Dahil gabi na ay hindi muna dumiretsong umuwi ang grupo. At nag-camping muna sa may malawak na espasyong hindi kalayuan sa kanilang pinaglabanan.
Nakaupo si Yeman sa harap ng lumalagablab na bonfire. Nakaupo naman sa bandang harap din niya ang babae kanina, kaharap ng bonfire sa salungat na direksyon ni Yeman.
Sa kanyang kanan ay ang lalaking may hawak na malaking espada at mukhang siya rin ang leader ng grupo. Sa kaliwa naman niya ay ang lalaking may pananggalang. Ang nakalaban ni Yeman kaninang lalaki na may bitbit na dagger ay tulog parin sa loob ng kanilang tent.
Kasalukuyan silang nakaupo na nakapalibot sa ginawang bonfire. Sa gilid naman ng apoy na dala nito ay may mga stick na nakatusok sa ilupa ng patayo. Bawat stick na ito ay may nakatusok na hindi mawaring karne ng anong klaseng hayop.
Kahit hindi pa bumabalik ang kanyang panlasa at pang-amoy ay napalunok si Yeman nang makita ang sariwang nasusunog na laman ng karne. Kahit nawala ang kanyang mga pandama ay hindi parin niya mapigilang makadama ng pagkagutom.
Minsan ay napaisip nalang siya. Na sana ay hindi nalang din siya nakakadama ng pagkagutom. Pero iba ang sitwasyon ngayon dahil may tiyansa na siyang makapagsimula ulit. At nakaalis narin siya sa mapanganib na bangin na yun.
Hindi lang yun, lumakas ang kanyang katawan at nagtataglay narin siya ng mga kakaibang kakayahan.
Isang katawan na hindi mamataymatay gamit ang ordinaryong paraan. Siguro kung i-kukwento niya sa mga kakilala niya doon sa earth ang buhay niya rito sa kakaibang mundo, sigurado siya na tatawagin siyang baliw. O nababaliw.
Sino ba naman ang maniniwala kung sasabihin niya na hindi siya kayang patayin kahit pugutan ng ulo o saksakin sa puso. At paano nalang kung sasabihin niya na nakapunta siya sa kakaibang mundo kung saan ang mahika ay napakakumon na bagay sa mundong ito.
Napangiti nalang siya sa sarili. Habang nakatutok ang mga mapulang mata sa maliwanag na lumalagablab na apoy ng bonfire.
Walang ingay ang maririnig sa paligid. Tanging ang lagitik lang na dala ng pagkasunog ng mga tuyong kahoy sa nagliliyab na apoy ang maririnig. Hindi rin nagsasalita si Yeman. Dahil sanay naman siya na hindi nagsasalita. Bagkus, kahit nung nasa earth pa siya ay madalas lang siyang nakakulong sa loob ng kaniyang apartment.
Tapos, nang mapunta siya rito ay legit na siyang kinulong, sa piitan ng palasyo.
Nang makalabas siya sa palasyo ay nakita niya ang sariling nakatali sa malaking krus habang ipinarada na parang santo ng santakrusan.
Pero kakaiba ang naging parada sa kanya. Dahil hindi mo makikita ang pananampalataya sa mga mukha ng taong nakapalibot at sumusunod sa kanya habang ibinabandera sa daan.
Hindi lang yun, puro galit at pagkamuhi pa ang nakasulat sa kanilang mga pagmumukha. Ang mas malala pa dun, ay binabato siya at pinagsasaksak kung saan-saang parte ng katawan.
Buti nalang talaga at nandiyan si System. Hindi siya pinabayaan hanggang sa huli.
Pero ang tanong, sino si System at paano siya nagkaroon nito? Medyo nagugulahan si Yeman sa isiping ito. Basta huli lang niyang natatandaan ay noong may parang kinuha si Marie sa loob ng kanyang puting jacket na suot.
"E-Ehrm,"
Ilang sandali ay isang mahinang paglinis ng lalamunan ang nagpatigil sa nakakabinging katahimikan.
Nagmula ito sa magandang babae na nasa harap ni Yeman. Dahan dahan lang na sumulyap si Yeman dito. Parang slowmotion ang kanyang pag-sulyap. Sa totoo lang ay kanina pa niya napapansin ang mga ligaw tingin ng mga taong ito sa kanyang tabi. Siguro hindi parin sila kumbinsido na isa siyang ganap na tao at hindi halimaw. Sabagay, may kasama naman siyang halimaw kaya okay lang na isipin nilang isa rin siya.
Sa kanyang balikat ay nakapatong parin ang munting kasamang halimaw. Nakapikit ito na animoy batang mahimbing na natutulog.
Pero ito ang uri ng batang hindi mo pwede ismolin. Dahil kapag ito'y nagalit o di kaya nagugutom ay magtago kana. Dahil siguradong sa tiyan ka papunta. Pero dahil kay Yeman ay hindi ito nagugutom. Pwede rin sabihing, tanging siya lang ang may kakayanan na pwede magpaamo sa klase ng halimaw na ito.
"Uh—um."
Napansin ni Yeman ang pagbuka at pagtikom ng bibig ng babae. Parang may gusto itong sabihin ngunit nagdadalawang isip kung sasabihin ba o hindi.
Ibinalik ni Yeman sa nagliliyab na apoy ang kanyang mga tingin at hindi nalang binigyang pansin ang awkward na katahimikan.
Ilang minuto nalang ay siguradong luto na ang mga karneng nasa harap niya. Medyo nagugutom narin siya at gusto na niya itong sunggaban.
"Uhm..." biglang sambit ulit ng babae sa kanyang harapan. Siguro napansin nito ang katahimikan ni Yeman kaya nagdadalawang isip siya magsalita.
Sinulyapan ni Yeman ng saglit ang babae at ibinalik ulit sa pagkain na nasa harapan ang kanyang tingin.
Napatingin naman ang dalawang lalaki sa kasama nilang babae. Naghihintay sa kung anong sasabihin nito.
Tahimik lang si Yeman habang nakatutok ang mga mata sa nilulutong karne.
"A-uhm, pe-pwedeng malaman kung anong pangalan mo?" Pagpatuloy na tanong ng babae nang makahanap ng lakas ng loob.
Napabalik ang mga mata ni Yeman sa babae. Kitang kita na nag-alala ito na baka hindi siya sumagot. 'Pangalan— huh,' bulong niya sa isip. Gusto sana niyang sabihan ang babae na, 'diba normal lang na dapat una muna siyang magpapakilala kung nais nitong makilala siya.' Pero wala sa mood si Yeman na kilalanin ang mga taong ito na nasa kanyang paligid.
Pero napaisip parin siya sa tanong ng babae. Pangalan? Okay lang ba na gamitin niya rito ang tunay niyang pangalan? Siguro okay lang at wala naman siyang nakikitang problema.
Pero napa-isip si Yeman. Na para maiba ay, "Zombie, ang pangalan ko," sa tingin niya ay hindi alam ng mga tao rito ang meaning ng salitang ito. Pero para kay Yeman ay pwede narin na ikompara sa pangalang ito ang kanyang mga naranasan.
Sa totoo lang ay para sa kanya, isa narin siyang zombie. Ang kaibahan lang ay matino parin ang kanyang pag-iisip. Pero may mga nabago lang sa kanyang pagkatao.
"S-Som-bi?" Pag-uulit ng babae.
"ZOM-BIE," pagtutuwid ni Yeman.
"Zombie?" Pag-uulit ulit ng babae.
"Mhm," tumango siya ng bahagya.
"Hah, muk-hang nagkamali nga kami. Pasinsya kana Zombie," biglang sambit ng lalaking may hawak na malaking espada kanina.
Napalingon ng bahagya si Yeman dahil sa biglaang sabi nito. At ano kayang ibig niyang sabihin na nagkamali sila? Napaisip si Yeman at nagtanong ng, "pasinsya saan?"
"Dahil inakala namin na isa kang ganap na halimaw," sagot ng lalaki sa kanya.
Mas lalo lang naguguluhan si Yeman sa sinasabi nito. Dahil bakit ngayon lang nito napansin ang kaniyang pagkakamali?
"Fufu,"
Biglang tawa ng mahina ng babae sa harap ni Yeman. Lalo lang naguguluhan si Yeman sa sitwasyon. At parang naglabasan narin ang mga question mark sa ibabaw ng kanyang ulo.
Napansin nila na hind nakuha ni Yeman ang kanilang ibig sabihin.
"Uhm, ang ibig sabihin ni Uncle Pol ay ang mga pangalan ng mga halimaw na may matataas na antas madalas may nakasabit na pangalan ng kanilang pinuno kasunod ng kanilang pangalan." Biglang paliwanag ng babae.
"Hmm... Ganun ba? Pero, paano kung magsisinungaling sila sa kanilang pangalan?" Kuryos na napatanong si Yeman sa obvious na bagay.
"Uh, hindi mangyayari yun," sagot ng babae.
"Hm, bakit?" Tanong ulit ni Yeman ng napakunot ang noo.
"Dahil ang mga halimaw na mataas ang antas ay bawal ipagsawalang bahala ang pangalan ng kanilang pinuno. At parang karangalan din nila na makatanggap ng pangalan nito. Hindi lang yun, may kaakibat pang sumpa sa kanila kung hindi nila gagamitin ang pangalan ng kanilang pinuno kasunod ng kanilang pangalan." Paliwanag ng babae sa kanya.
Taimtim na nakikinig si Yeman sa sinabi ng babae. At napaisip din siya, 'so parang apilyedo pala nila ang pangalan ng kanilang pinuno.'
"Kaya kung nagpapakilala sila ay lagi nitong binabanggit pati ang kanilang apilyedo na pangalan ng kanilang pinuno." Pagpatuloy ng babae.