Chereads / Fallacious Romance / Chapter 17 - Chapter 17

Chapter 17 - Chapter 17

Pinasadahan ni Chase ng tingin ang mga estudyante niyang abala sa pagsasagot ng quiz na inihanda niya. Surprise quiz iyon kaya hindi na siya nagulat nang makatanggap siya ng sari-saring reklamo.

"Sir, may quiz?" tanong pa ng isa matapos niyang sabihing ang pamatay na linyang 'get ¼ sheet of paper.'

Maloko siyang ngumiti. "Hindi, magpupunit lang tayo ng papel."

"Hala si Sir, o. Nagjo-joke na." Narinig niyang hirit ng estudyanteng nasa harap. Na para bang himala na nagbiro siya.

Hindi na lang siya sumagot. Hinayaan na lang din niyang magreklamo ang mga ito. Sanay rin naman siya sa gano'ng reaksyon. He was once a student so he perfectly understands.

Noong nag-aaral pa siya, ayaw na ayaw rin naman niya ng surprise quiz. Para kasing pinipilit siyang palabanin sa isang giyera na wala siyang dalang armas. Pero ngayong propesor na siya, saka niya naintindihang hindi naman laging napaghahandaan ang mga bagay, may mga pangyayari talagang dumarating nang hindi inaasahan at walang ibang magagawa kundi tanggapin at harapin.

"Ang hirap," murmured by someone.

Naglakad-lakad siya sa harapan ngunit hindi niya alam kung sino ang bumulong. Kung estudyante niya si Hera, siguradong isa 'to sa magrereklamo, sa bubulong, sa maiinis. Napangiti siya.

Muli niyang tiningnan ang paligid. Humalukipkip siya habang pinapanood ang iba't ibang ekspresyon makikita sa mga mukha ng mga estudyante niya. May ilang kunot ang noo habang nag-iisip ng sagot, may iba namang chill lang at mukhang hindi man lang pinagpapawisan, pero hindi maaalis ang mga kung saan-saan lumilingon. Nilapitan niya ang isa sa mga palingon-lingon at tinapik ito sa balikat.

"Eyes on your paper," bulong niya rito.

Napakamot naman ito sa ulo bago sumagot, "Ang hirap naman nitong exam, Sir. Drop ko na kaya 'to?"

Narinig niyang may ibang nagtawanan sa likod kaya sumitsit siya para mapatigil ang mga ito.

Sinimangutan niya ito. "Sagutan mo na lang 'yan."

Matapos ang isa't kalahating oras ng quiz at kaunting discussion ay natapos din ang klase. Isa-isang nag-alisan ang mga estudyante niya habang nagkukuwentuhan. Siya naman ay nagsimula nang mag-ayos ng gamit para pumunta sa sunod niyang klase.

"Sa'n date n'yo?"

Narinig ni Chase na sinabi ng isang estudyanteng hindi pa nakakaalis ng classroom. Kausap nito ang dalawang lalaking palabas na ng pinto.

"Sira, magdo-Dota kami. Date mo, mukha mo!" sigaw ng isa na nagpaalam pa muna sa kay Chase bago tuluyang lumabas. Lumabas na rin ang dalawa at katulad ng nauna ay nagpaalam din muna sa kanya.

Huminga naman siya nang malalim nang may maalala. Date—ang kapatid niya at ang sinabi nito ilang gabi na ang nakararaanan.

"Oo na, pumapayag na 'ko sa plano n'yo. If you want me to date someone, I will!"

Tiningnan niya si Lynne nang may pagtataka. Magsasalita na sana siya nang higitin ni Hera ang kapatid niya papasok sa bahay. Sunod ay sumilip ito sa pinto at nagtaas ng isang kilay sa kanya.

"Chase, come on, dito n'yo na pag-usapan 'yan sa loob," ani Hera.

Nagkibit-balikat na lang siya at pumasok. Umupo siya sa sofa at tumabi sa kapatid niya habang si Hera ay lumayo at akmang aalis na.

"Sa'n ka?" tanong niya sa dalaga.

Nagkamot ito ng batok saka sumagot, "Ano pa, e 'di matutulog?"

Tumayo siya at hinigit ito pabalik. Pilit niya itong pinaupo sa sofa. "You can stay. Right, Lynne?"

Tumingin naman nang makahulugan at ngumisi sa kanya ang kapatid niya. "Pag-big na kaya, pareho ang nadarama, ito ba ang simula? 'Di na mapipigilan…"

"Shut up," bulong ni Hera.

Tumikhim siya. "She's your bestfriend so…"

"'Wag ka nang mag-explain, Kuya. Don't worry, I get it," humahagikhik na sagot nito.

Chase scowled at her. "What made you change your mind?" tanong niya para matigil na ito sa pang-aasar at para matapos na ang usapan.

Hindi pa rin siya makapaniwalang pumayag ito. Their idea was not even that good, aminado siya ro'n.

Umirap si Lynne sa kawalan. "Bakit parang 'di ka masaya? Ito na nga o, pumapayag na 'ko. Hindi na labag sa loob ko."

Hindi niya malaman kung ano'ng sasabihin. Parang… may mali. The look on Lynne's eyes was nothing but mysterious. Naalala niya noong makilala nito si Marcus, tawa ito nang tawa dahil sablay ang ipakikilala sana niya. Hindi naman niya akalaing ang lalaking-lalaking estudyante niya noon, lalaki na rin pala ang gusto ngayon. Pero nang araw na 'yon, sinabihan siya ni Lynne na 'wag nang makialam. That she is twenty-six, not five. That she can decide for herself. Kaya nga ilang beses siyang nagdalawang-isip kung tama ba ang plano nila ni Hera.

Inilipat niya ang atensyon sa matalik na kaibigan ng kapatid niya. Kunot ang noo nito at tila malalim ang iniisip. Hindi kaya ito ang dahilan kung bakit pumapayag na si Lynne?

"Lynne, sure ka na ba r'yan? Baka mamaya, ini-echos mo lang kami ni Chase para matapos na 'tong reto-reto na 'to," Hera said, pouting.

Hinampas naman ito ng kapatid niya. "'Wag mo 'kong bigyan ng mga ganyang idea, baka mamaya gawin ko nga."

Napakurap na lang siya nang tumawa ang dalawa at nagsipag-apir. Hinilot niya ang sentido habang pinagmamasdan ang mga ito. Paano kung tama si Hera? Paano kung pinasasakay lang sila ni Lynne para matigil na siya—sila?

"Alam mo, Lynne, nakakatakot magmahal, totoo. Pero mas nakakatakot kung hindi mo mararanasan ang matakot dahil dito. Mas nakakatakot na sa huli, marami kang regrets. Iisipin mo, bakit hindi ko sinubukan noon? Ano kaya ang feeling na ma-in love? Heaven nga ba? Sabi mo nga, hindi ka naman talaga takot magmahal, takot ka lang masaktan. Pero hello, no pain, no gain kaya. Applicable rin sa pagmamahal ang kasabihang 'yon!" mahabang litanya ni Hera na nagpanganga sa kanya at sa kapatid niya.

"Masamang engkanto! Sa'n mo dinala ang best friend ko?!" sigaw ni Lynne na nagpatawa sa dalaga. Ilang saglit pa ay sumeryoso rin ito. "I will be honest."

"Okay, go," ani Hera.

"I started hating the idea of romantic love when our parents died."

Napakurap si Chase. Bahagya siyang kinabahan sa ideyang tama ang hinala niya noon pa man.

"L-Lynne," bulong niya.

"Kuya, alam kong may ideya ka rito. Kaya nga natatakot ka para sa 'kin nang sobra. Kung 'yung kay Hera lang ang dahilan ko, I think you won't even bat an eye."

Siniko siya ng dalaga sa tagiliran at binulungan, "See, hindi naman pala talaga ako ang salarin. May gana ka pang sumugod sa bahay namin noon."

Hindi niya ito sinagot. Hindi niya inalis ang paningin sa kapatid niyang nangingilid na ang luha sa mga mata.

"Let me tell you a secret, Hera. Our parents died because my father cheated on my mom."

Kahit hindi niya tingnan si Hera, alam niyang gulat na gulat ito. He even heard her gasped.

"W-what?" Her voice quivered.

Tumango si Lynne. Lumunok ito nang ilang beses saka nagbuga ng hangin. "Noong araw ng aksidente, nalaman naming may ibang babae si Papa."

"Lynne," bulong niya. "That's enough." Mula nang mangyari ang aksidente, hindi na nila pinag-usapan ang bagay na 'yon. Ngayon na lang… ngayon na lang ulit.

"Hera needs to know, Kuya. In a way, ginamit natin siya para mapagtakpan 'tong takot na nararamdaman ko. Palagi kong sinasabing takot dahil sa na-trauma ako sa nangyari sa kanya. She needs to know the truth."

Kinagat niya ang kanyang labi. Huminga siya nang malalim saka dahan-dahang tumango.

"Nalaman naming may iba si Papa…" Saglit na huminto ang kapatid niya para lumunok. "Nagtalo sila ni Mama. Kami ni Kuya, takot na takot no'n. Hanggang sa makita na lang namin si Mama na sumasakay na ng sasakyan, hindi namin alam kung bakit. Sumunod si Papa, nagsigawan sila. Sapilitan niyang pinaalis si Mama sa driver's seat at siya ang umupo ro'n. Sabi ni Papa, walang aalis. But my mom was furious. Sumakay siya sa front seat at nagtalo na naman sila. Hanggang sa umandar na ang sasakyan." Naghabol ng hininga si Lynne. Panay ang tulo ng luha nito ngunit wala silang naririnig na ano mang paghikbi.

Pumikit siya nang mariin. They have long forgotten this incident. Kinalimutan na nilang magkapatid. Tinanggap nila kahit masakit dahil wala na rin naman silang magagawa. Hindi niya akalaing babalikan na naman sila ng pangyayaring 'yon… lalo na si Lynne.

"That was the last time we saw our parents alive. Nagmaneho si Papa to God knows where and the next thing we knew, may tumawag na sa 'min para magbalitang naaksidente sila. D-dead on the spot."

"I'm sorry," bulong ni Hera.

Umiling si Lynne. "Don't be sorry…"

Katahimikan. Binalot sila ng matinding katahimikan. Makalipas ang ilang minuto ay tumayo si Lynne. Ngumiti ito nang pilit.

"My beliefs stand firm, I don't need a man. 'Yung takot ko, para sa sarili ko lang 'yon. I celebrate other's love, kung mai-in love ang kapatid ko, I will be very happy, pero ako, sa sarili ko, I—I d-don't think I can. But I will try, okay? I realized how my thoughts are affecting you, Kuya. So yes, I will try."

Napapitlag siya at natigil ang pag-iisip nang mag-ring ang cellphone niya. Tumatawag si Hera. Ngayon lang ito tumawag kahit na ilang araw na ang lumipas mula nang hingin nito ang numero niya.

Sinagot niya ang tawag. Kinuha niya ang kanyang gamit bago naglakad patungo sa sunod niyang klase.

"Hello, Chase," bungad nito.

"Good afternoon, Miss Tadea. Why did you call?"

Narinig niya ang pagsinghap ng dalaga. "Why so formal?" tanong nito na nagpangiti sa kanya.

"I have a class, Miss Hera Tadea, in case you didn't notice," pang-aasar niya rito. Umangat ang sulok ng labi niya.

"Sorry, masama bang mag-alala sa asawa ko? Hinahanap ka ng anak natin," seryosong sabi nito sa kabilang linya.

Napahinto siya sa paglalakad. Pinagtinginan pa siya ng mga estudyante dahil siguro sa biglang paghinto at pagkunot ng kanyang noo.

Nang makabawi ay naglakad siyang muli at nagsalita, "What? I don't remember marrying you."

Humagikhik naman ito. "Joke lang, ito naman 'di marunong sumakay sa biro. Tumawag ako para itanong kung anong oras ka uuwi. No, umuwi ka pala agad, as in agad-agad. May sasabihin akong importante. Okay?"

Napangisi siya. "For a house keeper, you are so bossy."

Natakpan niya ang tainga nang sumigaw ito. "House keeper? Kapal mo! Saka gwapo ka naman, kapag gwapo madaling kausap at sumusunod agad."

Magsasalita pa sana siya nang biglang nagpaalam na ito at pinutol ang tawag. "Appeal to flattery naman ngayon? Binola-bola ako para pumayag ako sa gusto niya. Hay, Hera," bulong niya.

Napailing na lang siya saka itinuloy ang paglalakad. Pababa siya ng hagdan nang makita ang isang pamilyar na mukha. Kumunot ang noo niya.

"Anong ginagawa mo rito, Ai?"