Chereads / Fallacious Romance / Chapter 5 - Chapter 5

Chapter 5 - Chapter 5

Panay ang irap ni Hera habang tawa nang tawa si Lynne sa kabilang linya. Nasa kuwarto siya at kausap ang matalik niyang kaibigan sa telepono. Tinutukso siya nitong kaya hindi niya naaalala si Lucas ay dahil si Chase na ang laman ng isip niya. Bagay na hindi niya sinang-ayunan.

Pero pasalamat siya sa kaibigan niya dahil nalaman niyang wala palang girlfriend si Chase. Not that she really cared, curious lang naman siya. Malay niya kung sinong nginingitian nito sa cellphone. Baka nabaliw na kalo-logic.

"Pa'no kung kayo pala ang magkatuluyan?"

Muli siyang napairap. As if naman. "Sinong magkakagusto sa taong-batong 'yon? Baka pag nag-date kami, i-tour ako no'n sa Supreme Court."

"Grabe ka, kapatid ko 'yang pinag-uusapan natin, ha?" pagkontra ni Lynne.

"E kasi naman, ba't gano'n siya? Lahat na lang ba ng sasabihin ko, babanatan niya ng fallacy-fallacy? Mali kasi ganito, mali kasi ganyan. Pati ba sa 'yo, ganyan siya?"

"Minsan, oo, pero sa 'yo, palagi. Special ka kasi." Humagikhik ito. "Saka akala ko ba nag-research ka? Dapat alam mo na kung ano ang mga hindi dapat sabihin."

"Wow, nag-research lang nang konti, dapat alam na lahat? Hindi ko naman matatandaan 'yon sa sobrang dami. Your brother is a total creep. 'Yung kuya ko noong kasagsagan ng pag-aaral niya ng Law, laging nasa bathtub. Hindi siya naliligo, nagme-memorize siya ro'n. Akala ko wala nang mas we-weirdo pa sa kapatid ko. Aba, akalain mo nga naman, normal pa pala si kuya kung ikukumpara kay Chase."

"Hay, ang gulo n'yong dalawa," nasabi na lang nito. "Anyway, change topic na lang para 'di ka na kiligin, este ma-bad trip…"

Humiga siya sa kama. Ni-loudspeaker niya ang kanyang cellphone sabay kuha ang isang balot ng chips sa mesa.

"Alam mo bang gusto akong i-introduce ni kuya sa dati niyang estudyante?"

"O, ano naman?" Isinubo niya ang potato chips.

"Introduce as in parang reto."

Napasinghap siya. "Really? Wow, bakit daw? Gusto ka na bang ipamigay ng kapatid mo?"

"Sira, hindi."

Natawa siya. She can imagine Lynne's upset reaction right now. "E 'di 'wag ka na lang pumayag."

Bumuntong-hininga ito. "I don't want to let him down."

"Bigyan mo ng Rexona si Chase, it won't let him down!" Humalakhak siya nang marinig ang pagpalatak ng kaibigan sa kabilang linya.

"Tumigil ka nga sa kakatawa! Seryoso ako rito."

She made a face. "Okay."

"Hera kasi… I think he's scared. Nag-usap kasi kami nung minsan, sabi ko sa kanya, mag-asawa na siya. Sabi niya, hindi pa puwede, pa'no raw ako."

Oh. Bigla siyang napatango. He may not like Chase as a person but he is definitely a good brother to Lynne. At least, in that area, she fairly commends him.

"Tapos?" tanong niya.

"Ayun, sabi ko, kung hihintayin niya akong mag-asawa, tatanda siyang binata, kasi wala akong balak."

"Bakit naman nagsalita ka nang tapos?" seryosong sabi niya.

"I am trying to prove a point to Kuya."

"Na?"

"I don't need a man."

She snorted. "Kapag ikaw na-in love, tingin mo masasabi mo pa 'yan?"

"Kasalanan mo 'to, e!" biglang sigaw nito.

Natigil siya sa pagkain. "Hoy, anong kasalanan ko?"

"Y-your ex before Lucas…"

"Pao? What about him?"

Saglit na tumahimik ang kabilang linya. Akala nga niya, nawala na si Lynne, hanggang sa may bumuntong-hininga. "Y-yeah. Pao."

"Anong meron sa kanya?"

Tumikhim ito. "Just to remind you, you mourn for your lost love like crazy that time. Kakikilala pa lang natin no'n, two years na kayong hiwalay that time pero noong aksidente natin siyang makita sa isang kainan, para kang nasapian. You literally cried a river!"

Nakagat niya ang kanyang labi. Pao… that's right, before Lucas, there was Pao. S'yempre, natatandaan pa niya lahat ng sinapit niya noon. She was a mess after the break up at tumagal iyon ng ilang taon. Kung ikukumpara ang sakit na naramdaman niya noong naghiwalay sila ni Pao at noong naghiwalay sila ni Lucas, walang panama ang huli. Sa una, para siyang nahulog sa building at hanggang sa bumagsak siya, gising siya kaya ramdam niya lahat pati ang bali-baling buto. Kay Lucas, siguro kagat lang ng langgam.

Pao might be her greatest love. Pero anong kinalaman nito sa dilemma ni Lynne?

"And?" puno ng kuryosidad niyang tanong.

"I don't think I can handle that kind of pain. Nakakatakot. Simula nang makita kitang gano'n, automatic na tumatak sa 'kin na hinding-hindi ako matutulad sa 'yo that time."

Umawang ang labi niya. She didn't expect her to say that. Lynne was like one of the toughest girl she knew. She cleared her throat. Magsasalita na sana siya nang may biglang kumatok sa pinto ng kuwarto niya. Agad siyang napatayo.

"Lynne, I will call you later, may kailangan yata sa 'kin si Manang," sabi niya bago pinatay ang tawag.

"Ma'am Hera, may bisita ka." Boses iyon ng kasambahay nila.

Nilingon niya ang orasan, pasado alas nuwebe na. Sino namang bibisita nang ganitong oras? Binilisan niya ang lakad hanggang sa makababa siya ng hagdan. Sa kalagitnaan pa lang ng pagbaba ay nakita na niya kung sino ang bisitang tinutukoy ng kasambay nila.

Nakaupo ito sa sofa at patingin-tingin sa relo. Nakasuot ito ng gray V-neck shirt at itim na pantalon. Napakunot ang noo niya nang makilala ang bisita.

Bakit nandito si Chase?

Napaigtad siya nang bumaling ang paningin nito sa kanya. Tumayo at tumango ito kaya napatango rin siya. Dahan-dahan siyang lumapit. The last time she checked, they weren't friends. Kaya bakit ito nandito?

"Sige, upo ka. Si Kuya Louie ba? Nako, he's not here, mamaya pa 'yon. Alam mo na, final touches ng wedding prep."

Umiling si Chase saka umupo. "Ikaw talaga ang sadya ko rito."

Umawang ang labi niya. Itinuro pa niya ang sarili. "Ako?"

Tumango lang ito. Umupo siya sa tabi nito pero naglagay siya ng malaking espasyo sa pagitan nila. Okay, awkward. Tumikhim siya nang biglang dumating ang kasambahay nila. May hawak itong tray na may lamang dalawang baso ng juice at pastries.

"Manang, ready na ba ang dinner? Dito ka na lang mag-dinner?" baling niya kay Chase.

"Saglit lang ako. May gusto lang akong pag-usapan."

Ngumuso siya. "Okay. Sige po, Manang, ayos na pala 'yan. Thank you."

Lalong naging awkward ang paligid nang mawala ang kasambahay sa paningin ni Hera. Tumikhim siya. Centralized ang aircon sa bahay nila pero pinagpapawisan siya.

"So…?" pagbasag niya sa katahimikan. "What brought you here?"

"It's about Lynne."

Napakurap siya. Oo nga naman, tungkol kanino pa ba ang pag-uusapan nila? Malamang tungkol sa common denominator nilang dalawa—ang matalik na kaibigan niya.

"What about Lynne?"

Hindi makatingin si Chase sa kanya. "I respect your friendship. I may find it hard to trust you but I respect Lynne's decision of making you her best friend," sabi nito.

Parang may nagbara sa lalamunan ni Hera. Sinasabi ba nitong hindi siya katiwa-tiwala pero dahil may tiwala si Lynne sa kanya, sige, pagkakatiwalaan na lang din siya ni Chase? Na para bang no choice talaga ito?

Kinagat niya ang kanyang labi. "And? What's your point?"

"Point is, I know Lynne looks up to you. Malaki ang respeto niya sa 'yo." Sa pagkakataong iyon, tumingin na ito sa direksyon niya.

Napatango siya. Of course! Kahit naman palagi siyang iniinis ng kaibigan niya, alam niyang sinusunod pa rin nito ang mga payo niya.

Bumuntong-hininga si Chase bago nagpatuloy. "Tingin ko, mataas ang paniniwala sa 'yo ng kapatid ko. She thinks you're something like a love guru or expert and she believes in every single thing you say about love. And you know what? That's argumentum ad verecundiam."

Oh no, not again. Gustong-gusto nang magmura ni Hera. Ano, pumunta lang ba 'to sa bahay nila para pangaralan siya? Konting-konti na lang at bibingo na ang lalaking 'to sa kanya.

"Appeal to authority," bulong niya. Napangiti siya nang makuha ang eksaktong reaksyon na gusto niyang makita mula rito—bahagyang nanlaki ang mga mata nito.

Ha! Dahil sa 'yo kaya kinakarir ko ang logic. Darating ang araw na hindi mo na 'ko mababanatan ng ganyan!

Pero s'yempre, hindi niya pwedeng sabihin 'yun. Kaya umirap na lang siya at nagsinungaling, "Favorite ko ang logic, way back in college. Natatandaan ko pa 'yang mga fallacy na 'yan."

Tumango si Chase. "Good. I hope you would apply it on your future arguments."

Napabuga siya ng hangin. Logic freak!

"Anyway, Lynne sees you as the proper authority to seek when the topic is love. I appreciate the unsolicited advice, but please, don't cloud her mind with negative thoughts about love or about men for that matter. Ayokong habambuhay niyang dalhin 'yung takot na pag nagmahal siya, masasaktan lang siya. My sister deserves all the love in the world, pero sa nangyayari ngayon, she's running away from it. You are no expert, Hera," mahabang litanya ni Chase.

His eyes are intense and piercing. His broad shoulders are demanding. Parang sinasabing, 'tingnan mo 'ko at tingnan mo pa 'ko ulit.'

Umayos siya ng upo. So, everything boils down to this. In her defense, hindi naman niya sinabihan si Lynne na 'wag magmahal.

"So, what do you want me to do? Kailangan ko na bang gumawa ng maganda-gandang kuwento tungkol sa pagmamahal na 'yan at i-share kay Lynne? Para hindi na siya matakot?" sarkastiko niyang tanong. Sumasakit ang ulo niya sa pinagsasasabi ni Chase.

"Hindi 'yan ang ibig kong sabihin."

"E, ano?!"

Napakurap ito sa biglang pagtaas ng boses niya. "Just stop talking nonsense about love," malumanay na sabi nito.

"Gusto ko lang sabihin na kung ako ang tatanungin, love expert talaga ako," pa-cool na sabi ni Hera. Ngumiti pa siya para asarin si Chase.

He scowled. "I hate to say this, but if you claim to be an expert in love, you flop on your expertise big time."

Napawi ang ngiti niya. That's it! Tumayo siya at mabilis na kinuha ang juice sa mesa na dapat sana ay para sa bisita. Bisita? Walang bisita. Bwisita meron!

Nakita niyang napatayo rin si Chase. Akala siguro nito, itatapon niya rito ang juice. Gustong-gusto rin naman niyang gawin 'yon pero nagbago ang isip niya, sinaid na lang niya ang laman ng baso para kahit papano'y mapakalma ang sarili niya.

"Hoy, Logic freak!" Itinuro niya ito. "Baka nakakalimutan mong pamamahay ko 'to. Anong flop? Ako? Baka 'yung mga lalaking nang-iiwan sa 'kin ang flop!"

Napaatras ito sa lakas ng boses niya. Ilang saglit pa'y nasa harap na nila ang kasambahay at itinatanong kung ano'ng problema.

Umiling si Hera. "Nothing, Manang, may pinag-uusapan lang kami."

Tumango ang kasambahay at dahan-dahang umalis kahit halatang nagdududa. Tinitigan niya ang kausap. Nakatayo ito at parang may malalim na iniisip. Gusto niyang isiping na-guilty ito sa pinagsasasabi kaya hihingi ito ng tawad sa kanya pero hindi iyon ang nangyari. Kumilos ito at inabot ang platitong naglalaman ng iba't ibang klase ng pastry.

Aba't may gana pang kumain! Kumuyom ang kamao niya nang makitang naiiling ito at nagpipigil ng ngiti, halatang inaasar siya. Hinablot niya ang platito pero masyadong mabilis si Chase kaya naitaas agad nito ang mga pastry. Tumalon-talon siya. Hindi pa rin niya maabot ang platito lalo na't 'di hamak na mas matangkad sa kanya ang lalaki.

"Ang kapal-kapal mo. Ang kapal mo, sobra," madiin niyang sabi. Naiiyak siya sa inis! Muli siyang nagtatalon pero bigo pa rin

Tumalikod siya nang may maisip. Hinayaan niyang makampante si Chase. Makalipas ang ilang saglit ay mabilis niya itong nilingon, hinawakan sa kwelyo at hinigit palapit sa kanya. Kumurap siya nang maramdamang lumapat ang labi nito sa labi niya.

Mabilis lang iyon, wala pang limang segundo, pero sa sobrang gulat ni Chase ay hindi na nito nagawang gumalaw, kahit pa noong pinakawalan na niya ito. Napapitlag na lang ito nang tapikin niya ito sa balikat.

Ngumisi siya sabay pakita sa hawak niyang platito. "Nakuha ko."

Tulala si Chase. Tuluyan na yata nitong pinanindigan ang tawag niya ritong taong-bato. Gusto niyang matawa. Pero napawi ang ngiti ni Hera nang unti-unting mag-sink in sa kanya ang ginawa niya.

That kiss... just to get that plate of pastry and to annoy Chase? Nababaliw na ba siya?