Chereads / Paint Me Red / Chapter 12 - CHAPTER 11

Chapter 12 - CHAPTER 11

"YOU are so screwed! Ano ba naman kasi ang iniisip mo?" bulalas ni Bianca. Halatang kunsumido ito.

"Sorry naman. Wala ako sa sarili," katwiran ni Ruby. Ka-video chat niya ang kaibigan. Kakaalis lang nito noong isang araw para katagpuin ang nobyo sa Singapore. Umuwi ng Germany ang lalaki dahil may aasikasuhin sa negosyo nito. Matatagalan daw ito roon kaya sinamantala ng mga ito ang pagkakataong magkita nang magkaroon ng business meeting ang lalaki sa SG.

Naging balita ang pag-raid sa party na pinuntahan niya. May kasama palang media iyong mga operatibang sumugod doon. Matagal na raw under surveillance iyong may-ari ng bahay at napapabalitang talamak ang paggamit ng party drugs sa mga pagtitipong ginaganap doon. Sa kamalasan, isa si Ruby sa mga nakunan ng camera. Nabandera tuloy ang mukha niya sa mga balita. Umalis siya sa nirerentahan niyang bahay sa takot na bigla na lang siyang i-tokhang. Pinatuloy muna siya ni Bianca sa studio unit nito pero hindi rin siya kumportableng magtagal doon. Baka matunton siya agad-agad.

Dahil kailangan niya ng pagtataguan kaya napilitan siyang ipaalam sa kaibigan ang nangyari sa kanya. Kaya ngayon ay tinatalakan siya nito. Napanood na rin kasi nito sa You Tube ang mga balita.

"Obvious nga na wala ka sa sarili mo. At kasalanan mo rin. Sinabi ko naman kasi sa iyo, 'wag kang magpapatol sa mga parties na 'yan. Gets ko na kailangan mo ng juice para tumibay ang sikmura mo. Hindi ako pabor doon pero sige na, hindi na kita kukulitin doon. Pero sana ay hanggang doon ka na lang. Hindi ka na dapat sumubok ng ibang substance. Kita mo ngayon, lumaki ang problema."

"Mali ako, inaamin ko naman."

"Huli na. Paano kung matunton ka? Paano kung..." Hindi itinuloy ni Bianca ang sinasabi pero sa itsura nito na kitang-kita ang pag-aalala ay nahuhulaan niya kung ano ang tinutukoy nito. Puwedeng-puwede na basta na lang siya biglang itumba at ang idahilan ay ang pagiging drug user niya. Wala sa hinagap niya ang manlaban pero nagpapakatanga na lang ang naniniwala na lahat ng napapatay sa drug war ng administrasyon ay nanlaban talaga.

"Magpalamig ka muna, bes. Hindi kita pinapalayas diyan sa tirahan ko pero delikado ka pa rin diyan eh. Ang dali mong mahahanap," sabi ni Bianca.

"Pero saan ako pupunta?"

"Magtatanong-tanong ako. Baka may alam na lugar si tatay o kaya ay si Bronson." Ang nakababatang kapatid nito ang tinukoy ni Bianca. "O sige, dumating na si honey dudes. Chat ulit tayo mamaya."

Nagpakawala ng hininga si Ruby nang mawala na ang ka-chat niya. Nang ibaba niya ang phone ay napansin niyang nanginginig ang kamay niya. Kung side effect iyon ng ipinainom sa kanya ni Cliff o dahil lang sa kinakabahan siya, hindi niya alam.

Inihilamos niya ang palad sa mukha niya. Kasalanan ng lola niya ang lahat. Okay, alam niyang hindi tutoo iyon. Well, maybe it is partly true. Kung hindi sila tinalikuran nito nang bonggang-bongga ay puwedeng hindi siya humantong sa ganoon. Pero aminado si Ruby na may kasalanan din siya. Nasa kanya pa rin naman ang desisyon kung ano ang gagawin niya sa buhay niya.

Napalundag siya nang may kumatok sa pinto. Alertong gumala sa paligid ang mga mata niya, naghahanap ng madadaanan para tumakas. Unfortunately, the place has no escape route. Wala iyong backdoor, may fire escape pero nasa harapan pa rin ang bintanang kinakabitan niyon. Makikita at makikita siya ng kumakatok kung doon siya dadaan.

Naulit ang pagkatok. Mas malakas iyon. Kumakabog ang dibdib, tumayo si Ruby. Naisipan niyang tignan kung makakalabas siya sa maliit na bintana sa banyo.

"Tao po..." May sinabi ang kumatok. Pangalan ng isang delivery service. Nakahinga siya nang maluwag. Nagp-panic agad siya eh mukhang may ide-deliver lang na produkto sa kaibigan niya.

Binuksan na niya ang pinto.

"Ikaw ba si Ruby Chavez?" tanong ng lalaking nabungaran niya.

Nanuyo ang lalamunan niya. Mukhang paraan lang nito para lumabas siya ang pagsasabi nito ng pangalan ng delivery service. May ibang pakay ito. Malamang nga ay para itumba siya, di kaya ay hulihin.

Malaki ang kaha nito, nakasuot ng shades, naka-jacket. Biglang dumako ang kamay nito sa bandang tagiliran, sa bahaging natatabingan ng jacket nito. Naisip ni Ruby na baka baril ang hinuhugot nito. Umakma siyang tatakbo pero parang naparalisa ang buong katawan niya. Hindi niya magawang gumalaw. The man is now slowly pulling out his hand. Hinintay na lang niya na tumutok ang baril sa mukha niya.