Chereads / High School Zero / Chapter 26 - Chapter Twenty-Six

Chapter 26 - Chapter Twenty-Six

Sa loob ng isang araw, kumalat na parang apoy ang balita ng pagkatalo nina Duran at Bombi laban sa isang misteryosang babae. Nag-dulot ito ng maraming reaksyon mula sa mga tao. Sino ang mag-aakala na may makakatalo kay Bombi sa sugal? Lalo na sa larong dice? Hindi pa ito nangyayari kahit na kailan.

Dahil dito, maraming grupo na galing sa Blackridge Hill ang gustong malaman kung sino ang babae na ito. Nag-umpisa ang pag-iimbestiga nila tungkol sa katauhan ng taong tumalo kay Bombi. Ngunit tatlong araw ang dumaan, wala ni isa sa kanila ang nakakuha ng kahit na ano'ng impormasyon.

Bigla itong nag-laho at walang bakas na iniwan.

Samantala, ang babaeng usap-usapan ng marami ay nananatiling tahimik. Walang intensyon si Tammy na bumalik sa Blackridge Hill. Hindi rin siya interesado sa sinasabi ng mga ito tungkol sa kanya. Ang anumang opinyon ng mga tao roon ay hindi mahalaga sa kanya.

At ang isa pa, sa oras na ito ay may ibang taong umaangkin ng kanyang atensyon.

Muli niyang tinignan ang lalaki sa tapat niya. Kanina pa ito nakaupo at tinititigan siya. Nakuha tuloy nila ang atensyon ng mga estudyante sa canteen.

Lunchbreak. Pagka-lapag palang ni Tammy sa tray ng pagkain niya sa mesa, may umupo na sa katapat na silya. Nagulat siya nang makita ang pamilyar na mukha nito. Suot ng lalaki ang malapad na ngiti sa gwapo nitong mukha at prenteng umupo na parang hari.

"Do you mind?" tanong nito sa kanya.

Para saan pa ang pagta-tanong nito kung naka-upo na ito sa silya?

Bago pa maka-sagot si Tammy ay inunahan na siya ng mga kasama niyang sina Cami, Fatima at Lizel. Nakita niyang kumikislap ang mga mata ng mga babae.

"No problem!"

"You're more than welcome!"

"Kahit araw-araw pa. Ahihihi!"

Walang nagawa si Tammy kundi ang umupo nalang sa pwesto niya.

Gavino Ryu, ang third year King. Uno kung tawagin sa Blackridge Hill. Ano ang ginagawa nito sa building nila? Hindi ba at bawal pumunta ang mga seniors dito?

Nag-labas ang lalaki ng sketch pad at pencil. Nag-umpisa itong gumuhit. Hindi nito itinago ang katotohanan na si Tammy ang iginuguhit nito.

Siniko si Tammy ni Fatima bago bumulong. "Hindi mo sinabi, close pala kayo ni King Gavin."

"Hindi ko siya kilala," maiksing sagot ni Tammy.

"Ang cold!" bulong ni Cami na nasa kabilang gilid niya. Halata na hindi ito naniniwala.

Nag-aalala si Tammy kung ano ba ang pakay ng lalaki sa kanya? At bakit ba siya iginuguhit nito? Sa pagkakatanda niya, parang ganito rin ang ginagawa nito sa Blackridge Hill.

Sinalubong ni Tammy ang mga mata ng binata. Itim na itim ang mga ito at matalas. Tila ba walang makakalusot sa paningin nito.

Hindi kaya... hindi kaya alam nito na siya ang pumunta sa Blackridge Hill noong linggo? Kung oo, ano ang balak nitong gawin? Wala naman siguro itong balak na sabihin sa ibang tao. Dahil maging ito ay nasa lugar din na iyon. Pero ano nga ba ang ginagawa nito roon?

Uno. Tinawag nila itong Uno. Ibig sabihin may inookupa rin itong silid sa mansyon?

***

Hawak ni Hanna Song ang kanyang cellphone nang makita ang naka-post sa forum. Ito ang number one topic sa school nila ngayon.

FIRST AND THIRD YEAR KINGS – IN A SECRET RELATIONSHIP?!

Naka-post ang litrato nina King Tammy at King Gavin sa ibaba ng title. Nakaupo sila sa iisang table at magkatitigan. Sumasabog ang comments ng mga estudyante.

BangBangBang: Bilis gumalaw! Idol! Pero walang forever! Hakhak!

BoomBayah: WAAAAHH!!! PAANO NA AKO?! GAVIN MY LOVE!!! GAVIN OPPA!!!

MrMr: Wait lang... Bagay naman sila! #SHIPnaThis

Bamratatata: #SHOOKT SI AQUOE! Buti pa sila! Ako kaya? Kailan kaya darating si Mr Right ko? Huhu #SHOOKENEDTT #Umaasa

DoomDada: #chairs #table #furniture #arts #aesthetic af

BoyInLuv: @BoomBayah Sa'kin ka nalang. Hindi kita sasaktan! I need you girl!

BoomBayah: @BoyInLuv No, thanks! I don't need a boy, I need a man!

CallMeBaby: BOOM BASAG! @BoyInLuv ay sorry tol na-tag

BlingBling: Open minded ba kayo? Gusto nyo kumita ng pera? PM me! :D

"AAAAAAAAAAHHH!!!" sigaw ni Hanna Song na ikinagulat ng mga kaklase niya. Hindi niya pinansin ang tingin ng mga ito.

'Bakit ba gustong gusto nila ang babaeng iyon?! Hindi ba nila nakikita na nagpapanggap lang siya?! Kahit si King Gavin nahulog sa kanya! Hindi ba nila nahalata na biglang nagbago ang ugali ng babaeng iyon?! Mga bulag ba sila?!'

Pagkatapos ng Kings Tournament, nawala na ang maskara ni Tammy Pendleton. Hindi na ito palangiti at napalitan na ng malamig na aura ang buong pagkatao nito. Ang akala ni Hanna ay mapapansin na ito ng mga taga-hanga nito at iiwasan ang babae. Sobrang saya niya at naghintay ng resulta pero... walang pumapansin! At mas lalo lang lumalaki ang bilang ng mga admirers nito!

Kung may ilang nakapansin man, puro papuri naman ang sinasabi. Na mas bagay daw kay Tammy ang pagiging cold nito. Isang hari si Tammy Pendleton kaya mas nagustuhan nila ito ngayon, hindi lang maganda kundi malakas din.

Si King Nino. Si King Gavin. Balak ba nitong akitin ang lahat?! Sino ang isusunod nito, ang fourth year King?!

Hindi niya maintindihan ang mga ito! Mga abnormal ba ang mga tao sa pinasukan niyang school?! Hindi niya ito kayang tanggapin. Kailangan siyang gumawa ng paraan para masira si Tammy Pendleton sa mata ng lahat!

Muli niyang tinawagan ang isa sa mga lalaking inutusan niya upang bantayan si Tammy. Kailangan niya ng bagong balita!

***

Sa isang talyer, nag-tipon ang grupo ni Bombi. Nakatakdang kunin ang mga napanalunang sasakyan ngayong araw. Hindi alam ni Bombi kung paano nakuha ng mga ito ang numero niya. Bigla nalang siyang nakatanggap ng isang text message na nagsasabi na kukunin nito ang premyo tatlong araw makalipas.

"Nakahanda na ba ang mga sasakyan?" tanong ni Bombi sa kanyang mga tauhan. Lumapit siya at tinignan ang ipinahanda niyang dalawang kotse.

"Boss, sigurado ka ba na ito ang ibibigay natin?" tanong ni Duran saka muling tinignan ang dalawang sasakyan.

"Hah! Ang sabi lang niya, bibigyan ko siya ng sasakyan, hindi ba? Wala naman siyang sinabi kung ano'ng klase," tawa ni Bombi. "Kasalanan niya kaya wag siyang magrereklamo! Hahaha!"

"Ang talino mo talaga, Boss!"

"Naisahan mo siya, Boss!"

"Sige na, dalhin nyo na 'yan sa sinabi nilang lugar," utos ni Bombi sa mga ito.

"Paano yung isang milyon, Boss?"

"Sabihin nyo isusunod ko nalang," ngumisi si Bombi. Hindi niya balak na mag-bigay ng pera. Gusto nito ng isang milyon, pwes maghintay ito sa wala! Hindi pa siya baliw para mag-labas ng ganoong kalaking pera!

"Yes, Boss!"

Tumawa nang tumawa si Bombi dahil sa ginawa niya. Ganti ito para sa pagpapahiya sa kanya. Tama lang ang ginawa niya. Kahit papaano ay nabawasan ang galit niya.

Pero kailangan parin niyang malaman kung sino ito. Hindi siya hihinto sa paghahanap dito hangga't hindi siya nakakabawi.

***

Tinignang mabuti nina Banri, Lodi at Cam ang dalawang nakaparadang sasakyan sa abandonadong playground hindi kalayuan sa school nila.

"F*CK! Ano 'to?!" tanong ni Lodi.

"Nasaan na yung sasakyan namin?!" tanong ni Cam.

Tumingin ang dalawang lalaki kay Banri. Nakuha nila ang pera nila mula kay Tammy kaya inaasahan din nilang mababawi ang sasakyan nila pero... ang mga kotse na nakita nilang nakaparada sa lugar na napag-usapan ay mukhang isang sipa na lang ay bibigay na.

Dalawang beetle cars, isang puti at isang pula. Ang pintura ng mga ito ay mukhang nalusaw na ng panahon. Ang kulay puting sasakyan ay naninilaw na at may parte rin na kulay brown. Ang pulang sasakyan naman ay nagku-kulay kahel na.

"Teka, baka naman hindi ito ang sasakyan natin?" umaasang sabi ni Cam.

"F*ck! Ito lang ang sasakyan sa lugar na ito," sagot ni Lodi. "Paano ko 'to ipapaliwanag sa erpats ko?!"

Lumapit si Lodi sa puting sasakyan. Binuksan niya ang pinto at naamoy ang hindi magandang amoy sa loob. Ang mga upuan ay sira sira na. Galit na isinara niya ang pinto ng kotse.

Sa lakas ng pwersa, biglang nalaglag ang kaliwang side mirror nito. Natigilan si Lodi sa nangyari. Nalukot ang mukha niya at hindi napigilan na sipain ang lumang sasakyan.

"NASAAN ANG AUTO KO?! IBALIK NINYO ANG AUTO KO!!!"

***

Ibinulsa ni Nix ang cellphone niya at tumingin kay Tammy. Narinig nilang dalawa ang paliwanag ni Banri tungkol sa dalawang sasakyan na nakuha nila sa playground.

"Ano'ng masasabi mo sa report ni Banri?"

Sumandal si Tammy sa puno habang iniinom ang paborito nitong strawberry milk shake na nabibili sa canteen. Tumingin siya sa damuhan sa kanyang mga paa.

"Inaasahan ko nang mangyayari iyon."

"Alam mo nang mangyayari pero hinayaan mo pa rin?"

"Hindi ako obligado na ibigay sa kanila lahat ng hilingin nila."

Mas mabuti na ito kaysa ang matuto ang mga estudyante na dumepende sa kanya. Kung ibibigay niya lahat ng gusto nila, masasanay ang mga ito at iaasa sa kanya ang kahit na pinaka-maliit na bagay. Hindi siya isang alipin, isa siyang Hari.

"That's good." Hindi rin gusto ni Nix na maging push over si Tammy dahil sa posisyon nito.

"At ang isa pa, kung hihingiin ko bilang premyo sa sugal ang mga kotse nila, malalaman ng mga taga-Blackridge Hill kung bakit ako nandoon. Hindi ko balak na magpakilala."

Ngumisi si Nix. "Pero mukhang may nakapansin na kung sino ka."

"Wala siyang balak na ipag-sabi."

Alam ni Tammy kung sino ang tinutukoy ni Nix, ang third year King. Siguradong alam na rin nito na nagkita sila kanina sa canteen.

"Bakit parang may tiwala ka kaagad sa kanya?"

"Wala akong tiwala sa kanya. Kung gugustuhin niya, pwede niyang ikalat ang balita pero wala siyang ginawa. Ang ganoong klase ng tao ay marunong itikom ang bibig tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa kanya."

Tinignan mabuti ni Nix si Tammy. Sa ngayon, hahayaan nalang muna niya ito. Pero kapag may narinig siya...

"At ang isang milyon mo, mukhang wala rin silang balak na ibigay."

Tumingin si Tammy kay Nix nang matagal. Nakuha naman kaagad ng binata ang gusto nitong sabihin. Kaagad na bumuntong hininga si Nix at napa-kamot sa ulo nito.

"Alam ko. Alam ko. Ako na ang bahala."

"Salamat."

"You're welcome. By the way, mind telling me kung ano ang napag-usapan ninyo ng third year King?" Ibinalik ni Nix ang usapan tungkol sa lalaki. Naniniwala siyang may interes ito sa alaga niya.

"Wala." Hindi interesadong sagot ni Tammy.

"Kalat na kalat ang balita tungkol sa inyong dalawa."

"Wala kaming pinag-usapan. Umupo lang siya sa tapat ko at umalis din kaagad."

"Tammy, mag-ingat ka sa kanya."

Tumingin si Tammy kay Nix. "Bakit?"

"Anak siya ni Gin Ryu. At sa pagkakatanda ko, mortal na mag-kaaway ang mga ama ninyo. May malaking kasalanan ang Tatay nila sa Tatay mo, Tam."

Inalis niya ang tingin sa binata. Naubos na ang iniinom niya kaya naman itinapon niya ang lalagyan sa malapit na basurahan.

"Hindi kasalanan ng anak ang kasalanan ng magulang nila."

Sino ba si Nix upang hindi ito malaman? Hinawakan niya ang mahabang pilat sa kanyang kamay. Ipinilig niya ang ulo upang alisin ang papalutang na mga alaala.

Tama man ang sinabi ni Tammy, naniniwala parin siya na may parte ng pagkatao ng mga magulang ang naiwan sa sistema ng mga anak nila. At ang isa pa, maipluwensyang tao si Gin Ryu. Siguradong kakaiba ang pagpapalaki na ginawa nito sa mga anak nito.

"Gusto ko lang na mag-doble ingat ka. Hindi ko alam kung bakit dito siya pumasok. Sila ng kapatid niya. Kaya mag-ingat ka sa mag-kapatid na iyon. Wala akong tiwala sa kanila."

"Hmm."

"Hwag kang mag-alala, poprotektahan naman kita kung magkamali ka."

"Nix."

"Oh?"

"Kunin mo ang isang milyon ko."

"..."

"Iyon lang ang kailangan mong gawin."

"..." 'You're not cute at all, Tam!'

Tumunog ang bell ng school. Tapos na ang break nila.

"Kailangan ko nang umalis. Ilipat mo sa account ko ang pera na makukuha mo."

"Tam, ano ang balak mong gawin sa napanalunan mo?" Hindi lang isang milyon ang nakuha nito.

"May gusto akong buksan."

"Buksan na ano?"

"Saka ko na sasabihin kapag natapos na ni Timmy ang plano. At kapag nakuha na namin ang approval ni Mama."

Pinanood ni Nix ang papaalis na si Tammy. Kung ganoon kasama sa plano ang kapatid nito. Ano kaya iyon?