Chereads / High School Zero / Chapter 25 - Chapter Twenty-Five

Chapter 25 - Chapter Twenty-Five

"Deal." Napalitan ng ngisi ang ngiti ni Duran. "Pero sa oras na ako ang manalo, bukod sa isang milyon na kailangan mong bayaran, kailangan mo rin..." Tinignan nito ang babae mula ulo hanggang paa gamit ang mapanghiwatig na tingin.

Sumipol ang mga kasama ni Duran sa ipinarating nito. Nagpalakpakan ang mga ito at nag-sabi ng ilang malisyosong salita. Gusto na rin nilang makita ang mukha ng babae.

Kaagad na nag-iba ang tayo ni Nix. Nabalot siya ng matinding kagustuhan na protektahan si Tammy. Itinuturing na niyang pamilya ang mga Pendleton, para na niyang kapatid si Tammy. Hindi niya hahayaan na may mangyaring masama rito. Ang sino mang magtangka na gumalaw sa babae ay pagbabayarin niya.

Isang kamay ang humawak sa braso ni Nix upang pigilan siya. Kaagad siyang napalingon dito.

Isang mapanganib na tingin ang dumaan sa mga mata ni Tammy. Nanatiling blanko ang mukha nito sa gitna ng mga naririnig.

"That is... if you can win."

Nagulat ang lahat sa malamig na boses ng babae. Puno ito ng tiwala sa sarili. Hindi nila maintindihan kung bakit kalmado parin ito. Hindi pa sila nakakakita ng ganitong klase ng tao. Kahit mga lalaki ay kakabahan sa pustahan nila ni Duran. Saan ito kumukuha ng lakas ng loob?

"Hahaha! Gusto ko ang tapang mo. Umpisahan na natin ang laro!"

"Haaaah... Isang babae lang hindi mo pa magawang patahimikin?" tanong ng isang lalaki.

"Boss Bombi!"

Napatingin ang lahat sa kadarating lang na lalaki. Tamad na tamad itong umupo sa upuan na kanina ay pwesto ni Duran. Nag-sindi ito ng sigarilyo.

Nanlaki ang mga mata ni Banri nang makilala ito. Hindi ba at ito ang lalaking gumulo kina Tammy at sa kaibigan nito noong Sabado?

"Mukhang kinakalawang ka na at kailangan na ng kapalit sa pwesto mo."

"B-Boss... ano po ba ang sinasabi ninyo? H-Hwag po kayong mag-biro ng ganyan. Ha-ha..."

Lumipat ang tingin ni Bombi sa grupo ni Tammy.

"Mukhang tiwala ka na ikaw ang mananalo. Bakit hindi ako ang kalabanin mo?"

Nagulat ang lahat sa narinig maliban sa grupo ni Tammy. Si Bombi ang boss ng grupo na umuukopa sa silid na ito. Kilala rin ito bilang si Tres.

"Ano'ng problema? Natatakot ka ba?" usisa ni Bombi.

"Patay na. Siguradong si Bombi na ang panalo."

"Tsk. Tsk. Akala ko pa naman makakanood ako ng maganda laban. Mukhang hndi naman pala."

"Wala nang pag-asa na sila ang manalo."

Nabalot ng bulungan ang silid. Kilala nila na tuso si Bombi. At dahil doon kaya hindi pa ito natatalo. Higit sa lahat, mabigat ang kapalit na hinihingi nito sa bawat laro.

"Umalis na kayo. Wala kang laban kay Tres, Miss."

"Kunin nyo na ang napanalunan ninyo at hwag nang bumalik dito."

Ilang tao ang nagtangkang sabihan si Tammy. Ang mga ito ay hindi parte ng grupo ni Bombi. Mga nagsusugal lang din ang mga ito rito at naging saksi sila sa mga panalo ng lalaki. Hindi nila gusto na makita na mahulog sa patibong nito ang magandang babae.

"Hwag kang mag-alala, wala akong idadagdag sa kapalit na hinihingi ni Duran. Gusto ko lang makalaban ang isang magandang babae na katulad mo," nakangiting sabi ni Bombi. Mukha itong palakaibigan na tao, ngunit sa mga mata nito ay makikita ang maitim na balak.

Lumapit si Tammy sa upuan at umupo roon. Ngumisi at tumawa ang grupo ni Bombi. Napakadali naman nitong bolahin. Sa kaunting salita ay naniwala ito. Ang mga babae talaga, napaka-daling paniwalain sa mga matatamis na salita. Ang akala pa naman nila ay espesyal ito, hindi naman pala.

Ang ibang tao na gustong umalis si Tammy ay walang nagawa kundi ang bumuntong hininga. Gusto talaga nila itong tulungan pero baka sila ang malagay sa alanganin kung ipipilit nila.

Lahat ng atensyon ng mga tao ay nasa dalawang magka-laban. Hindi nila napansin ang paglabas ni Djanggo sa silid.

"Katulad ng sinabi ni Duran, kung sino ang manalo ng dalawang beses ang panalo sa larong ito," ang sabi ni Bombi habang pinagmamasdan si Tammy. Nakatuon ang tingin nito sa mga labi ng babae. Mukhang kay sarap nitong halikan. Hindi nito napigilan na mapadila sa sariling labi.

Naikuyom ni Banri ang kamao nang mabasa ang iniisip ng lalaki. Manalo o matalo, hindi niya hahayaan na magawa ni Bombi ang balak nito. Tumingin siya sa paligid. May sampung lalaki na mukhang kasama sa grupo nito. Isinali rin niya ang anim na lalaki na pumigil kay Tammy na tanggapin ang laban.

Hindi niya alam kung may iba pang tauhan sa labas si Bombi. Pero tiwala siya na magagawa nilang lumabas ng silid na ito kahit apat lang sila. Hindi niya alam kung malakas ang kasama ni Tammy na si Nix. Pero siguro naman ay marunong din itong lumaban.

"Simple lang ang laro," paliwanag ni Bombi.

May isang lalaki na lumapit sa lamesa. Nag-lapag ito ng tatlong dice sa tapat ni Bombi kasama ang isang baso na yari sa aluminum. Lumipat ito sa direksyon ni Tammy at binigyan din siya ng mga ito.

"Kung sino ang may pinaka-mataas na bilang ng numero na makukuha sa mga dice ang panalo." Inilagay ni Bombi ang mga dice sa loob ng baso. Pinaikot niya ang mga ito. Itinaob sa hangin habang inaalog at saka ibinaba sa lamesa. Inalis niya ang takip na baso at ipinakita ang mga dice na may four-three-six. "Simple lang ang laro hindi ba? Tyambahan lang ang larong ito. Malay mo, swertehin ka?"

Kinuha ni Tammy ang isang die. Tinignan niya itong mabuti at tinimbang sa kamay. Kinuha niya ang dalawa pang dice at inilagay sa baso. Inalog niya ito sa loob at tinignan mabuti ang pag-ikot ng tatlo.

"I see. Then let's start."

Kumislap ang mga mata ni Bombi at saka ngumisi.

Napalunok sina Banri at Kiel. Kinakabahan sila. Kahit na mas simple ito ay mukhang mas mahirap ang larong ito kaysa sa baraha. Si Nix naman ay nananatiling tahimik, walang makabasa sa iniisip nito.

Nag-umpisa ang laro ng dalawa. Tanging tunog ng pag-ikot ng mga dice sa loob ng aluminum na baso ang maririnig. Nakangiti na nanunuod ang grupo ni Bombi. Ngayon palang ay nag-iisip na sila ng plano na gagawin sa babae. Siguradong mapapakinabangan nila ito lalo na at mukha itong maganda sa kabila ng maskara.

Sabay na itinaob ng dalawang naglalaro ang kanilang mga baso.

"Ladies first," ang sabi ni Bombi na nakangiti.

Tumingin ang mga tao sa baso ni Tammy. Inangat niya ang baso at ipinakita ang tatlong dice.

'Four-Six-Three'

Ngumisi si Bombi nang makita iyon. Inalis niya ang sa pagkakatakip ang baso niya at ipinakita ang tatlong dice.

"Five-Six-Five!"

"Ahh. Sinwerte ako. Hahaha!" tawa ni Bombi. Pumalakpak ito. "Hindi rin masama ang nakuha mo. May nakuha kang six."

Hindi sumagot si Tammy. Sa likod niya, hindi na mapakali ang dalawang lalaki. Hindi patas ang larong ito. Alam nilang matagal nang naglalaro si Bombi nito. Ito ang kinikilalang hari ng sugal sa Blackridge Hill. Hindi lang tyamba ang panalo nito. Nag-aalala silang tumingin kay Tammy. Ngayon ay nagsisisi sila na hindi nila pinigilan ang babae sa pagtanggap ng hamon.

Muling inilagay ni Tammy ang tatlong dice sa loob ng baso. Hindi niya pinansin ang magkakaibang uri ng tingin na ibinibigay sa kanya.

Nabawasan ang ngisi ni Bombi nang hindi siya pansinin ng babae. 'Tsk. Tignan ko lang ang tigas mo sa oras na matalo ka. Sisiguraduhin kong lalambot ka rin sa akin sa huli.' Sa naisip ay nagpatuloy siya sa laro.

Ipinikit ni Tammy ang kanyang mga mata at inalis ang anumang tunog sa paligid. Ipinukol niya ang buong atensyon sa mga dice na nagsasayaw sa loob ng kanyang nakataob na baso. Bumilis nang bumilis ang kanyang pagpapaikot dito.

Hindi mapigilan ng mga tao sa paligid na magulat. Kakaiba ang tunog ng dice sa loob ng baso ng babae. Imbes na tatlo ay mukhang may anim na dice na umiikot doon. Napakarami. Napakabilis ng ginagawa nitong pagpapaikot.

Maging si Bombi ay nagtaka rin. Pero mabilis din siyang ngumisi. Sa tingin ba nito ay mananalo ito dahil lang sa mabilis na pag-alog sa baso? Kahit na ano'ng gawin nito, hindi ito mananalo laban sa kanya.

Simula palang bata siya, naglalaro na ng dice si Bombi. Walang sino man sa lugar na ito ang mas gagaling sa kanya. At lalong hindi ang mukhang mahinang babae ang tatalo sa kanya lalo na at mukhang ito ang unang beses na naglaro ito ng dice.

Itinaob ni Bombi ang kanyang baso sa lamesa. Sumunod si Tammy sa pagbaba ng baso.

"Your turn," ang sabi ng babae habang malamig ang mga mata na nakatingin kay Bombi.

Inalis ni Bombi ang baso.

"Six-Six-Five."

"WHOA!!!"

Nagpalakpakan ang mga kagrupo ni Bombi. Pangalawang panalo na ito ng Boss. Milagro nalang ang mangyayari kung mas mataas ang makukuha ng babae. Ngunit imposible iyon.

"Mukhang ako na ang panalo. Hwag kang mag-alala, aalagaan kitang mabuti sa lugar na ito. Basta ba at susunod kang mabuti sa lahat ng ipapagawa ko," sabi ni Bombi saka malakas na humalakhak. Marami siyang plano na gawin sa babae. At isa na rito ang ikulong ito sa kanyang kwarto hanggang sa mag-sawa siya.

Natigilan lang sa pag-tawa si Bombi nang maramdaman ang tatlong mata ng lalaki na nakatingin sa kanya. Sa likod ng mga maskara, naglalabas ang mga ito ng aura ng kamatayan. Bigla niyang naramdaman na nanganganib ang kanyang buhay.

Kaagad siyang tumingin kay Duran at sa sampu niyang alagad. Nakuha naman ng mga ito ang gusto niyang ipagawa. Lumapit ang mga tauhan niya sa grupo ng babae. Handa nang kunin ang premyo.

"You haven't seen my dice yet," ang sagot ni Tammy. Itinaas niya ang baso at nakita ng lahat ang mga dice.

Nang makita nang mga tao ang tatlong dice, halos mabulag sila sa mga nagtataasang numero. Imposible! Ang iniisip nilang imposibleng mangyari ay nangyari sa harap nila.

"Six-Six-Six!"

"Ship of overconfidence is destined to sink." Sumandal si Tammy sa kanyang upuan at pinanood ang mukha ni Bombi na nagbago na bigla ang kulay. Nabura ang malapad na ngiti nito. "I win."

"IMPOSIBLE!!!" sigaw ni Bombi. Hindi nito inaalis ang tingin sa tatlong dice na para bang hinihintay nitong magbago ang mga numero.

"Looks like I got lucky," sabi ni Tammy na parang wala lang dito ang nangyari. Hindi ito nagulat sa pagkapanalo.

Tinignan mabuti ni Bombi ang babae. Hindi ito simple! Hindi kaya may ginawa ito sa mga dice?

Pinilit niyang kumalma. Hindi lang isang milyon ang nakataya rito kundi pati ang reputasyon niya. Ang matalo ng isang babae lang ay magdadala sa kanya ng malaking kahihiyan! Hindi niya ito maaaring hayaan na mangyari. Oras na para mag-seryoso siya.

"Sinwerte ka lang," ang sabi ni Bombi saka kinuha ang tatlong dice at inilagay sa baso. Pinipilit niyang papaniwalain ang sarili na swerte lang ang babae. Pero hindi niya mapigilan na kabahan lalo na at kalmado ang kalaban niya.

Kinuha ni Tammy ang tatlong dice at muling pinaikot sa baso. Pinagmasdan niya ang tulirong si Bombi. Kaagad nitong naramdaman ang tingin niya at tinapunan siya ng hindi magandang tingin. Malakas na ibinaba nito ang baso sa lamesa.

Dumilim ang mga mata ni Tammy nang maalala ang ginawa ng lalaki kay Willow. Hindi niya mapapatawad ang sino mang manakit sa kaibigan niya. Walang nakapansin sa ginawang pag-tap ng tatlong beses ni Tammy sa ilalim ng lamesa. Ibinaba niya ang kanyang baso.

Wala nang nag-tangka pa na maliitin si Tammy. Nakakuha ito ng perpektong kombinasyon. Ngayon ay hinihintay nalang nila na makita ang mga dice nito. Sinwerte nga ba ito kanina o hindi?

"Mauna ka," ang seryosong sabi ni Bombi.

Inangat ni Tammy ang kanyang baso. Nakita nang lahat ang kanyang mga dice.

'Five-Four-Six.'

Kaagad na nadismaya ang mga tao. Mukhang sinwerte nga lang ito kanina.

"Hahaha! Sinasabi ko na nga ba!" tawa ni Bombi nang makita ang mga dice ng kalaban. Sigurado na siyang panalo. Kinabahan lang siya sa wala.

Mabilis niyang inalis ang nakatakip sa kanyang dice. Gusto na niyang matapos kaagad ang laro.

Nang makita ng grupo ni Bombi ang mga dice, kaagad silang nagulat. Kinusot nila ang mga mata at hindi makapaniwalang paulit-ulit na tumingin doon.

"Panalo na ako!" masayang sabi ni Bombi.

Sa likod ni Tammy, hindi napigilan ni Kiel ang tumawa sa sinabi nito. Sina Banri at Nix naman ay may maliit na ngiti sa mga labi.

"Hindi ko alam na hindi pala marunong magbilang ang Boss ninyo," tawa ni Kiel.

Kumunot ang noo ni Bombi. Tumingin siya sa kanyang dice at doon nagbago ang kanyang mukha.

'One-One-One.'

Napatayo siya sa kanyang upuan. Paano ito nangyari?! Napaka-baba ng mga numero ng kanyang dice! Sinigurado niyang puro sais ang kanyang makukuha.

"I win," sabi ni Tammy.

"IMPOSIBLE! HINDI ITO TOTOO!" Galit na tinuro ni Bombi si Tammy. "ANO'NG GINAWA MO?!"

Tumayo si Tammy mula sa kanyang upuan. Hinarap niyang mabuti si Bombi.

"Why are you blaming me? Maybe it's your bad luck."

"NANDAYA KA!!! IMPOSIBLE AKONG MAKAKUHA NG GANITO! SIGURADONG MAY GINAWA KA!"

"Where is your proof?"

Tumahimik si Bombi at nagngingitngit sa galit na nakatingin sa babae. Hindi siya sigurado kung ano ang nangyari. Wala rin siyang pruweba na nandaya ang kalaban niya. Pero sigurado siyang mataas ang mga numero ng dice niya nang ibaba niya ang baso. Ano'ng pagkakamali ang nangyari?

"I'll take my leave now. I'll be collecting my money and cars next time," sabi ni Tammy sa kalmadong boses. Naglakad na siya at ang mga kasama niya papunta sa pinto.

Kaagad na sumenyas si Bombi sa mga tauhan niya. Katulad kanina, humarang ang sampung lalaki sa pinto.

"Walang lalabas!"

"Oh?" Lumingon si Tammy kay Bombi. "Why not?"

"Hindi ka pwedeng lumabas hangga't hindi ko napapatunayan na nandaya ka!"

"Heh. Ipinagmamalaki ng lahat ang galing mo sa sugal pero mukhang wala ka naman palang ibubuga," hindi napigilan ni Nix na mag-salita. Kanina pa siya nagtitimpi. "Ngayon alam ko na kung bakit sinabi nila na hindi ka kailan man natalo. Iyon ay dahil ganito ang ginagawa mo sa mga nananalo laban sa'yo. Isa ka lang palang talunan."

"Tumahimik ka! Ano pa ang hinihintay ninyo?! Sugurin ninyo sila!" utos ni Bombi sa mga kagrupo.

Magkakasabay na sumugod ang sampung lalaki sa grupo ni Tammy. Ngunit nagulat ang lahat dahil sa galing ng mga ito na lumaban. Ang tatlong lalaki na kasama nito ay nagsilbing pader ng proteksyon. Gaano man karami ang sumugod sa kanila, hindi nito nagawang lapitan ang babae sa gitna. Nanatiling kalmado si Tammy, nanonood lang sa nangyayari.

Namutla ang mukha ni Bombi. Sino ba ang mga ito?! Saang lugar sila nanggaling?! Hindi kaya... hindi kaya myembro sila ng isang makapangyarihang grupo?!

Kaagad din na natapos ang laban. Isa isang bumagsak sa sahig ang mga tauhan ni Bombi.

"Tawagan mo ang iba!" ang utos ni Bombi kay Duran. May natitira pa silang mga tao sa labas.

"Y-Yes, boss!"

"Just give up already, Tres." Isang boses ang bumasag sa tensyon. "You lost the game."

Sa gilid ng silid, nakaupo sa isang silya ang isang lalaking may hawak na sketchpad. Nakatingin ito sa direksyon ni Tammy habang gumagalaw ang kamay nito na may hawak na lapis.

Sa magkabilang gilid ng lalaki. Nakatayo sina Djanggo at Riggo. Mukhang nasiyahan ang mga ito sa napanood.

"Ki—" Kaagad na tinakpan ni Banri ang bibig ni Kiel. Pinigilan ang anumang salita na gusto nitong sabihin.

Tumingin si Tammy sa lalaki. Ngumiti ito sa kanya nang mag-salubong ang kanilang mga mata.

"Uno? Ano'ng ginagawa mo rito?" ang gulat na tanong ni Bombi. Hindi niya ito napansin na pumasok sa silid.

'Uno? Isa rin ba itong Boss sa Blackridge Hill?' saisip ni Tammy. Ito ang King ng mga third years. Nakakagulat na malaman na nandito ito ngayon.

Hindi pinansin ni Uno ang tanong sa kanya. Sa halip ay tumayo ito at naglakad palapit kay Tammy. Pinakatitigan nito sa mga mata ang babae saka ito nagbigay ng misteryosong ngumiti. Tila may nalaman ito na sikreto.

Humarap si Uno kay Bombi. "Follow the rules, Tres. Do not shame this place with your incompetence."

Tila isang matalim na kutsilyo ang tumarak sa dibdib ni Bombi. Kaunti lang ang salitang binitawan ng lalaki ngunit sapat na iyon upang umubo siya ng dugo. Kasing talas ng mga salita nito ang tingin na ibinibigay sa kanya. Wala siyang nagawa kundi ang sumuko. Wala siyang balak na banggain ito.

Nakangiting tumingin si Uno kay Tammy. "That was a good show. Congratulations on your win."

Saglit na tinignan ni Tammy ang lalaki. Hindi niya ito mabasa. Tumalikod na siya at naglakad palabas ng silid. Nakasunod sa kanya ang tatlong kasama.

"I'll see you around," habol na sabi ng lalaki.

Saglit na natigilan si Tammy. Nagpatuloy sila sa paglabas ng mansyon.

"Nalaman kaya niya kung sino tayo?" kinakabahan na tanong ni Kiel.

"Ang mahalaga nakalabas tayo dahil sa kanya," sagot ni Banri. Hindi niya alam kung ilan ang mga tauhan ni Bombi sa labas ng mansyon.

Samantala, hindi naman mapigilan ni Tammy na makaramdam ng kakaiba. Para bang may naghihintay sa kanya sa hinaharap. Kakaiba ang tingin sa kanya kanina ng third year king. At ang ngiti na iyon... parang may gustong iparating. Pero ano iyon?