Pinili ni Chase na sa bakuran ng bahay sila mag-usap ni Hera. Hindi naman ito umangal at nagpatianod lang nang higitin niya ito. Nakita niya ang pagtataka sa mukha nito at ng kapatid niya pero hindi na lang niya pinansin. Bistado na rin namang nakikinig siya sa usapan nang may usapan.
Nang makarating sa labas ay mabilis niya itong binitiwan. Tumalikod siya rito at nag-isip ng sasabihin. Where should he start? Magso-sorry ba siya? Huminga siya nang malalim.
"Ang ganda ng buwan."
Natigilan siya. Sa dami ng puwedeng sabihin, iyon pa ang lumabas sa mga labi nito. He was actually surprised. But somehow, he also felt relieved. Tumingala siya para makita ang buwan ngunit agad ding sumimangot. Wala siyang makita kundi itim.
"Wala namang buwan… wala ring bituin," bulong niya.
Nilingon niya si Hera. Umawang ang labi niya nang makitang hindi naman ito nakatingin sa langit kundi sa semento. Nakayuko ito at pinaglalaruan ang kamay na parang bata. Napasinghap siya. Pakiramdam niya'y tumatawid at lumilipat sa kanya ang lungkot na tila bumabalot sa kausap.
"Hey," sabi niya sabay hawak sa baba nito para umangat ang tingin nito sa kanya. Guilt was starting to creep into his system.
"Sorry," bulong nito. "Hindi ko sinasadya, Chase. Sorry." Humikbi ito at tinakpan ng palad ang mukha.
"Hera…" Hindi niya alam kung anong dapat sabihin. Tumikhim siya. "I-it's fine."
"Really, pinatatawad mo na 'ko?" Malungkot pa rin ang boses ng dalaga.
"Hayaan mo na, tapos na. Mas mag-ingat ka na lang sa susunod." 'Yun na lang ang nasabi niya.
Ilang araw na rin ang lumipas kaya halos naglaho na rin ang galit na naramdaman niya noon. Tama si Lynne, aksidente ang nangyari, walang may gusto no'n kaya dapat magpasalamat na lang siyang walang nangyaring masama. Siguro nga, masyado siyang cold kay Hera. Siguro nga, hindi niya ginagawa ang lahat para intindihin ito. Siguro nga, may mali rin siya.
Nagbuga siya ng hangin.
"No, no, it's not fine. It will never be fine, Chase. Tama ka naman e, muntik ko nang masunog 'yung bahay n'yo," litanya nito.
Tumikhim siya. "Mas mag-ingat ka na lang sa susunod," muli niyang sabi.
Pero parang hindi nito narinig ang sinabi niya dahil tumalikod ito at bahagyang lumayo sa kanya habang pinupunasan ang mga luha sa pisngi nito.
"Sorry talaga. Uuwi na nga pala ako sa 'min sa Sabado. Nagpaalam na 'ko kay Lynne. Salamat sa pagpapatira sa 'kin dito kahit ilang araw lang."
Pansamantala siyang natigilan sa narinig. Lumunok siya. Gusto niyang magsalita pero pakiramdam niya'y may bumara sa lalamunan niya.
No, Hera, no. Baka lalo siyang hindi mapatawad ni Lynne kapag umuwi ito. Isa pa, siguradong mag-aalala si Louie kapag nabalitaan nito ang lahat.
Hinawakan niya ito sa balikat. "No, okay lang. I should be the one saying sorry. Kung ano-anong nasabi kong hindi naman tama. Sorry," sinsero niyang sabi.
Umiling ito. "Don't worry, natuto naman ako. Actually, na-enjoy ko 'yung stay ko rito kahit saglit lang 'yon. Although I am secretly wishing na mas tumagal pa sana para matuloy ang pagpapa-member ko sa gym mo." She giggled but there was no humor in her eyes.
Nag-iwas siya ng tingin.
"Nga pala, plano kong tulungan ka para maipakita kay Lynne na walang nakakatakot sa pagmamahal, o 'di ba, parang kindergarten lang 'yung kapatid mo, pero dahil uuwi na rin naman ako, tingin ko kaya mo na 'yon. Pero suggestion, kung gusto mo talagang magreto sa kanya ng mga lalaking pinagkakatiwalaan mo, do it as discreet as possible. Alam mo 'yung parang aksidente lang? 'Yung nagkataon na nasa iisang lugar kayo at 'yung guy tapos ipakikilala mo si Lynne. Gano'n," Hera told her in a monotonous tone.
"That's what I actually did with Marcus… kaso…" Tumikhim siya. "It just didn't go well."
Kaya nga hindi na niya sinubukan ulit. That was one epic moment. Isa pa, he, too, was contradicting himself for doing that kind of thing. Mali yatang makialam siya.
"So, you mean?"
"Yeah, sinadya kong magkita-kita kami no'n."
Halatang natigilan si Hera at napaisip. "I was right after all," bulong nito.
"What?"
"Wala," she answered.
Tinitigan niya ito. Lumapit ito sa kanya at tinapik ang balikat niya. Natuon ang pansin niya sa inosenteng mukha ng dalaga. Kusang umangat ang kamay niya papunta sa mukha nito pero agad itong umatras.
"I'm sorry," nahihiyang sabi niya. "Ano kasi, may itim sa gilid ng mata mo. Parang tinta ng ballpen."
Nanlaki ang mga mata ni Hera. "F*ck, kumalat na naman ang eyeliner ko. Akala ko ba waterproof 'to," bulong nito. Nagmadali ito sa pagtalikod. "Balik na 'ko sa loob. Kakain sana kami ni Lynne kaso hinigit mo naman ako palabas."
Nagsimula na itong maglakad pabalik ng bahay habang siya ay nakatunganga pa rin at pinanonood ang unti-unting paglayo ng dalaga. Nang matauhan ay tumakbo siya at hinigit ito sa braso.
"Oh, bakit?" nagtatakang tanong nito. "Huwag mo 'kong tingnan, sabog ang eyeliner ko!" Tinakpan nito ng palad ang mga mata.
Napakamot naman siya sa ulo. Ipinilig niya ang ulo sa kanan. "Okay, hindi na 'ko nakatingin."
"Okay, go, ano bang sasabihin mo?" inip na tanong ni Hera.
Lumunok siya. "Wag ka munang umuwi."
Hindi ito sumagot, hindi rin naman niya makita ang itsura nito dahil hindi pa rin siya nakatingin dito.
He cleared his throat. "Di ba sabi mo tutulungan mo 'ko? Kaya 'wag ka munang umuwi."
—x—
Napahagikhik si Hera nang ikuwento niya sa matalik na kaibigan ang napag-usapan nila ni Chase. Hinampas-hampas pa siya ni Lynne ng unan sa mukha habang nakahiga siya. Ayaw siyang tantanan ng kaibigan niya. Para itong sinasapian na ewan.
"Great job!" sabi nito sabay ngisi. "Pinaikot mo ang kuya ko. Alam mo ba kung anong fallacy ang ginawa mo?"
"Not interested."
"Ano 'yon, wait, basta appeal to…" Pumalatak ito. "Basta nabanggit na 'yon ni kuya sa 'kin dati. 'Yung paggamit ng guilt para sumang-ayon sa 'yo ang isang tao or something."
Hera pouted, mukhang alam niya ang tinutukoy nito. "Appeal to pity."
"Ay, 'yon nga! Wow, mukhang talagang nag-research ka, a. But seriously, you are so damn smart." Bumungisngis pa ito na parang teenager na niligawan bigla ng crush.
Tinakpan niya ang bibig nito. "Lynne, keep your mouth shut! Baka marinig ka ni Chase, sabihin pa no'n, tinuturuan kitang magmura."
Lalong lumawak ang ngiti nito. "Ayie, concerned sa iisipin ni Kuya," pang-aasar nito. "Pero seryoso, nautakan mo ang kapatid ko. Ang galing mo ro'n."
"I know right," sabi na lang niya habang inaalala ang mukha ni Chase nang sabihin nitong 'wag muna siyang umuwi.
Hindi niya akalaing pipigilan siya nitong umalis dahil una sa lahat, wala naman talaga siyang balak umalis. Tama, wala siyang balak. Sinabi niya rito na uuwi na siya at nagpaalam na siya sa matalik na kaibigan kahit ang totoo'y nauna na niyang sabihin kay Lynne na kahit isuka siya ng kapatid nito ay hinding-hindi siya aalis. Not now.
Sinubukan lang naman niyang konsensyahin ang binata, hindi niya akalaing apektibo nga. Well, magaling siyang artista, may paiyak-iyak pa siya. Worth it ang pagkalat ng eyeliner niya. Pero papalitan niya pa rin ang eyeliner brand na 'yon dahil napagkamalan pa 'yong tinta ng ballpen ni Chase nang kumalat sa gilid ng mata niya.
"Aminin mo na kasing gusto mo si Kuya," natatawang sabi ng kaibigan niya.
"Ewan ko sa 'yo." Umiling-iling siya.
Tinitigan niya si Lynne. Lahat ng napag-usapan nila ni Chase, ikinuwento niya rito maliban sa isa—ang pinakaimportante, ang nabuo niyang plano kung saan ise-set up nila sa blind date si Lynne. S'yempre, si Chase ang magde-decide kung sino ang ipakikilala rito. Baka kapag siya pa ang nagdesisyon at napunta sa loko-lokong lalaki si Lynne, mag-amok si Chase. Mahirap na.
Matagal-tagal din nilang pinag-usapan ang tungkol do'n. They weighed the pros and the cons. Niloko pa nga niya si Chase na parang irrational ang plano nila at nagulat siya nang tumango ito. Maybe for once, he was sacrificing his own belief. Para kay Lynne… to help her realize something.
"May kakilala akong nurse sa ospital kung saan ka nagtatrabaho," maingat niyang sinabi. Wala naman talaga siyang kakilala sa ospital na 'yon pero sinusubukan niya kung may posibilidad bang pumayag ito.
"Who?"
"Jameson Santos, kilala mo?"
Umiling ito. "Baka ibang shift. Konti pa lang ang kilala ko ro'n, kaka-start ko pa lang kaya sa trabaho ako. Why?"
Napalunok siya. "Wala lang. He's a good guy, nakilala ko way back 2010 pa. Naalala ko lang."
"Are you sure na naalala mo lang?" Nanliit ang mga mata nito. "Baka irereto mo rin 'yan, ha. Ano, nag-team up na ba kayo ng kapatid ko para hanapan ako ng love life?"
Nakagat niya ang kanyang labi. Bullseye! May sa manghuhula ba 'tong si Lynne?
Pinilit niyang tumawa. "Hoy, hindi, a. Naalala ko lang talaga."
"Siguraduhin mo lang. Pag nalaman kong may pareto-reto ka na ring nalalaman, palalayasin talaga kita." Humagalpak ito ng tawa kaya nailing na lang siya.
Lagot. Seems like this task won't be as easy as it appears to be.
"Kahit date lang naman. Say, friendly date. Kasi ang mahirap sa 'yo, wala ka ngang interes sa pag-ibig, wala ka pang interes sa lalaki, ni wala ka ngang kaibigang lalaki," hindi niya napigilang sabihin.
"I don't need a man, Hera."
"I know. You are a strong, independent woman who doesn't need a man. Pero naiintindihan ko ang kapatid mo kung bakit natatakot siya para sa 'yo. In time, magkakapamilya siya, kahit gustuhin niyang ibigay sa 'yo lahat ng oras niya katulad noon, hindi na puwede. Ang gusto lang siguro ni Chase, makahanap ka ng taong mag-aalaga sa 'yo ng higit pa sa pag-aalagang ginawa niya. Paano mangyayari 'yon kung ganyan ka?" litanya niya.
Lynne smiled timidly. "And now you're speaking on his behalf? Aba naman, ilang oras lang kayong nag-usap, ganyan na?"
Hera snorted. Suko na siya. Sa ibang araw na lang niya kakausapin ang kaibigan tungkol sa bagay na 'yon. Kapag ipinilit niya, baka lalo pa itong hindi pumayag. Tumahimik na lang siya at mariing pumikit.
"Hera, galing-galingan mo. Baka maunahan ka kay kuya," Lynne whispered out of the blue.
Napadilat siya. Tiningnan niya ito. Nakangisi ito sa kanya.
"What do you mean?" tanong niya.
"May kaklase siya noong college na madalas niyang ka-text tapos parang palagi siyang niyayang mag-coffee or something."
"Baka naman networking?" she innocently asked.
Binatukan siya ni Lynne. "Sira, hindi! Remember Atty. Ai? 'Yung maganda na petite na bob cut ang buhok? Kasama siya sa naabutan natin dito sa bahay after ng—"
Nanlaki ang mga mata niya. 'Yung nagpanggap na tulog at kuntodo yakap kay Chase!
"Yung maganda na maputi?"
Tumango si Lynne sa tanong niya. "Yep. So ayun nga, I think she likes my brother."
"I knew it." Lumunok siya nang ilang ulit. "Pero ano naman kung may gusto sa kuya mo? Bakit mo ba iniiba ang usapan? Ikaw ang topic natin, hindi ako. Isa pa, I don't even like your brother."