Ngiting-ngiti si Nix habang naglalakad katabi ni Tammy, ngunit sa loob niya ay gusto na niya talagang umiyak. Noong nakaraang linggo lang ay sinabihan niya ang dalaga na hwag pupunta sa Blackridge Hill ngunit heto sila ngayon at doon mismo patungo.
Saan siya nagkulang?! Hindi niya alam na ganito na pala ka-rebelde ang kanyang inaalagaan—binabantayan!
Pero nagpapasalamat parin siya dahil naalala nito na sabihin sa kanya na pupunta ito roon. Sa ganitong paraan man lang ay maprotektahan niya si Tammy. 'Sir Pendleton, patawarin nyo po ako!'
"Hehe!" tawa ni Kiel – ang alpha ng class 1-B – habang inaayos ang necktie. Natutuwa ito sa ayos nilang apat ngayon. Mukha silang misteryoso. Habang tumatagal ay nagugustuhan nito ang style ng King nila. "Ang cool ng dating natin no, Banri? Hehehe!"
Saglit na nagulat si Banri sa biglang pag-tawag sa pangalan niya. Tumingin siya sa kasamang si Kiel na inaayos ang necktie. Lahat sila ay naka-suot ng itim na suit and tie. May itim na maskara sa mga mukha nila na tanging mata at bibig lamang ang kita. Tanging ang puting maskara lang ni Tammy ang naiiba. Ang mahaba nitong buhok ay nakapuyod sa likod. Kahit naka-suot ito ng suit and tie, halata parin na isa itong babae.
Napatingin si Banri kay Tammy na naglalakad sa unahan nila. Naalala niya ang nakakahiyang insidente sa restaurant ng ate niya. Kaagad niyang hinila palayo ang Tatang niya nang mag-tanong ito. Hindi na niya nagawa pang makabalik sa mesa dahil sa hiya.
Muli na naman niyang naramdaman na gusto niyang i-untog ang ulo sa pinaka-malapit na puno. Nakakahiya talaga ang Tatang niya! Hinding hindi na siya magdadala ng ka-eskwela sa lugar nila!
Napatingin siya sa paligid. Napapaligiran sila ng puno at papaakyat na sila sa burol. Sa pinaka-tuktok nito nakatirik ang abandonadong mansyon na pinaghaharian na ng iba't-ibang grupo.
Hindi nag-tagal ay nakarating sila sa gate ng mansyon. Doon ay may isang grupo ng limang lalaki na naglalaro ng baraha sa mahabang kahoy na mesa.
Tumayo ang isang lalaking puno ng tato ang katawan. Pati ang mukha nito ay may guhit ng mga itim na tinta. May piercings ito sa sa magkabilang tenga, ilong, kilay at ibabang labi.
Saglit silang tinignan nito mula ulo hanggang paa saka ngumisi.
"Ayos ang porma, ah. May imbitasyon ba kayo rito?" tanong nito sa kanila. Tumigil ang tingin nito kay Tammy at pilit na sinisilip ang mukha sa likod ng maskara.
Umayos ng tinding si Kiel at ibinigay ang black cards sa lalaki. Tinignan nito iyon at ibinulsa.
"Grupo ni Bombi, pumunta kayo sa room three," tipid na sabi nito saka bumalik sa paglalaro ng baraha.
Nilagpasan nila ang lumang bakal na gate. Nakita na nila sa malapitan ang lumang mansyon na mukhang haunted house.
Siniko ni Kiel si Banri. "Woah! Daming chicks!" sambit nito habang nakatingin sa mga babae na dumaan palabas ng gate. Puro naka-suot ng maiiksing shorts ang mga ito at saglit na tumingin sa grupo nila. Panay naman ang kaway ni kiel sa mga babae.
Hindi pinansin ni Banri si Kiel. Kabado siya sa mangyayari sa kanila. Pagpasok nila sa loob ng mansyon, kaagad silang nakakuha ng atensyon mula sa mga tao na nasa loob. Ang iba sa mga ito ay papalabas na ng lugar.
Napalunok si Kiel sa nakita. Ang mga tao sa loob ay higit na mas matanda sa kanila. Mukhang mga nasa late teens at early twenties ang edad ng mga ito. Ang iba sa kanila ay disente ang ayos, meron din katulad ng mga lalaki sa gate na puno ng tato at piercings.
Hindi pinansin ni Tammy ang tingin ng mga tao sa kanila. Ano mang opinyon ng mga ito ay hindi siya interesadong malaman. Dumiretso siya sa loob at hinanap ang room three na sinabi ng lalaki.
Nadaanan nila ang isang lugar na maraming tao. Ito ang dance hall ng mansyon – ang ballroom. Sa loob nito nanggagaling ang malakas na tugtog ng musika. Nagsisigawan ang mga tao na para bang may contest na nangyayari.
Muntik nang mapahiwalay sa grupo nila si Kiel nang balakin nito na pumunta roon. Kaagad itong hinila ni Banri pabalik.
Tumigil ang grupo ni Tammy sa tapat ng double doors na nasa dulo ng pasilyo. Naka-sulat sa pinto gamit ang itim na spray paint ang malaking number three na nasa loob ng bilog.
Bumukas ang pinto bago pa iyon mabuksan ni Nix. Isang lalaking may disenteng pananamit ang lumabas at nakita sila.
"Boss! May mga bisita tayo!" anunsyo ng lalaki sa mga nasa loob.
***
"Boss, may mga bagong pasok," sabi ni Djanggo nang makapasok sa isang silid ng mansyon. "Mga baguhan, boss."
"Ano'ng bago?" tanong ni Elliot sa malaking lalaki. Hindi nito inaalis ang tingin sa balat na tina-tatuhan. "Palagi namang may pumapasok at lumalabas sa mansyon."
Napakamot si Djanggo sa ulo na imbes na buhok ay itim na tinta ang bumabalot. Tumingin ito sa Boss nila na nasa sofa, abala sa pag-guhit ng mga disenyo na pwedeng gawing marka.
May limang lalaki sa silid, dalawa sa mga ito ay abala sa mga customers – sina Elliot at Samuel. Si Riggo naman ay mukhang natutulog sa upuan nito – may puting twalya na nakatakip sa mga mata.
"Kakaiba sila Boss, mga naka-maskara."
"Naka-maskara?" tanong ni Samuel.
"At may babae, Boss!" masayang dagdag pa nito.
Saglit na tumigil si Gavino sa pag-guhit. Pina-ikot niya sa kanyang kamay ang hawak na gel pen. Tinitigan niyang mabuti ang nilikha sa papel.
"Babae?" nagising bigla si Riggo. Tumingin ito kay Djanggo. "Maganda ba?"
"Nakatago ang mukha niya kaya hindi ko nakita. Pero mukhang maganda, mapula ang labi," nakangiting sabi nito habang inaalala ang nakita.
"Ayos!" kaagad itong tumayo at hinila si Djanggo papunta sa labas.
Muling natahimik sa loob ng silid. Pinunit ni Gavino ang papel, nilukot at itinapon. Naging abala ulit siya sa kanyang pag-guhit.
***
"HAHAHAHA!" tawa ng isang lalaki saka itinapon ang mga baraha sa lamesa. "Panalo na naman ako!"
Nagpalakpakan ang mga ka-grupo niya. Tinignan niya ang babae sa kabilang dulo ng mesa. Walang emosyon na makikita sa mukha nito.
Ang akala ni Duran ay may ibubuga ang kalaban niya pero nagkamali siya. Ikalawang laban na nila at pareho siyang nanalo. Muli niyang pinagmasdan ang babae. Gusto talaga niyang tanggalin ang puting maskara nito. Tanging ang mga mapang-akit nitong labi lamang ang nakikita niya. Ang mga mata nito ay nakatutok lamang sa mga baraha.
"Wait a moment," sabi ng babae bago mag-umpisa ang laban. "I have a request."
"Sige, ano 'yon?"
"Change the cards into a new set."
"Pfft!" Hindi maiwasan ng ibang tao sa paligid na tumawa. Baguhan nga talaga ang babae. Iniisip ba nitong malas ang baraha kaya sunud-sunod ang talo nito? Hindi talaga marunong. Lumalabas ang pagiging baguhan nito.
"HAHAHA! Sige, iyon lang pala!" Sumenyas si Duran sa isang lalaki na kumuha ng bagong deck ng baraha.
Binalasa iyon ng lalaki saka nag-bigay ng tig-limang baraha sa kanila. Mabilis ang galaw ng mga kamay nito at hindi makikita ang daya na ginawa nito. Inilagay nito ang deck ng cards sa gitna.
Tinignan ni Tammy ang kanyang baraha at kaagad na itinapon sa tabi. Muli siyang kumuha ng limang baraha sa deck.
"All in," ang sabi niya saka inilagay ang chips sa gitna.
"Sure! All in!" ang mabilis na sang-ayon ni Duran na inilagay din ang lahat ng chips sa gitna ng mesa.
Naisip ni Duran na desperado na siguro ang kalaban niya. Ganito talaga ang mga baguhan, kapag natatalo mas lalong humihigpit ang kapit sa pag-asa na baka swertehin sila. Sa dalawang laban nila, nakakuha na siya ng isang daang libo mula rito. At ngayon ay nag-All-In pa ito. Kapag nga naman sinuswerte siya!
Nag-pigil ng tawa ang mga taong nanunuod. Walang duda sa isip nila na matatalo ang babae. Siguradong uuwi itong luhaan at puno ng pag-sisisi. Sanay na sila sa ganitong palabas.
Pero isa parin itong babae, at halatang interesado si Duran dito. Malamang ay may plano ito matapos ang laban. Kahit na nakikita na nila sa isip ang mangyayari mamaya wala ni isa sa kanila ang nakaramdam ng awa para rito. Kung matapang ito na pumasok sa ganitong klase ng lugar, dapat ay handa ito sa maaaring mangyari pagkatapos.
Napuno ng antisipasyon ang mga manonood sa kahihinatnan ng babaeng nakamaskara.
Hindi maiwasan na pagpawisan nina Banri at Kiel. Kung alam lang nila na hindi marunong mag-laro ng baraha ang King nila, sana ay nag-presinta nalang sila kanina! Hindi biro ang halaga na nauubos nito!
Napalunok si Banri at napatingin sa isa pang lalaki na kasama nila. Hindi niya ito kilala pero tinawag itong Nix ni Tammy kanina. Mukhang matagal nang magkakilala ang mga ito. Ito ang inaasahan niyang pipigil sa King nila pero wala itong ginagawa. Nakatayo lang din ito sa likod ni Tammy at tahimik na nanunuod.
"Nakakapanghinayang talaga," ang sabi ni Riggo nang masilip ang hitsura ng dalaga. Kaagad nitong nagustuhan ang aura na bumabalot dito. Nakadagdag pa sa karisma nito ang suot na maskara. "Siguradong matatalo siya. Tsk. Tsk."
Tumango si Djanggo. "Wala pang nakakatalo kay Duran pagdating sa baraha."
"Handa ka na ba? Kung gusto mo'ng kumuha ng bagong baraha, pwede pa naman!" nakangising sabi ni Duran. Buo ang tiwala niya na imposibleng makakuha ito ng mas magandang baraha.
"No need," ang sagot ng babae saka tumingin sa kanya gamit ang malalamig nitong mga mata.
Biglang nakaramdam ng kaba si Duran nang makita ang tingin nito. Napalunok siya at kaagad na umiling. Ngumiti siya at ipinakita ang baraha.
"FULL HOUSE!" malakas na sabi ni Duran saka ibinaba ang mga baraha sa lamesa.
Nagpalakpakan ang mga tao sa paligid. Siguradong panalo na ito. Tumingin ang mga tao sa babae, puno ng panunukso ang mga mata nila. Tapos na ang laban.
Ngayon ay gusto nalang nilang malaman kung ano ang balak ni Duran sa kalaban nito. Hinintay nila ang reaksyon ng babae, kung paano ito iiyak at mag-mamakaawa katulad ng ibang mga nauna rito.
Sino man ang pumasok sa kwarto tres, gaano man kataas ang bilib ng mga ito sa kanilang sarili, umuuwi ang mga ito na talunan. At hindi iyon magbabago.
"Isa na naman sa natalo ni Duran," bulong ng isang lalaki sa katabi.
"Kasalanan nila 'yan, hindi sila dapat naglalaro rito kung hindi sila marunong."
"Kawawang babae, iniisip ba niyang pagbibigyan siya dahil babae siya? Mas gusto pa naman ni Duran na nagpapa-iyak ng mga babae. Hahaha!"
Tinignan nila ang babaeng nananatiling kalmado sa kanyang inuupuan. Siguradong natakot na ito at hindi makagalaw. Muling tumawa ang ilang tao na naunuod.
"Straight flush," ang mahinang sabi ng babae.
Biglang natahimik ang mga tao sa narinig. Tila isang bombang sumabog ang sinabi nito. Tinignan nila ang baraha na inilapag nito sa lamesa. Iniisip nila na siguro ay nagkamali ito ng tingin dahil masyadong desperadong manalo. Ngunit sila ang nagkamali. Ang barahang nasa lamesa ay isang malakas na sampal sa kanila – straight flush! Isa nga iyong Straight Flush!
"P-Paano'ng..." nauutal na sabi ni Duran habang nakatingin sa baraha. 'Tsk! Ito yata ang tinatawag na beginner's luck!'
"I win," sabi ni Tammy.
"WOAH!!!" biglang sambit ni Kiel na hindi napigilan ang excitement.
Ngunit hindi ito nag-iisa. Maging ang mga tao sa paligid ay nag-umpisang mag-ingay. At dahil all in ang laro nila, nanalo ito ng four hundred thousand mula kay Duran! Sino ang mag-aakala na mananalo ito sa huling laban?!
Tumayo si Tammy, nakuha na niya ang pakay niya. Tungkol naman sa mga sasakyan, hindi niya alam kung paano iyon mababawi. Hahayaan nalang niyang maging aral iyon sa dalawa para hindi na umulit. Ibibigay nalang niya ang perang napanalunan sa dalawa.
Kaagad na kinolekta nina Banri at Kiel ang mga chips sa mesa. Tuwang tuwa ang dalawa dahil sa nangyari. Mukhang marunong naman pala ang King nila na mag-laro. Lubos silang humanga at lumaki ang respeto nila para rito.
"Sandali lang!" tawag ni Duran. Hindi niya maaaring hayaan na lumabas ito nang hindi niya nakukuha ang lahat ng pera nito. "Bakit hindi ulit tayo mag-laro?"
"Not interested," ang sagot sa kanya ng babae na hindi nag-abalang lumingon. Nagpatuloy ito sa paglalakad papunta sa pinto.
Nagngitngit sa inis si Duran. Sumenyas ito sa mga ka-grupo. May sampung lalaki na humarang sa pinto ng silid.
"Isang milyon!" malakas na sabi ni Duran. "Kung sino man ang manalo ng dalawang beses sa larong dice, siya ang mananalo."
Hindi alam ni Duran kung napaglaruan siya ng babae. Mukhang set-up lang nito ang nangyari sa laban nila. kung ganon ay may itinatago itong galing?! Kung hindi man, siguro ay beginner's luck nga lang itong matatawag. Ngunti hindi siya pwedeng sumugal muli nang hindi nakakasigurado. Kaya naman pinalitan niya ang kanilang laro. Sa ganitong paraan, siguradong siya na ang panalo! Hindi pa niya nailalabas ang kanyang alas!
Napa-singhap ang mga tao sa paligid. Dice! Ngayon ay alam na nila ang binabalak ni Duran. Seryoso na ito ngayon!
Dahil umani ng respeto sa kanila ang pagkapanalo ng babae. Ang ilan sa mga tao na nanunuod ay nagdasal na sana ay hwag tanggapin ang hamon. Ang iba naman ay gustong makapanood ng mas magandang laban. Minsan lang ilabas ni Duran ang alas nito, kaya naman gusto nilang masaksihan ulit.
Humarap muli si Tammy sa lalaki. One million. Magkano ba ang mga sasakyan ng dalawang estudyante? Siguradong lagpas isang milyon. Tinignan niyang mabuti si Duran. Mukha itong may binabalak ayon sa kislap ng mga mata nito.
"One million plus two cars and it's a deal."
Sa tabi ni Tammy napa-ngiwi si Nix. Isang milyon at dalawang sasakyan? Daig pa ni Tammy ang bampira kung sumipsip ng dugo sa biktima nito! Wala itong balak itira!
Ngumiti si Duran sa narinig. "Deal."