala ni Ross. Masyadong partikular sa reputasyon ang kanyang mga magulang. Masyadong mahigpit. Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin tanggap ng kanyang ama na nasa show business ang nag-iisang anak.

"And that woman?" maingat na tanong ni Ross.

Nagkibit-balikat si Rob. "Hindi kami seryoso."

Ilang segundo ang lumipas bago nagsalita ang kanyang pinsan. "Ano'ng tingin niya sa mga larawan n'yong nakakalat ngayon sa buong bansa?"

Muli ay tumiim ang mga bagang ni Rob. "She doesn't want anything to do with me anymore."

Hindi sumagot si Ross. Matagal. Inakala ni Rob na tapos na ang usapan nila. Kaya nang muling magsalita ang pinsan ay bahagya pa siyang nagulat. "Hindi ka talaga seryoso?"

Tumingin siya rito. "No." Kahit sa kanyang pandinig, alam niyang masyadong mabilis ang kanyang sagot. Subalit mukhang sapat na iyon kay Ross dahil tumango ito at ngumisi.

"Okay. Let's go out again sometime. God knows we both need a break." Tinapik siya ni Ross sa balikat bago naglakad pabalik sa common area.

Naiwang mag-isa si Rob sa lobby. Marahas siyang napabuga ng hangin bago kumilos upang umakyat sa kanyang unit.