Napagod ako sa kakahabol kay MJ sa huli at tinigilan ko na ang pagpupursigi sa kanya. Itinuon ko ang atensyon ko sa pag-aaral nang mabuti at pagpapractice sa paggigitara hanggang sa may nagpa-audition na banda at nangangailangan sila ng gitarista. Nag-audition ako at nakapasok sa banda nila. Unti unti ay sumikat kami at ngayon nga ay magre-release na kami ng aming debut album at magco-concert sa Araneta.
Nakapagtapos ako ng pag-aaral at ngayon ay abala na sa pag-aasikaso sa napili kong career—ang pagbabanda. Si MJ? Ayun, isa nalang siyang masakit na alaala sa'kin. Nakamove on na ako sa kanya at ngayon ay isa nalang siya sa mga taong nakikinig at humahanga sa aming musika. Mwahahaha! Ako masaya na habang siya, ewan ko. Wala na akong balita. Masaya na ako sa buhay ko at may girlfriend na rin ako. Masaya kami sa isa't isa at kuntento na ako sa kanya.
The end.
Pero syempre, JOKE LANG ang mga sinasabi kong 'to. Napapala ko sa kababasa ng mga kwentong Wattpad, e. Haha!
Gaya ng payo sa'kin ni Drei, nagpahinga lang ako. At sa mga sumunod pang araw at linggo, ganun din ang ginawa ko. Tuloy pa rin ako sa panliligaw sa kanya kahit na panay pa rin ang pande-dedma at pang-isnob niya sa mga ginagawa ko.
Sa tuwing dumarating ako sa puntong pakiramdam ko kailangan ko na ng pahinga, nagbabasa lang ako ng mga wattpad stories na nasa library ko. Nagsa-soundtrip at nagpapractice pang maigi sa paggigitara. Para naman sa susunod na kantahan ko siya, hindi na niya ako masabihan ng kung ano ano pang puna.
Salamat din sa mga kaibigan kong laging nand'yan para sa'kin. Sila ang kakuntsaba't karamay ko sa tuwing dina-down ako ni MJ. Sinabihan ko naman na silang 'wag magbabago ang tingin sa kanya sa tuwing... alam niyo na. Kasi nga, alam kong nahihirapan din siya sa sitwasyon naming 'to. At higit sa lahat, unti unti na rin akong nakakakita ng pag-asa sa'ming dalawa. Parang unti unti na kaming nagkaka-spark.
Sem break ngayon at tatlong linggo din kaming hayahay. Tatlong linggong sarap buhay! Haha! Kausap ko ngayon sina Kid at Ken sa cellphone. Kahit lalaki kami, nagtetelebabad din kami gaya ng mga babae. Wala namang masama do'n di ba? Lalo na't si MJ pa rin naman ang topic namin.
"O ano nang plano mo ngayon, Felix? Sem break at marami kang oras para suyuin si MJ, o!" ani Ken sa kabilang linya habang naririnig ko ang pagtipa niya. Mukhang online ang loko at may ka-chat.
"Oo nga. May three weeks ka para bulabugin siya sa bahay nila!" dagdag naman ni Kid sabay tawa. Napangisi na din ako nang maalala ko 'yung tinutukoy niyang 'pambubulabog'.
"Hindi. Awat na sa pambubulabog sa kanila. Baka sa susunod ipahabol na niya tayo sa aso ng kapit-bahay nila," natatawang sabi ko. "E, ano kaya kung mag-overnight nalang tayo? Tutal sem break naman tsaka para makapag-bonding na rin tayong magbabarkada?" suhestyon ko.
"Uy! Gusto ko 'yan! Tsaka inuman!" pagsang-ayon ni Ken at talagang inuman ang inaabangan niya.
"Hmm, pwede 'yan, Felix. Itanong nalang natin sa iba kung ok sa kanila tsaka kung kelan nila gusto," sagot naman ni Kid.
Matapos ang usapan naming 'yon ay isa isa na naming tinext ang buong barkada para sabihin sa kanila ang plano naming overnight. Agad naman silang sumang-ayon at nag-set ng date kung kelan. Ako naman ang nag-suggest kung saan kami pwede dahil may alam akong clubhouse kung saan pwede naming hiramin ng isang buong gabi. Kumpleto din sa facilities at may dalawang guest room na may kalakihan din namang kama, maliit na kitchen, dalawang cr, at may living room din kung gusto naming mag-movie marathon. May swimming pool din kaya pwede kaming magbasaan kung trip namin.
Sumang-ayon sila sa suggestion ko. Napag usapan naming magpatak-patak para sa mga pagkain namin. Sabi ko, sagot ko na 'yung mga drinks—drinks as in alak. Di naman kasi mawawala 'yon basta nagkasama sama kami, e. Alam niyo naman... Kaya nga malakas uminom si MJ.
Napagkasunduan naming sa susunod na sabado na ang lakad namin. Nakapag-paalam na ako kina Mama at Papa at pumayag naman sila. Alam naman kasi nila ang mga ganitong lakad namin ng mga kaibigan ko. Sanay na rin sila dahil mahilig kaming mag-bonding kahit walang okasyon. Pero liban sa bonding na'to e, syempre, may hidden agenda ako. Palalampasin ko ba naman ang pagkakataong makasama si MJ ng buong gabi—pero walang ginagawang masama, ah—'yung... makasama lang siya. Okay na ako sa ganun basta kasama ko siya.
~ ~ ~ ~ ~ ~ ~
"O pa'no, pre? Papunta na kami sa meeting place. Sina Ben na daw 'yung susundo kina Maiko. Ikaw na bahala kay MJ ah?" ani Ken. Kausap ko siya ngayon dahil nga eto na 'yung araw ng over night namin. Halatang excited dahil paniguradong lalaklak din 'to ng alak. Lalo na ngayon na sem break at ok lang magka-hang over.
"Tinext ko siya kanina, e. Sabi, siya nalang daw ang pupunta kasi may kasama siya. Alam naman daw niya 'yung daan kaya... ayun, di ko na siya susunduin," paliwanag ko sa kanya habang nag-aayos ako ng mga gamit ko. "Siguro kaibigan niya no'ng elem."
"Kasama? Hmm... well, ok lang 'yun. At least may makikilala tayong kaibigan niya liban sa'tin," sagot niya saka bumuntong hininga. "O pa'no? Una na kami, ah? Kita kits nalang!"
"Sige. Papunta na rin ako." Matapos no'n ay ibinaba ko na at ipinagpatuloy ang pag-eempake. Konting damit lang naman ang dala ko dahil nga over night lang naman kami. Nang nasiguro kong kumpleto na ang gamit ko ay agad na rin akong lumabas ng kwarto ko. "Ay, shey! 'Yung gitara pa pala!" nang makuha ko 'yon ay nagmamadali akong bumaba ng hagdan para magpaalam na kina Mama.
"Ma, Pa, alis na po ako," paalam ko sa kanila saka humalik sa pisngi ni Mama. Tinanguan naman ako ni Papa at tinapik sa balikat.
"Ingat kayo, anak. 'Wag masyadong magpapakalasing, ah? Baka may magawa ka," paalala ni Mama.
"Ingat, Felix, ah? Tandaan mo, nanliligaw ka palang," dagdag naman ni Papa na ikinatawa ko.
"Opo. Di naman po ako gaanong iinom, e. Alam niyo namang mahina ako do'n," ngisi ko. "Sige po. Tuloy na po ako."
Nagtungo ako sa garahe namin at agad inilagay sa back seat ang bag at gitara ko. Matapos ay sumakay na ako saka pinaandar ang kotse ko. Habang binabagtas ang daan patungo sa meeting place namin ay hindi maalis ang ngiti ko. Ewan ko ba kung bakit.
Siguro dahil makakasama ko si MJ ng isang buong gabi. Pero nagawa na din naman namin 'to dati, e. Nag-oovernight din naman kami noon, 'yun nga lang, wala pa akong feelings sa kanya at tropa lang talaga ang tingin ko sa kanya. Di kagaya ngayon, para akong kinikilig na ewan. Maisip ko palang na makakasama ko siya ng isang buong gabi, kahit pa panay ang pambabara't pande-dedma niya sa'kin ay ayos lang. Ewan ko ba. Malala na ata talaga ang tama ko sa kanya.
~ ~ ~ ~ ~ ~
Nang marating ko ang meeting place namin ay nadatnan kong nandoon na sila. Sina Maiko, Riz at Eliza, halatang excited na excited na. Naka-shades pa nga sila kahit hapon na. Sina Ben, Jin, Kevin at Ray naman, nagtatawanan at mukhang nagkukwentuhan. Habang si Kid naman ay may kausap sa phone niya.
Bumaba ako ng sasakyan ko at nakipag-high five sa kanila. Nilibot ng paningin ko ang paligid dahil napansin kong wala si Ken at MJ.
"Asan si Ken tsaka si MJ?"
"Si Ken, may binili lang sa 7/11, si MJ naman, kakakausap ko lang at dun na daw sila sa club house didiretso," sagot ni Kid na kabababa lang ng cellphone niya.
"Buti naisipan mong mag-overnight tayo, Felix. Tagal na din nating 'di nagagawa 'to, e. Nakaka-miss!" natatawang sabi ni Riz na sinang ayunan naman nina Maiko at Eliza.
Humalakhak si Ben sabay akbay sa'kin. "Naku, ang sabihin niyo, may binabalak ang isang 'to!" aniya sabay gulo ng buhok ko. Nagkatawanan kami at konting asaran nang dumating si Ken, dala-dala 'yung kung anumang binili niya.
"Ok na! Tara na ba?" tanong niya saka kami nagsakayan sa aming mga sasakyan.
Sina Maiko, Riz at Eliza, kay Ray sumakay. Sina Ben, Jin at Kevin naman, sama sama sa isang sasakyan, at sina Kid at Ken, ayun, silang dalawa ang magkasama. Ewan ko ba naman sa dalawang 'yan. Laging magkadikit saan man pumunta.
"Overnight, here we go!" sigaw nila saka nag-drive. Natatawang napailing nalang ako sa kanila. To be honest, excited din ako. Sobra nga, e.
~ ~ ~ ~ ~ ~ ~
"Kumusta po, Manong Ed!" bati ko sa katiwala ng clubhouse.
"Ikaw na ba 'yan, Felix? Aba'y anlaki mo na, ah!" nakangiting salubong niya sa'kin nang dumating kami sa clubhouse.
"Sila nga po pala 'yung mga kaibigan ko," turo ko kina Ben na kumaway at nag-hello sa matanda. Siya ang nagsisilbing tagabantay at tagalinis ng clubhouse na 'to dahil madalang lang itong gamitin.
"O, pa'no, hijo. Iiwan ko na 'yung susi ng clubhouse sa'yo, ah? Kayo na munang bahala. Basta kung may kailangan kayo, tawagin niyo lang ako," nakangiting sabi ni Mang Ed saka umalis. Malapit lang din kasi dito ang bahay nila.
"Nice! Buti pumayag 'yung kakilala mong ipahiram sa'tin 'to, Felix? Ang ganda ah!" manghang sabi ni Maiko habang sinusuyod ang loob ng clubhouse.
"Kamag-anak kasi nung kakilala ko ang may-ari nito. Kanila lang 'to at hindi pinaparentahan dahil ginagamit nila tuwing may reunion sila. Rich kid kasi 'yon, e. Kaya kayang magpagawa ng pamiya nila ng ganitong clubhouse," paliwanag ko kay Maiko habang ibinababa ang mga gamit namin. "May dalawang guest room dito, tig-isa nalang tayong lahat. Sama sama kaming mga lalaki, sama sama kayong mga babae."
"Sounds good!" ani Riz saka kinuha ang mga gamit nila para ilagay sa magsisilbing kwarto nila.
"Mag-set up na tayo ng grill? Barbeque na!" nakangising sabi ni Ken saka nagtatakbo at nagpatiuna na sa labas.
"Pag talaga pagkain, nangunguna si Ken," naiiling na sabi nina Ben at Kevin saka sumunod kay Ken.
"Nag-text si MJ, malapit na daw sila," pagbibigay alam naman ni Kid. Tumango ako.
Nag-ayos ayos na kami sa labas dahil papagabi na rin at nakakaramdam na kaming lahat ng gutom. Abala sina Ken at Ben sa pag-iihaw ng barbecue habang sina Kevin at Ray naman ang nagse-set up ng mga upuan. 'Yung mga girls, nagbibihis pa ata kaya kami kami palang muna ang nag-aasikaso ng lahat.
Nakapwesto kami sa harap ng pool, may espasyo kasi dito kung saan pwedeng mag-set up ng lamesa't upuan. Sa gawing kanan naman ng pool ay may basketball court at sa kaliwa naman ay may gazebo. Hindi naman ganoong kalakihan ang buong clubhouse dahil private property 'to. Talagang pampamilya lang ang itsura't disenyo.
Bandang alas sais y medya ay nakarinig kami ng papadating na motor. Alam na agad namin kung sino 'yon kaya hindi na kami nag-abalang tingnan pa. Lalo na ako.
Nang makapag-park at makababa sila sa motor niya ay agad silang lumakad palapit sa'min. Napangiti ako habang pinagmamasdan ang papalapit na si MJ. Katabi niya ang isang babaeng ngayon ko lang nakita. Bahagyang napakunot ang noo ko.
"Kilala mo ba 'yung kasama ni MJ?" tanong ni Ken habang may kagat kagat na hotdog.
"Hindi, e. 'Yan siguro 'yung sinasabi niyang kasama niya," kibit balikat ko naman. Ganun din ang ginawa ni Ken at ipinagpatuloy na lang ang pag-iihaw niya.
"Sorry na-late kami. M-May inasikaso lang kami saglit," bungad ni MJ nang makalapit siya sa'min. Nandoon pa rin 'yung boyish aura niya na hindi ko maikakaila. Di bale na, sanay na naman ako, e. "Siya nga pala si—"
"Anniesette. Annie for short," putol ni Annie sa sasabihin ni MJ. Naglahad siya ng kamay sa akin at agad ko naman itong tinanggap. "Nice meeting you, Felix." Aniya na bahagyang ikinakunot pa ng noo ko.
"Nice meeting you, too." Asiwa naman at tila nawiwirduhan ay ngumiti ako. "Ibaba niyo nalang 'yung mga gamit niyo dun sa kwarto niyo. Paturo mo nalang kina Maiko kung saan," sabi ko saka iginaya ang pinto sa kanila.
Bago tuluyang lumakad papasok sina MJ at 'yung Annie ay sumulyap sulyap pa sa akin si Annie. Para bang kinikilatis ako na ewan. Napakamot ako ng ulo.
"Iba makatingin 'yung kasama ni MJ na 'yon, ah. Para kang hinihimay," ani Kid na nasa gilid ko pala at pinagmamasdan din sila.
"Siguro kinikilala lang niyang maigi 'yung mga kaibigan ni MJ. Concerned friend." Kibit balikat ko saka bumalik sa ginagawa ko.
Bandang alas otso ay nagsimula na kaming magkasiyahan. Kwentuhan, kantahan, ay basaan na halatang enjoy naman ang lahat. Bawat isa sa'min ay may hawak na San Mig Light, pwera lang do'n sa kasama ni MJ na kanina pa niya kadikit.
Lumapit ako sa kinauupuan nila at binalingan si MJ. "'Wag kang lalaklak ng alak, ah. Kilala kita," paalala ko sa kanya pero parang bingi lang siya dahil bigla niya lang tinungga 'yung hawak niyang bote at nilagok lahat ng laman. Napabuntong hininga nalang ako. Ganyan siya, e. Habang pinipigil, lalong ginagawa.
Nang medyo lumalim na ang gabi ay nagbilog bilog kami sa paligid ng pool. Sina Maiko, Riz at Eliza, naglalangoy sa pool at nagbabasaan, sina Ben at Ken naman, nagkakatuwaan sa pagkain, katabi ko sina Kid, Kevin, Jin, Ray na pawang may mga hawak na bote. Ganun din si MJ na katabi pa rin si Annie na nakaupo sa monoblock chair na medyo malayo sa'min.
"Na-oOP kaya sa'tin si Annie kaya lagi lang siyang nakadikit kay MJ? Kanina pa hindi maghiwalay 'yung dalawang 'yan ah," puna ni Kid na kanina pa pinapansin sina MJ.
"Baka. First time lang kasing nagsama ni MJ ng ibang kakilala, e. Ngayon nga lang din natin siya nakita," dagdag naman ni Jin sabay tungga nung San Mig niya.
Maya maya ay nakita naming tumayo silang dalawa pero ang ikinakunot ng noo ko ay nang maghawak kamay sila. Bakit pakiramdam ko may mangyayaring di maganda?
Lumakad sila papunta sa'min at napansin kong natigilan din sina Maiko at pinanood silang lumakad papalapit sa amin na nakaupo sa gilid ng pool. Nang marating niya ang kinauupuan namin, nakita kong huminga ng malalim si MJ at pinisil ng mas mahigpit ang kamay ni Annie.
"Guys, hindi ko pa siya pormal na naipapakilala sa inyo, di ba?" simula niya saka nagbaling ng tingin kay Annie na tinanguan naman siya. Matapos ay muling nagbaling ng tingin sa amin na pawang may nagtataka't naguguluhang ekspresyon.
"Isinama ko siya dito para pormal na maipakilala siya sa inyo. Siya nga pala ang..."
'Yung bandang simula ng sinabi niya, naintindihan kong maigi at malinaw pero 'yung huli, para akong nabingi.
"T-Teka... seryoso ka ba, MJ?"
"Wait, is that a joke?"
"Alam kong palabiro ka MJ pero hindi magandang biro 'yan!" kanya kanyang reaksyon nina Ken, Eliza at Ben.
Nang sinabi niya 'yon ay nasa akin lang ang tingin niya at tila ako talaga ang pinagsasabihan niya no'n. Parang sa'kin niya talaga ipinaaalam ang bagay na 'yon. Hindi ma-digest ng utak ko. Pakiramdam ko bigla akong nabobo at hindi makaintindi ng anumang salita.
"T-Teka, Kid... p-pakiramdam ko nabingi ako, e. T-Tinamaan na ata ako ng San Mig..." Dahan dahan at tila nanghihina akong tumayo pero pakiramdam ko nanlalambot ang tuhod ko. Humawak ako sa posteng nahawakan ko para suportahan ang bigat ko.
"Felix! Sa'n ka pupunta!" alalang sigaw nila nang medyo nakalayo na ako.
Hindi ako sumagot dahil pakiramdam ko hindi ko kaya. Para akong nabibingi na hindi ko mawari pero may salitang paulit ulit na nag-rereplay sa utak ko. Kumikirot ang dibdib ko at para akong nauubusan ng hangin. Ang sakit. Tangina ang sakit.
Dahil ang huling salitang sinabi niya na tila dumurog sa mundo ko ay...
"...girlfriend ko."