He does not like Hera. Iyon ang agad ang naisip ni Chase nang unang beses silang magkita. Hindi naman siya judgmental, hindi rin siya uptight, pero may iba talaga kay Hera na hindi niya magustuhan. Is it the way she talks or the way she manages to lie without batting an eye—parang hindi nakokonsensya? He doesn't really know.
Marami na siyang narinig na kuwento tungkol dito mula kay Lynne. Hera is strong. Hera loves everything or everyone who is nice. Hera can be childish and irritating but she's an angel in disguise. Hera is someone who knows exactly what she wants. Hera is like a sister to Lynne.
Para sa kapatid niya, Hera is a hero. She is Lynne's second most favorite living person in the world, siya ang una. Kaya nga matagal na niyang gustong makilala ang dalaga. Gusto niyang makita mismo ng mga mata niya ang matalik na kaibigan ng kanyang kapatid.
Kanina, sinubukan talaga niyang magustuhan ito. Humingi pa siya ng tawad sa nangyari noon. Pero sa bawat buka ng bibig nito, lumalabas ang mga salitang hindi niya gustong marinig. Nahihirapan tuloy siyang unawain kung paanong ito ang ipinagmamalaking 'hero' ng kapatid niya.
"Binabaan ako ni Hera kanina," seryosong sabi ni Lynne habang pirming nakatingin sa harap.
Hindi siya sumagot. Nagpatuloy siya sa pagmamaneho na parang walang narinig.
"Kuya kasi, magsalita ka naman."
Dahan-dahan siyang tumango. "Bakit ka binabaan?" kunwaring interesadong tanong niya. He doesn't really like to talk about that girl. Pero wala naman siyang magawa.
"Sinabi ko kasi 'yung sinabi mong ad hominem yada yada. 'Yun, na-bad trip." Humagikhik si Lynne.
Hindi siya sigurado kung bakit natatawa ang kapatid niya pero hinayaan na lang niya. Mas maganda na 'yon kaysa naman mainis 'to sa kanya.
"Pero ayaw mo ba talaga kay Hera? Your first impression about her is really that bad? I get that she can be a handful sometimes, but she's likeable, Kuya."
Likeable? Saan banda? He cleared his throat. "She's your friend, so I will do my best to…"
"Like her?"
Umiling siya. "Understand. Siguro 'yon lang ang magagawa ko, intindihan siya. Hangga't kaya ko." Na mukhang hindi naman niya kaya.
"Darating din ang araw na magugustuhan mo siya, Kuya."
Kahit hindi niya lingunin ang kapatid, alam niyang nakangiti ito. Hindi na lang siya sumagot. Ayaw niyang makipagtalo. Ayaw niyang humaba pa ang usapan. Ipinagtuloy na lang niya ang pagmamaneho sa kahabaan ng Makati.
—x—
Hera is acting weird. Hindi siya 'yung tipo ng taong nagpapaapekto sa sinasabi ng iba pero paulit-ulit na tumatakbo sa utak niya ang sinabi ni Lynne noong huli silang nagkita, dalawang araw na ang nakararaan.
Ad hominem, against the man. Literal pa siyang napa-research para mas maintidihan ang lahat. She learned that ad hominem is a type of fallacy, and a fallacy is the use of an invalid or faulty reasoning. Umiikot ang lahat sa logic.
Sure, she had this subject back in college, but that was like seven or six years ago—ni hindi na niya matandaan. Iritadong bumuntong-hininga siya. Heto na naman siya, nagbabasa sa kanyang laptop ng tungkol sa mga fallacy, arguments, premises at kung ano-ano pa.
Pero siguro, mas ayos na rin na may iba siyang pinagkakaabalahan. Kesa naman isipin na naman niya si Lucas. Isipin in a negative way, 'yung tipong gusto niyang sapakin. Kahapon pa kasi ito text nang text. Ang dahilan? Gusto na raw nitong makipagbalikan.
Noong gabing nakipag-break ito, gustong-gusto niyang isipin na matatauhan din 'to at babalikan siya. Pero ngayon, matapos makapag-isip-isip nang matino (at siguro dahil na rin sa pagbabasa niya ng tungkol sa logic), na-realize niyang kailangan na niyang huminto sa pagiging uto-uto. She must start loving herself more, baka iyon ang kulang sa kanya.
Isa pa, hindi naman siya basura na itatapon basta-basta at pupulutin lang kapag may sumita o kapag may nakalagay na signage na: bawal magtapon ng basura, multa: Php 100. She deserves better—way better than that.
She smiled to herself. Way to go, Hera! Sana lang mapanindigan niya.
Isinara niya ang kanyang laptop. Naagaw ang atensyon niya ng gown magazine na nasa mesa malapit sa kanyang kama. Kinuha niya iyon nang maalalang kailangan na nga pala niyang pumili ng isusuot sa kasal ng kapatid niyang gaganapin isang linggo mula ngayon.
Dumapa siya sa kama habang abala sa pagtingin-tingin sa magazine. Ilang gown magazines na rin ang ibinigay sa kanya ng kapatid niya para pagpilian pero wala pa rin siyang damit na magustuhan. Tiningnan niya ang bawat gown at binusisi kahit ang kaliit-liitang detalyeng nakasulat doon.
Natigil lang siya sa ginagawa nang may kumatok sa pinto ng kanyang kwarto. Tumayo siya para buksan ang pinto. Napaatras siya nang mukha ni Lynne ang bumungad sa kanya.
"Wow, small world," manghang sabi nito.
Kumunot ang noo niya. "Anong ginagawa mo rito?" takang-tanong niya.
Ilang beses nang nakapunta si Lynne si bahay nila. Ito kasi ang naghahatid sa kanya pauwi kapag masyado na siyang lango sa alak at hindi na makapaglakad o magdrive. Pero ngayon lang yata ito pumunta nang walang dahilan.
"Hera, you won't believe this!"
Napakurap siya. That statement is familiar and so is her tone—high-pitched… na naman. Lumunok siya. Nagka-trauma na yata siya sa tonong iyon. Nagulat na lang siya nang higitin siya nito pababa ng hagdan.
"Come on, Hera," ani Lynne habang higit-higit pa rin siya. Nakatingin ito sa nagkikintabang muwebles na nadaraan nila.
Napakurap siya nang mapagtantong nasa garden na siya.
"Ano bang mero—"
"Ang ganda talaga ng bahay n'yo." Lynne sighed dreamily as she eyes the garden.
Napangiwi si Hera. Sanay na siyang napupuri ang bahay nila. Mas madalas pa nga iyong mapuri kaysa sa kanya. Classy, huge, sophisticated—she has heard those adjectives a lot. Theirs is a three-storey house with a huge lot area and a modern-contemporary design. It shouts elegancy and vanity. The furnitures itself cost millions of pesos. The medium-sized swimming pool in their rooftop is also quite famous.
Noong college pa siya, madalas na bahay nila ang pinipiling overnight hideout ng mga kaklase niya. Kunwaring gagawa ng project, pero ang totoo, magpapakasawa lang naman sa paglangoy at s'yempre, hindi mawawala ang patagong inuman.
Sa labas ay may malawak pang hardin. Their garden's landscape artist is internationally acclaimed and it shows. Elegante ang pagkakaayos ng team nito sa iba't ibang namumulaklak na halaman. Sa pusod ng hardin ay may ilang matataas na puno sapat para mabigyang lilim ang isang magarang mesang pinalilibutan ng anim na upuang yari sa kahoy ng acacia.
She is proud of this house. It is a product of her brother's hard work. Nakapag-ambag din naman siya kahit pa'no, sa kanya galing ang painting ng mga prutas na naka-display sa kusina.
"So, ano ngang meron?" inip niyang sabi habang nakahalukipkip. Imposible namang dinala siya ni Lynne sa hardin para lang purihin ang bahay nila.
"Nando'n sila sa parang tea spot." Itinuro nito ang tagong parte ng hardin kung saan may mesa at mga upuan.
"Who?"
"See for yourself." Ngumisi ito.
Pabiro niyang inirapan ang kaibigan. Sabay nilang nilakad ang hardin hanggang sa matanaw niya ang tea spot na sinasabi ni Lynne.
Her mouth fell open. Kumurap-kurap siya nang makita ang Kuya Louie niya at si Chase na nagtatawanan habang parehong may hawak na tasa ng tsaa. They looked so close.
"Anong—" naguguluhang bulong niya.
Siniko siya ni Lynne. "May nagpadala ng wedding invitation sa dati naming bahay sa Alabang last week, ngayon lang naipadala ng caretaker sa bahay namin ngayon. Tapos sa kuya mo pala galing 'yung invitation. Turns out, they were college friends na nawalan lang ng communication."
Habang nagsasalita si Lynne ay nakanganga lang siya. Hindi siya makapaniwala. Masyado na ba talagang maliit ang mundo?
"Abogado sila pareho…" she whispered, trying to put the puzzle pieces together.
Tumango si Lynne. "Yes. Pero sa pre-law raw sila naging magkaklase at magkaibigan. Actually, sabi nila, plano talaga nilang magkakaibigan na magsabay-sabay sa law school kaso na-delay si Kuya kasi 'di ba, alam mo namang…"
Oh? Oh.
Tumango siya. Oo nga pala, Lynne's parents died in a car accident three weeks after her brother's graduation in his Pre-law course. Iyon din ang dahilan kung bakit pansamantalang huminto sa pag-aaral si Lynne. She didn't want to go to school after that tragic accident. Nang bumalik ang kagustuhan nitong mag-aral, hindi na Marketing ang gusto nitong kurso kundi Nursing. Hindi siya sigurado, pero tingin niya, may kinalaman ang aksidente ng mga magulang nito sa desisyon nitong magpalit ng kurso.
Si Chase na ang tumayong guardian ng matalik niyang kaibigan mula noon. Kaya siguro ngayon lang ulit sila nagkita ng Kuya Louie niya. Maybe they have been so busy with their own lives that they actually failed to keep in touch.
"Hera, come here!"
Tiningnan niya ang kapatid niyang tumatawag sa kanya. Humakbang siya palapit nang matigilan dahil sa biglaang pagsulyap ni Chase sa direksyon niya. Napasinghap siya nang may maalala.
"Ad hominem daw 'yon. You cannot produce a valid argument that is why you resorted in attacking the person's character instead. He hates that."
Umatras siya.
"Huy, ano na? Tawag ka ng kuya mo," bulong ni Lynne.
"Alam mo bang napa-research ako sa logic-logic na 'yan dahil sa kapatid mo?" nanggagalaiti niyang sabi.
Humagikhik ang matalik niyang kaibigan. "Uy, affected."
"Hindi, a."
"E, bakit ka nag-research?" naninimbang na tanong nito.
Ngumuso siya. "Hindi talaga ako nag-research. I mean, nag-research ako pero konti lang. Napuyat ako ro'n, mind you." Tumigil siya sa pagsasalita.
"I'm sure fallacy 'yang mga sinabi mo." Umiling-iling ang kaibigan niya.
Natutop niya ang kanyang bibig. Fallacy nga. Kettle logic. She was giving multiple irrelevant and inconsistent claims to prove something. Mali 'yon, hindi dapat siya gano'n.
Hindi niya alam kung dapat ba siyang matuwang may nagawa rin palang mabuti ang pagre-research niya o mainis dahil kahit may kapiranggot na siyang alam sa logic, hindi pa rin naman niya naiwasan ang mga fallacy na 'yan. Ang hindi niya matanggap, siya pa mismo ang nangaral sa sarili niya!
Way to go, Hera! But seriously, the world is so freakin' small.