May napapansin si Zombie na mga bagay na kumikinang sa katawan ng mga miyembro ng grupo ng lalaking nagngangalang Droy.
Katulad din ito ng mga napapansin niyang bagay sa katawan nila Yuya.
Naisip niya na siguro palatandaan nila ito bilang isang miyembro ng tagatugis.
Biglang pinagpawisan ng malamig ang guwardiya nang makita ang buong grupo ni Droy.
Bilis na tiningnan nitong muli si Zombie at tinanong muli tungkol sa papeles na maaring magpapatunay na hindi siya isang halimaw o bandido.
Tiningnan ni Zombie ang guwardiya sa harap. "Manong, wala akong maipakitang papeles. Pero hindi ako halimaw at hindi rin bandido. Isa lamang akong hamak na manlalakbay. Pumunta ako rito sa kadahilanan na makahanap ng bagong matirhan at narinig ko rin na pwede akong makasali sa grupo ng mga tagatugis sa lugar na ito."
Sagot ni Zombie sa kaninang katanungan ng guwardiya. Walang bahid ng pag-alala o kasinungalingan ang kanyang mukha habang sinasambit ito.
"....."
Hindi agad nakasagot ang guwardiya. Hindi niya inaasahan ang dahilan ng lalaking nasa harap niya.
Sa isip ng guwardiya ay, hindi ba alam ng lalaking ito na hindi basta-basta makakasali ang kahit sinuman sa kapulungan ng mga tagatugis?
Tiningnan ng guwardiya ang katawan ni Zombie. Gusto nitong matawa sa sinambit niya kanina. Dahil kung pagbabasihan ang payat nitong pangangatawan, ay parang katangahan nga naman ang sinabi nito.
Tingnan mo naman, parang kunting ihip lang ng hangin ay matatangay ito.
"Bwahahahaha! Gusto mong sumali sa ahensiya namin? Yun ba ang sabi mo patpat?!"
Isang malakas na halakhak na nagmula sa likuran ni Zombie. Ito ay mula sa lalaking nagngangalang Droy.
"Patpat?" Biglang pag-uulit ni Zombie at sinulyapan ang sarili. Napansin niya na ang payat nga pala niya kompara sa dati niyang hitsura.
'Wala bang kain ang dating nagmamay-ari ng katawan na ito? Ay oo nga pala. Dahil nga pala sa mga nangyayari sa akin nitong nakalipas na mga araw.' Sa isip ni Zombie.
"Oy, oy, bakit parang gulat ka na tawaging PATPAT, ha!" Parang may halong pananadya ang boses ni Droy habang dinidiin ang salitang ito.
Pumaitaas ang isang banda ng labi ni Zombie. Isang ngiti na nagpapatunay na wala siyang paki at hindi siya apektado sa pinagsasabi ng mamang ito.
Biglang bumuka ang isang mata ng kanyang alaga na nakapatong parin sa kanyang kaliwang balikat. Mukhang naiingayan ito sa halakhak ng lalaking nagngangalang Droy.
Hinimas ni Zombie ang ulo nito para hindi magalit. Baka bigla itong mangagat ng wala sa oras. Buti nalang busog na busog ito sa ngayon.
Muli niyang ibinaling sa guwardiya ang paningin, ngunit, hindi nagustuhan ni Droy ang kanyang inasal. Dito sa lugar na ito ay kilalang kilala siya at kinatatakutan.
Walang sinuman ang may lakas ng loob na siya'y baliwalain.
Kung gusto niyang pumasok ng diretsa sa lugar na ito at lampasan ang mga nagbabantay na guwardiya ay kayang kaya niyang gawin. Pero hindi sa ngayon dahil may napansin siyang kakaiba sa taong nasa harap niya.
Ang bagay na nakasabit sa likod nito. Na nakabalot ng garapal sa tela. Napansin niya na isa itong uri ng espada. Kailangan niya itong makita ng buo at maangkin. Kaya nagtitiis sila ritong pumila. Pero sa totoo lang, hindi pa naman katagalan ng sila'y pumila.
Nanlaki ang mga mata ng guwardiya sa ginawa ni Zombie at hindi agad nakapagsalita. Hindi nila inaasahan na napakawalang alam ng taong nasa harap nila.
"P-Pasinsya na pero hindi ka pwede pumasok kung wala kang papeles na makakapagpapatunay ng iyong pagkatao." Sabi ng guwardiya sa kanya.
Naisip ni Zombie na wala na siyang magagawa kung ganun. Siguro babalik nalang siya mamayang pagdilim. Tatalon nalang siguro siya sa bakod ng baryong ito.
Nakita niya sa unahan na palayo ng palayo ang mga likod ng nakasama sa paglalakbay papunta rito. Naisip niya na baka may magawa sila para tulungan siya. Pero mukhang hindi nila napapansin na natigilan siya.
Siguro ay wala rin silang magagawa. Sa isip niya.
Kahit na hindi niya inaasahan na hindi makapasok sa lugar ay minabuti niyang lumisan.
"Uncle Pol, bakit ayaw mong tulungan natin si Zombie?" Pag-alalang tanong ni Yuya kay Pol.
"Yuya, alam mo naman kung gaano ka delikado ang taong yan. Yung halimaw na nasa kanya. Pwedeng magkagulo ang buong nayon dahil sa halimaw na iyon. Alam mo naman siguro kung gaano ka-bangis ang mga Kamatayan. Wala sa atin ang may kakayanan na ito'y paslangin."
"Sang-ayon ako kay Pol, Yuya. At kahit ano pa ang sabihin ni Zombie, mahirap parin paniwalaan ang lahat ng kanyang sinasabi.
Paanong ang isang taong tulad niya nakayang paamuhin at paslangin ang dalawang mababangis na halimaw ng mag-isa?" Pag-sang-ayon ni Mor.
"Oo, tama si Mor at sang-ayon din ako kay Uncle Pol. Nang nilabanan ko ang Zombie na iyon ay feeling ko parang napaparalisa ang buo kung katawan nang ihampas kona dapat ang aking mga sandata sa likuran ng kanyang leeg.
Sigurado akong may ginagawa siyang panlilinlang sa akin sa mga oras na iyon. Kaya nagawa niyang sanggain ang aking atake.
Ukol naman sa halimaw na kanyang kasa-kasama, imposible na nakaya niyang paamuhin itong mag-isa. Pero kung may kasamahan siya o kaibigan na makapangyarihan gaya ng mga halimaw na mataas ang antas, ay siguradong posible na mapaamo niya ito." Biglang sambit ng lalaking naputulan ng braso ni Zombie.
"Anong ibig mong sabihin, Maru?" Kunot noong katanungan ni Yuya.
"...na si Zombie ay posibleng kasamahan ng mga halimaw na may mataas na antas. Na posibleng isa siyang espiya na ipinadala para sa nayon na ito.
Biruin niyo, sino ba namang tao ang may kakayanan na paslangin ang Haring Sawa na mula sa angkan ng pinuno. Hindi lang yun, pati rin paamuhin ang Kamatayan, na gayun din ay nagmula sa angkan ng pinuno.
Kahit siguro ang tanyag na mga miyembro ng Banal na Black Pegasus ay hindi kayang paamuhin ito." Dugtong ni Maru habang pilit pinaintindi kay Yuya ang bagay-bagay tungkol sa nakakadudang pagkatao ni Zombie.
"Mukhang may katuturan ang sinabi ni Maru. Dahil hindi naman lahat ng bihag ng mga halimaw na may mataas na antas ay kanilang pinapaslang.
Minsan kona nabalitaan mula sa ibang nayon, na ang iba sa kanilang bihag na kanilang napipili ay binibigyan ng pagkakataon upang maglingkod sa kanila. At hindi lang yun, binibiyayaan pa nila ito ng panibagong kapangyarihan. Na kahit ang ordinaryong tao ay magiging kasinglakas ng sundalo ng kaharian." Ani ni Pol habang pilit na inaalala ang kanyang mga narinig o nalaman mula sa ibang nayon nung minsan na nagkaroon siya ng misyon sa lugar.
Sumimangot ang mukha ni Yuya. Hindi niya inasahan na hindi pala sensero sa kanilang pakikitungo ang kanyang mga kasama kay Zombie.
Akala niya ay totoo ang pakikipagkaibigan nila. Pero hindi nga naman niya masisisi ang mga ito. Dahil iniisip lang din nila ang kaligtasan ng mga tao sa lugar na ito.
Kahit na sinabihan siya na huwag lumingon sa likuran, ay hindi napigilan ni Yuya ang sarili na mapasulyap sa likod.
Nakita niya ang likod ni Zombie na palayo ng palayo sa pasukan. Mukhang hindi siya pinayagan ng mga guwardiya na makapasok.
Biglang nakadama ng lungkot si Yuya. Naaawa siya kay Zombie. Pano nalang kung totoong nais lang niyang maghanap ng matirhan dahil wala siyang matitirhan? Mukhang pinagkait nila sa kanya ang munting bagay na iyon.
Kaya lang, hindi rin maalis sa kanyang isipan ang mga sinabi ng kanyang mga kasama na baka isa siyang espiya na pinadala ng mga halimaw na may mataas na antas. Dahil dito ay hindi alam ni Yuya kung ano ang gagawin.
Bago pa makalayo ng tuluyan si Zombie ay nakita niyang nilapitan ito ng grupo nila Droy.
"Oy, patpat!"
Malakas na tawag ni Droy sa kanya na kahit ang mga taong nakapila at nasa paligid nila ay napatingin.
Tumigil sa paghakbang ang mga paa ni Zombie. Hindi niya talaga lubos akalain na hindi siya maaaring pumasok sa baryong ito, kapag walang anumang papeles.
Mukhang hindi basta basta makakapasok ang sinuman sa mga baryo ng mundong ito.
Lumingon siya sa likod kung saan nagmula ang pasigaw na tawag sa kanya. Nakita niya ang lalaking tinatawag na Droy at ang tatlo niyang kasama. Yung babae na may mapang-akit na boses na tinatawag na Miss Valin ng mga guard, lalaki na may dalang espada, at isang mysteryosong tao na hindi mawari kung lalaki o babae dahil sa klase ng kanyang pananamit na nababalutan ng husto.
Hindi gaanong matangkad ang isang ito at kung ti-tiyansahin ni Zombie nasa apat na talampakan at mahigit lamang ito.
"Bakit?"
Isang maikling tugon ng pagtatanong ang kanyang naisagot.
Napansin niya ang pagngiti ni Droy habang ipinatong ang malaking braso sa seksing balikat ni Valin.
"Hehehe. Saan ka pupunta? Diba gusto mong pumasok sa loob ng baryo? Pwede kitang tulungan." Sabi nito sa kanya. Pero napapansin niya ang paligaw tingin nito sa espadang nasa kanyang likuran.
Naningkit ang mga mata ni Zombie mula sa narinig. Hindi niya inakala na ito ang sasabihin ng mamang ito.
"Talaga?"
Isang maikling tugon ulit na nagmula kay Zombie.
"Oo naman, pero sa isang kondisyon." Sagot ni Droy sa kanya.
Ngumiti si Zombie. Inasahan na niya ang bagay na ito. Katulad lang din ng mga movies na kanyang napapanood sa dating mundo. Pakuwari totolong pero may kondisyon. Pang-action star pa ang entrada ng mga mukong. Sa isip niya.
"Anong kondisyon?"
Tanong niya kay Droy.
"Simple lang. Sabi mo kanina na gusto mong sumali sa kapulungan ng tagatugis..."
Tumango si Zombie ng bahagya.
"Kung ganun, kailangan mo patunayan muna ang iyong sarili sa pamamagitan ng isang duwelo," saad ni Droy.
Tiningnan ni Zombie isa-isa ang mga nasa harap. Hindi niya inasahan ang kondisyon nito. Pero kung ito ang nais nila ay wala na siyang magagawa.
Napansin din ni Zombie na biglang nagbulung-bulungan ang mga tao sa paligid.
"Duwelo daw?" Sabi ng isang mama na naka-krus ang mga braso sa bandang dibdib.
"Oo, yun din ang narinig ko." Sagot naman ng isang mama habang pina-ikot-ikot ang patalim sa kanyang daliri.
"Hinahamon ba nila ng duwelo ang taong payatot?" Tanong ng isang boses babae na nakatakip ang ilong at bibig.
"Yata. Pero sigurado akong hindi papayag ang payat na lalaki. Tingnan mo naman. Parang kahit hindi siya tamaan ay matutumba parin. Hehe." Hagikhik naman ng isang mamang kalbo.
"Sige. Payag ako."
Biglang sagot ni Zombie.
"....."
Mukhang nagulat ang mga tao sa kanyang harapan. Pati narin ang mga nakarinig na nasa paligid. Walang nakaimik agad at nakapagsalita sa biglaan niyang pagpayag.
Inaaasahan ni Droy na tatanggi ang payat na ito. Ngunit, kahit na tatanggi siya ay may paraan naman siya para mapapayag niya. Pero taliwas sa inaakala ng lahat, bigla itong pumayag ng walang pagdadalawang isip.
"Bwahahahaha!"
Biglang napatawa si Droy.
Hahahahahahaha!
At sumunod din sa pagtawa ang mga kasamahan pati narin ang mga tao sa paligid.
Putik! Hindi nila akalain na napakatapang ng payat na ito.
Tanging ang maliit na miyembro lang ng grupo ni Droy ang tahimik.
"Haha-hah-haah...hindi ko akalain na ganun ka katapang, patpat," sabi ni Droy habang pilit na pinipigilan ang sarili sa pagtawa.
"Hindi ko rin inakala na may bobong tao na nangangarap pumasok sa kapulungan," saad naman ni Valin.
Nagpakawala lang ng hilaw na ngiti si Zombie sa tawanan nila.