Nakabukas na ang higanteng gate at may mangilan-ngilang estudyante na ang naglalakad papasok sa Tala High School. Ilang minuto lang ang layo niyon pagkalampas sa mahabang tulay na lupa. Ang kalahati ng campus ay nakatayo sa patag na bahagi habang ang kalahati at pinakalumang mga gusali ay nakatayo naman sa mas matataas na lugar. Dati kasing hilera ng mga burol ang sitio na nakakasakop sa eskuwelahan. Katunayan sa pinatuktok ng Tala High, sa likod ng pader na harang ay isang bahagi ng burol na hindi pa natitirhan ng mga tao. Bawal tumawid doon kasi mataas ang mga talahib at may ahas daw.
Pagpasok nilang tatlo sa loob ng gate nakita ni Danny ang isang estudyanteng lalaki na paakyat na nang una sa maraming set ng hagdan sa Tala High School. Ang mga kasabay nitong estudyante napapatingin sa lalaki. Ang iba naglalakas loob bumati. Ang mga babae naman, lalo na iyong mga halatang freshmen ay halatang kinikilig.
Napangisi siya kasi may bigla siyang naisip. Tinapik niya ang braso ni Ruth. "Sabi ko sa'yo makakakuha tayo ng bagong members."
"Paano nga?" tanong ni Selna.
Sinulyapan niya ito. "May secret weapon tayo." Sabay turo sa pinagkakaguluhan ng ibang estudyante. Lumingon sina Ruth at Selna at parehong naintindihan ang gusto niya sabihin. "Nasa club natin ang prinsipe ng Tala High School." Saka sumigaw si Danny. "Andres!"
Huminto sa pag-akyat ng hagdan ang lalaki at lumingon. Umaliwalas ang mukha nito at malawak na ngumiti nang makita sila. Pagkatapos walang pagdadalawang isip na naglakad ito pabalik, ngiting ngiti pa rin habang palapit sa kanila. Suminghap ang mga estudyante sa paligid nito, parang mga nasilaw sa ngiti ni Andres. Hindi na napigilan ni Danny ang matawa.
"Bakit ka tumatawa?" nagtatakang tanong nito nang makatayo na sa kanilang harapan.
"Iba ka kasi talaga. Kumbaga sa comics hindi mo na kailangang lumunok ng bato o tamaan ng kidlat o kung ano pa kasi may superpower ka na eh. Na-i-inlove sa'yo lahat."
Ngumiwi si Andres at napahawak sa batok. "Kung magkakaroon man ako ng super power hindi 'yan ang gusto ko." Pagkatapos nakangiti na uli nitong binati sina Selna at Ruth.
Medyo nawala ang tawa ni Danny nang tumagal ang atensiyon ng lalaki kay Ruth. Kahit ang boses nito nang sabihin ang "Good morning" nagbago ang tono. Napasulyap siya sa mukha ng kanyang kababata. Namumula ang mukha nito, sandaling tiningnan ang mukha ni Andres at gumanti ng bati bago nagbaba ng tingin.
Tumikhim si Selna. "Maglakad na tayo papunta sa classroom habang nag-uusap. Ang dami na nakatingin sa atin eh. Danny, sabihin mo sa amin ang plano na naiisip mo para sa recruitment ng new club members bukas."
Kumurap siya at tumango. Nagsimula na sila umakyat ng hagdan. Kahit nakakahingal nagawa niyang masabi sa mga ito ang naisip niyang plano para makakuha sila ng members bukas. Ang lakas ng tawa ni Selna. Ngumiwi si Ruth at mukhang hindi sigurado kung papayag.
Si Andres sandali lang nag-isip. Pumayag agad. "Gusto ko rin naman na magkaroon ng maraming bagong members ang Literature club. Pero huwag tayo sa club room mag prepare kasi daanan ng mga estudyante 'don. Baka may makakita. Okay lang ba sa inyo na sa bahay namin tayo mag practice at gumawa ng props after class?"
"Naku, sige! First time namin makakarating sa bahay niyo," excited na sabi ni Selna.
Ngumiwi na naman ito. "Hindi ako nagpapapunta talaga ng mga kakilala sa bahay. Hindi kasi maganda ang nangyari noong isang beses na pumasyal ang classmates ko back in grade six. Hindi sila nagtagal. Ni hindi na kumain ng merienda at tumakbo pa palabas. They thought our house was creepy and haunted."
Tinapik ni Danny ang balikat ni Andres. "Huwag ka mag-alala. Pagkatapos ng mga nakita at naranasan natin noong bakasyon, hindi na kami matatakot ng kung ano mang makikita namin sa bahay niyo."
Ngumiti ito pero mukhang hindi pa rin masyadong kumbinsido. Na-curious tuloy siya kung ano ba ang meron sa bahay ng mga Ilaya at natakot ang mga kaklase nito noong grade six.
Natapos ang lahat ng klase nila sa araw na 'yon nang walang aberya. Nang uwian na bumili muna sila ng materyales para sa props sa school supplies store sa tapat ng Tala High. Pagkatapos sumakay silang apat ng tricycle at bumiyahe papunta sa parte ng Tala na hindi pa napuntahan ni Danny buong buhay niya pero naririnig niya sa mga kuwento ng kanyang ama.
Villa Ilaya. Ang nag-iisang subdivision sa buong bayan nila. Dating ekta-ektaryang palayan at gulayan na pagmamay-ari ng pamilya Ilaya mula pa noong unang panahon. Pero pagkatapos masira ang taniman dahil sa world war two, nabakante ang lupain. Ilang taon pagkatapos niyon, nang magsimulang lumipat sa Tala ang mga negosyante mula sa maynila at iba pang kalapit bayan, naisip ng mga Ilaya na gawin iyong subdivision.
Sa ngayon tirahan iyon ng mga middle class at mayayamang pamilya sa Tala. Madali puntahan kasi wala namang pader sa palibot niyon at lalong walang malaking gate. Basta arko lang at malaya ang kahit na sinong pumasok. Sa dulo ng subdivision huminto ang tricycle. Sa likod nakasakay sina Danny at Andres kaya nakita niya agad ang malaki at lumang ancestral house ng mga Ilaya. Nanlaki ang kanyang mga mata at hindi inalis ang tingin doon kahit nang makaalis na ang tricycle na naghatid sa kanila.
"Wow. Sa mansiyon ka nakatira?"
Naiilang na tumawa si Andres. "It's not really a mansion. Sa maynila, kapag nasasama ako nila lolo para pumasyal sa mga kakilala nila, nakakakita ako ng mas malalaki at makabagong bahay. Ang mga 'yon ang mansiyon. Itong sa amin tatlong floors pero hanggang second floor lang ang ginagamit namin. Library at tambakan ng mga koleksiyon ng pamilya ang nasa pinakataas. Pasok na tayo sa loob. Kumain muna tayo ng tanghalian bago tayo gumawa ng props."
Kumalam ang sikmura ni Danny nang marinig ang tungkol sa pagkain. Nilingon niya si Andres para magtanong kung ano ang ulam pero bumara sa lalamunan niya ang mga salita. Nakita kasi niyang na kay Ruth ang atensiyon ng lalaki, masuyo na naman ang ngiti habang kinukuha ang mga bitbit ng kababata niya. Pagkatapos nakita niya nang magkadikit ang mga kamay ng dalawa. Nakita niya nang imbes na dumistansiya agad ay humaplos pa ang daliri ni Andres sa palad ni Ruth.
Umangat ang tingin niya sa mukha ng mga ito. Namumula ang mga pisngi ni Ruth. May makahulugang ngiti sa mga labi ni Andres. Saka lang lumayo ang lalaki, bitbit ang kanina ay mga dala ng kababata niya at naunang maglakad papasok ng malaking bahay.
Kumuyom ang mga kamao ni Danny habang nakatitig sa mukha ni Ruth na nakasunod naman ng tingin sa likod ni Andres. Pagkatapos nagulat siya nang biglang kumapit sa braso niya si Selna. "Tara nang pumasok sa loob."
Kumurap siya nang hilahin na siya nito para sumunod kay Andres. Narinig niyang mahinang natawa si Ruth at umagapay sa kanila. Napasulyap tuloy si Danny sa kababata na tiyempo namang napatingin din sa kaniya. Nginitian siya nito. Napangiti na rin siya. Hindi niya mapigilan. Sobrang bihira lang kasi ngumiti si Ruth mula pa noong mga bata sila. Kaya kapag nangyayari iyon, hindi niya mapigilan makaramdam ng saya.