Nabalot ng katahimikan ang loob ng bar na halos maririnig na ang pagkahulog ng isang karayom sa sahig. Lahat ng kalalakihan na nasa loob ay natigilan at nakatingin sa magandang babae na kalmadong nakaupo sa harap ni Bombi.
"Isang daliri? Seryoso ba siya?" bulong ng isang lalaki.
Para itong apoy na nag-sindi at nag-umpisang mapuno ng samu't-saring reaksyon ang silid. Si Bombi ay kaagad na napalunok. Naramdaman niyang pinagpawisan ang kanyang likod. Hindi niya maalis ang tingin sa mga mata ng magandang babae. Ang kulay abo nitong mga mata ay tila nagyeyelo sa lamig na nakatingin sa kanya. Para siyang natuklaw ng ahas at hindi makawala sa titig nito.
Inalis nito ang tingin sa kanya at saka lang niya nabawi ang sariling kaluluwa. Tumingin ito sa babaeng bihag nila at sa dalawang lalaki na nagbabantay dito.
"Hwag kang mag-alala, hindi mo naman kailangan putulin ang sarili mong daliri. Marami kang tauhan na maaaring mag-sakripisyo para sa'yo," ang sabi ng babae na iniikot ang tingin sa mga lalaki.
Sa narinig ay pa-simpleng itinago ng mga lalaki ang kanilang mga kamay sa kanilang likuran. Sakripisyo?! Nandito lang sila para manood!
"Kung sakali na matalo ako, maari mong putulin ang daliri ko o ng kasama ko. Pwede kang pumili sa aming dalawa. Kapag natalo ka, pwede kong putulin ang daliri mo o ng kahit na sino mang tauhan mo na mapipili ko. Pumapayag ka ba?" tanong nito sa malamig na boses.
"Isa lamang itong laro, bakit mo kailangan ipusta ang magaganda mong daliri?" tanong ni Bombi na pilit itinago ang kaba. Hindi niya alam na may itinatagong kabaliwan ang magandang babae sa harap niya!
"Pera. Sasakyan. Bombi, alin sa mga ito ang ibinigay mo sa akin?"
Hindi naka-sagot si Bombi. Hindi niya ibinigay dito ang isang milyon na napanalunan. At ang dalawang sasakyan na ipinadala niya ay hindi na magagamit pa. Bigla siyang namutla. Alam niyang wala nang bigat pa ang kanyang salita.
Napamura sa isip niya si Bombi. Alam niyang magaling makipaglaro ang babae. At kung sakali man na matalo siya, ang mga daliri niya o ng mga tauhan niya ang kapalit.
"Pumili ka ng kahit na ano'ng laro at ako ang mag-sasabi ng rules. Kung sino man ang manalo ng dalawang magkasunod na beses, siya ang panalo sa laro."
Hindi tumingin si Bombi sa mga tauhan niya, pero ramdam niya ang tila tumutusok na karayom na tingin ng mga ito. Biglang nag-init ang kanyang ulo. Wala bang tiwala sa kanya ng mga tauhan niya?! Iniisip ba ng mga ito na matatalo siya?! Sa nangyayari ngayon, hindi na siya maaari pang umatras. Hindi niya gustong mag-mukhang talunan.
Dalawang magkasunod na beses. Kailangan lang niyang manalo ng dalawang magka-sunod na beses!
"At para hindi ninyo masabi na wala akong puso. Bibigyan ko ng pagkakataon na tumanggi ang sinomang papalit sa pwesto ni Bombi kapag natalo siya. Pero kung tatanggi kayo, ang mapuputulan ng daliri ay walang iba kung hindi ang inyong leader."
Kaagad na namutla si Bombi. Mukhang nakahinga naman nang maluwag ang mga tauhan niya. Hindi man tignan ni Bombi ang mga ito, naramdaman niya ang pagkawala ng tensyon sa mga tauhan niya! Mga p*ta! Mga walang silbi! Tila ba iniisip ng mga ito na may pag-asa nga na matalo siya!
Tinignan ni Nix ang paligid niya at hindi niya maitago ang bahagyang pag-angat ng dulo ng kanyang labi. Sa kaunting salita ni Tammy, naka-gawa na kaagad ito ng lamat sa pagitan ng boss at mga tauhan nito. Walang gustong mag-sakripisyo sa mga ito. Hindi pa man nag-uumpisa ang laro, nagawa na ni Tammy na i-isolate si Bombi sa mga tauhan nito.
Ang isip ni Tammy ay talagang napaka-husay bumuo ng ganitong plano. Alam nito ang gagawin upang masira ang relasyon ng mga tao. Alam nito kung paano kunin ang pagkakataon na pag-laruan ang emosyon ng mga ito.
Napatingin siya sa kanyang mga daliri. Natural na kung dadating sa punto na kailangan niyang isakripisyo ang mga ito para sa alaga niya ay gagawin niya. Natural lang sa kanya na protektahan si Tammy dahil sa relasyon nila.
Pero hindi ito ang kaso sa pagitan ni Bombi at mga tauhan nito. Marami man itong kasama, wala naman may gustong mag-sakripisyo para rito lalo na at daliri nila ang pinag-uusapan.
Nagtataka na tinignan ni Nix si Tammy. Kalmado lang ito at walang makikitang emosyon sa mukha. Saan nito natutunan ang mga ganitong bagay? Ano kaya ang magiging reaksyon ng pamilya nito kung malalaman nila ang tungkol dito? Bigla siyang nag-dasal. Sana ay hindi siya masangkot kung mangyayari iyon. Siguradong lagot siya kapag nagkataon!
Napansin ng mga lalaki sa loob kung paano nag-sign of the cross ang kasama ng babae. Mukhang nagdadasal na ito na hwag maputulan ng daliri. Natural na napansin iyon ni Bombi. Hah! Kahit ito pala ay natatakot din!
"Pumapayag ako," mariin na sagot ni Bombi. Puno ng galit ang mga mata nito. Talagang hinahamon siya ng babae. "Duran, dalhin mo rito si Jose!"
"M-Masusunod po, Boss!" sagot ni Duran saka umalis at mukhang may tinawagan sa telepono.
"Hah! Ngayon lang ako makikipaglaro nang may ganitong kalaking pusta. Kailangan kong gamitin ang alas ko," nakangiting sabi ni Bombi na puno ng kompyansa sa sarili. Kailangan niyang turuan ng leksyon ang mayabang na babae sa harap niya.
Nanatiling tahimik sa gilid si Willow habang nanonood sa mga nangyayari. Hindi niya gustong gumawa ng ingay dahil baka mawala sa konsentrasyon si Tammy. Pero hindi nai-tago ang gulat niya sa pustahan na gustong mangyari ng kaibigan niya. 'Tammy, mga daliri, bakit?!' May balak kaya itong gumawa ng kwintas na gawa sa buto ng mga tao katulad sa movie na pinanood nila noong sabado?
Napansin ni Nix ang pag-sigla ng mga tao sa paligid. Mukhang nabuhayan ng pag-asa ang mga ito dahil sa lalaking nagngangalan na 'Jose'.
Makalipas ang sampung minuto, dumating ang isang lalaki na nasa trenta anyos ang edad. Magulo ang buhok nito at may tumutubo nang balgbas sa mukha. Naka-suot ito ng kupas na t-shirt na kulay asul at pantalon na maong. Naka-tsinelas lang ito. Mukha itong bagong gising lang.
"Jose!" maligayang tawag ni Bombi.
"Bombi," sagot ni Jose saka humikab. Ang isang kamay nito ay pumasok sa damit at nagkamot ng tiyan. "Ipinatawag mo ako. May trabaho ka ba para sa'kin?"
"Halika rito, umupo ka. May ipakikilala ako sa iyo." Tumayo si Bombi sa silya nito at hinila si Jose. Doon ito pinaupo sa silya ni Bombi. "May bago kang kalaban. Isang magandang dalaga."
"Hoh?" Tumingin si Jose sa magandang dalaga at kaagad na nawala ang antok nito. Sa buong buhay niya, ngayon lang siya nakakita ng ganitong klase ng babae. Ang kagandahan nito ay maihahalintulad sa mga anghel. Maamo ang mukha at malamig ang mga mata. Isang babae na tipo niya! Bigla siyang nakaramdam ng kiliti sa puso. Kamukhang kamukha nito ang kanyang Waifu na si Rupina-chan sa larong 'Doki! Doki! My Princess!' Ito na ba ang babae para sa kanya?! "Ako si Jose, ano'ng pangalan mo?"
Napangiwi si Nix nang makita ang kislap sa mga mata ni Jose. Mukha itong na-love at first sight sa alaga niya. 'Oi. Oi. Seryoso ba 'to? Trenta anyos na ito, hindi ba?' Nakikita ba nito ang sarili sa salamin? Doble na ito ng edad ni Tammy.
Hindi sumagot si Tammy at malamig na tumingin kay Bombi.
"Wala naman sa usapan na kailangan ako ang lumaban, hindi ba?" nakangiting sabi ni Bombi nang makita ang tingin ng babae sa kanya. "Jose, kapag nanalo ka ibibigay ko ang hinihiling mo sa akin noon pa."
"Hoh?! Walang bawian!" masayang sabi ni Jose. Nawala na nang tuluyan ang antok nito sa mga mata.
"Duran, ilagay mo ang baraha," utos ni Bombi.
Inilagay ni Duran ang baraha sa gitna ng lamesa.
Isang ngiti ang sumilay sa mga labi ni Bombi. "Si Jose ang makakalaban mo at siya rin ang pipili ng inyong lalaruin."
"Isang karangalan na makalaban ang isang magandang binibini."
Pilit na nagpipigil si Nix na hwag suntukin ang lalaking kaharap ni Tammy. Mukhang nagpapa-cute pa ito sa alaga niya! Saan ito humuhugot ng lakas ng loob?! Mukha pa naman itong isang linggo nang hindi naliligo!
Pinigil ni Bombi ang pag-tawa. Isang eksperto sa larong baraha si Jose. Malas man ito sa napakaraming bagay katulad ng babae at trabaho, hindi naman ito nawawalan ng swerte sa baraha. Si Jose ay may titulong 'Hand of God' dahil sa swerte nito. Masasabi na lahat ng swerte nito ay napunta sa mga kamay nito.
"Hayaan mong ipaliwanag ko sa'yo ang laro." Kinuha ni Jose ang baraha at inalis sa lalagyan. Binalasa nito ang baraha ng tatlong beses saka itinaob ang mga ito isa-isa sa lamesa. "Kukuha tayo ng tig-isang baraha at kung sino ang mas mataas, siya ang panalo. Kung sino ang unang manalo ng limang beses siya ang panalo sa laban."
"Hmm." Tumango si Tammy. Hindi inaalis ang mata sa mga naka-taob na baraha.
"Umpisahan na natin." Kumuha ito ng baraha mula sa mga naka-taob. "King of hearts." Ipinakita nito ang baraha na hawak.
"Woah! Umpisa palang king of hearts na kaagad!"
"Ano pa ba ang aasahan mo sa Hand of God?!"
"Sana makamayan ko siya mamaya para mahawa ako sa swerte niya!"
"Ang ganda ng naisip mo, 'tol!"
Kumuha si Tammy ng baraha at tinignan. "Joker."
Nang makita iyong ng lahat, napuno ng tawanan ang silid.
"Pfft! Laki ng diperensya nila. Umpisa palang malas na siya!"
Halos mapunit ang pisngi ni Bombi dahil sa lapad ng ngiti nito. Nag-umpisa na! Siguradong pati ang swerte ng babae ay nahigop na ni Jose! Hindi niya alam kung bakit, pero palaging nawawalan ng swerte ang mga kalaban nito.
Muling kumuha ng baraha si Jose. Kakaibang saya ang nararamdaman nito dahil kamukha ni Rupina-chan ang kanyang kalaban. Kapag nanalo na siya sa laban ay iimbitahan niya itong kumain sa labas. Hindi na siya makapag-hintay!
"Eight of diamonds."
Kumuha ng baraha si Tammy at ipinakita. "Nine of hearts."
Nagulat si Jose sa nakita. Nine of hearts! Mas mataas ito sa baraha niya! Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Ahh~! Rupina-chan~!
"Ten of diamonds."
"Queen of spades," sabi ni Tammy saka ipinakita ang baraha.
Napalunok ang mga tao sa silid. Hindi na sila sigurado sa nangyayari. Ano'ng Hand of God?! Ano'ng swerte?! Isang massacre ang nagaganap na labanan!
"King of diamonds!" tumaas ang boses na sabi ni Jose dahil sa excitement. Namumula ang buong mukha nito.
"Ace of hearts."
Napangiwi si Bombi sa gilid ni Jose. Ano'ng nangyayari?! Maging ang mga nasa paligid ay hindi makapaniwala!
"Ten of clubs!"
"Jack of spades."
"Queen of diamonds!"
"King of clubs." Ibinaba ni Tammy ang baraha niya. "I win."
Hindi na napigilan ni Jose ang pagka-gulat. "Paano nangyari ito?!" Ngayon, hindi na niya mailalabas si Rupina-chan! Oh hindeee! Ang kanyang Waifu~!!!
Biglang namutla ang mukha ni Bombi. Natalo si Jose?! At isang beses lamang ito nanalo?! Makikita sa laban na one-sided lang ang laro! Isa itong massacre!
"Mandaraya!" turo ni Bombi kay Tammy. Hindi niya alam kung paano ito nanalo. At kanina pa niya nahahalata na mukhang alam na ng babae kung ano ang laman ng mga pinulot na baraha bago pa ipakita sa kanila. Siguradong may ginawa ito! Pero ano iyon?!
Walang reaksyon na ibinigay si Tammy. Sa gilid naman ay nagsasaya si Willow sa pagkapanalo ng kaibigan. "Tammy, ang galing mo talaga! Yehey! May isa ka nang daliri na puputulin!"
"Tumahimik ka!" sigaw ni Bombi kay Willow at muling tumingin kay Tammy. "Alam kong may ginawa ka sa mga baraha! Nandaya ka!"
Biglang tumawa si Nix. "Hindi ninyo parin ba naiintindihan? Simula palang, wala na kayong pag-asa na manalo laban sa kanya. Swerte? Hindi tumatalab ang swerte ninyo kung siya na ang kalaban ninyo!"
"Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ni Jose.
Ngumiti nang malapad si Nix. Lumapit ito sa lamesa. "Six of hearts," sabi nito saka kumuha ng baraha. Ipinakita nito iyon sa lahat, six of hearts. Itinapon nito ang baraha. "Eight of clubs." Inabot nito ang isang baraha at ipinakita, eight of clubs. Inisa isa nito ang mga baraha sa lamesa at matagumpay na napangalanan ang lahat.
Nang makita iyon ng mga tao ay nalaglag ang kanilang mga panga. Nagbago ang kulay ng kanilang mga mukha. Kaya naman pala! Alam na nito kung ano ang mga baraha na naka-taob sa lamesa. Pero paano nito iyon nagawa?!
"Sinasabi ko na nga ba! May ginawa kayong pandaraya!" singhal ni Bombi na halos pumutok sa galit ang mukha.
Muling tumawa si Nix. "Hindi kami nandaya, sadyang mahina lang talaga ang mga kukote ninyo." Itinuro ni Nix ang mga baraha sa lamesa. "Ang bawat piraso ng baraha na nakataob ay matagal na naming itinatak sa mga isip namin. Kahit na ano'ng baraha ang kunin namin dyan, alam namin kung ano iyon bago pa namin tignan. Naintindihan ba ng mahihina ninyong kukote ang sinasabi ko?"
Lahat ng nakarinig ng insulto ni Nix ay natural na nakaramdam ng pagka-inis. Dahil lang sa may kakayanan itong sauluhin ang mga baraha ay napaka-yabang na nito. Sino ba ito para maliitin sila? Hindi ba nito nakikita kung ilan sila sa loob?
"Doesn't matter if they get it or not," sabi ni Tammy na seryosong nakatingin kay Bombi. "May isang panalo na ako."
Napamura si Bombi sa isip. Hindi niya alam na may ganoong itinatagong katangian ang babae. Bigla niyang naalala ang laban nila noon. Kaya ba ito nagpapalit ng bagong baraha?! Ngayon ay alam na niya. Kaya pala ito nagpapalit ng bagong baraha ay para malaman nito ang laman ng mga iyon. Malamang ay nakabisado na nito ang mga baraha noong naglaro sila kaya naman ito ang nanalo! Hindi siya makapaniwala! Ngayon lang siya nakakita ng ganitong halimaw! Sino ba ang dalawang ito?! Lahat ba ng nag-aaral sa Pendleton High ay mga halimaw na katulad nito?!
"Duran," bulong niya sa katabi. "Ano'ng sinabi mo na pangalan ng babae?"
"Tammy Pendleton, boss."
Tammy Pendleton? Noong una ay walang pakialam si Bombi sa pagiging Pendleton ng babae. Iniisip niyang baka nagkataon lang pero... Bukod sa pagiging 'King' nito sa school, may kinalaman kaya ang pagiging Pendleton nito sa Pendleton High?
Bigla niyang naalala ang kinatatakutan na Hari sa distrito nila noon. Ang leader ng Lucky 13! Sa pagkakaalala niya ay isa ring Pendleton ang lalaking iyon. Lahat ng myembero ng Lucky 13 ay nanggaling sa Pendleton High! Lahat ay halimaw ngunit pinaka-halimaw ang leader nila! May kaugnayan kaya ang dalawa?! Kung oo, siguradong nanganganib siya. Lalo na at hindi niya alam kung ano pa ang itinatagong alas ng babae.
Mahirap man tanggapin ay inamin niya sa sarili na malaki ang porsyento na ito ang manalo sa susunod nilang laro. May isang bagay na lang siyang maaaring gawin!
"Kung ganon, umpisahan na natin ang susunod na laro!" Nag-iba ang ngiti ni Bombi na mukhang nawala na sa sarili. Makikita na desperado na itong manalo. Tumawa nang malakas si Bombi at tinuro sina Nix at Tammy. "Kung magagawa ninyong makalabas sa lugar na ito, kayo ang tatanghalin na panalo!"
Kumunot ang noo ni Nix. Sa huli, mauuwi parin pala rito ang laban. Napakamot siya sa ulo saka bumuntong hininga. "Ano'ng rules?"
Tumawa si Bombi at sumenyas sa mga tauhan. "Walang rules!"
Ngumiti naman ang mga tauhan ni Bombi. Sa ganitong paraan, wala sa kanila ang mapuputulan ng daliri. Susundin nila kahit na ano hwag lang sila ang matalo. Kaya naman kahit dalawa lang ang kalaban nila, hindi sila nag-dalawang isip na sumugod.
"Walang rules," sabi ni Nix at saka ngumiti. "Ikaw mismo ang nag-sabi niyan! Walang sisihan!" May kinuha si Nix mula sa inner pocket ng itim na coat nito.
Napatigil ang mga papasugod na lalaki nang makita ang hinugot ni Nix. Isa iyong...?!!!!
Isang itim na point forty-five pistol ang kinuha ni Nix mula sa coat at kinabitan niya iyon ng silencer. Nakangiti siyang tumingin sa mga lalaking naka-paligid sa kanila at itinutok ang baril. Kaagad na kinilabutan ang mga lalaki nang makita ang ngiti na iyon na nahahawig sa ngiti ni Kamatayan.
"P*TAAAA!!!!"
"MAY BARIL SIYA!!!"
"TAKBO!!!!"
"AYOKO PANG MAMATAY!!!"
Nagkagulo sa loob ng bar. Maging si Bombi ay napatakbo dahil sa takot nang makita ang baril! Malayo sa isip niya na ganito ang mangyayari. Ngayon, lubos ang kanyang pag-sisisi!
Lahat ay tumakbo sa pintuan ng bar. Ngunit bago pa nila iyon malapitan ay kusa na itong bumukas nang malakas. Apat na lalaking naka-black coat ang biglang pumasok. May mga hawak na baril ang mga ito at itinutok sa mga nasa loob.
"WAAAAHHH!!!" nag-sigawan ang mga tauhan ni Bombi nang makita sila.
Napataas ng kamay ang mga lalaki nang makita ang mga baril na nakatutok sa kanila. Nanghihina ang mga tuhod nila at ang iba ay napaluhod sa sahig. Ano ba ang nangyayari?! Saan nanggaling ang mga ito?!
Tumingin ang apat na bagong dating na lalaki sa paligid. Ang mga mata ng mga ito ay tumigil sa babaeng nakaupo sa silya.
"Target confirmed. Positive," ang sabi ng isa sa mga lalaking may baril.
Nang makita ni Nix ang apat na pamilyar na mga lalaki, kaagad siyang nakaramdam ng kaba. Nabalot ng katahimikan ang bar dahil sa takot. Walang may gustong gumawa ng ingay dahil baka sa kanila itutok ang mga baril.
Clack... Clack... Clack... Clack...
Ang tunog ng high heels na tumatama sa semento ang tanging maririnig sa lugar. Nang marinig iyon ni Tammy ay kaagad siyang na-estatwa sa kinauupuan.
"Natasha..."
Kakaibang takot ang naramdaman ni Tammy nang marinig iyon. Biglang nanginig ang kanyang mga kamay.
"Milagrosa..."
Hindi siya makagalaw. Napatingin siya sa kanyang wristwatch. Bigla siyang hindi makahinga. Nakalimutan niya!
"Perez..."
Maging si Nix ay kinilabutan. Natataranta nitong itinago ang hawak na baril sa likod nito. Damang dama nito sa dibdib ang mabilis na tibok ng puso.
"Pendleton."
Mabilis na tumayo si Tammy at humarap sa babaeng pumasok sa bar. Naka-suot ito ng white long slevees na may ruffles sa gitna kung saan nandoon ang mga butones. Pencil cut ang itim na skirt nito na umaabot hanggang tuhod. Itim ang mga sapatos nito na may gold coat ang five inch heels.
Sinuri ng mga mata nito ang paligid bago huminto sa kinatatayuan ni Tammy. Ang maganda nitong mukha ay parang yelo sa lamig at makikita ang nagtitimpi nitong galit.
"Alam mo ba kung ano'ng oras na, Natasha?"
Napalunok si Tammy. "M-Mama..."
"Willow," sambit ng babae nang makita ang kaibigan ng anak.
"E-hehe... H-Hello po, Tita..." kinakabahan na bati ni Willow. 'Nakakatakot talaga ang Mama ni Tammy!!!'
Pinagpawisan nang malamig si Nix nang dumako sa kanya ang malamig na tingin ng babae. Halos lumuhod siya sa harap nito at gustong humingi ng tawad. Ah! Dapat talaga ay nag-suot siya ng dilaw ayon sa lucky color niya sa horoscope!
"Niklaus, may isang minuto ka para magpaliwanag."
"Y-Yes, Ma'am!" Gusto ni Nix na umiyak pero tanging pawis lang ang lumalabas sa kanya ngayon dahil sa kaba. Tumingin siya kay Tammy upang humingi ng tulong pero umiwas ito ng tingin. Ah! Nasaan ang pangako na walang iwanan?! Gusto na talaga niyang umiyak ngayon!