Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 24 - Danny, Future Superhero (1)

Chapter 24 - Danny, Future Superhero (1)

LUMAKI sa isang simple at normal na pamilya si Danny Nepomuceno. Tricycle driver ang papa niya. Mayroon namang maliit na sari-sari store ang mama niya. Parehong tubong bayan ng Tala ang mga magulang niya at hindi naisip lumipat ng matitirhan kahit kailan. Katunayan, matindi ang pagtanggi ng mga itong umalis ng Tala sa maraming kadahilanan.

Ayos lang naman kay Danny kasi komportable siya sa bayan nila. Naroon ang mga matatalik niyang kaibigan. Halos lahat ng tao kakilala niya at kilala siya. Sariwa ang hangin. Napapalibutan ng mga bundok at gubat. May ilog, sapa, lawa at dagat na malinis at masarap paliguan. Wala man siyang family computer na katulad ng mayayamang kaklase nila sa school, playground naman niya ang buong bayan ng Tala. Hindi pa magastos sa kuryente kasi imagination lang ang kailangan para maging masaya siya. Kapag naman hindi siya gumagala sa kung saan-saan kasama ang mga kaibigan niya, kapiling niya ang comics collection niya.

"Danny! Hindi ka pa ba tapos magbihis? Sumabay ka na sa akin sa pagpasok mo sa school!" sigaw ng kanyang ama mula sa labas ng kuwarto niya.

"Ito na po, papa," sagot niya habang binibilisan ang pagbubutones ng suot na polo. Pinasadahan lang niya ng suklay ang maiksing buhok, sinigurong malinis ang eyeglasses bago iyon isinuot at saka isinukbit sa mga balikat ang kanyang backpack. Sinulyapan niya ang ibabang kama ng double deck para siguruhing nailigpit niya ng maayos ang tulugan niya. Nagagalit kasi ang mama niya kapag hindi siya masinop. Pagkatapos tinitigan niya ang kama sa itaas, ngumiti at pabulong na sinabing, "Papasok na ako kuya." Hindi siya naghintay ng sagot at maingat na lumabas ng kuwarto.

Naabutan ni Danny sa kusina ang mga magulang niya. Nasa kalagitnaan ng pagkain ng heavy breakfast ang tatay niya habang ang nanay naman niya nagsandok ng sinangag at naglagay sa plato nang makita siya. "Bilisan mo na ang kain bago kayo umalis."

Umupo siya at maganang kumain. Sumabay na rin ang mama niya sa almusal kasi mayamaya lang magbubukas na ito ng tindahan. Pagkatapos ng almusal nagpaalam na silang mag-ama at lumabas ng bahay.

Madilim pa kasi alas singko pa lang ng umaga. Morning session kasi ang section nila Danny kaya alas sais dapat nasa classroom na sila. Binuksan niya ang gate na gawa sa kawayan at naghintay na mailabas ng kanyang ama ang tricycle nito. Humangin at nanuot sa buto niya ang lamig. Naaamoy pa niya ang ulan na buong magdamag bumuhos at kani-kanina lang huminto.

Mayamaya pa nabasag ang katahimikan ng madaling araw sa tunog ng tricycle. May mga asong nagkahulan, nagulat sa biglang ingay. Kasunod na lumitaw na parang lazer beam ang front light niyon hanggang makalabas ng gate. Saka lang kumilos uli si Danny para isara ang gate na gawa sa kawayan. Pagkatapos sumakay na siya sa loob ng tricycle.

Bago nila marating ang mahaba at makipot na tulay na lupa palabas ng sitio, nadaanan nila ang dalawang babaeng high school students na naglalakad. Napangiti siya kasi kahit nakatalikod kilala niya ang mga ito. "Papa! Sina Ruth at Selna, 'yon."

Binagalan ng kanyang ama ang takbo ng tricycle at bumusina. Gulat na lumingon ang mga kababata niya. Kumaway siya. Ngumisi ang mga ito nang huminto sila. "Sakay na," sabi ng tatay niya.

"Salamat po mang Edgar," sabay na sabi ng mga ito.

Umusod si Danny kaya nakaupo sa tabi niya si Selna. Si Ruth naman pumuwesto sa maliit na upuan sa gilid kaya nakaharap ito sa kanilang dalawa. Bumiyahe na uli sila, patawid sa mahabang tulay na lupa palabas ng sitio nila.

"Mabuti na lang nadaanan niyo kami. Parang wala pa dumadaang tricycle eh," sabi ni Selna. "Kaya ayoko nang pang-umaga. Kung kailan fourth year na tayo saka pa nagpalit ng schedule ang section natin. Nasanay na ang katawan ko na panghapon tayo eh."

"Okay din naman na pang-umaga. Mas marami tayong oras after class para sa extracurricular activities," katwiran naman ni Ruth.

"Sumabay na lang kayo sa amin palagi. Delikado maghintay ng masasakyan ng ganitong oras tapos pareho pa kayong babae. Alam nating lahat na maraming nagtatago sa dilim at naghihintay ng puwedeng maging biktima. Mahigpit tayo pinagiingat ni manang Saling 'di ba?"

Natahimik silang tatlo, nagpalitan ng makahulugang tingin. Alam ni Danny na pare-pareho sila ng naaalala sa mga sandaling iyon. Ang gabi na nabuksan ang mga mata nila na ang mundo ay puno ng hiwaga. Na marami pang naunang mga kakaibang nilalang ang nanirahan sa lupa bago ang mga mortal. Nang gabing iyon, naramdaman niya ang naramdaman ng mga sinaunang tao nang marealize ng mga ito na bilog at hindi flat ang mundo.

Pagkatapos ng near death experience nila sa Nawawalang Bayan, lalo niya nakumpirma na totoong may magic. Na posible talagang magkaroon ng powers ang normal na tao. Katulad ni Tenteng na binigyan ng isang ermitanyo ng golden barbell kaya nakakapagtransform ito bilang si Captain Barbell, o katulad ni Marko San Diego na lumakas at naging si Bulalakaw dahil sa kambal na singsing na nakuha nito sa buhay na batong galing sa kalawakan, o ni Narda na kapag lumulunok ng magical stone ay nagiging si Darna.

Nakumbinsi si Danny nang gabing iyon na may pag-asa na matupad ang pangarap niya mula pa noong bata siya. Ang maging superhero na katulad ng mga bida sa comics na binabasa niya. Kasi wala palang imposible sa mundo. Kailangan mo lang buksan maigi ang mga mata mo. Kailangan mo lang maniwala.

"Two weeks pa lang mula nang mangyari 'yon at ilang araw palang tayo nagbalik school pero minsan feeling ko nanaginip lang talaga tayo. O kaya imagination lang natin lahat at hindi talaga totoo na nakapasok tayo sa isang lugar na kaparehong kapareho ng bayan natin pero ibang nilalang lang ang nakatira," basag ni Selna sa pananahimik nila.

Napalingon siya rito. "Bakit naman?"

Malakas ang loob nilang pag-usapan ang nangyari sa kanila kasi maingay ang tunog ng makina ng tricycle at ng hangin kaya sigurado siyang hindi sila naririnig ng papa niya.

Nagkibit balikat ito. "Hindi ko maipaliwanag pero iyon ang pakiramdam ko."

Kumunot ang noo ni Danny. Nililipad ng hangin ang buhok ni Selna kaya natatakpan ang mukha nito. Hindi niya tuloy makitang maigi kung ano ang ekspresyon nito. Kaya umangat ang mga kamay niya at maingat na hinawi ang buhok nito. Magaan na kumiskis ang mga palad niya sa magkabilang pisngi nito bago niya naipit sa mga tainga nito ang buhok.

Nagtaka siya nang mapansin na natigilan si Selna at napatitig sa kaniya. "O bakit?"

Kumurap ito, umiling at biglang bumaling kay Ruth. Mas masigla na ang boses nito kaysa kanina nang magsalita, "Anyway, ngayong araw ang pagbubukas ng mga club at org sa school 'di ba? Tapos bukas ang recruitment day. Anong plano natin mamaya miss president?"

Napunta na rin ang tingin ni Danny kay Ruth na ngumiwi at halatang hindi komportable sa bago nitong posisyon sa Literature club. Pero wala itong magagawa kasi bumoto ang seniors nila last year bago ang graduation at ito ang napili ng lahat na bagong presidente. Siyempre sila rin ito ang napili na maging leader. Sa kanilang natitirang member ng club, si Ruth ang pinakamagaling magsulat at pinakamarami ring nabasa na libro. Wala ring mas nagmamahal sa literature club na hihigit pa rito.

"Kailangan natin ng strategy para maipresenta natin ng maganda ang org natin bukas. Kasi kung hindi, tayo na ang huling magiging member ng club," sabi ni Ruth. Huminga ito ng malalim at naging determinado ang kislap ng mga mata. "Ayokong mawala ang literature club sa Tala High School."

Napangiti si Danny. Maliliit pa lang sila magkakaibigan na sila at halos araw-araw na magkakasama. Mula pa noon tahimik lang palagi si Ruth at mas kuntentong nasa isang sulok, nakikinig, nagoobserba at nagbabasa. Pero lately mas madaldal na ito, mas vocal na sa nararamdaman at mas may determinasyon ang facial expression. Sa gabing napaglaruan sila ng mga Engkanto at napadpad sa Nawawalang Bayan, sa tingin niya si Ruth ang pinakanagbago sa kanilang lahat.

"Huwag kang mag-alala, makakaisip tayo ng strategy mamaya. May sasali sa Literature club na freshmen. Sigurado ako."

"Sana nga, Danny," pabuntong hiningang sabi ni Ruth.

Naputol lang sandali ang usapan kasi huminto na ang tricycle sa tapat ng gate ng eskuwelahan nila. Bumaba sila at nagpasalamat sa papa niya bago ito bumiyahe uli papunta naman sa sentro ng bayan para pumasada.